FEATURED Karapatang Pantao

Kalayaan at paglaban ni Eddik Serrano


Hinintay niya ang kalayaan sa loob ng labing isang taon. Nalalapit na sana ang kanyang paglaya. Pero ipinagkait ito ng mismong estadong itinuring siyang kaaway hanggang sa kamatayan.

Labi ni Eduardo 'Ka Eddik' Serrano habang nasa Parish of Holy Sacrifice sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman bago inilipat patungong Southern Tagalog at Bikol. <strong>Pher Pasion</strong>
Labi ni Eduardo “Ka Eddik” Serrano habang nasa Parish of Holy Sacrifice sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman bago inilipat patungong Southern Tagalog at Bikol. Pher Pasion

Labing-isang taon niyang hinintay at inasam ang kalayaan. Matapang niyang hinarap ang gawa-gawang mga kasong isinampa laban sa kanya. Labing-isang taon at nalalapit na sana ang kanyang paglaya. Pero ipinagkait ito ng mismong estadong itinuring siyang kaaway hanggang sa kanyang kamatayan.

Namatay si Eduardo “Ka Eddik” Serrano nitong Enero 8 sa kumplikasyon sa puso at nanatiling isang bilanggong pulitikal habang nasa Philippine Heart Center kung saan siya nagpapagamot mula pa nitong nakaraang Disyembre.

Pero hindi umano sakit sa puso ang pumatay kay Eddik kundi ang mismong gobyernong nagpiit sa kanya at tumangging siya ay palayain.

“Si Ka Eddik Serrano ay pinatay at ang kriminal ay ang estado. Sa partikular, ng gobyernong Aquino. Ang kamatayan ni Eddik ay isang matalim na hudyat upang ating igiit ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal. Hindi na natin maaatim na may isa pang mamamatay sa bilangguan,” ani Bonifacio Ilagan, mula sa Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), organisasyon ng mga bilanggong pulitikal sa bansa.

Sa piling ng masa

Para sa mga katulad ni Eddik, sakripisyong kinakailangan ang hindi makasama ang kanyang mga mahal sa buhay gaya ng kanyang pamilya at mga anak.

“December 28, birthday ko, first time kong mag-birthday na nakasama si Papa. Walang bonggang anuman, pero tini-treasure ko iyon kasi 28-years isang beses ko lang nakasama si Papa. Hindi ko siya ma-blame kung bakit naipagpalit niya kami. Pero siguro po iyon po ang tawag sa kaniya. At kahit ilang anong kumbinsi naming sa kanya na umuwi, hindi siya uuwi kasi iyon po ang pinaninindigan niya,” ani Feddik, anak ni Eddik.

Feddik Serrano, habang nagbabahagi ng kaniyang karanasan sa huling mga araw kapiling ang kaniyang ama. <strong>Pher Pasion</strong>
Feddik Serrano, habang nagbabahagi ng kaniyang karanasan sa huling mga araw kapiling ang kaniyang ama. Pher Pasion

Ayon pa kay Feddik, mabibilang lang ang pagkakataon na nakasama nila ang kanilang ama. Nang mahuli ang kanilang ama at sa Mindoro unang ikinulong sa loob ng tatlong taon, hindi nila alam ang gagawin. Minsan lang umano nila nadalaw ang ama dahil sa kakapusan sa pinansiya at dahil na rin sa seguridad.

Paglipat sa Kampo Crame sa Quezon City ni Eddik, napahintulutan sina Feddik na madalaw ang ama taun-taon sa tulong na rin ng Karapatan. Nang mailipat si Eddik sa Bicutan, laking tuwa umano niya nang malamang sa Maynila nagtrabaho ang kanyang anak dahil may regular na siyang dalaw.

Sa Bicutan, nasaksihan ni Feddik ang pagbagsak ng katawan kanyang ama. Pero hindi pa rin umano ito inaamin ni Eddik dahil kahit sa pinakamahirap niyang sitwasyon masaya niyang pinangingibabawan ang kanyang karamdaman.

“At noong December 25, Christmas, puwede niya akong payagang umuwi ng Bikol para doon mag-Christmas. Pero ako mismo sabi ko ‘dito tayo mag-christmas tayong dalawa.’ Sa loob ng 11 years, ngayon lang siya nakapag-celebrate ng Christmas sa labas. Kahit hindi kami kumpleto at least hindi sa loob ng selda niya,” kuwento ni Feddik.

Kuwento pa niya, tuwing kakain sila, laging inaalala ni Eddik ang kanyang mga bantay mula Bureau Jail Management and Penology kung pinakauna umano ang mga ito o naabutan na nila ng kape, “bago pa po siya kakain, iisipin pa rin po niya ang mga bantay niya.”

Para naman sa kanyang kapatid na si Norma, isang mabuting anak at kapatid si Eddik sa kanila. Ibinahagi niya ang karangalang ibinibigay ni Eddik sa kanila bilang matalinong mag-aaral mula elementarya, hayskul sa Ateneo de Naga, hanggang makakuha ng scholarship sa University of the Philippines Los Banos sa kursong Agricultural Engineer.

Sa kabila ng pangako ng magandang buhay matapos makapagtapos at makapagtrabaho sa Denmark, pinili ni Eddik ang maglingkod sa masa nang buong panahon sa loob nang mahigit apat na dekada.

“Ako at ang pamilya namin, ipinagmamalaki namin na ang aming kapatid ay mayroong naiambag para sa sambayanang Pilipino,” ayon kay Norma.

Kapatid ni Eddik na si Norma habang nagpapasalamat sa lahat ng tumulong at nakidalamhati sa kanila. <strong>Pher Pasion</strong>
Kapatid ni Eddik na si Norma habang nagpapasalamat sa lahat ng tumulong at nakidalamhati sa kanila. Pher Pasion

Ipinagkait na kalayaan

Hinuli si Eddik sa Lipa City, Batangas noong Mayo 2, 2004. Walang warrant of arrest ang mga humuli sa kanya at pawang hindi nakaunipormeng mga armadong lalaki. Sa isang van siya pilit na isinakay, piniringan, at tinali.

Nakasuhan si Eddik sa bisa ng warrant of arrest na nagsasabing siya umano si Rogelio Villanueva na isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.

Pero nitong nakaraang Oktubre at Nobyembre 2015, pinawalang-sala si Eddik ng dalawang korte sa Quezon City. Ipinag-utos na umano ng Hukom ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 na agad siyang palayain.

Pero kinakaharap pa rin niya ang mga kaso sa dalawa pang korte na ayon sa kanyang abogado, kumpiyansa silang mapapalaya na sana si Eddik.

Isa si Eddick sa peace consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa usaping pangkapayaan na dapat protektado ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantee (Jasig) na pinirmahan mismo ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa kasunduang ito, hindi dapat isinasailalim sa ang mga nasa usaping pangkapayapaan sa panggigipit gaya ng pagsasampa ng mga kasong kriminal at pagsasailalim sa paniniktik o surveillance.

Katarungan, pagpapalaya

Tunay na isang karangalan ang makakilala at makakasama ang isang Eddik para sa mga nagsipagdala sa kanyang parangal.

Pero kasabay ng kanilang pagluluksa sa pagpanaw ng isang mabuting kaibigan, kaanak, at kasama, ang kanilang galit sa gobyernong patuloy na nagpapabaya sa mga bilanggong pulitikal kagaya ni Eddik.

Dr. Beng Rivera-Reyes habang ibinabahagi ang kaniyang karanasan sa paggagamot kay Ka Eddik at marami pang bilanggong politikal na hindi nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan. <strong>Pher Pasion</strong>
Dr. Beng Rivera-Reyes habang ibinabahagi ang kaniyang karanasan sa paggagamot kay Ka Eddik at marami pang bilanggong politikal na hindi nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan. Pher Pasion

“Sa kabilang banda, kahit na pilit kong na inaalala si Ka Eddik bilang masiyahing tao, nandun pa rin ang galit sa akin. Sa dinami-dami po ng political prisoners na pasyente natin ngayon, kahit po siguro araw-araw mo silang dalawin, ang kalunasan po ng mga sakit nila ay makalabas po talaga ng kulungan,” ayon kay Beng Rivera-Reyes, doktor ni Eddik at mula sa Health Alliance for Democracy.

Para naman kay Doris Cuario ng Karapatan-Timog Katagalugan, mananatiling isang bukas na kasaysayan ang mahigit 0 taong paglilingkod ni Eddik partikular sa mga katutubong Mangyan sa Mindoro at sambayanang Pilipino.

At tulad ng maraming Eddik, hindi natatapos sa kulungan at kamatayan ang kanilang paglilingkod sa sambayanan. Habang nagpapatuloy ang inhustisya, pang-aapi, at kahirapan, tiyak na marami pang Eddik ang iluluwal ng lipunan na magtutuloy ng laban.