Hamon kay Digong

May 17, 2016

Kinikilala ng mga makabayan si Rodrigo Duterte na kakampi sa maraming isyung pambayan. Ilan sa mga hamon sa kanyang pag-upo.

Sa Hunyo 30 ngayong taon, susumpa si Rodrigo Roa Duterte bilang ika-16 pangulo ng Pilipinas. Sa unang pagkakataon, nagmula sa Mindanao ang magiging pinuno ng gobyerno. Sa unang pagkakataon, isang pulitiko na itinuturing ng mga progresibo bilang kaibigan at tagasuporta sa mga laban ng bayan ang maluluklok sa pinakamataas na puwesto ng Estado.

Pero tulad ng sinumang naging presidente ng Pilipinas, napapalibutan si Duterte ng iba’t ibang puwersang pampulitika. Sa kabila ng reputasyon niya bilang makamasang pulitiko, suportado siya ng malalaking negosyante, pulitiko at pati mga dating heneral ng militar at pulisya.

Dahil sa samu’t saring impluwensiya na nakapalibot sa kanya, hinihimok ngayon ng iba’t ibang sektor at organisasyon ng mga mamamayan si Duterte na agad na tuparin ang pangakong radikal na mga pagbabago sa sambayanan. Hangad nila na pag-upo niya, agad na tahakin ni Duterte ang landas ng pag-angat sa kabuhayan at kilalanin ang kanilang mga karapatan—bagay ni ipinagkait sa kanila ng nakaraang mga rehimen.

Bilanggong pulitikal, palayain

Nang maluklok si Pang. Corazon Aquino sa poder matapos ang pag-aalsa sa EDSA noong 1986, isa sa pinakaunang mga hakbang niya bilang pangulo ay magpalaya ng mga bilanggong pulitikal. Sa kalagayang lumobo ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa ngayon kasabay ng tumitinding paglabag sa mga karapatang pantao, ganito rin ang hiling ng mga grupong pangkarapatang pantao.

Isang araw matapos ang halalan, nang malinaw nang lumalamang si Duterte sa bilangan, inanunsiyo ng kanyang tagapagsalita na si Peter Lavina na isa sa mga unang hakbang ng nahalal na pangulo ang pag-aralan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

Aniya, plano ni Duterte na “repasuhin ang istatus ng mga bilanggong pulitikal”. Bahagi umano ito ng mga hakbang para muling mapasimulan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF) na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan.

“Mahalagang palayaan ang mga bilanggong pulitikal na nagdurusa ng iba’t ibang sakit,” ani Lavina.

Samantala, bago pa man ang halalan, sa isang pag-uusap ni Duterte at Prop. Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng NDF, sa pamamagitan ng Skype, ipinangako ni Duterte sa kanyang dating propesor sa Lyceum of the Philippines University na si Sison na bibisitahin niya ang The Netherlands kung nasaan si Sison para pag-usapan nila ang usapang pangkapayapaan.

Nauna nang sinabi ni Sison na bukas siya na tuluyang umuwi na sa Pilipinas para sa usapang pangkapayapaan.

Ayon naman sa Communist Party of the Philippines (CPP), masugid nitong sinusubaybayan ang pangako ni Duterte na magdeklara ng tigil-putukan para bigyan-daan ang usapang pangkapayapaan pagkatapos magwagi sa halalan.
“May kirot sa puso ang pangakong ito ni Duterte sa mga mamamayang Pilipino na matagal nang nag-aasam ng makabuluhang pag-usad sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP (gobyerno ng Pilipinas) mahigit 15 taon matapos mabalam dahil sa GRP at AFP (Armed Forces of the Philippines),” pahayag ng CPP, dalawang araw bago ang halalan.

Sinabi ng CPP na mahigit 20 konsultant ng NDF ang kasalukuyang nakakulong ang 543 bilanggong pulitikal sa mga kulungan ng gobyerno. Pinigilan ng administrasyong Aquino ang pagpapalaya sa mga konsultant at bilanggong pulitikal na ito, kabilang sina Benito at Wilma Tiamzon, Alan Jazmines, Tirso Alcantara, Adelberto Silva, at marami pang iba.

Pagpapanagot kay Aquino

Dahil sa pagtindi ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng programa kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan ni Pangulong Aquino, nanawagan naman ang mga grupong pangkarapatang pantao na agad na usigin si Aquino pagpasok ni Duterte sa Malakanyang.

“Natutuwa kami sa matatapang na pahayag (ni Duterte) kontra sa korupsiyon at kriminalidad, at ang pagtanggi niyang di-usigin si Aquino at ang pangunahing mga opisyal ng gobyernong ito,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagpangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU). “Himahamon namin siya na agarang magsampa ng mga kaso laban kay Aquino at matataas na opisyal na malapit kay Aquino.”

Bukod sa mga paglabag sa karapatang pantao, kinakailangan din daw pagbayaran ni Aquino ang malawakang pandarambong sa kaban ng bayan (sa uri ng bilyun-bilyong pisong Disbursement Acceleration Program o DAP), at pagiging tuta ng gobyernong US, dagdag pa ni Labog.

“Sabik na hinihintay ng malawak na masa ng mga mamamayan ang pag-aresto at pagkulong kay Pangulong Aquino at ang kanyang budget mastermind, si Florencio Abad, na naging notoryus sa pandarambong at walang-kapantay na korupsiyon sa pag-abuso sa sistema ng pork barrel,” sabi naman ni Sison.

Duterte, kasama si Rep. Silvestre Bello III, na balak italaga niya bilang punong negosyador sa pakikipag-usap sa rebolusyonaryong kilusan. <b>KR Guda/PW File Photo</b>

Duterte, kasama si Rep. Silvestre Bello III, na balak italaga niya bilang punong negosyador sa pakikipag-usap sa rebolusyonaryong kilusan. KR Guda/PW File Photo

Hamon ng obrero

Noong kampanya, pinakauna si Duterte sa mga nangakong wawakasan niya ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

“Hinahamon namin si Duterte na tuparin ang kanyang pangako na wawakasan niya ang kontraktuwalisasyon. Dapat niyang ibasura ang Department Order No. 18-A Series of 2011 at ang mga probisyon ng Herrera Law at Labor Code na naglelegalisa ng kontraktuwalisasyon. Dapat niyang ipagbawal ang Job Contracting kasama ang dati-nang-ilegal na Labor Only Contracting,” sabi pa ni Labog.

Sinabi pa ng naturang lider-obrero na kailangang patunayan ni Duterte sa pamamagitan ng kilos na di siya seryoso sa banta niyang “papatayin ang mga KMU” kapag nag-organisa ang mga ito ng mga unyon sa mga engklabo—na sinabi ni Duterte noong panahon ng kampanya.

Nanawagan din ang KMU sa bagong-halal na pangulo na suportahan ang panawagang National Minimum Wage na P750 sa isang araw, gayundin ang panawagan ng mga empleyado ng gobyerno na P16,000 minimum na suweldo kada buwan.

“Nananawagan kami sa kanya na irolbak ang atake sa minimum na sahod na isinagawa ng nakaraang mga rehimen at ibalik ang minimum wage na malapit sa Family Minimum Wage (P32,000 kada buwan) na kinumpiyut ng independiyenteng think-tank na Ibon Foundation,” sabi pa ni Labog.

Magsasaka, kabataan

Matagal nang hinamon ng militanteng grupo ng mga magsasaka si Duterte na tupdin ang pangako niyang ipamahagi nang libre ang mga lupaing agrikultura sa mga nagbubungkal nito na mga magsasaka.

Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), na susi ang tunay na reporma sa lupa para mabigyang-laya ang produktibong potensiyal ng lupain sa bansa at makaambag sa pag-angat ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka na mayorya ng populasyon sa bansa.

Noong panahon ng kampanya, pinuri ng KMP si Duterte sa pahayag ng huli na magpapatupad siya ng repormang agraryo kung maluluklok siya sa Malakanyang. Ngunit binatikos din ng KMP ang noo’y alkalde ng Davao City sa mga pahayag niyang kailangang baguhin ang Saligang Batas para hayaan ang dayuhang pag-aari ng mga lupain sa Pilipinas.

Matapos ang eleksiyon noong Mayo 9, sinabi rin ng tagapagsalita ni Duterte na si Lavina na isa sa unang magiging hakbang ni Duterte bilang pangulo ang pagtulak ng pagrepaso sa Saligang Batas. Itinutulak umano niya ang pederalistang sistema ng gobyerno, gayundin ang dayuhang pag-aari sa lupain at negosyo sa bansa.

Nanawagan din ang iba’t ibang grupo ng mga magsasaka ng hustisya sa nakaraang mga pandarahas sa lumalabang mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa. Ayon sa kanila, sana hindi na dahasin ang lumalabang mga magsasaka sa ilalim ng administrasyong Duterte.

“Sa ilalim ng bagong administrasyon, ang pagsasabi namin ng katotohanan at pagtuligsa sa mga makapangyarihan ay patuloy bang susuklian ng pangungutya, marahas na panunupil at masaker na gaya ng aming naranasan mula Escalante, Mendiola, Hacienda Luisita at Kidapawan? Kami na siya na ngang mga biktima ng karahasan ay itinuturing pa na mga kaaway ng estado at patuloy na tinutugis ng pulis at militar, sinasampahan ng patung-patong na gawa-gawang kaso, at pinagdurusa sa iligal na pagkakabilanggo,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA, sa bukas na liham ng grupo kay Duterte.

Samantala, nanawagan naman ang Kabataan Party-list kay Duterte na itigil ang taas-singil sa mga matrikula sa bansa. Hiling din nila ang suportahan ng bagong presidente ang panawagan para sa libreng edukasyon sa lahat ng antas, at repasuhin at itigil ang implementasyon ng programang K-12.

“Inisyal na mga hamon lang ito na ipinapadala namin sa bagong pangulo. Sana’y pakinggan ng sunod na presidente ang aming mga hiling, at agarang makipag-ugnayan sa sektor ng kabataan para makamit ang mga hangaring ito,” sabi ni Sarah Elago, unang nominado ng Kabataan Party-list, na nagwagi sa eleksiyong party-list.

Tanging si Duterte lang ang presidentiable na dumalo sa Peasant Challenge ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong panahon ng kampanya. <b>Kontribusyon</b>

Tanging si Duterte lang ang presidentiable na dumalo sa Peasant Challenge ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong panahon ng kampanya. Kontribusyon

Labanan ang presyur

Ngayon pa lang, hiling na ng mga organisasyong masa kay Duterte na labanan ang presyur ng iba’t ibang makapangyarihang puwersa na dikit sa kanyang kampanya.

Batay sa naunang mga pahayag ng kanyang mga tagapagsalita, mistulang susundan pa rin umano ni Duterte ang bigong mga pulisiya sa pulitika at ekonomiya na nagsasadlak sa mga mamamayan sa kahirapan, ayon sa Ibon Foundation.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon, tila nakapokus ang plano ni Duterte sa law and order para maglikha ng positibong mga kondisyon para sa negosyo, habang nagbibigay ng kakarampot na serbisyong sosyal sa uri ng Conditional Cash Transfer at suporta sa mga magsasaka.

Nababahala rin umano ang Ibon sa nabibitawang mga pangalan ng kampo ni Duterte na maaaring maging miyembro ng kanyang gabinete. Kasama rito sina Albay Gov. Joey Salceda (dating tagapayong pang-ekonomiya ni Pangulong Arroyo), Prop. Ernesto Pernia na ekonomista ng Asian Development Bank (ADB), at Carlos Dominguez III, negosyante sa Davao at isa sa mga ehekutibo ng Alcantara and Sons, isang kompanya ng logging na nilabanan ng katutubong mga Talaingod Manobo noong dekada ’80.

(Kahapon, inanunsiyo rin ni Duterte na nais niyang ipaubaya sa CPP ang pagnomina sa mga kinatawan ng Department of Labor and Employment, Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources at Department of Social Welfare and Development. Malugod na tinanggap ito ni Sison, na nagsabing magmumungkahi sila ng nominado, kahit hindi komunista. Pero inanunsiyo rin ni Duterte ang balak niyang italaga si Lt. Gen. Ricardo Visaya bilang chief-of staff ng Armed Forces of the Philippines. Si Visaya ang naging ground commander ng Army noong nangyari ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004. Kilalang dating tauhan din siya ng tinaguriang “berdugo” na si Hen. Jovito Palparan. -Ed.)

Sinabi naman ng CPP na hindi pa nga kumakawala si Duterte sa neoliberal na mga polisiya na nagpahirap sa mga mamamayan noong nakaraang mga rehimen. “Kailangan pa niyang patunayan ang sarili niya sa praktika: Magiging katulad ba siya ni Hugo Chavez ng Venezuela na tumindig laban sa pananakot ng gobyernong US at nagtulak ng pagsasabansa, pagtatag ng social welfare state at pag-armas sa mga mamamayan? O magiging katulad siya ni (Alexis) Tsipras ng Greece na dinepensahan ang welfare state sa mga debateng pulitikal pero sumunod din sa mga dikta sa polisiya ng International Monetary Fund at European Union?” ayon sa CPP.

Hinimok ng rebolusyonaryong kilusan si Duterte na labanan ang impluwensiya ng US na ngayon pa lang ay nagpaparamdam na at nagpapahayag na binabantayan nito ang magiging gobyernong Duterte.

Para sa mga organisasyong masa, hamon sa bagong pangulo na maging totoong “progresibong” presidente—sa kilos at gawa, hindi lang sa salita.


 

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.