FEATURED

Bagong badyet, lumang sistema


Sa kabila ng pangako ng bagong rehimen na ilayo ang pondo ng gobyerno sa korupsiyon, nananatiling bulnerable ito sa pang-aabuso ng mga may kontrol dito.

MAIN STORY. Isyu ng PW sa sunod na linggo. Cover photo: PW File Photo ni LJ Pasion
MAIN STORY. Isyu ng PW sa sunod na linggo. Cover photo: PW File Photo ni LJ Pasion

Naging mainit ang pagtalakay sa pambansang badyet ng nakaraang administrasyong Benigno Aquino III. Naging target ng protesta ang pork barrel at pondong lump sum, partikular ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng pangulo at ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas.

Sa pagkakaluklok ni Pangulong Duterte, nangako ang bagong administrasyon sa mga mamamayan ng tunay na pagbabago at ng pagiging tapat at bukas ng pamahalaan sa paggugol.

Itinuturing na transition budget ang P3.350-Trilyon na panukala para sa taong 2017 ng Department of Budget and Management (DBM) na mataas nang 11.6 porsiyento mula sa badyet ng kasalukuyang taon.

Ayon sa presidential budget message, sentro ng “A Budget for Real Change” ang pagsugpo sa krimen at korupsiyon para maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa gobyerno.

Masasalamin sa badyet ang mga patakaran ng administrasyon sa pamamahala at ekonomiya. Kinakailangang tugunan nito ang kawalang-hanapbuhay, malawakang kahirapan, agwat ng mayaman sa mahirap, at makitid na pag-unlad ng ekonomiya.

Hinimay at sinuri ng Kabataan Party-list ang nilalaman ng panukalang badyet sa taong 2017.

Nakabatay sa pautang

Inaasahan ng gobyerno na makakalikom ng P2.48-T mula sa buwis at iba pang kita ng gobyerno tulad ng non-tax revenues at pribatisasyon. May pagkukulang o budget deficit na P478.1-Bilyon.

Upang punan ang depisito, manghihiram ang gobyerno ng P631.1-Bilyon mula sa dayuhan at lokal na pautang. Sa halagang ito, P478.1-B ang gagamitin para punan ang depisito, P89.3-B ang ilalaan sa maturing debt obligations o pambayad-utang at P45-B na sinking fund.

Aabot sa P6.5-T ang kabuuang pananagutan ng Pilipinas sa dayuhan at lokal na pautang sa katapusan ng 2017. Ibig sabihin, magiging P62,199 ang utang ng bawat Pilipino sa katapusan ng 2017 mula sa P59,928 sa katapusan ng 2016.

Planong babaan ang income tax ng mga nagtatrabaho at korporasyon ngunit may plano ring taasan ang value-added tax (VAT) sa mga bilihin at serbisyo upang saluhin ang pagbaba ng income tax. Sa kabila ito ng panukala ng mga progresibo na magpatupad ang gobyerno ng isang progresibong sistema sa pagbubuwis na magtataas ng buwis ng mayayaman at malalaking negosyo at magpapagaan sa indirect taxes tulad ng VAT upang matulungan ang mahihirap.

Kontrol ng iilan

Nananatili ang mga kontrobersiyal na pondong lump sum sa pambansang badyet ng 2017. Halos walang ipinagkaiba ito sa nakaraang mga badyet ng gobyerno sa kabila ng pagdedeklara ng Korte Suprema na ilegal ng DAP at PDAF.

(Kapag sinabing lump sum, hindi nakasaad sa badyet kung saan gagastusin ang pondo. Tanging ang presidente, o kaya naman ang opisyal ng gobyerno na nangangasiwa, ang may kontrol dito.)

Kinuwestiyon ni Kabataan Rep. Sarah Jane Elago sa nakaraang pagdinig sa Kamara ang P1.4-T Special Purpose Funds (SPFs) na lump sum at discretionary ang katangian sa kabila ng transparency na isinusulong ni Duterte. Binigyang-pansin din ni Elago ang mga probisyon sa badyet na katulad ng DAP.

Nasa P1.339-B ang program-med SPFs habang P67.5-Milyon ang unprogrammed SPFs na walang malinaw na paglalaanan. Ang mga pondong ito na nasa isang-katlo (1/3) ng kabuuang badyet ay naging sentro ng pagsusuri sa mga nagdaaang taon dahil napupunta sa korupsiyon at ginagamit sa sistemang padrino.

Ang mga probisyon sa badyet na maihahalintulad sa DAP ni Aquino ay nagbibigay sa pangulo ng kapangyarihang magdeklara ng savings at magpalipat-lipat ng pondo sa ehekutibong sangay.

Nakakalula rin ang pagtaas ng badyet para sa confidential at intelligence funds. May kabuuang P3.670-B o dagdag na 131 porsiyento ang confidential at intelligence funds at P2.5-B o 400 porsiyentong pagtaas ang mapupunta sa Malakanyang. Kalakhan dito’y gagamitin sa pagpapaigting ng giyera kontra-droga.

Kahit idineklarang ilegal ng Korte Suprema ang PDAF, nakakubli ang pork barrel sa badyet.

Pinahintulutan ang mga mambabatas na magrekomenda ng proyekto sa iba’t ibang ahensiya katulad ng farm-to-market roads, tulong pinansiyal para sa kalusugan at scholarship.

Budget hearing sa Kamara. Photo courtesy <b>Kabataan PL</b>
Budget hearing sa Kamara. Photo courtesy Kabataan PL

Badyet ng mga sektor

Sektor ng edukasyon ang may pinakamataas na alokasyon na P699.95-B.

Pero kalakha’y mapupunta sa programang K-to-12, lalo na sa pagpapagawa ng mga bagong gusali sa ilalim ng Public-Private Partnerships (PPP). May P34.6-B pondo para sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (Gastpe) para sa pribadong mga paaralan. Nasa 13 state universities and colleges (SUCs) ang may kaltas sa badyet. Inaasahan ng DBM ang SUCs na kikita ng bilyong piso mula sa paniningil ng mga bayarin tulad ng matrikula.

Ang pondo para sa kalusuga’y aabot ng P151.5-B mula sa P132.7-B ng 2016. P50.2-B ang mapupunta sa PhilHealth habang P25.3-B lang ang direktang pondo ng mga pampublikong ospital. Nagdagdag rin ng pondo para sa drug rehabilitation facilities. Hindi pa rin magiging abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan sa mahihirap dahil sa layong gawing pribado ang pampublikong mga ospital habang nasa ilalim ng PPP ang pagpapatayo ng pasilidad.

Tulad ng ipinangako ni Duterte, may dagdag-pondo ang militar at pulisya. May P110.4-B ang Philippine National Police (PNP) para magbukas ng 10,000 posisyon at pondohan ang giyera kontra-droga. Nasa P130.6-B ang pondo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kontra-terorismo at protektahan ang West Philippine Sea. Kasama na sa pondo ng PNP at AFP ang pangakong dagdag sa sahod ng mga pulis, sundalo at iba pang uniformed personnel.

Ang P50.6-B na pondo ng Department of Agriculture ay mapupunta sa libreng irigasyon, farm-to-market roads at mga dam kasama ang kuwestiyonableng Balog-balog Multipurpose Dam Project sa Tarlac at Jalaur Dam Project sa Iloilo. Nasa P10.144-B naman ang nakalaan sa Department of Agrarian Reform.

Nananatili pa ring priyoridad ang PPP ilalim ng iba’t ibang ahensiya.

Sa paggawa, naglaan ng pondo ang pamahalaan sa pagtataas ng sahod ng pampublikong mga kawani sa ilalim ng di-pantay na Salary Standardization Law 4 na nagbibigay-tuon sa performance-based bonus ng mga kawani.

May P2.9-B pondo ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Project, P200-M sa Augmentation Measures Program for Displaced Workers under K-12 Program para sa mga nawalan ng trabaho sa pagpapatupad ng K-to-12 at P50-M Emergency Repatriation Program ng mga migranteng manggagawa.

Eksena sa isa sa mga protestang kontra pork barrel noong 2014. <b>PW File Photo<b/>
Eksena sa isa sa mga protestang kontra pork barrel noong 2014. PW File Photo

Kahina-hinala

Lubhang malaki ang pondong nakalaan sa Payapa at Masaganang Pamayanan Program (Pamana) na P7-B. Ang nasabing programa’y nagbibigay ng serbisyo sa kanayunan ngunit ginagamit ng AFP at iba pang ahensiya sa kontra-insurhensiya.

Nananatiling mataas ang badyet sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may kabuuang P171-B. P78.7-B ay mapupunta sa Department of Social Welfare and Development at P29.8-B sa Department of Health.

Ang P9.5-B ay para sa Housing for Resettlement  from Danger Areas na nanga-ngahulugan ng demolisyon sa mga komunidad ng maralita.

Tungo sa pagbabago?

Makikita na ang panukalang pambansang badyet sa 2017, ang unang badyet ng administrasyong Duterte, ay halos walang pinagkaiba sa mga nakaraang badyet. Malaki pa rin ang pondong pabor sa malalaking negosyo sa PPP at patuloy na pag-igting ng neoliberal na mga patakaran na lalong nagpapahirap sa mga mamamayan.

Dagdag pa rito ang pagiging palaasa ng pamahalaan sa dayuhan at lokal na mga pautang at mga pondong maaaring magamit sa korupsiyon. Sa kabila ito ng pangako ng bagong pangulo na susugpuin ang korupsiyon sa pamahalaan.