FEATURED Manggagawa

Giit ng guro: Sahod, dagdagan


Hindi ambisyoso ang mga guro. Nais lang nila ang nakabubuhay na sahod na nararapat na ibigay sa kanila.

Piket ng mga guro sa pamumuno ng Alliance of Concerned Teachers sa tanggapan ng Department of Budget and Management. <b>Elisa Alunday</b>
Piket ng mga guro sa pamumuno ng Alliance of Concerned Teachers sa tanggapan ng Department of Budget and Management. Elisa Alunday

Habang tiyak ang umento sa sahod ng mga pulis at sundalo sa susunod na taon, nananawagan pa rin ang mga guro at kawani sa pamahalaan ng dagdag sa kanilang sahod na ipinagkait sa kanila ng nakaraang administrasyong Aquino.

Umaasa ang mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na mabigyan sila ng umento sa sahod at maisama ito sa pambansang badyet sa susunod na taon.

“Kulang pa rin ang buwanang sahod ng pampublikong mga guro at kawani. Barat at kakarampot naman ang four-year salary hike na ipinatupad sa ilalim ng Executive Order (EO) 201 ni Aquino na tinutulan ng mga guro at kawani,” ani Benjie Valbuena, tagapangulo ng ACT.

Di-ambisyoso

Sa kasalukuyan, nasa P19,000 ang buwanang suweldo ng entry level na mga guro sa pampublikong paaralan at P9,000 sa non-teaching personnel at kawani sa pamahalaan. Sa tala ng National Wages and Productivity Commission, kinakailangang kumita ng P30,000 sa isang buwan ang isang pamilya na may anim na miyembro para mabuhay nang disente at marangal.

Sa ilalim ng EO 201, nasa 11 hanggang 22 porsiyento o P543 sa kada buwan o P24 kada araw lang ang umento sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa loob ng apat na taon. Balak pang higpitan ng Department of Budget and Management (DBM) ang maliit na ngang umento sa ilalim ng EO 201 na nangangahulugang walang dagdag-sahod ang maraming guro at kawani.

Iginiit ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio kay DBM Sec. Benjamin Diokno na hindi “todo ambisyoso” ang hiling ng mga guro at kawani na dagdag sahod.

“Hindi ‘todo ambisyoso’ ang hinihinging dagdag katulad ng ibinigay sa militar at uniformed personnel. Ang mga kawani ng gobyerno na naglilingkod sa mamamayan sa abot ng kanilang kakayanan ay may mga parehong pangangailangan upang buhayin ang kanilang mga pamilya at apektado rin ng patuloy na pagtaas ng halaga para mabuhay,” saad ni Tinio.

Siningil naman ni ACT Teachers Rep. France Castro ang DBM sa union incentive ng mga guro na napagkasunduan sa Collective Negotiation Agreement ang ACT Union- NCR at Department of Education (DepEd)-NCR.

Ayon kay Castro, nakadepende sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) savings ang pondo para sa insentibo, samantalang tatlong paaralan lamang sa NCR ang nagdeklara ng MOOE savings. Hindi rin nararapat na kunin pa sa MOOE ang insentibo ng mga guro dahil kulang din ang MOOE ng mga pampublikong paaralan.

ACT chair Benjie Valbuena. <b>Elisa Alunday</b>
ACT chair Benjie Valbuena. Elisa Alunday

Panibagong hamon

Inihain muli ng ACT Teachers Party-list ang House Bill 56 sa Kamara upang itaas ang sahod ng mga guro at kawani at patuloy ang pakikipag-usap ng ACT sa mga mambabatas sa tulong ng blokeng Makabayan na madagdagan ang sahod at benepisyo ng mga guro at kawani.

Nagkaroon din ng dayalogo ang mga grupo kay DepEd Sec. Leonor Briones. Nangako si Briones na pag-aaralan ang mga patakaran tulad ng K-12 at mga bagong polisiya na nagpapahirap sa mga guro.

Nakakasa ang mga pagkilos ng mga guro at kawani para ipanawagan ang taas sahod sa Walk for Peace sa Setyembre 30 at sa isang pambansang pagkilos sa World Teachers’ Day sa Oktubre 5.