Kabataan nagprotesta sa CHED vs taas-matrikula

February 8, 2016

Protesta ng Kabataan sa harapan ng Commission on Higher Education laban sa pagtaas ng matrikula. <strong>Marc Lino Abila</strong>

Protesta ng Kabataan Party-list at iba pang grupo ng kabataan sa harapan ng Commission on Higher Education laban sa pagtaas ng matrikula. Marc Lino Abila

Ito na naman ang panahon ng taas-matrikula.

Nagsagawa ng kilos-protesta sa harapan ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga grupo ng kabataan para tutulan ang muling pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga unibersidad at kolehiyo.

Ayon sa Kabataan Party-list at National Union of Students of the Philippines (NUSP), tinatayang aabot sa 400 mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa ang magtataas ng matrikula at other school fees (OSF) sa darating napasukan. Naglalaro mula lima hanggang 15 bahagdan ang nasabing pagtataas ng matrikula.

Buwan Pebrero isinasagawa ng mga pamantasan ang pagsusumite ng kanilang kagustuhang magtaas ng matrikula sa CHED para sa susunod na pasukan.

Dala-dala ang mga logo at uniporme ng mga pamantasang may pinakamalaking kinikita sa mga nagdaangtaon, nanawagan ang mga kabataan na huwag ituloy pagtaas ng mga bayarin bunga ng patuloy na deregulasyon ng edukasyon sa ilalim ng pamahalaang Aquino.

“Sa ilalim ni Aquino, ang edukasyon ay ginawang pagkakakitaan para tumubo ng malaki ang mga paaralan. Ang ilang mga unibersidad pa nga ay nabibilang sa Top 1,000 Corporations sa bansa. Samantalang ang ibang mga unibersidad, bagaman non-stock at non-profit ay kumita rin ng malaking halaga sa net revenue,” paliwanag ni Charisse Bañez, pambansang tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS).

Kabilang sa mga pamantasang na nasa listahan ng mga pinaka kumikitang korporasyon sa bansa ay ang Far Eastern University, University of the East, at Lyceum of the Philippines University. Patuloy din na kumukita ng malaki ang mga Katolikong institusyon na Ateneo de Manila University, De La Salle University, at University of Santo Tomas.

“Dahil sa umiigting na deregulasyon ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ginagawang malaking negosyo ang edukasyon sa kolehiyo sa bilyong-bilyong piso na tinutubo nito. Ipinapakita nito na ang sistemang pagkakamal ng malaking halaga mula sa mga mag-aaral at magulang ay lumalala sa ilalim ni Aquino,” ayon namin kay Sarah Elago, pambansang pangulong NUSP at unang nominado ng Kabataan Party-list.

Ayon pa kay Elago, hindi umano isang maliit na isyu ang mataas na halaga ng kolehiyo sa bansa dahil hindi na umano ito maabot ng karaniwang Pilipino resulta ng pagtutulak ng Administrasyong Aquino na gawing negosyo at pribilehiyo ang edukasyon imbes na karapatan.

Inanunsyo ng kabaatan ang kanilang mga protesta at walkout sa darating na Pebrero 24 at Marso 11 para pigilan ang napipintong pagtataas ng bayarin sa mga pamantasan.

“Hindi matatakot ang kabataang Pilipino para ipanawagan at igiit ang karapatan ng lahat ng mamamayan sa edukasyon.Liliban tayo sa klase at lalabas ng lansangan upang sama-samang ipaglaban ang ating karapatan sa dekalidad at abot-kayangedukasyon,” ayon kay Jose Mari Callueng, pambansang pangalawang pangkalahatang kalihim ng College Editor Guild of the Philippines.