FEATURED Magsasaka

Mapait ang asukal sa ‘sugar bowl capital’


Bukod sa tagtuyot, may mas matindi pang kinakaharap na krisis ang mga magsasaka ng asukal sa Negros Occidental.

Hanggang saan aabot ang P40 mo? Maaaring sapat na itong pambili ng isang kilong bigas, o ng dalawang piraso ng sikat na sorbetes.

Pero para sa mga tulad ni Nanay Lani, manggagawang bukid sa Hacienda Ilimnan sa Negros Occidental, walang gaanong inaabot ang P40. Lalo na’t ito ang tanging halagang dapat na tumustos sa buong pangangailangan ng pamilya niya. Kasi, bago pa man ito makuha, binabawasan na ang sahod niya bilang bayad sa inutang niyang bigas at iba pang bilihin. Ang naiuuwi na lang ni Nanay Lani: P43.42, sa 15 araw na trabaho.

‘Yun pa ay sa panahon ng masaganang anihan ng asukal sa asyenda.

Tiempo muerto

Tiempo muerto (dead season) ngayon, at bibihira ang trabaho,” ani Nanay Lani. “Kahit makakuha ka ng kaunting trabaho’y wala ka nang maiuuwing pera. Mas madalas kami mangutang tuwing ganitong panahon ng taggutom.”

Ang panahon ng tiempo muerto’y krisis na dinaranas ng mga magsasaka ng asukal sa Negros Occidental na pinalala ng El Nino o tagtuyot ngayong taon. Nagdeklara ng state of calamity ang probinsiya noong Abril dahil dito.

Ayon sa mga manggagawang bukid, umaabot lang ng P500 ang sahod nila sa 15 araw na trabaho tuwing tiempo muerto. Siyempre, ikakaltas pa rito ang pambayad-utang ng mga manggagawang bukid para lang mairaos ang kanilang pamilya sa gutom, halos wala nang maiuuwi sila tuwing suwelduhan.

Mas masahol pa ang kalagayan ng mga sakada (seasonal migratory workers).

Hawak ni Nanay Lani ang kanyang pay slip. Larawan ni <b>Nadja de Vera/CAP</b>
Hawak ni Nanay Lani ang kanyang pay slip. Larawan ni Nadja de Vera/CAP

Paglaban sa kamatayan

Negros Occidental ang tinaguriang “sugar bowl capital” ng Pilipinas. Pero lugar din ito ng matinding pagsasamantala sa mga manggagawang bukid sa mga tubuhan. Lugar din ito ng matitinding mga paglaban at pag-aaklas ng nasabing mga manggagawang bukid.

Matatagpuan sa probinsiya ang “lumang mayayamang pamilya” (“old rich”), tulad ng mga dating kroni ng nasirang diktador na si Ferdinand Marcos na sina Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., at ang pamilyang Benedicto. Nariyan din ang mga tulad ni Negros Occidental Gov. Alfredo Maranon Jr.

“Palaruan ito ng mga cacique (lokal na mga awtokrata o paninoong maylupa),” sabi pa ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

At sa kasagsagan ng tiempo muerto at tagtuyot dulot ng penomenong El Nino, pinagkakait pa ng mga panginoong maylupa at ni Maranon ang munting ayuda dapat ng gobyerno sa mga apektadong magsasaka o manggagawang bukid ng probinsiya.

Kamakailan, nagprotesta ang mga manggagawang bukid ng Negros Occidental, sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros at National Federation of Sugar Workers (NFSW). Iginigiit nila ang agad na pagpapamahagi ng gobyerno ng probinsiya sa P40-Milyong calamity fund at milyung-milyon pisong social amelioration fund na nasa pamamahala ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang paunang tulong sa mga naapektuhan ng tagtuyot.

Sa nasabing protesta, daan-daang magsasaka, kabilang si Nanay Lani, ang nagpunit ng kanilang mga pay slip sa harap ng DOLE Regional Office sa Escalante City, 63 kilometro ang layo mula sa Bacolod. Isang buwan na rin ang nakalipas nang magsimula ang kampuhan sa labas ng kapitolyo ng Negros Occidental.

Samantala, katulad ng kanilang mga kilos-protesta, kolektibo ring pinagpasyahan ng mga manggagawang bukid na pakinabangan na ang mga lupaing matagal na nilang pinayayaman pero inaangkin ng iilang mayayaman.

Isang malawakang bungkalan ang isinasagawa ngayon ng mga manggagawang bukid ng Negros Occidental.

“Walang magsasaka ang paaalisin sa lupa na kanyang binubungkal. Ang Negros Occidental ay hindi lamang sugar bowl capital at city of smiles, ito ri’y muog ng mga asyenda,” ani Department of Agrarian Reform Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano. Kinumpirma ni Stephen Leonidas, direktor ng DAR-Negros, na malayang makakapagtanim ang mga magsasaka sa isang bahagi ng Negros First Ranch.

Pero nagiging mapagmatyag ang mga manggagawang bukid ng Ilimnan. Kasalukuyan kasing ginagamit ni Maranon ang puwersang militar para pigilan ang kanilang bungkalan.

“Kitang-kita dito sa Negros ang kabiguan ng reporma sa lupa ng gobyerno na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Hindi manghihingi ang mga manggagawang bukid ng tulong sa panahon ng tiempo muerto kung nabibigyan ng sapat na suporta ang inisyatiba ng mga magsasaka sa pagtataguyod ng pambansang seguridad sa pagkain,” ani Ramos.

Larawan mula sa UMA
Protesta sa Escalanta City. Larawan mula sa UMA

Tunay na reporma sa lupa

Para kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), higit pa sa paunang tulong ay dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang karapatan ng magsasaka sa pagkamit ng kanilang lupa.

Nilalabanan din ng mga manggagawang bukid ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental na ipagkait sa kanila ang repormang agraryo. Buti na lang at sa pagkakataong ito, kahit papaano, kasangga nila ang Department of Agrarian Reform sa ilalim ni Sek. Rafael Mariano.

Kamakaila’y tinanggihan ng DAR ni Mariano ang Motion for Reconsideration ng Provincial Government ng Negros Occidental na kinatawan ni Gob. Maranon para tanggaling sa agrarian reform coverage ang 159-ektaryang lupain sa Brgy. Murcia, Negros Occidental.

Pero mapagpasya pa rin ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawang bukid para maitulak si Maranon na sundin ang makatarungang utos ng DAR.

Higit sa paunang tulong, itinutulak ng UMA ang tunay na reporma sa lupa.

Sa labanang lehislatibo, itinutulak ng mga manggagawang bukid at magsasaka ang House Bill 555 o Genuine Agrarian Reform Bill na ipinasa ng Anakpawis Party-list sa Kongreso. Sa naturang panukalang batas, libreng ipapamahagi sa mga magsasaka ang mga lupaing agrikultural na monolisado ng iilang pamilya.


Ilang detalye mula sa ulat ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura