Karapatang Pantao Magsasaka

KMP, nanawagan ng papalaya sa mga inaresto sa Kidapawan


Nagprotesta sa Department of Justice ang mga militante sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para sa pagpapalaya sa may 70 magsasaka na inaresto sa Kidapawan City noong Abril 1 matapos ang madugong dispersal. Wala umanong hustisya sa pagkulong sa mga magsasaka kabilang na dito ang anim na senior […]

Protesta sa harapan ng Department of Justice para sa pagpapalaya ng mga magsasaka sa Kidapawan City. Christine Magat
Protesta sa harapan ng Department of Justice para sa pagpapalaya ng mga magsasaka sa Kidapawan City. <strong>Christine Magat</strong>
Protesta sa harapan ng Department of Justice para sa pagpapalaya ng mga magsasaka sa Kidapawan City. Christine Magat

Nagprotesta sa Department of Justice ang mga militante sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para sa pagpapalaya sa may 70 magsasaka na inaresto sa Kidapawan City noong Abril 1 matapos ang madugong dispersal.

Wala umanong hustisya sa pagkulong sa mga magsasaka kabilang na dito ang anim na senior citizen, tatlong buntis, at pito pang sugatan, ayon sa Karapatan, isang grupo ng nagtataguyod sa karapatang pantao.

Inihalintulad nila ang pangyayari sa Mendiola massacre noong 1987 na ikinamatay ng 13 magsasaka. Gayundin ang nangyaring masaker sa Hacienda Luisita na ikinasawi ng pitong magsasaka noong 2004.

Ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang-kalihim ng Bayan, walang arrest warrant ang mga pulis na nanghuli sa mga mangbubukid at kinasuhan sila ng direct assault kahit hindi naman sila gumagawa ng krimen.

Hiling ng grupo na ibaba ang piyansa sa mga nakakulong na magbubukid P2,000. Pero hindi dito pumayag ang mga prosekyutor ng DOJ dahil masyado daw itong mababa sa P6,000 kada isa.

Si Rafael Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, habang nagbibigay ng kaniyang pahayag sa harapan ng DOJ. <strong>Christine Magat</strong>
Si Rafael Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, habang nagbibigay ng kaniyang pahayag sa harapan ng DOJ. Christine Magat

Samantala, nangangalap naman ng tulong para sa pampiyansa ng mga magsasaka ang mga artista gaya ni Aiza Seguerra na nauna nang nagbigay ng suporta para sa mga magsasaka sa Kidapawan. Nagbigay din ng suporta sina Robin Padilla, Monique Wilson, Nora Aunor, at iba pa.

Pinuna ng Bayan ang pagsasawalang kibo ni Noynoy Aquino sa loob ng halos anim hanggang walong araw at pagdadahilan na wala itong alam sa nangyayari sa Kidapawan.

Kinondena naman ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP at nakaligtas noong Mendiola massacre, ang ginagawa ng DOJ na kusa umanong nagpapagamit bilang instrumento ng pandarahas, panlilinlang at paglabag sa karapantang pantao ng mga magsasaka sa Kidapawan.

Hindi umano sila nandoon para magsumamo sa secretary ng DOJ kundi para maningil dahil tila ginagamit ang DOJ para mag sampa ng gawa-gawang kaso. Pinangaralan pa ang mga pulis na nagmasaker sa mga magsasaka kahit na ini-imbestigahan pa lang ang mga pangyayari.

Oras na matanggal ang immunity from suit ni Aquino sa pagtatapos ng termino nito sa ika-1 ng Hulyo, handa silang mag-file ng criminal charges laban sa kaniya, pagtatapos ni Mariano.