Editoryal

Protesta ng #APECtado


Hindi lang trapik at kawalan ng kabuhayan sa pagsuspindi ng trabaho ang perwisyo sa mga mamamayan na dala ng APEC. 26 taon na nitong pinahihirapan ang mga mamamayan ng Asya-Pasipiko sa pagtutulak ng neoliberal na mga polisiya na imperyalistang mga bansa lang ang nakikinabang.

Dibuho ni Tarik Garcia
Dibuho ni Tarik Garcia

Kung alam na ng marami ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC)–ito’y dahil sa idineklara ni Pangulong Aquino na walang pasok sa Metro Manila sa Nobyembre 17 hanggang 20. Ito’y dahil lalong tumindi pa ang matindi nang trapik sa EDSA at iba pang kalsada dahil sa “APEC lanes” at road closures na itinakda ng gobyerno para mapadali ang biyahe ng mga delegado ng APEC–sa kapahamakan ng ordinaryong mga komyuter.

Apat na araw na namang walang sasahurin ang mga arawang manggagawa at kontraktuwal. Problema na naman ng mga magulang na walang pasok ang mga anak. Pinalayas na naman ang mga maralita, tindero at pulubi para linisin ang mga kalsada at bangketa. Daan-daang flights ang kinansela sa Ninoy Aquino International Airport at ang laksang overseas Filipino workers (OFW) na umuuwi sa panahong ito ay pinabababa sa Clark International Airport. Higit pa, P10-Bilyon ang gagastusin mula sa kaban ng bayan para sa okasyong ito — pondong kailangan para maibangon sana ang mga sinalanta ng delubyo tulad ng Lando at Yolanda.

Masahol pa, higit dalawang dekada nang pinapahina, nilulumpo at pinapatay ng APEC ang ekonomiya ng Pilipinas.

May 20 taon na nang unang idinaos ang APEC sa Pilipinas. Panahon ng rehimeng Ramos nang ibandila ng APEC ang patakarang “globalisasyon”. Ang ibig lang pa lang sabihi’y tanggalin ng mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas ang lahat ng sagka o balakid para malayang makapasok ang dayuhang puhunan at kalakal sa bansa. Sumunod sa timetable ang Pilipinas para lubusang maipatupad ang mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon.

Walang nakaligtas sa pagdistrungka ng ekonomiya tulad ng pagpako ng sahod, pagtaas ng buwis, presyo ng mga bilihin at serbisyo, pagpapalaki ng disempleyo, ibayong pagluluwas ng lakas paggawa, pribelihyo para sa dayuhang namumuhunan habang ginigipit ang negosyong Pilipino, pandarambong, pangangamkam, at iba pa.

One of two covers of PW special issue on APEC and Northern Luzon.
One of two covers of PW special issue on APEC and Northern Luzon.

Mula noon hanggang sa rehimeng Aquino, dinanas ng sambayanan ang hagupit ng pagpapakatuta ng gobyernong Pilipino. Hindi “pag-unlad ng lahat” (inclusive growth) ang naganap kundi ang pag-unlad ng mas marami pang bilyonaryo sa bansa.

Bagaman isang forum ang APEC, at hindi obligasyon ng 21 miyembrong bansa na sumunod sa anumang kasunduan, dito inilalako at hinuhulma ang pagsunod ng mga tutang rehimen sa mga imperyalistang pakana. Lubhang pinapahalagahan ang APEC kung kaya’t sa dulong pulong nito, sa tawag na economic leaders’ meeting, ay dumadalo ang mga kinatawan ng mga punong imperyalista sa mundo tulad nina Barack Obama ng US, Shinzo Abe ng Japan at Xi Jinping ng China.

Gayumpaman, tinitiyak ng US na ito pa rin ang maghahari sa Asya Pasipiko — sa ekonomiya, pulitika at militar — at sinasawata ang paglakas noon ng Japan, at ngayon naman ng China at Russia.

Tuluy-tuloy ang pagwasak sa mahihinang ekonomiya sa APEC 2015. Nasa adyenda ang paglimita sa mga bansang tulad ng Pilipinas sa “knowledge-based industries” tulad ng call centers at pag-engganyo, gayong bumabagsak ang pandaigdigang palengke, sa maliliit na industriya na mag-export. Lalong inilalayo ang Pilipinas sa landas ng industriyalisasyon habang ibinubukas ang anumang natitira sa ekonomiya sa pandarambong ng mga imperyalista.

Kaya hindi puwedeng palampasin ang APEC nang hindi pinauulanan ng protesta ng mga mamamayan sa iba’t ibang dako ng kapuluan, at maging sa ibang bansa. Naghahanda para rito ang International League of Peoples’ Struggle, isang anti-imperyalistang alyansa na nagdaos ng ikalimang asembleya sa Pilipinas bago ang APEC.

Nariyan din ang may 800 Lumad na naglakbay mula Mindanao para tutulan ang mga dayuhang minahan at plantasyon na siyang tunay na dahilan kung bakit sila pinapatay, sinusupil, at pinapalayas sa komunidad. May ilan daan ding katutubo mula sa Hilagang Luzon na lumahok sa protesta sa ganito ring dahilan. Nariyan din ang mga katutubo, magsasaka at manggagawa ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan na nasa Kamaynilaan para makilahok sa protesta.

Hindi pa, kabilang rito ang iba’t ibang sektor ng lipunan — mga manggagawa’t magsasaka, propesyunal at kawani, kabataan, kababaihan, maralitang lunsod, at iba pa — na naghirap at nagdusa sa mga patakarang imperyalista. Hindi rin pahuhuli ang mga migranteng Pilipino na dobleng inaapi ng mga patakaran ng sariling gobyerno at ng mga gobyerno ng ibang bansa.

Sa ilalim ng People’s Campaign Against APEC and Imperialist Globalization, sinasalubong ng malakas na kilusang masa ang APEC. Sa kalagayan pang may isanlibong foreign media ngayon para ikober ang APEC, maipapamalas ng lahat ng APECtado sa buong mundo na matibay ang kapasyahan ng mga Pilipino na ipagtanggol at ipaglaban ang kapakanan ng bayan laban sa pagsasamantala ng dayuhan.