Makabayang adyenda sa ekonomiya

July 5, 2016

Inilatag na ng Economic Team ni Pangulong Duterte ang 10-puntong economic agenda ng rehimen na pawang pagpapatuloy ng dating mga polisiya ng nakaraang pangulo. Hangad ng sambayanan na ibasura ni Duterte ang panukalang ito.

Tila nakahinga nang malalim ang mga pulitiko, negosyante at ilang ekonomista sa inilabas sa Davao Business Summit ng economic team ni Pres. Rodrigo Duterte na 10-puntong economic plan para sa bansa noong Hunyo 20-21.

Kasi naman, inirekomenda ng naturang grupo sa pangunguna nina National Economic Development Authority (NEDA) Director-General Ernesto Pernia at Finance Sec. Carlos Dominguez ang pagpapatuloy ng pang-ekonomiyang mga polisiya ng nakaraang rehimeng Aquino. Kasama na rito ang patuloy na pag-akit ng dayuhang pamumuhunan, Public-Private Partnerships at pamamahagi ng kaunting halaga sa mahihirap sa uri ng Conditional Cash Transfer.

Sa kabila ito ng paghihikayat ng progresibong mga ekonomista at institusyon na kung tunay ngang “Change is coming,” kailangang baliin ng administrasyong Duterte ang dependensiya ng ekonomiya ng Pilipinas sa dayuhang monopolyo-kapitalista na nagdudulot ng pagbansot ng lokal na mga industriya.

Hindi rin nakasaad sa naturang plano sa ekonomiya ang pangangailangang magpatupad ng tunay na repormang agraryo na sinasabi ng maraming progresibo na susi sa pagpapaunlad sa kanayunan ng bansa. Bahagi rin ito ng People’s Agenda na inilatag ng kilusang masa nitong Hunyo 29.

Sa halip, nakasaad sa naturang plano na bibigyan ng pokus ang “pagpapaunlad sa agrikultura” sa kanayunan—habang nananatili ang mga monopolyo sa lupa ng iilang pamilya ng mga panginoong maylupa.

Kahirapan sa Kamaynilaan: May pagbabago ba sa bagong rehimen? <b>Macky Macaspac/PW File Photo</b>

Kahirapan sa Kamaynilaan: May pagbabago ba sa bagong rehimen? Macky Macaspac/PW File Photo

Puna ng mga progresibo

Isa sa pinakamalakas ang palakpak sa naturang economic agenda ang kaalyado ng dating administrasyong Aquino sa Kamara, si House Speaker Sonny Belmonte.

Isang araw matapos ang Davao Business Summit, naglabas ng pahayag si Belmonte na pumupuri sa naturang plano ng administrasyong Duterte. Aniya, kahanga-hanga ang “tapang” nito, partikular ang pagbigay-pokus ng pambansang badyet sa agrikultura.

Tila nagpapalakas sa bagong rehimen, sinabi pa ni Belmonte na kailangang mabilis na maipasa ang panukalang badyet ng bagong administrasyon para maipatupad na ang mga plano nito—na para bang umaapela pa ito sa bagong plano na manatili siya sa poder bilang House Speaker.

Tulad ng kanyang naunang mga pahayag na di siya masyado makikialam sa paglalatag ng mga polisiya sa ekonomiya dahil “di (siya) eksperto rito,” nananatiling tahimik si Duterte sa 10-puntong programa na inilatag ng kanyang economic team.

Nauna nang pinuna ng progresibong economic think-tank na Ibon Foundation, Inc. ang unang 8-puntong bersiyon ng economic agenda ng economic team ni Duterte. Ayon sa Ibon, nananatiling pabor sa malalaking negosyante ang naturang plano, habang pananatilihing nakatali ang mahihirap sa dole-outs o pag-aabuloy sa uri ng CCT.

Sinabi rin ng Ibon na samantalang tama lang na bigyan-pokus ang pagpapaunlad sa agrikultura ng bansa, tila nakatuon ang plano ng economic team ni Duterte sa pananatili sa pagmamay-ari ng lupain ng malalaking pangunoong maylupa (na nakasaad sa No. 6 ng plano). Samantala, hindi natutugunan ang malawakang kawalan ng lupa ng mayorya ng mga Pilipinong magsasaka.

Kinuwestiyon din ng Ibon ang planong pagrepaso umano sa sistema ng buwis. Ayon dito, hindi sapat ang “inflation indexing” sa pagbubuwis (o nakadepende ang buwis sa pagtaas ng mga bilihin). Kailangang itulak ng administrasyong Duterte ang agresibong pangongolekta ng buwis sa malalaking negosyo (marami sa mga ito’y nakakaiwas sa pagbayad ng aktuwal nitong buwis). Samantala, dapat umano’y bawasan ang direkta at di-direktang pagbubuwis (tulad ng Value-Added Tax) sa mayoryang mahihirap.

Kinikilala naman ng mga progresibo na positibo ang pagbigay-pokus ng economic agenda sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan. Pero pinupuna nila ang patuloy na implementasyon ng CCT. Ipinaliwanag ni Social Welfare and Development Sec. Judy Taguiwalo, na pangunahing magpapatupad sa CCT sa papapasok na rehimen, na hindi dapat ipatupad nang pangmatagalan ang naturang programa.

Pangunahin pa rin dapat ang pagpopondo ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan, lalo na ang pagbibigay ng libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan na mas pakikinabangan ng mayoryang mahihirap.

Negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines at mga konsultant nito, bago ang informal talks sa Oslo noong Hunyo. Larawan mula sa FB account ni <b>Fidel Agcaoili</b>

Negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines at mga konsultant nito, bago ang informal talks sa Oslo noong Hunyo. Larawan mula sa FB account ni Fidel Agcaoili

Hamon sa bagong pangulo

Todo ang suporta ni Pangulong Duterte sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Mahalaga ang suportang ito, dahil nakaadyenda na sa usapan ang mga repormang sosyo-ekonomiko.

Bahagi ng panukala ng NDFP sa mga repormang sosyo-ekonomiko ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa na bubuwag sa monopolyo sa lupa ng iilang pamilya (tulad ng mga Cojuangco-Aquino). Naipanukala rin ang pagtataguyod ng pambansang industriyalisasyon (o pagbuhay at pagpapaunlad sa batayang mga industriya ng bansa). Taliwas ito sa direksiyong tinatahak ng economic team ni Duterte na pagpapatuloy ng dependensiya ng ekonomiya ng bansa sa dayuhang monopolyong interes.

Magandang balita para sa mga progresibo ang naunang mga pahayag ni Duterte kontra sa malawakang komersiyal na pagmimina na nakakasira sa kalikasan at nagbibigay-daan sa paghuthot ng dayuhang mga kompanya sa likas-yaman ng bansa. Kailangan ng bansa ang likas-yamang ito sa panahong mapapatupad na ang pambansang industriyalisasyon.

Dati na ring pinuna ni Duterte ang World Trade Organization (WTO), na aniya’y pandaigdigang ahensiya na nangangasiwa sa pagpapatuloy ng pagpapahirap sa mga mamamayan ng mundo. Kung kaya sa kabila ng paghugas-kamay ni Duterte sa pagtatakda ng mga polisiya sa ekonomiya, hinihikayat siya ng mga progresibo na harangin ang neoliberal na mga polisiya na itinutulak ng kanyang mismong economic team.

Palaging inihahayag ni Pangulong Duterte na prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagtugon sa mga mahihirap at naetsapuwerang mga sektor sa bansa. At walang dahilan para kuwestiyunin ang kanyang intensiyon.

Kaya naman tungkulin ng mga mamamayan na hikayatin ang bagong pangulo na dalhin ang komitment na ito sa larangan ng ekonomiya.


 

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.