Scope Out

Alang sa katarong ug kalinaw (Para sa katarungan at kapayapaan)


Silang mga Lumad na nagtaguyod ng sariling mga eskuwelahan, sa mga lugar na tila kinalimutan na ng gobyerno, ang pinagnabantaan pa ngayom ng militar sa ngalan ng kontra-insurhensiya.

Mga katutubong Manobo sa Talaingod, Davao del Norte noong Mayo 2011. Matapos ang isang buwan ng pagbakwit (evacuate), dahil sa sama-sama nilang pagkilos para tutulan ang pananalakay ng militar ay nakabalik sila sa kanilang mga komunidad. KR Guda
Tinuro ng isang katutubong guro sa alternative school sa Talaingod, Davao del Sur ang sinulat ng mga militar sa kanilang paaralan na nag-aakusa sa mga guro na miyembro raw ng NPA. Tulad ng naganap sa mga paaralan ng Alcadev noong 2009 at sumunod na mga taon, kinampuhan din ng militar ang alternative schools sa Talaingod nitong Mayo 2014. KR Guda
Tinuro ng isang katutubong guro sa alternative school sa Talaingod, Davao del Norte ang sinulat ng mga militar sa kanilang paaralan na nag-aakusa sa mga guro na miyembro raw ng NPA. Tulad ng naganap sa mga paaralan ng Alcadev noong 2009 at sumunod na mga taon, kinampuhan din ng militar ang alternative schools sa Talaingod nitong Mayo 2014. KR Guda

Sa panahong abala ang mga mag-aaral sa mga academic work at extracurricular, madalas na hindi na naiisip ng mga mag-aaral ang mga nangyayari sa labas ng kanilang mga paaralan. Sa bigat ng mga gawain sa kolehiyo, halos umiikot na ang mundo sa pag-aaral at barkada.

Ngunit sa katotohanan, mas marami pang kailangang isipin ang kabataan.

Naalala ko ang sinabi ng isang senior sa freshmen orientation naming sa Lyceum of the Philippines University noon, “We will be bombarded by activities once classes in the university start.” Pero sa mga batang Lumad, hindi acads ang bumo-bombard sa kanila, literal na mga baril at bomba ang nakatutok sa kanilang mga paaralan at komunidad.

Una kong nalaman ang mga pag-atake ng militar at paramilitar sa mga paaralang Lumad sa Mindanao nang nakasama ako sa pulong ng Save Our Schools (SOS) Network habang ako’y nasa Lungsod ng Davao noong nakaraang taon.

Kinakampuhan ng Philippine Army ang mga paaralan, inaakusahan ang mga guro at lider-katutubo na kasapi raw ng New People’s Army (NPA), pinagbabantaan ang mga komunidad ng mga Lumad na diumano’y kumakanlong sa mga NPA at ang mga paaralan sa sinasabi nilang nagtuturo sa mga batang Lumad ng paggamit ng armalite at paggawa ng mga pampasabog.

Higit kong nauwaan ang nangyayari sa mga Lumad nang magbakwit ang mga Manobo mula sa Talaingod, Davao del Norte sa compound ng United Church of Christ in Philippines (UCCP) Haran Center sa Lungsod ng Davao noong Abril 2014.

Sa Haran ko nakilala ang mga Lumad. Sa pakikipagsalamuha sa mga bata at pakikipagkuwentuhan sa mga nakatatanda, nalaman ng isang taga-Maynila tulad ko ang mga ginagwa ng militar sa kanilang mga komunidad.

Sa tuwing dumadaan ang mga tropa ng Philippine Army sa kanilang mga tirahan, lagi silang pinepuwersa na ilabas ang mga NPA. Nambubugbog ng mga datu at lider-katutubo at nagbabantang papatayin ang mga Luamd kung hindi nila ilalabas at ituturo sa kanila ang mga NPA. Sa katunayan, walang alam ang mga Lumad kung saan sa malawak na kabundukan ng Mindanao naglalagi ang mga NPA.

May isang insidente pa na ginamit ng mga sundalo ang isang nakatatandang babaeng Lumad para ituro ang kinalalagyan ng mga NPA. Malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law at Geneva Conventions ang paggamit sa mga sibilyan na hindi kalahok sa armadong labanan para sa mga operasyong militar.

Bukod pa rito, matindi ang epekto sa mga bata ang ginagawang pandarahas ng militar. Nagdudulot ito ng takot at trauma sa kanila. Naikuwento ng mga mag-aaral ng Salugponga Ta ‘Tanu Igkanugon Community Learning Center Inc. (STICLCI) ang ginawang pambobomba ng militar sa kanilang paaralan sa mismong graduation day nila.

Inilalapit ng mga paaralang Lumad tulad ng STICLCI, Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. Academy (MISFI Academy), Alternative Learning Center for Agriculture and Development (Alcadev), Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (Trifpss) at Fr. Pops Tentorio Memorial School ang edukasyon sa mga katutubo sa Mindanao na hindi naaabot ng mga serbisyo ng gobyerno.

Sa pagtutulungan ng mga komunidad ng Lumad, non-government organizations (NGOs) at relihiyosong mga grupo, naitayo ang mga paaralang ito na nagtuturo hindi lamang ng Science, English, Mathematics, Filipino, Araling Panlipunan kundi pati Agriculture at Health para sa bumatay sa kabuhayan at pangangailangan ng mga Lumad na hindi nararating ng serbisyon pangkalusugan at edukasyon.

Sa sunud-sunod na pandarahas at pamamaslang ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga Lumad sa mga nagdaang buwan, tumindi at lumakas ang panawagan ng mga mamamayan ng Mindanao na palayasin sa mga komunidad ng Lumad ang mga sundalo at grupong paramilitar na naghahasik na takot at panganib sa buhay. At laging nagiging puntirya ng mga pag-atake ang mga paaralang Lumad.

Sa isang porum ng mga Lumad sa University of the Philippines (UP) Diliman noong nakaraang Setyembre, nagtanong ang isang mag-aaral ng UP sa mag-aaral ng Alcadev na si Michael John Pagalan kung gusto niyang makapag-aral sa UP. Nakakadurog ng puso ang tugon ng bata, “Mahirap lang po kami. Hindi namin kakayanin.” Naging emosyonal ang mga dumalo sa porum at nangako ang mga iskolar ng bayan na ipagpapauloy nila ang laban para sa libreng edukasyon para makapag-aral ang mga tulad ni Michael sa UP.

Karapatan ng lahat ng mga mamamayang Pilipino ang edukasyon. Kung iisipin natin, habang kumportable tayo sa air-conditioned na mga silid-aralan sa kalunsuran, walang katiyakan ang mga batang Lumad kung makakapagpatuloy pa ba sila sa kanilang pag-aaral dahil sa tumitinding atake ng mga puwersa ng militar at pamahalaan sa kanilang mga pamayanan at eskuwelahan.

Ang laban ng kabataang Lumad para sa edukasyon ay laban din nating kabataan sa kalunsuran. Iisa an gating mithiin na magkaroon ng edukasyon ang bawat Pilipino para makapag-ambag sa pagpapaunlad ng ating bansa. Buong init nating salubungin at suportahan ang Manilakbayan ng mga Lumad sa kanilang pagdating sa Maynila para ipanawagan sa pamahalaan ang pagpapaalis sa ga sundalo sa kanilang mga komunidad.