FEATURED Pambansang Isyu

EDCA sa panahon ni Duterte


Masusubukan ang kapasyahan ng bagong presidente sa inaasahang pagba-base-militar ng tropang Kano sa Pilipinas sa bisa ng kasunduang nilagdaan ng naunang rehimen.

Saksi ang Pilipinas sa biglaang pagdeklara ng Korte Suprema na naaayon sa Saligang Batas ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Hulyo 26, isang araw bago dumating si US Secretary of State John Kerry sa bansa. Matatandaang mabilisan din ang pagpirma sa EDCA isang gabi bago lumapag sa bansa si US Pres. Barack Obama, noong Abril 2014.

Ibinasura rin ng Korte ang apila ng Bagong Alyansang Makabayan at ni dating senador Rene Saguisag na ibasura ang kasunduan sa dahilang walang pagsang-ayon dito ang Senado.

The petitioners do not present new arguments to buttress their claims of error on the part of this court,” sabi ng tagapagsalita ng korte na si Theodore Te.

Pinatatatag ng kasunduan ang rotational presence ng tropang Kano sa buong bansa, maging ang pagtatatag ng mga base-militar nito sa Pilipnas.

US Sec. of State John Kerry (kaliwa) at Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay, sa isang <i>press conference</i> sa DFA noong bumisita si Kerry sa bansa. <b>US State Department</b>
US Sec. of State John Kerry (kaliwa) at Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay, sa isang press conference sa DFA noong bumisita si Kerry sa bansa. US State Department

Hindi maaasahan

Ayon sa Korte, ang EDCA ay “simpleng implementasyon ng kasalukuyang mga batas at tratado na aprubado na ng Senado.”

Maliban pa rito, binanggit ng Korte ang Mutual Defense Treaty (MDT) bilang kinikilalang treaty na basehan din ng EDCA. Ipinagtibay muli ng Korte ang MDT noong 2009.

Pinaninindigan ng gobyerno na hindi nagbabalik ang base militar ng US sa bansa; bagkus ay binibigyan lang ng EDCA ng akses ang tropang Kano sa limang base ng Pilipinas na walang renta o katulad na bayarin.

Ang limang base ay ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Basa Air Field sa Pampanga, Antonio Butist Air Base sa Palawan, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro.

Naniniwala ang ilang mambabatas na palalakasin ng EDCA ang kakayahang military ng bansa at pagmomodernisa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). “Tutulungan ng EDCA imodernisa ang kagamitang militar natin. Makakakuha ng buong suporta ang gobyerno mula sa gobyernong US para iangat ang kakayahan natin hindi lang sa ating AFP personnel, kundi sa mga armamento rin,” sabi naman noon ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu.

Ngunit hindi naman malinaw kung tutugon ang US sa pagtulong, lalo na kung ang usapi’y ang depensa ng Pilipinas laban sa Tsina kung sakaling gumamit ng dahas ang huli.

Sinabi na ni Kerry na kailangan ng diplomasya sa sigalot sa West Philippine Sea at hindi ito masosolusyonan sa “coercion or threat of force.”

Isa pa, nangako man ng $32 Milyon ang US bilang tulong, ito ay lalabas “(na para sa) pagsasanay at serbisyo. Papasok ito sa porma ng pagsasanay at iba pa (kagamitan) para sa pagpapatupad ng batas,” ani Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Pero marami ang duda na minadali ang pagdesisyon ng korte kaugnay ng EDCA hindi lang para itaon sa pagdating ni Kerry, kundi itaon sa panahong muling umiinit ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea. Hanggang ngayon, ginagamit pa ring dahilan ang sigalot sa Tsina para bigyang-katwiran ang EDCA ng mga sumusuporta rito sa gobyerno.

Piket ng kababaihan at iba pang sektor sa harap ng embahada ng US kmakailan. <b>Kontribusyon</b>
Piket ng kababaihan at iba pang sektor sa harap ng embahada ng US kmakailan. Kontribusyon

Para sa militarisasyon

Bukod sa military aid package, dati nang nagbigay ng $243-M ang US sa rehimeng Aquino at AFP.

Ayon sa grupong Karapatan, “lason ito” upang panatilihin ang presensiya at lakas military ng US sa Pilipinas at sa Asya. Binatikos din ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, ang mga sinabi ni Kerry ukol sa karapatang pantao, sa pulong ng nito kay Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay. “Ipokrito ito sa pagbanggit sa mga karapatan habang nagdudulot ng di-mabilang na paglabag sa mga karapatang pantao at iba pang paglabag ang mga giyerang panghimasok nito sa Gitnang Silangan, Latina Amerika, Asya at kasama ang Pilipinas,” ani Palabay.