ATTACKKK!

Magulang

February 18, 2016

Muni-muni hinggil kay Mar Roxas, sa legacy ng kanyang pamilya bilang bahagi ng naghaharing uri, at pangangayupapa sa imperyalismo.

Sa iyo
na sagisag ng kaisahang
Ngayon, ay hindi na,

Sa iyo
na lakas ng diwa ng kalayaang
nagahis ng ibang napasa-iyo,

Sa iyo
na dati’y sulak ng dugong
naghihimagsik,

Sa iyo,
O bayan kong sinilangan —

Ito’y awit
ng kabiguan ko sa iyo
na tumatangging magbangon ng sarili

*           *           *

Ang mga saknong sa itaas ay mula sa tulang Sa Iyo, O Lider ng Bayan ni Alejandro G. Abadilla, ang tinaguriang “Ama ng Modernistang Tulang Tagalog” na kilala rin bilang AGA. May tatlong canto ang tula (nahahati sa 1-2-3).  Naglalaro sa dalawa o tatlong taludtod bawat saknong.

*           *           *

Ilang buwan kong hinanap ang tulang ito sa Internet. Nabigo ako. Bakit? Ilang kakilala ang pinagtanungan ko kung may libro sila ni AGA. Wala sa kanilang nakapagtabi. Hanggang sa kani-kanina lang, wala pang limang minuto mula nang simulan kong tipain ang kolum na ito, ay ipinadala sa akin ni Ser Reuel Aguila ang kuha mula sa mga pahina ng kanyang sariling kopya.

*           *           *

Bakit ko hinahanap ang tula? Unang-una, dahil kapuna-puna ang nabalitaan kong pinag-alayan ng tula. Totoo nga. Sa ibaba ng unang pahina ng tula, nakalagay ang ganito:

Sa pangulong Manuel Roxas dahil sa Parity.

*           *           *

Ipinaalala nito sa akin ang advertising meme na inilabas ng kampo ni Mar Roxas. May heading na Pamilyang Roxas, ‘di umaatras ang meme at ipinapakita ang tatlong henerasyon ng mga haciendero/politikong Roxas (Pres. Manuel Roxas, Senador Gerry Roxas, at Mar Roxas)—nasa ilalim ng Liberal Party ang tatlo.

*           *           *

Sa meme na nabanggit, si Mar Roxas ay tinaguriang “Kalaban ng mga bully.” Maliwanag na false advertising ito. Ang totoo siya pa nga ang bully. Hindi mabubura ng kampo niya ang mga balita tungkol sa ginawa niyang paninigaw at pagmumura sa mga empleyado ng Wack Wack Golf and Country Club noong Abril 6, 2014. Nasuspinde ang membership niya sa nasabing private club dahil sa ginawa niyang iyon.

*           *           *

“Join me, and together, we can rule the galaxy as father and son!”
– Darth Vader, kay Luke Skywalker,
Star Wars Episode V: The Empire Strikes Back

*           *           *

Naalala ko ito dahil sa Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang (CARMMA) na itinatag ng mga biktima ng Batas Militar atbp.

*           *           *

Facebook status ni Jonathan Caiña:

Huwag daw husgahan si Bongbong dahil sa ginawa ng tatay niya…
Pero iboboto nila si Bongbong dahil idol nila si former president Marcos?

*           *           *

Isa pang false advertisement sa meme ni Mar Roxas ay itong sinabing “arkitekto ng modernong republika” si Pres. Manuel Roxas.

*           *           *

“Roxas violates the Constitution.”
– Senator Ramon Diokno, December 1946

*           *           *

Ang siste, senador pa lang noon ang lolo ni Mar ay ibinenta na ang Pilipinas sa Imperyalistang U.S. Senate President siya noon nang i-railroad niya ang term extension para tumagal pa siya sa puwesto. Sinuportahan ni General MacArthur ang kandidatura niya hanggang sa siya ay maging presidente.

*           *           *

Naging unang presidente ng bagong republika si Manuel Roxas matapos ang moro-morong pagbibigay ng U.S. ng kalayaan sa Pilipinas noong Hunyo 4. 1946. Ni-railroad niya ang batas na kontra-Pinoy—ang  Bell Trade Act.

*           *           *

“The son is not a judge of his father, but the conscience of the father is in his son.“
– Simon Soloveychik

*           *           *

Kasama sa Bell Trade Act ang “parity rights” clause na nagbibigay ng karapatan sa mga korporasyong Kano para gahasain ang mga kabundukan at iba pang natural na yaman ng Pilipinas.

Sa batas na ito, ang mga produktong in-import ng mga negosyanteng Kano mula sa Pilipinas ay walang duty, quota, at price ceiling. Samantala, ang mga ni-export naman ng Pilipinas sa U.S. ay isinailalim pa sa quota restrictions.

Idagdag pa, naglabas ng Executive Order si Manuel Roxas na nagpipigil sa mga negosyanteng Pinoy na mag-export ng kani-kanilang pangunahing produkto tulad ng kopra at troso sa ibang bansa, maliban sa U.S., kahit pa mas mataas ang presyuhan sa mga bansang iyon.

*           *           *

Kaya naman maitatanong, anong kalayaan ang ibinigay ng Imperyalistang U.S. sa bansa noong 1946?

*           *           *

Nang una kong malamang ikaw ay Haciendero,
Isinarado ko na ang tenga ko.
Nagpapaalala ka sa Mendiola,
Nagpapaalala ka sa Luisita,
Nagpapaalala ka sa iyong biktima.
Sumpa na naging Sumpa, Axel Pinpin

*           *           *

To be fair, hindi pwedeng manahin ng anak ang krimen at pagkakautang ng sinuman sa kanyang mga magulang. Gayunman, katulad ng madalas mangyari sa posisyon sa gobyernong minamana ng anak, nagiging collaborator, complicit, o accessory to the crime pa ang mga anak.

Halimbawa, sa manifesto ng CARMMA binanggit na “while the sins of the father may not be passed on to the son, the son could very well inherit the ill-gotten wealth of the father. And Bongbong, with the family, did inherit the fruits of the legendary Marcos plunder amounting to hundreds of billions of pesos, much of which has yet to be uncovered, and which Bongbong will never reveal and give back.”

Isa pang patunay:

“Bongbong whitewashes the Marcos dictatorship’s crony capitalism, of which he had been a part. In 1985, when Bongbong was 26 years old, his father appointed him chairman of the board of the Philippine Communications Satellite Corporation (Philcomsat), receiving a monthly salary of anywhere between $9,700 to $97,000. This, despite that fact that he had no duties in Philcomsat and rarely even went to office.”

*           *           *

Sa tula ni AGA, mahihinuhang may dalawang “lider ng bayan” na tinutukoy sa mga panghalip na “iyo.” Una, ang pinag-alayan ng tula, si Manuel Roxas, na ibinenta ang “bayan kong sinilangan” sa pamamagitan ng Bell Trade Act atbp.; at, ikalawa, ang mga tunay na lider ng bayan.

Sa ikatlong canto, mababasa ang ganito:

Ang katipunan
ay nakatirik na kandila pa rin
sa namuong dugo ng kanyang mga bayani,

Kandilang may ningas pa rin
hangga ngayon sa dambana ng kalayaan,

Sa iyo
na sikmura ng kasalukuyan
ang pananalig,

Sa iyo,
ito ay isang alay,
O lider ng bayan.


Mark Angeles

Mark Angeles

Si Mark Angeles ay dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines. Naging editor-in-chief din siya ng Manila Today. Sa kasalukuyan, katuwang na literary editor siya ng bulatlat.com.