Eleksiyon FEATURED

Pagkapangulo sa 2016: Kilalanin ang mga nagpopondo


Gaano kalaking pera nga ba ang kailangan para tumakbong pangulo ng bansa?

Gaano kalaking pera nga ba ang kailangan para tumakbong pangulo ng bansa?

Ayon sa ulat ng Rogue Magazine, umaabot ng P2-Bilyon hanggang P3-B ang kailangan ng isang kandidato para manalo bilang presidente o bise-presidente. Samantala, 400 milyong piso naman ang kailangan para manalo ng isang upuan sa Senado. Nakabatay ang nasabing ulat sa panayam sa mga political insider at negosyante.

Hindi ito nakapagtataka. Ayon sa Nielsen Media, mula Enero 2015 hanggang Enero 2016, ay mahigit-kumulang isang bilyong piso na ang ginastos ng nangungunang presidentiables para sa media advertisements pa lamang:

Jejomar Binay – P 1,050,065,096

Grace Poe – P 1,016,414,123

Mar Roxas – P 969,173,267

Rodrigo Duterte – P 146,351,131

Wala pa rito ang gastos nila simula noong nagumpisa ang official campaign period noong Pebrero. Wala pa rin dito ang gastos nila sa mga poster at iba pang paraphernalia, at campaign sorties. Madalas sabihin ng mga kandidato na para sa ordinaryong tao ang kanilang pagtakbo.

Pero taumbayan nga ba ang pumili at nagpapatakbo sa mga kandidatong ito? O ang malalaking negosyante na namumuhunan sa kanilang kandidatura?

‘P10 lang kada botante’

Ayon sa Fair Elections Act, pinapayagan lang ang isang kandidato sa pagkapresidente o bisepresidente  na gumastos ng P10 kada botante. Ibig sabihin, sa mahigit-kumulang 50 milyong rehistradong botante, dapat silang gumastos ng hindi lalampas sa P500-Milyon.

Pero makikita sa pag-aaral ng Nielsen na doble na rito ang ginastos ng kalakhan sa mga kandidato, at ito ay para sa media ads pa lamang.

Nalulusutan ng mga kandidato ang batas dahil sa ilalim ng 2009 Automated Elections Act, sinasabing hindi daw “pangangampanya” ang anumang gawin ng kandidato bago ang opisyal na campaign period na Pebrero pa nagsisimula. Kaya halos walang kabuluhan ang itinakda ng Comelec (Commission on Elections) na hangganan sa paggastos sa kampanya.

Required ang bawat kandidato na ideklara ang kanilang campaign donors at kung magkano ang nagastos nila sa kampanya, pagkatapos ng halalan. Siyempre, dahil tapos na ang kampanya, halos wala nang pumapansin dito.

Pero maiging tingnan ang Statement of Election Contributions and Expenditures (SOCE), dahil dito makikita kung sinu-sino nga ba ang nasa likod ng mga kandidatong tumatakbo sa puwesto.

Paulit-ulit na donors

Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), paulitulit na nagbibigay ng pera sa kampanya ng mga kandidato ang malalaking negosyante gaya nina Antonio “Tonyboy” Cojuangco, Manny Pangilinan, Enrique Razon, at Andrew Tan. Gayundin ang mga miyembro ng prominenteng mga pamilya ng panginoong maylupa gaya ng mga Aquino, Cojuangco, Araneta, Enrile, Lim at Lopa.

Pinag-aralan ng PCIJ ang SOCE ng mga kandidato sa nakaraang limang halalan, at natuklasan na kontrolado ng iilang mayayamang indibidwal ang donasyon sa mga ito. Palagi ring nagdodonate ang dalawang law firm na CVCLAW at ACCRALAW— ang dalawang law firm na ito ang nagrerepresenta sa halos lahat ng malalaking kumpanya sa Pilipinas.

Natuklasan din ng PCIJ na maraming kandidato ang lumalabag sa batas sa eleksiyon hinggil sa mga donasyon. Bawal kasi maging donor ang mga kumpanyang may malinaw na vestedinterest. Bawal magdonate ang mga kompanyang nabigyan na ng kontrata o may anumang transaksyon sa gobyerno, mga kompanyang nagpapatakbo ng public utilities, at mga kompanyang gumagamit ng likas-yaman ng bansa.

Para makaiwas sa batas, idinedeklarang campaign donor hindi ang mga mismong kumpanya, kundi ang mga indibidwal na may-ari nito. Halimbawa na lang sa kaso ni Pang. Benigno Aquino III.

Sa sariling imbestigasyon ng AlterMidya, lumalabas na campaign donor ni Aquino ang negosyanteng si Martin Lorenzo, na nasa negosyong real estate sa Hacienda Luisita—ang asyenda ng mga Cojuangco-Aquino na hindi pa rin ipinapamahagi sa magsasaka, sa kabila ng malinaw na utos ng korte.

Donor din ni Aquino si Savador Zamora III, na may-ari ng Universal LRT Corporation na nabigyan ng kontrata sa MRT 7. Gayundin, ang kumpanya ni Zamora na Nickel Asia ay nagmimina sa iba’t ibang bahagi ng bansa (kabilang ang mga lugar sa Surigao kung saan pinapatay ang mga Lumad na tutol sa pagmimina).

Ipinapakita rin ng mga campaign donor kung bakit pagkaupo sa puwesto, maka-kapitalista—sa halip na maka-manggagawa— ang nagiging tindig ng mga opisyal ng gobyerno. Halimbawa, sa pagkamatay ng 10 manggagawa sa Eton Properties, inabsuwelto ng labor department ang may-ari ng construction company na si Jose Ramon Aliling. Si Aliling ay nag-donate ng P10-M sa kampanya ni Aquino.

Gawain din ng mga pangulo na “regaluhan” ng posisyon sa gobyerno ang mga nagbigay ng pera sa kanilang kampanya. Gaya nina Cesar Purisima (P10-M), na ginawang Finance Secretary; Gerardo Esquivel (P10-M), na itinalagang MWSS administrator; at Philip Juico (P5-M), na ang asawang si Margie Juico ay ginawang head ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Sa likod ng presidentiables

Bagaman hindi pa tiyak na matutukoy kung sinu-sino ang donor ng mga tumatakbo ngayon sa pagkapangulo (pagkatapos pa ng halalan isinusumite sa Comelec ang listahan), makikita na rin kung sinu-sino ang nagpopondo sa kanila.

Si Mar Roxas ng Liberal Party, kalakhan ng pera sa kampanya noong nakaraang halalan ay idineklarang galing sa sariling pamilya. Pero saan nga ba galing ang pera ng pamilya Roxas-Araneta?

Ang pamilya Roxas ay nagmamay-ari ng malalaking tubuhan sa Capiz at Batangas. Ang kanilang padre depamilya na si Domingo Roxas din ang nagtayo ng mga naunang negosyo na batayan ngayon ng yaman ng mga pamilyang Ayala, Zobel at Soriano. Ang mga Araneta naman ay malaking pamilyang negosyante at panginoong-maylupa din. May-ari sila ng Araneta Coliseum at mga local franchise ng multinasyunal na brand gaya ng 711, Wendy’s, Taco Bell, at Dairy Queen.

Ang kilalang donor ni Jejomar Binay ay ang negosyanteng si Antonio Tiu ng kumpanyang Greenergy Holdings, AgriNurture, at Sunchamp Real Estate Development Co.

Samantala, si Grace Poe ay inendorso ng Nationalist People’s Coalition, partidong pulitikal na kilalang pinopondohan ng mga negosyanteng sina Eduardo “Danding” Cojuangco at Ramon Ang.

Ang nagpapatakbo ng pinansya ni Rodrigo Duterte ay si Carlos Dominguez, dating environment secretary ni Pang. Corazon Aquino, na naging direktor ng Lafayette Philippines (kumpanya ng pagmimina), Mindanao Power Corp., Shangri-La Plaza Corporation, RCBC, at iba pa. Nagpahayag din ng suporta kay Duterte si dating pangulong Fidel V. Ramos.

Samantala, ayon sa rekord ng Comelec, sariling pera ni Miriam Defensor-Santiago ang kanyang ginastos sa nakaraang kandidatura niya para sa pagkasenador.

Bagaman hindi pa matukoy kung sinu-sino talaga ang nagbubuhos ng pondo para sa magarbo at magastos na kampanya ng mga tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa, malinaw na ito pa rin ay ang iilang negosyante at panginoong-maylupa na dati nang kumokontrol sa ekonomiya at pulitika ng bansa. Maging ang mga lokal na kandidato na nagdadala sa kampanya ng presidentiables, ay nakasandig din ang yaman sa pagmamay-ari ng malalawak na lupain at negosyo.

Kaya’t nakapagtataka pa ba kung uunahin ng isang pangulo ang interes ng mayayaman na totoong nagluklok sa kanya sa puwesto?