Rebyu

Ekstra-Ordinaryo


Rebyu ng pelikulang Pamilya Ordinaryo na dinirehe ni Eduardo Roy Jr.

Ipinakita ng pelikulang Pamilya Ordinaryo kung paano pinabababa ng kahirapan ang halaga ng dignidad ng tao. Ang kuwento ay umikot kina Jane at Aries, batang mag-asawa na nakatira sa gilid ng isang lumang sinehan sa Maynila.

Hinahanap nila ang sanggol nilang ninakaw.

p8b-kultura

Salamin

Nagsilbing antithesis ang pelikulang ito sa karaniwang paniniwala na tamad ang isang tao kung kaya nananatili siyang mahirap. Ang kahirapa’y isang kumunoy na lumalamon sa tao. Ang bidang mag-asawa’y ipinanganak sa kumunoy na ito at ang pagkapit sa patalim ang naging paraan nila para hindi tuluyang lumubog.

Kathang-isip man ang pagsasabuhay sa karakter nina Jane at Aries, hinugot sa reyalidad ang malaking bahagi pa rin nito. Ang pang-aapi ng mga pulis kay Jane nang mawala ang kanyang anak ay sumasalamin sa pang-aabuso ng mga taong nasa kapangyarahin sa kanilang posisyon. Ang kibit-balikat na trato naman ng mga tao mula sa estasyon ng radyo at telebisyon sa kuwento ng mag-asawa ay sumasalamin sa mapagsamantalang katangian ng midya. Bagaman binigyan ng tulong na limandaang piso at “pakain” sina Jane at Aries, isa lang silang kuwento na kailangang ipahayag sa mga manonood o tagapakinig bago ang kanilang deadline.

Matapang, may puso

Madalang ang paggamit ng musika sa kabuuan ng Pamilya Ordinaryo. Ang mga artista at bigat ng kanilang binibitawang linya ang mas nagdala ng emosyon sa pelikula. Tila naging kasangkapan ang maya’t mayang pagmumura ng mga tauhan para maipadama ang pinagsakluban ng langit at lupang kalagayan ng mga bida.

Katangi-tangi ang karakter ni Jane bilang isang ina at tao. Tulad ng isang nanay, hindi siya sumuko sa paghahanap sa nawawala niyang anak kahit pa nang komprontahin ng posibilidad na mas maayos ang buhay ng anak sa pinagbentahang pamilya. Para sa kanya, ang anak niya’y hindi kailanman magiging anak ng iba tumbasan man ito ng kayamanan.

May ilang senaryo na masarap batukan ang bidang lalaki na si Aries dahil sa paulit-ulit na pagtawag nito ng bobo sa asawang si Jane ngunit sa kabuua’y katanggap-tanggap naman ang karakter niya. Bagamat bata pa, si Aries ay kumakatawan sa kulturang macho sa kalalakihan. Sinisiguro nito na ligtas ang asawa lalo na sa bandang dulo ng pelikula. Madalas siyang tumutol sa kagustuhan ng asawa pero hindi niya iniiwanan si Jane.

Ekstra-ordinaryo

Mapangahas ang Pamilya Ordinaryo sa pagtalakay ng mga temang tungkol sa kahirapan. Sa mga kuwentong kinasanayan ng mga Pilipino, laging mayroong tunggalian sa pagitan ng api at inaapi ngunit sa pelikulang ito’y ipinakita kung gaano kasalimuot mapunta sa aping kalagayan — walang divine intervention, manu-mano lang na nakikipaglaban ang pamilya Ordinaryo sa kumunoy ng kahirapan.