Manggagawa

Tagumpay at Hamon sa Kongreso at Anibersaryo ng Courage


Sa kasalukuyan, patuloy ang paglawak ng Courage sa mga kawani ng gobyerno lalo na sa mga dating hindi nila naaabot.

Pagharap ng mga opisyal ng Courage kasama si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Migrante Partylist First Nominee Gary Martinez sa press conference sa Teachers Camp sa Baguio City. Pher Pasion
Ang pagtitipon ng mga miyembro ng Courage para sa kanilang ika-10 Kongreso sa Teachers Camp sa Baguio City. <strong>Pher Pasion</strong>
Ang pagtitipon ng mga miyembro ng Courage para sa kanilang ika-10 Kongreso sa Teachers Camp sa Baguio City. Pher Pasion

Nagsimula sa pitong unyon noong 1986 nang itatag ang Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage), organisasyon ng mga kawani sa gobyerno.

Matapos ang tatlumpung taon, lumawak ang Courage, bitbit ang militante, progresibo, at makabayang unyonismo, sa mahigit 220 unyon sa buong Pilipinas.

Ang tagumpay na ito ay ipinagbunyi ng Courage sa kanilang ika 10-kongreso sa Teachers Camp, Baguio City, Abril 4-8, na dinaluhan ng mahigit 200 delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa.  Lalo itong nagbigay ng lakas sa Courage na ibayong harapin ang mga isyung kinakaharap ng mga kawani at ng bayan.

“Bagamat isinilang ang Courage sa panahon ng “panunumbalik” ng kalayaan mula sa diktaduryang Marcos, hindi nagbago ang pang-ekonomiya at pang-politikang kalagayan ng mga kawani at ng bayan. Patuloy pa ring sinusupil at inaatake ng mga neo-liberal na polisiya ang hanay ng mga kawani sa mga
nagdaang rehimen at pinakamasahol sa ilalim ngayon ni Aquino,” ayon kay Ferdie Gaite, tagapangulo ng Courage, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Nakabubuhay na sahod

Pangunahing isinusulong ngayon ng Courage ang P16,000 national minimum wage para sa pampublikong sektor mula sa P9,000 na natatanggap ng mga ito sa kasalukuyan. Higit na mababa pa ang aktuwal na naiuuwi ng karaniwang kawani dahil sa dami ng kaltas at buwis.

Kalahati ang halagang ito ng family living wage kada araw na P32,000 para sa isang pamilyang may anim na miyembro para mabuhay nang disente. Hindi pa kasama dito ang gastusin kung may magkasakit, may maaksidente, o may dumanas ng sakuna gaya ng bagyo at iba pa.

Matagal na itong pinanawagan ng mga kawani.  Sa limang taon na panunungkulan ni Noynoy Aquino bilang pangulo hindi nakatikim ang mga kawani ng umento sa sahod sa kabila ng pagtaas ng mga bilihin.

Pagharap ng mga opisyal ng Courage kasama si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Migrante Partylist First Nominee Gary Martinez sa press conference sa Teachers Camp sa Baguio City. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagharap ng mga opisyal ng Courage kasama si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Migrante Partylist First Nominee Gary Martinez sa press conference sa Teachers Camp sa Baguio City. Pher Pasion

Naglabas nga si Aquino ng  Executive Order 201 na nagbigay bisa sa panukalang Salary Standardization 4, pero nakapaliit ng idadagdag sa sahod na aabot lamang sa P500 kada buwan o P24 kada araw.  Masahol pa, hindi pa ito makukuha nang buo, bagkus tilad-tilad o installment sa loob ng apat na taon.

Ayon pa rin kay Gaite, “Mapanlinlang ang  Executive Order 201. Pawang mga opisyales ang tunay na nagpipiyesta dito dahil mas mataas ang kanilang umento sa EO na ito. Pero para sa mga karaniwang kawani mas marami pa ngang mawawala sa mga benepisyo na dati na nilang natatamasa sa Magna Carta kesa sa idadagdag sa sahod nila.”

Lalabas pa, ipapako nito ang sahod ng rank-and-file sa apat na taon. Pero para sa matataas na opisyal ng gobyerno triple pa ang itataas ng suweldo nila. Ang mga senador, kongresista, at bise presidente ay tatanggap ng dagdag na P2,322 kada araw o P51,322 kada buwan.

Mas mataas pa sa presidente ng Pilipinas.  Tatanggap ang presidente ng karagdagang P3,046 kada araw o P67,024 kada buwan; ibig sabihin, mula sa P120,000 isang buwan na suweldo magiging P400,000 ito sa isang buwan.

Nagsara ang kongreso na hindi pumasa ang orihinal na SSL 4.  Pero ang ginawa ni Aquino, para na rin magpabango marahil sa mga kawani bago mag-eleksyon, ay idinaan ito sa isang executive order–ang EO 201.

Pagtitipon ng mga miyembro ng Courage sa Teachers Camp sa Baguio City para pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng mga kawani sa gobyerno. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagtitipon ng mga miyembro ng Courage sa Teachers Camp sa Baguio City para pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng mga kawani sa gobyerno. Pher Pasion

Hamon sa susunod na Pangulo

Isa lamang ang sahod sa marami pang isyu na kinakaharap ng mga kawani sa pamahalaan. Sa kanilang kongreso tinalakay at pumosisyon sila laban sa mga isyu ng kontraktuwalisasyon, disallowancescorporatization o pribatisasyon, tanggalan sa trabaho, at iba pa.

Sa kasalukuyang pangulo, wala nang maasahan ang kawani ng gobyerno para sa panawagan nilang dagdag na sahod. Kaya naman isang malaking hamon para sa mga kawani na maigiit sa susunod na administrasyon ang kanilang panawagan.

“Kahit kailan hindi kami naniwalang tinahak ng administrasyong ito (ni Aquino) ang Tuwid na Daan… Wala siyang naitulong lalo na sa usapin sa dagdag-sahod. Ang SSL 4 ay hindi pakinabang ng mga kawani, hindi ito salary increase sa mga government workers, ito ay further depression ng wages sa mga manggagawa,” ayon kay Gaite.

Matapos umano ang apat na taong implementasyon ng SSL 4, mababa na ang aktuwal na halaga o real value ng sahod, ayon sa Courage.

Mapanghamong panahon

Para sa Courage, hindi nagkataon ang pangalan ng kanilang organisasyon. Hindi kailanman naging isang madaling landas ang ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga kawani sa pamahalaan.

Kaya naman pinarangalan nila sa ika-10 Kongreso ang mga nag-alay ng buhay para sa mga kawani at sa bayan, gaya nila Albert Terredano (DAR Abra; pinatay noong Nobyembre 29, 2005), Sammy Dote (Catbalogan Municipal Hall, Northern Samar; pinatay noong Abril 11, 2005), Paquito Diaz (DAR Tacloban at Courage Regional Chairman ng EV; pinatay noong Hulyo 26, 2006), Prof. Jose Maria Chui (University of Eastern Philippines, Samar; pinatay noong Enero 19, 2007), Dominador de Luna (NFA Samar; pinatay noong Enero 29, 2007), Carlos “Caloy” Rodriguez (Nagkakaisang Lakas ng Manggagawa ng Calamba Water District; pinatay noong Nobyembre 7, 2010).

Gayundin, nagpugay sila sa mga kasamahang tatlong taon nang nakakulong sa Bicol ngayon sa gawa-gawang mga kaso na sina Randy Vegas at Raul Camposano.

Pagbibigay ni Ferdie Gaite, tagapangulo ng Courage, ng isang pag-aaral sa mga miyembro ng Courage. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagbibigay ni Ferdie Gaite, tagapangulo ng Courage, ng isang pag-aaral sa mga miyembro ng Courage. Pher Pasion

Nito lang 2015, nakaranas ng panghaharass ang mga lider unyon sa ilalim ng Courage. Marami sa kanila ang sumailalim sa surveillance at direktang pananakot ng mga pinaghihinalaang elemento ng estado. Tinangka pang dukutin si Antonietta Dizon na binigyang sangtuwaryo ng Integrated Bar of the Philippines at sinaklolohan ng mga miyembro ng iba’t ibang progresibong organisasyon.

Sa mga nagdaang taon, sa halip na magapi ang mga kawani at mamamayan, pinili nilang unawain at pangibabawan ang takot.

Sa halip na matakot, sabi ni Gaite, “Pinili nating ipaglaban ang mga kagalingan ng mga manggagawang kawani sa pamamagitan ng pakikibaka kasama ng mga mamamayan. Hindi kataka-taka kung gayun na pagkatapos ng tatlong dekada, ang Courage ang nananatiling pinakamalaki at pinakamalawak na sentrong organisasyon ng mga kawani sa pamahalaan na nagsusulong ng militante, progresibo, at makabayang unyonismo.”

Di na nga biro ang inabot na lakas at antas ng Courage.  Asahan nang ibayong tagumpay pa ang aanihin nito sa mga susunod na taon.