Espesyal na Ulat FEATURED

Neoliberalismo at ang mga Kandidato: Kung bakit pare-pareho ang tumatakbo sa pagkapangulo


Lahat sila, para raw sa mahihirap. Lahat nangangakong pauunlarin ang ekonomiya. Kumbaga sa sabong panlaba, iba-iba ng brand pero iisa lang ang pangako — ang paputiin ang labada.

neolib

Lahat sila, para raw sa mahihirap. Lahat nangangakong pauunlarin ang ekonomiya. Kumbaga sa sabong panlaba, iba-iba ng brand pero iisa lang ang pangako — ang paputiin ang labada.

Ganito rin ang masasabi natin sa plataporma sa ekonomiya ng mga kandidato sa pagkapangulo. Iba-iba man ang termino at islogan, at may ilang paboritong isyu, iisa lang ang pardon para sa ekonomiya – ang neoliberalismo.

Yun pa rin

Sa nakalipas na halos 40 taon, mga prinsipyo ng neoliberalismo ang ginagamit ng bawat administrasyon para gumawa ng mga patakarang pang-ekonomiya. Sa katunayan, dito nakabalangkas ang “Daang Matuwid” ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ang neoliberalismo ay tumutukoy ito sa paraan ng pagpapatakbo sa ekonomiya at gobyerno kung saan sentral ang papel ng pribadong negosyo. Para raw umunlad ang ekonomiya, walang dapat humadlang sa malayang paggalaw ng mga kalakal, serbisyo at kapital ng mga negosyo. Ang tanging papel ng gobyerno ay tiyakin ang malayang paggalaw na ito.

Liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon naman ang mga patakaran ng neoliberalismo, o mas kilala bilang patakarang globalisasyon. Malayang pinapasok nito ang dayuhang puhunan at kalalakal sa bansa. Inaalis nito ang regulasyon ng gobyerno sa operasyon ng mga negosyo. Ipinauubaya nito sa pribadong sektor ang paggampan sa mga dapat ay tungkulin ng pamahalaan. Ang lahat ng ito ay para matiyak at mapalaki pa ang tubo ng mga pribadong negosyo.

 

Ramdam ng mga Pilipino ang epekto ng mga patakarang globalisasyon: Matinding kawalan ng trabaho. Laganap na kontraktuwalisasyon .Mababang sahod. Mataas na presyo ng bilihin, pagkain, langis. Mataas na singil sa tubig, irigasyon, kuryente, pamasahe. Kawalan ng serbisyong panlipunan sa edukasyon, kalusugan, pabahay. At marami pang iba.

PW-san-roque-PPP-featured
PW File Photo/Pher Pasion

Para pagtakpan ang masahol na epekto ng globalisasyon, inimbento ng neoliberalismo ang conditional cash transfer (CCT). Kilala natin ito bilang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Dito, namimigay ng pera ang gobyerno sa mga piling mahihirap na pamilya.

Pero hindi nito nilulutas ang problema ng kahirapan na pinalala ng globalisasyon. Pinalalabas lamang na may ginagawa ang gobyerno para sa mahihirap at hindi kailangang ibasura ang neoliberalismo.

Hindi lang sa Pilipinas kinikwestiyon ang mga patakarang neoliberal. Sa buong mundo, isinisisi sa globalisasyon ang patuloy na krisis sa pandaigdigang ekonomiya, at ang pagtindi ng kahirapan at pagkaatrasado ng maraming bansa.

Patuloy na itinutulak ang neoliberalismo sa daigdig, kasama ang Pilipinas. Hindi dahil wasto ito, kundi dahil nakikinabang nang husto ang mga dambuhalang dayuhang kapitalista at kasabwat nilang mga Pilipinong negosyante, panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalismo sa gobyerno.

Neoliberalismo at mga kandidato

Hindi babaguhin ng darating na halalan ang sitwasyong ito. Katunayan, nagtatagisan ang mga kandidato sa panguluhan sa pagsasabing ipagpapatuloy at pahuhusayin pa nila ang mga neoliberal na patakaran at programa sa ekonomiya ng administrasyong Aquino.

Kung susuriin ang plataporma at rekord ng bawat isa, wala sa limang kandidato ang nagbabasura ng adyenda ng pribadong sektor, korporasyon at malalaking kapitalistang bansa. Si Mar Roxas, Jejomar Binay, Grace Poe, Rodrigo Duterte, Miriam Santiago – lahat ay sang-ayon sa mga neoliberal na polisiya na ipinatutupad ng gobyernong Aquino. Lahat ay nakatuon sa paghihikayat ng dayuhang imbestor sa Pilipinas.

Syempre pa, nangunguna na rito ang kandidato ng Liberal Party (LP) na si dating Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) Mar Roxas. Kung ano man ang naging karanasan natin sa ilalim ng gobyernong Aquino sa huling anim na taon, pangakong ipagpapatuloy ito ni Roxas. Ika nga niya, itutuloy niya ang ‘Daang Matuwid’, at kung may mali ay aayusin pa.

Ikinampanya ni Aquino at ng LP ang “Daang Matuwid” bilang solusyon sa kahirapan. Sentrong programa nito ang public-private partnership (PPP). Pero sa kabila ng sinasabing paglago ng ekonomiya taun-taon, nananatiling laganap ang kahirapan habang lumolobo nang husto ang yaman ng iilang pamilya at negosyo.

Sa Mendiola, Manila, nagdala naman ng malaking kahon na "regalo" ang mga maralita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, Bayan Muna, Anakpawis, Bagong Alyansang Makabayan - National Capitol Region, at iba pa. Binatikos nila ang programang Public-Private Partnerships o PPP na anila'y nagdudulot ng demolisyon sa mga maralitang lungsod. Sinunog ng mga maralita ang naturang "regalo" bilang protesta sa administrasyong Aquino. (KR Guda)
PW File Photo/KR Guda

Tuloy ang PPP

Sa ilalim ng PPP, magkatuwang daw ang gobyerno at pribadong negosyo para maghatid ng serbisyo publiko at tugunan ang pangangailangan sa imprastruktura ng bansa. Pero ang totoo, binibigyan lamang nito ng bagong pagtutubuan ang mga negosyante. Sinisiguro ng PPP ang tiyak na kita ng mga mamumuhunan gamit ang pampublikong rekurso.

Mula sa LRT/MRT at expressway hanggang mga ospital at paaralan, ipinaubaya ng gobyerno ang pagtatayo at pagpapatakbo sa mga pribadong negosyo.

Siyempre, ipagpapatuloy at papalawakin pa ito ni Roxas. Wala sa mga humahamon sa administrasyon ang kumukwestiyon sa PPP. Sa katunayan, binatikos ni Bise Presidente Jejomar Binay ang kabagalan ng gobyernong Aquino para ipatupad ang programa. Dapat daw na mas marami pang nakumpleto sa 12 na proyektong PPP na inaprubahan ni Pang. Aquino. Kapag nanalo, ipinangako ni Binay na lulutasin niya ang mga kapalpakan ng pamahalaan at paghuhusayin pa ang PPP.

Gayundin, ipagpapatuloy at pabibilisin daw ni Senador Grace Poe ang mga nasimulang proyekto sa PPP ng administrasyong Aquino. Kung mananalo, pitong paliparan daw ang tatapusing itayo ni Poe sa pamamagitan ng PPP sa unang hati pa lamang ng kanyang termino. Ilan pa sa mga hinayag na plano ni Poe na posibleng isailalim sa PPP ay ang LRT system sa Cebu at train system sa Mindanao.

Ang pagsuporta sa PPP ay taliwas sa pahayag ng mga kandidato na makamahirap sila. Mamamayan ang nagpapasan ng pagbibigay ng katiyakan sa tubo ng pribadong sektor. Sa PPP, walang tigil ang pagtaas ng mga bayarin sa mga isinapribadong serbisyo gaya ng kuryente, tubig, irigasyon, komunikasyon, at transportasyon. Habang nililimitahan ang akses ng maraming mamamayan, hindi naman humuhusay ang kalidad ng serbisyo.

Dayuhang pamumuhunan

Malinaw sa mga plataporma nina Roxas, Poe at Binay ang diin sa paghihikayat ng dayuhang imbestor. Gayundin, may mga pahayag si dating alkalde ng Davao City Rodrigo Duterte tungkol sa pagtatayo niya ng special economic zones (SEZs) at mga imprastruktura para ibayong akitin ang mga imbestor.

Ang panawagan naman ni Senador Miriam Santiago na pasiglahin ang eksport ng bansa ay nakatuon para tugunan ang pangangailangan ng dayuhang merkado.

Balewala ang sinasabing pagtutol sa kontraktwalisasyon ng ibang kandidato gaya nin Poe, Duterte at Santiago dahil marahil ito sa makanegosyong pamamalakad ang ekonomiya ng bansa.

Charter change

Isa pang matibay na indikasyon ng pagpapatuloy at pagpapalalim ng mga patakaran at programang neoliberal sa ekonomiya ang masugid na suporta sa Cha-cha ng mga kandidato. Nagpahayag na sina Binay, Poe at Santiago na bukas silang baguhin ang Saligang Batas para alisin ang mga restriksyon sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng mga lupain at pagpapatakbo ng pampublikong yutiliti sa bansa.

 

Ang mga restriksyon ng Saligang Batas sa pagpasok sa lokal na ekonomya ng dayuhang kapital ang natitirang proteksyon ng bansa sa hambalos ng globalisasyon.

Peasant leaders from Anakpawis Party-list marched with a streamer calling on resistance against Charter Change. (Darius Galang)
PW File Photo/Darius Galang

Sa 4Ps

Sa sobrang suporta nina Roxas, Binay, Poe, Duterte at Santiago sa 4Ps, pangako nilang lalo pa itong palalawigin at palalawakin. Ika nga ni Binay, kung 4Ps ang administrasyon, siya ay mayroong “5Ps”.

Para sa mga trapo, “epektibo” ang direktang pamimigay ng hanggang P1,500 kada buwan sa mga mahirap. Hindi dahil natutugunan nito ang kahirapan kundi dahil itinataguyod nito ang sistemang patron sa pulitika habang binubuhasan ang diskontento ng mamamayan sa kawalan ng kabuhayan, serbisyong panlipunan, at iba pa.

Artipisyal na pagtugon sa kahirapan ang 4Ps. Panandalian ang ginhawa nito sa mahihirap na pamilya. Hindi gaya kung may nalikhang sapat na trabaho ang ekonomiya, at may siguradong panggastos ang bawat pamilya. Kabaligtaran ito ng 4Ps na nakaasa kung may pondo pa ang programa.

Utang ng gobyerno ang bilyung-bilyong pondo ng 4Ps. Babayaran ito ng mamamayan sa World Bank at iba pang dayuhang bangko, kasama na ang interes. Ayon sa mga kritiko, lumulubo ang utang ng Pilipinas pero hindi naman umiimpis ang bilang ng mahihirap. Ang masaklap, ginagawang lehitimo ng 4Ps ang modelong neoliberalismo dahil ipinapakita nito na, kahit papaano, may nangyayaring pagtugon sa kahirapan.

Patuloy na hamon ng Mamamayan

Iisa ang tono ng mga kandidato sa pagkapangulo pagdating sa larangan ng ekonomiya. Sa likod ng mga patutsadahan at intrigahan, pare-parehong itinataguyod ng mga ito ang interes ng dayuhang negosyo at malalaking lokal na kapitalista. Parepareho nilang ipagpapatuloy ang mga patakaran at programang neoliberal na matagal nang nagpapahirap sa mamamayan at nagpapanatili sa atrasadong kalagayan ng pambansang ekonomiya.

Mahalagang makita at maunawaan ito ng mamamayan para kahit sino man ang manalo sa halalan ay mananatili ang pagtunggali at paglaban sa neoliberalismo.