FEATURED Karapatang Pantao

Isang araw ng pagtitipon, pagdakila at pakikibaka


Pinagbuklod ng pagiging biktima ng nakaraan at kasalukuyang rehimen, nakakakuha ng lakas ang kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa isa’t isa–at sa pagpapatuloy ng laban.

Pagtitipon ng mga kaanak, kaibigan, at kasama ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa CICM Provincial Housa sa Quezon City. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagtitipon ng mga kaanak, kaibigan, at kasama ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa CICM Provincial Housa sa Quezon City. Pher Pasion

Dinukot. Ikunulong. Pinaslang. At hindi na natagpuan.

Ganito ang mga kuwento ng mga anak, kapatid, ina, ama, asawa, kaibigan, at kasama ng mga biktima ng karapatang pantao mula sa iba’t ibang rehimen sa isang pagtitipon na pinangunahan ng Hustisya bilang bahagi ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10.

“Yung pagkakilala namin at pagbabahagi ng kalagayan namin sa aming mga pamilya ngayon at sa mga naging biktima, nagbibigay ito ng lakas sa amin,” ani Michelle Campos, anak ng napaslang na lider-Lumad na si Dionel Campos sa Lianga, Surigao del Sur.

Sinabi rin ni Michelle na nakakatulong sa kanilang malaman na nagkakaisa ang mga kaanak ng mga biktima para sa hangad nilang hustisya.

Pinagkakaitan 

Habang nagbibigay ng kani-kanilang pahayag ang kaanak ng biktima, tahimik lang si Teresa Vegas, asawa ni Randy Vegas na isang bilanggong pulitikal. Pero hindi napigilan ni Teresa ang maluha nang tanungin siya tungkol sa kanyang asawa.

“Alam ko namang marami tayong political detainees, pero ang hirap na wala siya. At alam kong nahihirapan din naman siya roon. Kaso wala akong magawa eh. Mabigat ang loob ko kapag umaalis ako doon. Kahit nakangiti ako, kapag umaalis ako, hindi ko ipinakikita sa kanya (na) umiiyak ako dahil alam ko kailangan maging matatag,” ani Teresa.

Dagdag pa niya, napakahalagang nariyan ang kaniyang mga kasama sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage). Aniya, dati-rati’y siya iyong nahuhuli sa pulitika sa kanila ni Randy. Pero ngayon, siya na itong aktibong-aktibo, hindi lang sa pagpapalaya kay Randy kundi maging sa mga prinsipyong ipinaglalaban ni Randy lalo na sa mga laban ng mga kawani ng pamahalaan.

“Sa totoo lang, sana makalaya na siya. Ang Estado kasi ang kalaban mo at nagdidiin sa kanya. Tatlong taon na siya na hindi nagpapasok sa bahay, tatlong taon na siya na hindi ko siya nakakasama. Tatlong na siyang nagdurusa doon na wala namang siya ginawa na kahit na ano,” sabi pa ni Teresa.

Habang tumatagal naman, patuloy ang pagkadismaya ni Michelle sa hustisya sa Pilipinas. Aniya, higit niyang napatutunayan kung para kanino ang gobyernong ito at malinaw na hindi para sa mga mamamayan at lalong hindi para sa kanilang mga Lumad.

Michelle Campos (kanan) habang inilalagay ang mga larawan ni Emerito Samarca at iba pang biktima ng karapatang pantao. <strong>Pher Pasion</strong>
Hawak ni Michelle Campos (kanan) at iba pa ang mga larawan ng mga biktima ng karapatang pantao. Pher Pasion

“Tatlong buwan na pala akong hindi nakapagpatuloy sa aking pag-aaral. Mahigit tatlong buwan na nasa evacuation center pa ang libu-libong Lumad. Mahigit tatlong buwan na pala naming hindi kasama si Papa dahil patay na siya,” kuwento pa ni Michelle.

Kahit na kilala na ng mga pulis at militar ang mga pumaslang sa ama ni Michelle, kahit na mayroon nang inilabas na warrant of arrest ang Korte sa Surigao del Sur, malaya pa rin at may hawak na armas ang mga paramilitar sa kanilang komunidad. Dahil dito, hindi pa rin makabalik ang mahigit 2,000 Lumad na nakabakwit sa Surigao del Sur Sports Complex sa Tandag City.

Katulad ni Michelle, wala pa ring hustisyang nakakamit si Maria Aurora Santiago, asawa ni Dutch na misyunero na si Willem Geertman na pinaslang sa opisina ng Alay Bayan Luzon Inc. sa Pampanga noong Hulyo 3, 2012.

“Hanggang ngayon, katulad ng napakarami sa atin, walang hustisya at walang pag-usad ang kaso. Kahit na may isa nang nakakulong na suspek sa pagpatay. Nagpapakita lang na hindi talaga seryoso ang gobyernong ito para hulihin ang mga salarin. Identified ang mga salarin pero hanggang ngayon at large (pa rin ang mga suspek),” sabi ni Santiago.

Sa kabila ng malalakas na testimonya ng mga saksi, may posibilidad umano na mabasura ang kaso. Dalawa sa mga saksi ang hinaharass at tinatakot na hanggang ngayo’y hindi makalantad at di-dumadalo sa pagdinig ng kaso. Si Santiago mismo, nakararanas din ng panghaharas.

Magsasampung taon nang nangungulila si Concepcion Empeño sa kanyang anak na si Karen na dinukot sa Bulacan kasama si Sherlyn Cadapan noong Hunyo 26, 2006.

“Magsasampung taon na po ang aming pakikipaglaban, pakikibaka para makamit ang hustiya para sa dinukot kong anak – si Karen. Sa Hunyo 26, 2016,” kuwento ni Concepcion.

Bagamat sa ilang taong pagtatago bago nahuli rin noong nakaraang taon si Heneral Jovito Palparan, ang itinuturong utak sa pagdukot kina Karen at Sherlyn, dismayado si Concepcion sa espesyal na pagtrato kay Palparan na nakakulong sa pasilidad ng militar at hindi sa ordinaryong kulungan.

‘It is terrible, it is fine’

Taong 1973 naman noong Batas Militar nang makulong noon si Fr. Ben Alforque sa Cebu. Kahit na 124 bilanggong pulitikal sila umano noon, nagtutulungan sila sa kulungan para mabuhay. Kanilang hinuhuli ang kung anuman ang maipandagdag nilang pagkain gaya ng ahas, bayawak, at maging pusa.

“Sa aming barracks inilagay namin doon ‘It is terrible. It is fine’. It is terrible, kasi nakakulong kami. Pero it is fine, dahil naranasan namin ang katotohanan ng aming pinaninindigan. It is terrible dahil wala kang kalayaan. Pero it is fine, dahil sa loob pala ng kulungan hindi kayang kulungin ng estado ang espiritu o diwa ng tao,” sabi pa ni Father Ben.

Si Fr. Ben Alforque habang nagbabahagi ng kaniyang karanasan bilang bilanggong politikal. <strong>Pher Pasion</strong>
Nagbahagi si Fr. Ben Alforque ng mga karanasan niya bilang bilanggong pulitikal noong panahon ng batas militar. Pher Pasion

Maraming ipinagbabawal noon sa mga bilanggong pulitikal gaya ng pagkakaroon ng bisita, libro, at iba pa. Pero kanilang inorganisa ang kanilang mga sarili at nag-ingay sa loob ng kulungan hanggang sa payagan silang mabisita at magkaroon ng libro sa kulungan.

“Sa totoo naman ang buong bansa naman talaga ay isang malawak na kulungan. Pero hindi makukulong ng estado, ng militar, ang diwa ng tao doon sa apat na sulok ng kulungan o sa buong bansa,” dagdag pa ni Father Ben.

Walang aasahan 

Malinaw para sa mga biktima na walang ano mang maaasahang hustisya kay Aquino sa halos anim na taon niya sa poder.

“Sinasabing bagsak kung grade (si Aquino). Hindi lang bagsak kung sa grade ‘yan, hindi siya nag-enroll para magbigay ng kahit pagkukunwari man lang ng pagbibigay hustisya sa mga biktima ng karapatang pantao,” sabi naman ni Nikki Gamara, anak ng bilanggong pulitikal na si Renante Gamara.

Malinaw umano na sa anim na taon ni Aquino sa Malakanyang, wala siyang intensiyon simula’t simula pa lamang na magbigay hustisya sa naging mga biktima ng nagdaang mga rehimen. Wala rin umanong intensiyon si Aquino na igalang ang karapatan ng mga mamamayan, at wala siyang naging anumang intensiyon para magkaroon ng tunay na kapayapaan sa bayan, dagdag ni Nikki.

“Patunay ang mga naibahagi na kahit na malinaw pa sa sikat ng araw kung sino ang may kasalanan at walang kasalanan ay magkabaligtad ang kanilang sitwasyon sa kasalukuyan. Patunay ito para sa akin na wala tayong aasahan na hustisya unang-una kay Aquino. Ikalawa, kung si Mar Roxas ang susunod sa kanya,” paliwanag pa ni Nikki.

Sinabi pa niya na kung may lumaya man sa panahon ni Aquino, hindi ito dahil sa pinalaya sila ng administarsyon. Napatunayan lang sila na “wala naman talagang kakuwenta-kuwenta” ang mga kasong isinampa laban sa mga bilanggong pulitikal at dahil din sa pagkilos at pagsuporta ng mga mamamayan.

Matatag

Hindi sila magkakakilala at biniktima sila o ang kanilang kaanak sa iba’t ibang panahon. Pero pinagbuklod at pinagtibay sila sa iisang hamon: ang ipagpatuloy ang nasimulan ng mga mahal nila sa buhay.

Sabi pa ni Nikki, malaki ang hamon na sa kanilang kaanak na tumulong sa pagpapalaganap ng mensahe, hindi lang ang panawagan ng hustisya, kundi ang panawagan para sa tunay na pagbabago at pagpapalaya sa sambayanan.

Si Nikki Gamara habang nagbabahagi ng kaniyang tula. <strong>Pher Pasion</strong>
Nagbahagi si Nikki Gamara ng kanyang tula alay sa mga kapwa kaanak ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Pher Pasion

“Sa bawat pagsasalita natin, huwag nating kalilimutan kung gaano tayo ka-proud (tayo) sa kanila, na alam nating sila’y mabubuting tao, walang ibang hinahangad kundi matamasa ng kanyang kapwa ang karapatan. Lagi kong sinasabi na proud ako na lumaki ako na nakita ko ang nanay at tatay ko na nasa piketlayn. Lumaki ako sa welga ng mga manggagawa. At kahit na tawagin silang mamamatay-tao, madali kong kuwestiyonin ang ganoong pagbabansag,” ani Nikki.

Pangako naman ang iniwan ni Concepcion sa kapwa niya mga biktima: Hindi man niya inakalang siya ang susunod sa yapak ng kanyang anak na si Karen sa paglilingkod sa sambayanan, handa siyang gawin ito.

“Hindi sumagi sa isip ko na magiging akong aktibista. Pero ngayon, kaisa n’yo na ako sa pakikipaglaban dahil sa nangyari kay Karen. Hindi ko inisip na makakasalamuha ko kayo na ako ay makakapagsalita, sa kalsada, sa rally, makakarating sa iba’t ibang lugar, sa iba’t ibang bansa–wala sa isipan ko iyon. Ni hindi ko pinangarap. Pero nangyari dahil sa nangyari kay Karen,” kuwento pa ni Concepcion.

Para naman sa katulad ni Michelle na pinapanday ng karahasan at pagmamahal ng mamamayang lumalaban, magpapatuloy ang laban ng mga Lumad kasama ang mga mamamayan.

“Nagi po akong isang batang Lumad na matatag. Marami ang nagsabi sa akin na ang galing ko at matatag ako, matatag kaming mga Lumad. Pero para sa akin, hindi ako magiging ganito, hindi magiging ganito ang tribo, kung ang mga mamamayan, kung hindi kayo nakikiisa, hindi magiging ganito katatag ang laban ng mga Lumad,” pagtatapos ni Michelle.