FEATURED

Katotohanan sa likod ng ‘taas-suweldo’ ni Aquino sa mga kawani ng gobyerno


Sa madaling sabi, mas maraming tatanggalin ang SSL4 sa mga ordinaryong kawani kesa sa dagdag sa sahod na matatanggap ng mga ito.

Si Alan Balaba, kawani sa Department of Social Welfare and Development habang inilalahad kung bakit sila tutol sa Salary Standardization Law 4 ni Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>
Inilahad ni Alan Balaba, kawani sa Department of Social Welfare and Development, kung bakit sila tutol sa Salary Standardization Law 4 ni Aquino. Pher Pasion

Sa kabila ng kanyang kapansanan, pinilit pumunta ni Alan Balaba, 46, kawani sa Department of Social Welfare and Development-Legarda, sa protesta ng katulad niyang kawani ng pamahalaan para tutulan ang Salary Standardization Law 4 of 2015 (SSL4) ng administrasyong Aquino.

Bagamat hindi ito ipinasa ng Kamara at Senado, nangangamba sila na ipasa ito ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng executive order kaya nagprotesta sila sa Mendiola nitong Pebrero 16 sa pangunguna ng Alliance of Health Workers, All Workers’ Unity, at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage.

Pero nitong Biyernes, Pebrero 19 o ilang araw matapos ang kanilang protesta, lumabas na ang executive order ni Aquino na hindi nila nais lumabas. Apat na taon pa bago buong maibibigay ang sinasabing dagdag sa kanilang sahod. Kasama na sa badyet para sa taong ito ang unang bahagi ng apat na taon na nasa P57.9 Bilyon.

Sa mukha ng SSL4, tataas ang sahod ng mga kawani sa gobyerno sa loob ng apat na taon. Pero kung susuriing mabuti, pawang nasa matataas na katungkulan lang ang makikinabang dito. Higit na masaklap, tatanggalan pa ng nakukuhang mga benepisyo ang mga kawani.

Sa madaling sabi, mas maraming tatanggalin ang SSL4 sa ordinaryong mga kawani kaysa dagdag sa suweldo nila. Kaya isinusulong man nila ang dagdag na suweldo, hindi ang nilalaman ng SSL4 ni Aquino ngayon ang kanilang nais tanggapin.

Pinababayaan 

Marami umano ang nag-aakala na maganda ang natatanggap ng mga nasa kawani ng gobyerno. Kung isa kang opisyal, malamang totoo ito.

Pero para kay Balaba na 28-taon nang nasa serbisyo at tumatanggap lang ng P9,000 kada buwan (hindi pa kasama ang mga kaltas) o nasa Salary Grade 1, hindi ito totoo.

Kasamang nagmartsa patungong Mendiola ang mga kawani sa kalusugan para tutulan ang Salary Standardization Law 4 of 2015 ni Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>
Kasamang nagmartsa patungong Mendiola ang mga kawani sa kalusugan para tutulan ang Salary Standardization Law 4 of 2015 ni Aquino. Pher Pasion

Sa mga kaltas at utang na kanyang binabayaran, nasa P3,000 na lang umano ang naiuuwi niya para sa dalawang anak na nasa elementarya. Mahirap ito lalo na sa tulad niyang single parent.

“Hindi ko maramdaman na kawani kami ng gobyerno (sa loob ng 28 taon). Naghihikahos ang kawani ng gobyerno na ang suweldo nami’y hindi nakabubuhay. Hindi totoo na kapag nasa gobyerno ka, maganda ang natatanggap mong sahod lalo na ‘yung mga nasa mabababa (ang posisyon),” ani Balaba.

Galit naman ang nararamdaman ni Joey Espanillo, 55, kawani sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), nang kanyang malamang naglalaking umento ang matatanggap ng mga opisyal sa SSL4.

Sa SSL4, itataas sa P388,096  mula sa 120,000 ang sahod ng presidente ng Pilipinas o 223 porsiyento na pagtaas. Ang mga opisyal naman nasa matataas na posisyon ay magkakaroon na dagdag na P33,656 o 67 porsiyentong pagtaas kada buwan.

“Ginawa lang ang SSL4 para lang pataasin ang suweldo ng matataas sa gobyerno. Hindi nila isinaalang-alang ‘yung maliliit na kawani ng gobyerno,” ani Espanillo na 30 taong nagseserbisyo sa NKTI.

Nasa P7,000 na lang mula sa P11,987 (Salary Grade 4) ang naiuuwi ni Espanillo para sa kaniyang pamilya. Aniya, halos napupunta lamang ito sa mga bayarin gaya ng tubig, kuryente, pagkain, pamasahe, at baon ng kaniyang anak na nasa hayskul.

Nasa P10,707 naman ang mawawala sa sahod ni Cristy Donquines, 39, nars sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Executive Order na ito ni Aquino.

Bilang Nurse 3 na nasa 11 taon na sa serbisyo, nasa P39,735 ang gross pay na kanyang natatanggap kasama lahat ng mga benepisyo. Sa kasalukuyan, P25,659.32 ang nauuwing net pay ni Espanillo, matapos ang tanggalin ang mga kaltas gaya ng buwis. Sa total, kabuuang P14,075.68 na kaltas sa kanyang sahod.

Tatanggalin din kasi sa SSL4 sa Magna Carta of Public Health Workers na nagbibigay sa kasalukuyan ng kanilang mga benepisyo gaya ng hazard pay, subsistence allowance, at iba pang katulad na nauna nang napagtagumpayan sa laban ng mga kawani noon.

Taas-kamao ang mga kawani ng gobyerno para ipagpatuloy ang laban para sa nakabubuhay na sahod. <strong>Pher Pasion</strong>
Taas-kamao ang mga kawani ng gobyerno para ipagpatuloy ang laban para sa nakabubuhay na sahod. Pher Pasion

“Ang matitira na lang na maiuuwi ko ay nasa mahigit P14,000. Dalawa ang anak ko (grade 1 at 4). Tuition pa lang nila P12,000. Wala pa dito ang mga libro, gamit, miscellaneous, at iba pa. Yung pang-araw-araw pa na pangangailangan; pagkain, pamasahe, kuryente, tubig. Lahat,” ani Donquines.

Wala sa kanila ang nagsasabing nararamdaman nilang kawani sila ng gobyerno.

Ipaglalaban pa rin

Halos anim na taon nang nasa poder si Aquino. Siya lang ang presidente na hindi nagbigay ng dagdag na suweldo sa mga kawani ng gobyerno.

Tanging SSL4 sana ang magbibgay ng katuparan sa dagdag na suweldo ng mga kawani. Pero higit na nakikita ngayon ng mga kawani kung para kanino ang mismong gobyernong pinaglilingkuran nila. Isa ang malinaw sa kanila: Ang SSL4 ay hindi makatarungan.

Kahit pa ipakita ng administrasyong Aquino na itinaas nito ang suweldo ng mga kawani sa gobyerno, alam ng mga ordinaryong kawani kung ano ang totoo at sa paglaban nila ito tunay na maipapanalo.

Dahil hindi para sa kanila ang Pangulo na nagsasabing “Kayo ang Boss ko” at sa kandidato sa eleksiyong nais ipagpatuloy ito.