Eyewitness

EYEWITNESS | Dalawang ina, isang gabi noong 2007

June 26, 2016

Isang gabi noong 2007, tahimik na tinanggap nina Connie Empeno at Linda Cadapan ang kuwento tungkol sa pagmamalupit ng militar sa kanilang anak na sina Karen at Sherlyn. Tahimik sila, pero determinadong ipagpatuloy ang paghahanap at paglaban.

Nasa opisina ako ng Karapatan noon, isang gabi noong 2007, kinukuhanan ng litrato si Erlinda Cadapan para sa isang photo documentary project, nang lapitan ako ni JL Burgos. “Uhm, suggestion ko, huwag mo muna sila kunan,” sabi ni JL noon. Kadarating lang sa opisina ng kopya ng opisyal na sinumpaang salaysay ni Raymond Manalo.

Nauna nang nabasa ni JL ang salaysay. Alam niyang baka magkaroon ng matinding reaksiyon si Nanay Linda, pati na si Nanay Connie Empeno, na naroon din noon para sa isang meeting ng Desaparecidos. Naroon din ang ina ni JL at desaparecidong si Jonas, si Mrs. Edith Burgos.

“Baka kasi kailangan nila ng private time,” naalala kong sabi ni JL.

Nanay Linda, binabalikan ang alaala ng kanyang anak na si Sherlyn, sa kanilang bahay sa Los Banos, Laguna noong 2007. <b>KR Guda</b>

Nanay Linda, binabalikan ang alaala ng kanyang anak na si Sherlyn, sa kanilang bahay sa Los Banos, Laguna noong 2007. KR Guda

Hindi pa naibabalita sa publiko ang kuwento noon ni Raymond Manalo, kasama ang kapatid niyang si Reynaldo. Pero sa tulong ng mga kontak nina JL at Mrs. Burgos sa mga abogado ni Raymond, nakakuha sila ng kopya ng salaysay niya. Nakatakas si Raymond mula sa pagkakakulong, sa kamay ng notoryus na military official, si Gen. Jovito Palparan. Sa kampong iyun, nakita niya sina Karen at Sherlyn, na ilang buwan na noong hinahanap ng kanilang kaanak matapos dukutin ng mga militar sa Hagonoy, Bulacan.

Nakakagulat ang salaysay ni Raymond, sabi pa ni JL. Doon ikinuwento niya ang pagmamalupit na dinanas nina Karen at Sherlyn sa kamay ng mga militar. Kasama rito ang panggugulpi, pagbitin kina Karen at Sherlyn nang patiwarik, walang damit, habang tinotortyur. Binanggit din dito na ginasa ng mga militar si Karen. Sinabi pa ni Raymond na palagay niya’y patay na sina Karen at Sherlyn at sinunog ang kanilang mga katawan sa isang lugar sa kampo.

Tinigil ko ang paglilitrato ko, siyempre. Bagamat palaging sinasabi noon ni Nanay Linda na walang problema na kuhanan siya buong panahon, hindi ko maatim na kuhanan siya habang binabasa ang nasabing salaysay. “Pero puwede naman tayong makinig at mag-observe,” ani JL. Kaya nang ipatawag sina nanay Connie at Linda para sabay nilang basahin ang salaysay, sumabay na akong pumasok sa kuwarto.

Tahimik sila. Walang umiyak. Walang anumang reaksiyon. “Alam ko nang posibleng ganun nga ang nangyari sa kanila,” naalala kong sabi noon ni Nanay Connie. Gayunman, batay sa salaysay nina Raymond at Reynaldo, hindi pa rin talaga sarado ang posibilidad na buhay pa ang dalawa. Palagay lang ni Raymond iyun. Naalala kong sabi ni Nanay Linda na hangga’t di pa nakikita ang labi nila, hindi sila titigil sa paghanap. Pero tahimik lang nilang binasa ang salaysay.

FB post ni Nanay Connie nitong Hunyo 22, apat na araw bago ang ika-10 taong anibersaryo ng pagdukot sa kanyang anak na si Karen.

FB post ni Nanay Connie nitong Hunyo 22, apat na araw bago ang ika-10 taong anibersaryo ng pagdukot sa kanyang anak na si Karen.

Sa dulo ng pagbabasa, naalala kong may sinabi si Nanay Linda. Hindi ko maalala eksakto, pero parang sinabi niyang nawawalan na siya ng kumpiyansa sa mga pulitiko na nakakausap nila sa Bulacan. Parang tumaas noon ang boses ni Nanay Connie, na nagsabing dapat lang na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa mga pulitiko. Lahat ng puwedeng hingan ng tulong, dapat hingan. Noon ko lang nakita ang bahid ng emosyon sa dalawa. Halos mag-away sila sa puntong iyun, kung hindi lang mahinahong pumagitna si Mrs. Burgos. Naisip ko noon, kung sa akin siguro nangyari iyun, hindi ako ganun ka-kalma. Maglulupasay ako, magbabasag ng bote, aatungal. Sa kalagayang iyun, sa kaalamang nakuha nila sa salaysay ni Raymond, sobrang kahanga-hanga ang naging pagtanggap nina nanay Connie at nanay Linda.

Sampung taon matapos mawala ang dalawa, hindi pa rin bumibitaw sila sa paghahanap. Pana-panahong nakikita ko silang dalawang nanay, bitbit pa rin ang larawan ng kanilang mga anak, ipinaglalaban pa rin ang karapatang makita muli sina Karen at Sherlyn, o kahit malaman man lang kung saan ang mga labi nila kung wala na nga sila. Ibang klaseng katatagan ang loob ang danasin ang lahat ng dinanas nila at ng iba pang kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Tuwing nakakarinig ako ng reklamo, na wala nang pag-asa ang bansa, na walang saysay pa ang paglaban para sa hustisya, inaalala ko ang gabing iyun—ang tahimik na determinasyon ng dalawang ina na ipagpatuloy ang laban para sa hustisya sa kanilang anak.


 

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.