Pagsasanay sa pasismo

August 22, 2016

Tinututulan ng kabataan ang plano ng gobyerno na ibalik ang pagiging mandatory ng ROTC sa kolehiyo.

Paghahanda sa kabataan na tanggapin ang pasismo ng Estado.

Ganito isinilarawan ng iba’t ibang grupo ng kabataan ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), na pinaplano ng administrasyong Duterte na muling gawing mandatory o kailangang kunin sa kolehiyo.

Ayon kay Kevin Castro, tagapagsalita ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), mistulang lunsaran ng mga paglabag sa demokratikong mga karapatan at kalayaang akademiko ng mga estudyante ang ROTC.

Salot sa estudyante

“Organisado at sistema-tikong atake ng pasistang gobyerno ang paulit-ulit na presensiya ng mga elemento ng militar sa mga eskuwelahan,” ani Castro. Diumano, madalas na ginagamit ang mga estudyanteng opisyal ng ROTC para sa paniniktik ng militar sa mga organisasyon ng mga estudyante.

Dagdag pa ni Castro na noong mandatory pa ang ROTC sa kolehiyo, palaging nasasangkot ang mga opisyal nito sa iba’t ibang kaso ng pananakit o hazing, bayolenteng initiation rites, at pagpapalaganap ng kawalang-pananagutan o impunity sa mga unibersidad at sa buong bansa.

Binatikos niya si Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na siyang nag-anunsiyo na plano ng gobyerno na ibalik ang compulsory ROTC sa kolehiyo sa pamamagitan ng isang panukalang batas.
Para sa NUSP at iba pang grupo, hindi dapat kalimutan ang kaso ng pagpatay kay Mark Welson Chua ng University of Santo Tomas noong 2001 dahil sa pagsisiwalat ni Chua sa katiwalian sa loob ng ROTC.

Dahil sa pamamaslang kay Chua, sunud-sunod na nagprotesta ang libu-libong kabataang estudyante sa buong bansa. Dahil dito, natulak ang noo’y administrasyong Arroyo na gawing optional o hindi required ang naturang pagsasanay-militar sa kolehiyo.

Piket ng Anakbayan sa harap ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas o PUP sa Sta. Mesa, Manila kontra sa planong pagbabalik ng mandatory ROTC. Larawan mula sa <b>Anakbayan</b>

Piket ng Anakbayan sa harap ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas o PUP sa Sta. Mesa, Manila kontra sa planong pagbabalik ng mandatory ROTC. Larawan mula sa Anakbayan

Disiplina?

Ayon kay Panelo, layunin ng ROTC na ipatimo sa kabataan ang disiplina at pagmamahal sa bansa. Sa panukalang binubuo ng Malakanyang, gagawing sapilitan sa mga lalaki at babaing estudyante ang ROTC sa rekomendasyon na rin ng Commission on Higher Education (CHED).

Pero ayon sa progresibong mga grupo ng kabataan, hindi kailangan ang pagsasanay-militar upang matuto ang kabataan sa pagmamahal sa bansa. Anito, kung nais ng gobyerno na ituro ang nasyunalismo sa kabataan, hindi nito ipapatupad ang programang K-to-12.

Sa programang K-to-12, dinagdagan ng dalawang taon ang pag-aaral sa batayang edukasyon. Ayon sa mga kritiko ng naturang programa, ipinasok nito ang oryentasyong magluwal ng murang lakas-paggawa mula sa kabataan para sa dayuhang mga kompanya at sa pangingibang bansa.

Samantala, inihain ni Kabataan Rep. Sarah Elago sa Kamara ang House Bill 2399 o ROTC Abolition Bill bilang pantapat at pangongtra sa panukalang batas ng Malakanyang.

Ayon sa explanatory note ni Elago, sinabi niyang ang ROTC ay labag sa International Humanitarian Law na pinirmahan ng Pilipinas at Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na di nagpapahintulot sa mga gawaing militar at pagkakampo sa loob ng mga pampublikong lugar kagaya ng mga paaralan at ospital.

Kinontra rin ng Kabataan Party-list ang pangangailangan ng mandatory ROTC bilang paghahanda sa banta ng Tsina sa West Philippine Sea dahil hindi tungkulin ng mga sibilyang institusyon ang pagsasanay-militar.

“Hindi tayo naniniwala sa sinasabing patitimuhin ng ROTC ang disiplina at pagmamahal sa bansa (ng kabataan), lalo pa’t hitik ito sa karahasan at dungis sa kasaysayan. Sa isyung ito, di tayo nagpapatumpik-tumpik. Hindi dapat maging mandatory ang ROTC. Katunayan, dapat ibasura ito,” sabi pa ni Elago.

Ayon kabataang mambabatas, may mas mabuting solusyon para sa higit na paglahok ng kabataan sa pagtatatag-ng-bansa na hindi sumasailalim sa militaristang ROTC.


 

Marc Lino Abila

Marc Lino Abila

Marc Lino J. Abila was national president of the College Editors Guild of the Philippines. He studied Journalism at the Lyceum of the Philippines University.