FEATURED

Binuburang komunidad ng Patungan


Sa banta ng pagpawi sa kanilang komunidad para sa ekoturismo, natututong A lumaban ang mga mamamayan ng Maragondon. 

Ang Patungan ay isang maliit na komunidad sa baybayin ng Maragondon, Cavite. Ang maliit nilang pamayana’y nabubuhay sa pangingisda at pagsasaka.

Limang dipa lang ang layo ng kanilang maliit na simbahan mula sa paaralan. Kapag bahagyang naglakad ka pasilangan, matatanaw na ang tuktok ng bundok Pico de Loro.

Binuburang komunidad

Ang 602-ektaryang komunidad ay binenta ng nag-aangkin na kompanyang Maria Theresa Virata (MTV) Corp. sa Manila Southcoast Development Corporation (MSDC) na pagmamay-ari ng malaking negosyanteng si Henry Sy. Balak ng MSDC na gawing eco-tourism hub at tayuan ng beach resort ang lugar.

Sa bisa ng demolition order na inilabas ng Naic Regional Trial Court (RTC), nangyari ang isang marahas na demolisyon nitong nakaraang Agosto 22 at 23 sa Patungan na kinasangkutan ng mahigit 1,000 pinagsamang bilang ng Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force (PAF), Special Weapons and Tactics (SWAT) at pribadong security guard ng MTV Corp.

Nang dahil sa pagbabarikada ng mga residente ay 19 na kabahayan lamang ang nasira pero nag-iwan pa rin ng 21 pamilyang walang tirahan.

Ayon sa National Fact Finding and Solidarity Mission ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya – Pilipinas), gumamit ng tear gas at nagpaputok ng baril ang mga nagsagawa ng demolisyon.

Nagkaisa ang mga mamamayan ng Patungan para tutulan ang pagtataboy sa baybaying tinitirhan at kinakalinga nila at ng kanilang mga ninuno bago sila. <b>Marjo Malubay</b>
Nagkaisa ang mga mamamayan ng Patungan para tutulan ang pagtataboy sa baybaying tinitirhan at kinakalinga nila at ng kanilang mga ninuno bago sila. Marjo Malubay

Hindi makatao

Ilang metro lang ang layo mula sa unang bahay na nabuwal ay matatagpuan ang itinayong kampo ng pribadong mga security guard ng MTV Corp.

Nagtanim ang mga residente ng “aroma” o mga punong-kahoy na matinik bilang pangharang sa kampo dahil bago pa man maganap ang marahas na demolisyon ay patung-patong na paglabag sa karapatang pantao sa mga residente mula sa mga security guard na ito.

Sari-saring reklamo na ang isinampa ng mga residente sa korte tulad ng sexual harassment at pagpatay. Pero nakakapag-piyansa ang mga suspek o di kaya’y nadidismis lang ang kaso.

Ipinaabot ng mga residente kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang pagpigil ng mga security guard sa mga residente na makalabas-masok sa komunidad. May mga nakatayong checkpoint outpost na binabantayan ng mga armadong naka-uniporme sa nag-iisang entry point ng lugar na madadaanan ng sasakyan.

Ayon sa mga residente, hindi sila pinapayagang magpasok ng mga pagkain, mga kagamitang pangkonstruksiyon tulad ng semento, yero, at iba pa. Napapamahal sa krudo at napipilitang magbangka ang mga residente para lamang makapunta sa bayan at makauwi.

Nakipagpaliwanagan si Casilao sa mga security guard tungkol sa mga sumbong ng mga residente. Pero ang naging tugon lang ng mga ito ay “sumusunod lamang sila sa utos ng nakakataas” sa kanila.

Naglagay ng mga sakong istrimer ang mga residente na naglalaman ng mga panawagan nila para makita ng mga security guard. <b>Marjo Malubay</b>
Naglagay ng mga sakong istrimer ang mga residente na naglalaman ng mga panawagan nila para makita ng mga security guard. Marjo Malubay

Bangon Patungan

Bago pa mangyari ang demolisyon, nahahati sa dalawang grupo na magkaiba ang abogado ang mga residente ng Patungan. Ang pagkatalo sa korte ng isang grupo ang naging dahilan kung bakit nailabas ng Naic RTC ang Writ of Demolition na nagbigay-daan sa nakaraang demolisyon.

Tila napanday ng nakaraang demolisyon ang pagkakaisa ng mga residente ng Patungan sa pagtatanggol ng kanilang karapatan sa panirahan. Magkasamang itinaboy ng mga residente ang demolition team, kanila man o hindi ang bahay na ginigiba.

Kasalukuyang binubuo ng mga biktima ng nakaraang demolisyon ang kanilang mga bahay na nabuwal. Nangako naman si Casilao na tututukan nila sa Kamara ang kaso ng mga taga-Patungan. Pero ipinaabot pa rin niya sa mga residente na ang pinakamalakas na panangga nila laban sa landgrabbers ang kanilang pagkakaisa.