CHED, sinugod ng Kabataan vs taas matrikula

June 10, 2016

Protesta ng Kabataan at mga mag-aaral sa harapan ng Commission on Higher Education laban sa pagtaas ng matrikula. <strong>Christine Magat</strong>

Protesta ng Kabataan at mga mag-aaral sa harapan ng Commission on Higher Education laban sa pagtaas ng matrikula. Christine Magat

Ngayong pasukan, muling sasalubungin ng pagtaas ng matrikula ang mga mag-aaral sa kolehiyo matapos pahintulutan ng Commission on Higher Education (Ched) ang may 304 pamantasan na magtaas ng matrikula.

Kaya naman, sinugod ng mga mag-aaral ang Ched sa pangunguna ng Kabataan partylist para kondenahin ang panibagong pagtaas na ito.

“Nasasaksihan natin muli ang pagkainutil ng Ched at ating gobyerno para protektahan ang interes ng mga mag-aaral. Imbes na aprubahan ang pagtaas ng matrikula, dapat ipatupad ng gobyerno ang moratorium sa pagtaas ng matrikula,” ayon kay Sarah Elago, ang bagong uupong representante ng Kabataan sa Kongreso.

Hindi makatarungang pagtaas

Inanunsyo ng Ched noong Hunyo 6 ang pagtaas ng matrikula para sa academic year 2016-2017 na aabot sa P43.39 ang average na pagtaas ng matrikula kada unit.

Ayon sa National Union Students of the Philippines (NUSP), kung idadagdag ang pagtaas sa matrikula noong nakaraaang taon na nasa P603.62, aabot sa P647.01 kada unit ang magiging average na matrikula kada semestre. Katumbas ito ng P11,646.18 para sa 18 units at  P19,410.30 para sa 30 units kada semestre. Aabot sa P38,820.60 ang magiging bayarin para sa dalawang semestre para sa academic year na ito.

“Nakakagalit na itong commission na ito, imbes na ipagtanggol yung dapat na ibibigay sa atin ng libre dahil karapatan natin ang edukasyon, ang ginagawa, ipinagtatanggol yung mga negosyante para paghuthutan yung ating mga kabataan,” ayon kay Aries Gupit, pangkalahatang kalihim ng League of Filipino Students (LFS).

Ayon kay Marc Lino Abila, tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), sa anim na taong panunungkulan ng administrasyong Aquino, taon-taon ang pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa pampubliko man o pribadong paaralan. Giit pa niya, puro kasinungalingan ang binabanggit ng Ched para patuloy na patayin ang pangarap ng mga estudyanteng maiahon sa kahirapan ang kanilang mga pamilya dulot na komersyalisayon ng edukasyon.

Wala umanong makatarungan at katanggap-tanggap na halaga ang pagtaas ng matrikula, ayon sa LFS. Maliban sa pagtaas ng matrikula, kailangan din umanong ibasura ang iba pang bayarin o other school fees.

Pagbasura sa Education Act of 1982, panawagan ng Kabataan at mag-aaral. Christine Magat

Pagbasura sa Education Act of 1982, panawagan ng Kabataan at mag-aaral. Christine Magat

Dagdag pa ng grupo, ang taunang pagtaas ng matrikula sa ilalim ng administrasyong Aquino ay nagpadoble sa national average tuition rate mula P30,000 hanggang P50,000 noong 2010 tungong P60,000 hanggang P100,000 nitong 2015.

Ang patuloy na implementasyon ng administrasyong Aquino sa Education Act of 1982 ang nagbibigay pahintulot at kaluwagan para sa mga pamantasan na magdikta ng halaga ng edukasyon na nagreresulta sa taunang pagtaas ng bayarin na walang regulasyon ang gobyerno. Maging ang polisiya sa edukasyon ng rehimeng Aquino gaya ng Roadmap to Higher Public Education at K to 12 ang lalong nagtutulak para pribatisasyon at komersyalisasyon ng edukasyon, ayon sa LFS.

“Sa ilalim ng anim na taon ng ‘Daang Matuwid,’ nakaranas ang kabataan at mga mag-aaral ng walang tigil na atake sa aming karapatan sa edukasyon na nagresulta sa anim na kapwa nating mag-aaral sa kamatayan. Nakakapaghimagsik na patuloy na namamatay ang mga mag-aaral dahil sa mataas na halaga ng edukasyon,” ayon kay Gupit.

Kabilang sa mga nasawi na binabanggit ni Gupit sina; Kristel Tejada (Unibersidad ng Pilipinas- Manila), Jayson Masancay (University of the East), Rosanna Sanfuego (Cagayan State University), Jhoemary Azaula (Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology), Nilna Habibun (Zamboanga Sibugay), at Jessiven Lagatic (Central Bicol State University of Agriculture).

Christine Magat

Christine Magat

Hamon kay Duterte

Para sa mga kabataan at mag-aaral, nagmistulang naging tagapagsalita ng mga negosyante sa edukasyon ang Ched at naging taksil sa kabataang Pilipino ang administrasyong Aquino.

Nanawagan ang grupong Anakbayan kay President-elect Rodrigo Duterte na umaksiyon para matigil ang deregulasyon sa edukasyon sa agarang pagbasura ng Education Act of 1982.

“Nananatili ang gobyernong Aquino na walang magagawa para matigil ang pagtaas ng matrikula at komersyalisasyon ng edukasyon. Nananawagan kami kay President-elect Duterte na patunayang mali si Aquino,” ayon ay Einstein Recedes, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan.