FEATURED

Paninindigan sa San Roque


Tuloy lang ang buhay at paglaban ng mga mamamayan ng Sityo San Roque, North Triangle, Quezon City, limang taon matapos ang matagumpay na depensa sa kanilang mga tahanan.

[cycloneslider id=”paninindigan-sa-san-roque”]

Mga larawan ni JL Burgos

Limang taong tagumpay ang tinatamasa ngayon ng mga residente ng Sityo San Roque (North Triangle), Bagong Pag-asa sa Quezon City matapos nilang mapigilan ang tangkang pagdemolis sa kanilang kabahayan noong Setyembre 23, 2010, ilang buwan matapos manumpa si Benigno Aquino III bilang presidente.

Tanda pa ni Lourdes Bermas, 44, at 20-taong residente na San Roque, nang kanilang harangan at maparalisa ang EDSA (Epifanio de los Santos Avenue). Dahil ito sa kanilang sama-samang pagkilos sa iisang layuning ipagtanggol ang kanilang mga tahanan at hindi hayaang yurakan ang kanilang pagkatao bilang mahihirap.

Tuloy ang buhay at pakikibaka sa San Roque. <b>JL Burgos</b>
Tuloy ang buhay at pakikibaka sa San Roque. JL Burgos

“Pati sofa ng mga kapitbahay namin inilabas namin. Pati yung outpost iniharang namin sa EDSA para depensahan namin ang San Roque at hindi sila (demolition team) makalapit. Nagliliparan ang mga bato at bote, Nanginginig ka sa takot, pero pipiliin mong lumaban at huwag magpa-api,” ayon kay Lourdes.

Aniya, isang malaking tagumpay ang nasabing pagtatanggol nilang iyon sa kanilang komunidad hindi lamang sa pananatili ng kanilang mga kabahayan kundi dahil sa nagsisibalikan din ang mga residente na inilipat sa relocation sites.

Sa kabila nito, hindi nawawala sa kanila ang pangamba ng demolisyon dahil sa proyekto ng Quezon City na ituloy ang Central Business District na bahagi ng Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino.

Sari-saring panlilinlang at panghahati pa rin ang ginagawa sa kanila. Binakuran at nilagyan ng mga guwardiya ang kanilang lugar na pawang mga residente rin ng San Roque para sila paghigpitan at harasin. Naririyan din ang alok ng pera sa mga pamilya para lisanin ang lugar.

“Kinukumpiska nila ang mga materyales na ipinapasok dito kahit mga pang-repair mo lang ng bahay. Sinisigurado nila na hindi natatayuan ng bahay ang lugar o lagyan ng extension ang bahay mo,” ayon kay Estrelieta Bagasbas, national vice-chairperson ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap.

Sa kabila ng pananatili ng mga bantang ito, nanatili din ang kanilang pagkakaisa na idepensa ang kanilang mga kabahayan, kabuhayan, at pagkatao sa gobyernong matagal na silang nais walisin sa kanilang komunidad. Teksto ni Pher Pasion