Pambansang Isyu

Problemang dagdag ng K to 12 ngayong pasukan

June 13, 2016

Para sa ACT, lahat ng mga multo ng K to 12 ay nagkakatotoo ngayon sa kanilang harapan samantalang ayaw pa rin magising ng gobyerno sa bangungot na nililikha nito.

Isang klase sa Batasan National High School sa pagbubukas ng klase ngayong taon. <strong>Pher Pasion</strong>

Isang klase sa Batasan National High School sa pagbubukas ng klase ngayong taon. Pher Pasion

Nauna nang ibinabala ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kanilang posisyon sa mga problemang dadalhin ng K to 12 ng administrasyong Aquino sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Kabilang sa mga ito ang kawalang kahandaan ng gobyerno; mas palalalain ang kulang-kulang na pasilidad, mga guro, at maging ng mga paaralan. Kawalang kahandaan din sa pagsasanay ng mga guro at kakulangan sa mga gagamiting modules. Gayundin, problema ang mismong lalamanin ng K to 12 at pangamba na magreresulta ito sa paglaki ng drop-outs sa mga mag-aaral.

Para sa ACT, lahat ng mga multo ng K to 12 ay nagkakatotoo ngayon sa kanilang harapan samantalang ayaw pa rin magising ng gobyerno sa bangungot na nililikha nito.

Senior high school at iba pang problema

Ngayong taon unang tatanggap ng mga mag-aaral para sa mga senior high school (SHS) ang mga paaralan sa ilalim ng K to 12. Pero nakikita na hindi handa ang mga publikong paaralan para dito.

Ayon kay Senen Jane, ACT-chairperson ng Region III, marami umano ang hindi nakapag-enrol para sa SHS partikular sa kanilang rehiyon. Hindi nila alam kung saan nila hahanapin ang mga ito; kung nakapag-enrol ba sa mga pribadong paaralan o tuluyan nang hindi nakapag-aral.

Malaking problema din umano ang kanilang kinakaharap sa kung anong mga track ang kakailanganin ng mga estudyante dahil kalakhan umano ng kanilang mga paaralan ay wala o limitado ang ino-offer. Halos wala din umanong pasilidad para sa mga technical-vocational courses ang mga paaralan.

Actually, wala talaga. Ang tingin ko papasanin din ng mga mag-aaral yan. Kung sa welding yan, magdadala ka ng sarili mong welding rod (at) sarili mong bakal. Gastos yun ng estudyante, gastos yun ng magulang,” ayon kay Jane.

Samantala, hindi pa rin tapos ang mga gusali para sa SHS sa Negros ayon kay Gualberto Dajao, chairperson ng ACT-Negros Island Region. Maliban pa roon, problema din nila ang enrolment para sa SHS.

Kasalukuyan pa ring ginagawa ang gusali para sa senior high school sa Batasan National High School. <strong>Pher Pasion</strong>

Kasalukuyan pa ring ginagawa ang gusali para sa senior high school sa Batasan National High School. Pher Pasion

“Nagkakaroon ngayon ng problema sa teachers, dahil itong nangyari. Out of 6,000 graduates from division of Bacolod City, more or less 800 lang ang enrollees namin sa grade 11. May mga bago kaming items, mga 180, pero baka magkaroon kami ng mga teacher na walang trabaho dahil walang enrollees, ” ayon kay Dajao.

Sadyang kulang-kulang pa rin umano ang preparasyon sa kanilang rehiyon. Hindi pa umano tapos ang itinatayong school buildings para sa SHS. At kahit na magkaroon ng bagong gusali, wala pa rin umanong mga upuan at iba pang kagamitan. Hanggang ngayon, nasa bidding pa rin umano ang mga ito.

Problema din umano ang kakailanganin para sa mga strands ng K to 12. “May isang school may isa o dalawang welding machine lang. May problema din tayo dyan dahil sa dagdag na pangangailangan ng electricity requirement. Dahil maliit ang supply ng kuryente sa public schools or di kaya wala talaga kuryente. Kaya kung maraming computers, maraming welding machine, hindi kaya,” ayon kay Dajao.

Dagdag pa niya, maaga pa lamang umano nang kanilang makita na hindi aabot ngayong Hunyo ang kanilang preparasyon para sa K to 12, “kaya there was a time na merong mga unwritten order na sabihin sa mga estudyante na ‘doon muna kayo sa private schools.’”

Maging ang modules na kailangan sa pagtuturo kulang pa rin umano at mabagal ang pagdating  sa kanila lalo na sa mga malalayong mga lugar.

This K to 12 (of Aquino) will increase drop-out rates in regions. Denying public education is already a crime of this administration. Kahit sabihin nating may facilities, sabihin natin may kumpletong facilities, pero magkakaproblema sila sa additional burden ng kanilang magulang,” ayon kay Dajao.

“Particular sa Davao Region, parehas lang ang sitwasyon. Maraming kakulangan, facilities, buildings, mga upuan, mga libro. Kahit ang modules ng grade 7 hindi pa kumpleto hanggang ngayon,” ayon kay Elenito Escalante, chairperson ng ACT-Davao Region.

Hindi pa umano natutugunan ang mga lumang problema sa sektor ng edukasyon, dinagdagan pa umano ito ng K to 12. Ang pagtutulak sa mga mag-aaral na pumunta sa mga pribadong paaralan ay isang malinaw na manipestasyon na kakulangan ng kahadaan ng gobyerno para dito.

Maging ang pagsasanay ng mga guro para sa bagong kurikulum na ito ay pawang minadali, “may mga mass training pero ang tingin ng mga teacher hindi talaga sapat. Kulang talaga. Isang kurikulum yan, tapos ilang araw lang (ang trainings),” ayon kay Escalente.

Kaya naman sa minadaling pagsasanay sa mga guro, tanong nila Escalente kung anong klaseng kalidad ng edukasyon ang maituturo ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral?

Voucher system at Pribatisasyon

Bilang solusyon sa mga mapipilitang mag-enrol sa mga pribadong paaralan, gumawa ng voucher system ang gobyerno. Ibig sabihin babayaran galing sa pondo ng bayan ang matrikula ng mga papasok sa pribadong paaralan.

“Ibig sabihin niyan, hindi na libre ang high school education sa voucher system. Ang gobyerno na ang nagpo-pondo o nagsisiguro sa kikitain ng mga pribadong paaralan,” ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Dinalaw ng ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang isang masikip at mainit na faculty room sa ilalim ng hagdan sa Batasan  National High School. <strong>Pher Pasion</strong>

Dinalaw ng ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang isang masikip at mainit na faculty room sa ilalim ng hagdan sa Batasan National High School. Pher Pasion

Nasa P12 bilyon ang inilaang badyet ng gobyerno para sa voucher system na mapupunta sa mga pribadong paaralan.

Isang porma ng pribatisasyon ang voucher system na ito, ayon kay Tinio. Pagdadala ito hindi lamang ng pondo ng bayan sa mga pribadong paaralan kundi maging ang responsibilidad ng gobyerno na magbigay ng dekalidad at libreng edukasyon sa mamamayan nito.

Ayon naman kay Dajao, mas dapat ibigay na lang ang pondo ng voucher system sa mga publikong paaralan para mapahusay ang public education system imbes na ibigay sa mga pribadong paaralan.

Sustainable ba ang voucher system? Hindi. Kasi wala ka namang kontrol sa matrikula ng private schools. Mas magastos sa private schools at hindi covered iyon ng voucher system,” ayon kay Lani Flores, national PRO ng All UP Academic and Employees Union at deputy secretary general ng ACT-State Universities and Colleges.

Isa ito sa mga inaasahang dahilan kung bakit sinasabi ng Kabataan partylist mula sa kanilang datos na aabot sa isang milyon o higit pa ang aabutin ng drop-out rate ngayong taon.

Ngayong taon din pinayagan ng DepEd na magtaas ng matrikula ang may 1,232 na pribadong mga paaralan sa elementarya at high school.

“Ang observation namin ngayon, kakaunti ang nag-eenrol sa public schools, even sa private schools. Hindi umaabot sa target nila. Noon pa man, sinasabi na namin problema ito sa mga magulang. Dahil wala pa ang senior high school, marami talaga ang hindi pumapasok sa college. Walang pantustos ang magulang para magtuloy ng dalawang taon sa high school,” ayon kay Escalente.

Ayon sa pag-aaral ng Center for Women’s Resources, isang 34-taon research at training institution para sa mga kababaihan, aabot sa 39 porsiyento ng kabuuang kita ng isang pamilyang may limang miyembro ang kailangan ikonsumo para sa dagdag na pangangailangan ng isang anak na papasok sa SHS.

Hindi lang pagbabago sa kurikulum

Pero kung matugunan man ang mga kakulangan gaya ng guro, klasrum, pasilidad, at iba pang pisikal na kakailanganin para sa K to 12, malalim ang problema nito lalo na sa mismong nilalamang kurikulum at nais nitong baguhin.

Hinati. Ginawang 2 in 1 ang ibang mga klasrum sa Batasan National High School para pagkasyahin ang mga mag-aaral. <strong>Pher Pasion</strong>

Hinati. Ginawang 2 in 1 ang ibang mga klasrum sa Batasan National High School para pagkasyahin ang mga mag-aaral. Pher Pasion

Ayon kay Flores, hindi lamang ang haba ng pag-aaral mula 10-taon tungong 12-taon ang problema ng K to 12; babaguhin nito maging ang oryentasyon ng edukasyon at bibigyang katuwiran o legalidad ang kontraktuwalisasyon sa sektor ng edukasyon.

“Kapag sinuri mo ang K to 12 na batas, binabago nito ang obligasyon o tunguhin ng batayang edukasyon dahil inilagay doon ang public-private partnership na nandoon mismo sa batas. Nasa batas din na ok lang ang contractualization. Higit pa sa usapin ng curricular revision ang K to 12,” ayon kay Flores.

Dagdag ni Flores, ang kagyat na usapin ngayon sa edukasyon ang accessibility at kalidad nito, “yung depenisyon ng kalidad depende yan kung ano ang pilosopiya ng gobyerno.”

Bago simulan ang K to 12, nasa 43 prosiyento ang finishing rate ng high school, ibig sabihin wala ito sa kalahati ang nakakatapos ng high school.

Ganito rin ang pagtingin ni Jane, “mula noon, hindi na naging makabayan ang oryentasyon ng edukasyon. Makadayuhan na ito at lalo pang pinaigting ng K to 12. Mas lalo pang dinurog ng K to 12 ang pagiging makabayan ng mga Pilipino.”

Kung susuriin pa umano ang K to 12 marami pa itong kulang. Dapat umanong may masinsin na report ang over sight committee ayon sa batas. Dapat noong December 2015 pa umano naglabas ng comprehensive na pag-aaral o evaluation ang DepEd sa antas na inabot ng implementasyon, ayon kay Flores.

Maging ang normal schools o mga teacher training institutions, hindi pa nakahanda ang teacher training curriculum nila papuntang K to 12, dagdag pa niya.

Protesta laban sa K to 12 sa pangunguna ng Kabataan Partylist. <strong>Kontribusyon/CEGP</strong>

Protesta laban sa K to 12 sa pangunguna ng Kabataan Partylist. Kontribusyon/CEGP

Dala din ng K to 12 ang paglalayong malabnawin ang pagiging makabayan ng mga mag-aaral. Kabilang dito ang pagtanggal o pagpapa-iksi sa mga makabayang asignatura gaya ng Philippine History, social studies, at wikang Filipino.

Dito nakikita na ang layuning ipagtapos ng K to 12 ay mga mag-aaral na kakailanganin ng mga negosyo sa loob at labas ng bansa. Ito rin ang isa sa mga pangunahing dahilan ng implementasyon ng K to 12, ang sumabay sa pandaigdigang sistema ng paggawa.

Kaya naman ang mga kursong iniaalok sa K to 12 ay hindi kataka-takang mga semi-skilled na kasanayan na kakailanganin ng negosyante para pagkunan ng murang lakas-paggawa at kontraktuwal.

“Wala tayong aasahan sa kurikulum na ito.  Hindi ito nakaprograma para sa sarili nating bansa. Nakatuon ito sa kung ano man ang pangangailangan ng ibang bansa,” pagtatapos ni Escalente.

 

 

Pher Pasion

Pher Pasion

Pher Pasion finished his bachelor's degree in journalism at Manuel L. Quezon University. He is also a former national secretary-general of the College Editors Guild of the Philippines.