“Unity Walk” Isang Panlilinlang- Kadamay

April 15, 2016

<strong>PW File Photo</strong>

PW File Photo

Dumagsa sa may Commonwealth Avenue patungong Quezon Memorial Circle ang marami sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno para sa isang pagtitipon para suportahan ang kumakandidatong pagkapresidenteng si Mar Roxas.

Mas pagpapaigting pa sa 4Ps ang isinusulong ni Roxas dahil gagawin daw itong batas kung siya ang mahahalal.

Ayon kay Gloria Arellano,  tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), isa itong panlilinlang sa mga maralita at hindi nito tunay na sinasagot ang ugat ng kahirapan.

“Bukod sa ‘dole-out’ ang porma ng tulong na ibinibigay ng gobyerno ang pagsasabatas ng 4Ps ay nangangahulugan ng pagpapatibay ng pangungutang ng gobyerno sa mga institusyong dayuhan tulad ng IMF-WB (International Monetary Fund-World Bank). Sa halip na gawing prayoridad ng gobyerno ang serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng sariling kabang-yaman mistulang gjnagawang panlako ang kahirapan upang makapangutang at makapagpuslit na naman ang nga korap sa gobyerno.”

Sa datos ng Kadamay, sa taong 2016, nasa $850 milyon dolyar na ang inutang ng bansa sa international lending institutions. Papalobohin nito sa $1.6 bilyon dolyar ang kabuuang utang kung isasama ang inisyal na loan ng gobyerno. Ibig umanong sabihin ang mga Pilipino ay magbabayad ng nasa P86 bilyon sa mga susunod na taon. Nangyari ito sa anim na taon ni Aquino. Magdadagdag ito sa kasalukuyang utang na P67,000 kada Pilipino, ayon kay Arellano.

Nasa 40 porsiyento ng pondo nakakalap sa mga utang ay bulnerable sa korapsiyon. Sa tantsa ng Commission on Audit, mayroong P5 bilyon at higit pa ang unaccounted mula sa alokasiyon sa 4Ps.

Ang isinagawang pagtitipon ng mga benepisyaryo sa Quezon City Circle ay naging ‘campaign sortee’ ni Mar Roxas bilang paghahanda sa darating na eleksiyon, ayon sa grupo.

“Sinasanantala pa ng gobyernong ito ang kahirapan ng ating mga kababayan. Aabutan ng limos, pangangakuan ng kung anu-ano ngunit sa totoo lang, hindi naman nalulutas ang kahirapan sa bansa,” ayon kay Arellano.

Mas higit na kailangan umano ng mga maralita ang trabaho, nakabubuhay na sahod, at karapatan sa paninirahan. Sa mga isyung ito tahimik ang mga kandidato na dapat ito ang kanilang pinag-uusapan at binibigyan ng solusyon, dagdag ni Arellano.

“Kung wala sa programa ng mga kandidato lalo na si Mar Roxas ang usapin sa trabaho, nakabubuhay na sahod, at karapatan sa paninirahan, ang 4Ps na iyan ay isang malinaw na panlilinlang sa mga mahihirap,” pagtatapos ni Arellano.