ATTACKKK!

Lupang Sinira

September 11, 2015

stoplumadkillings-cover

“At hanggang ngayon
patuloy pa rin ang panloloko sa mga lumad.”
Sumbat, Noel P. Tuazon

*    *    *

Makalaglag-panga ang balita na handa si Noynoy na tanggapin ang Syrian refugees. Ilang oras lang ang pagitan, tinanong din siya kung ano ang ginagawa niya para mahinto ang pagpatay sa mga lumad (at pagpapalayas sa kanila sa kani-kanilang lupa). Ang sagot niya ay, “There is no campaign to kill anybody in this country. There is a campaign to get after everybody who commits crimes regardless of who they are.”

*    *    *

Hindi na nakapagtataka ang kanyang sagot. Pinatay niya ang kaso ng Hacienda Luisita Massacre (naganap noong Nobyembre 16, 2004) sa Ombudsman. Noong Enero 5, 2005 naman, kabilang ang security convoy ng noon ay Kongresman pang si Noynoy sa mga bumaril sa dalawang nagpipiket sa west gate ng Las Haciendas subdivision sa loob ng Hacienda Luisita.

*    *    *

“Kung umiiyak lamang ang lupa
Wala itong alam na berdugo
Kundi ‘Noynoy’ at ‘AFP’”
“Kung umiiyak lamang ang lupa,” Jubert Cabrezos

*   *    *

Mula nang maupo si Noynoy noong Hunyo 2010, umaabot na sa 68 miyembro ng liping katutubo ang naging biktima ng extra-judicial killings. Sa bilang na ito, 53 biktima ay mga lumad. May 54 kaso ng forced evacuation ng mga lumad. Umabot naman sa 20,000 ang bakwet dahil sa pagkakampo ng mga militar sa mga paaralan at komunidad ng lumad.

*   *    *

“Sa nayon at lungsod
Nagkaisa makabayang mamamayan
May tilamsik ang tula at awit
Sa paglayang inaasam”
Lupang Sinira, Paul Galang

*   *    *

Hindi na rin nakapagtataka ang pagbaha ng mga tula sa social networking sites. Trending alinman sa #Stoplumadkillings at #Stopkillinglumads. Ang mga personalidad sa showbiz at media ay bumisita sa Mindanao para makadaupang-palad ang mga lumad at malaman ang kanilang totoong kalagayan. Maging si Pope Francis ay nakisalamuha sa mga lumad.

Sino ang hindi magagalit? Isang akademista ang iginapos, sinaksak, at ginilitan ng leeg sa loob mismo ng klasrum ng paaralang lumad na kanyang pinaglingkuran ng ilang taon. Isang madaling-araw, ni-roundup ang mga residenteng lumad at pinagbabaril ang dalawa sa kanila.

*    *    *

“Ang lupang pinanggalingan ko’y may bahid ng dugo,
may mga punong walang dahon, mga pusong di makakibo
sa mga pangyayaring nagaganap sa lupang pinangako.”
Balita, Asin

*    *    *

Sa pagdiriwang ng International Human Rights Day noong Disyembre 2014, kasama ang mga lumad sa Manilakbayan para sa Mindanao.

Nagkaroon ako ng pagkakataong mapanood at marinig ang kanilang uranda, isang katutubong tula-awit may sari-saring tema. Sa Oktubre muling magkakaroon ng Manilakbayan ang mga lumad.

*    *    *

Noong Hunyo naman naganap sa UCCP Haran, Father Selga ST. Madapo, Davao City ang Plumahe (Poets for Lumad’s Human Rights & Environment), isang pagtitipon ng mga mga makata, manunulat, musikero, at lumad.

Hulyo, pinamunuan ni North Cotabato Representative Nancy Catamco (isang self-confessed Diwata at chair ng House Committee on Indigenous Peoples) ang pagsugod sa kampo ng mga bakwet sa UCCP Haran. Mas makatwiran sigurong tawagin siyang “Diwata ng Kadiliman.”

Nang sumunod na buwan, sa House of Representative, kasama na niya si Magdalo representative Ashley Acedillo, sa pagbalangkas ng kanyang bersyon ng “pag-rescue” sa mga lumad.

*    *    *

“Laya ay langit kaluwalhati’t pagsinta
Buhay ay lupa sa piling mo
Aming ligayang makitang
Ang baya’y ‘di api
Ang mamatay nang dahil sa iyo.”
Lupang Sinira, Paul Galang

*    *    *

Ayon kay Acedillo, nirerekluta ng New People’s Army (NPA) ang mga lumad sa Salugpungan school. Tinuruan pa silang awitin ang “Lupang Sinira.”

Pareho ang script ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa budget hearing para sa Department of National Defense noong isang araw, nagpakita ang AFP ng video ng isang binatang kumakanta ng Lupang Sinira. Pruweba raw iyon na may mga NPA sa lugar.

Sagot tuloy ni Bayan Muna Party-list Representative Neri Colmenares, “That’s the problem with our AFP. It is committing the same mistakes of Martial Law, intolerant kayo sa dissent tapos hihingi kayo ng budget dito para bigyan ang CAFGU n’yo. That was a song of a nationalist, but for you that’s NPA [song]. Such a psychology leads to a number of deaths in this country.”

*    *    *

“Ang layo ng pinanggalingan,
Ang lalim ng pait na kanilang naranasan
May nag-evacuate kahit walang matakbuhan
May nananatili at di uurong sa laban”
Lizette Tapia-Raquel

*    *    *

“Maraming nagbahagi ng kanilang mga kuwento,” sabi pa sa tula ni Raquel. Pagpapatuloy ng kuwento:

“Hindi pumirma ang asawa ko sa kasulatan / Na mining ay kanyang pinahihintulutan / Kaya isang gabi, kami ay binisita / Ng militar na may sandatang dala-dala / Narinig ang ‘sang putok, / na kumitil ng isa pang buhay / Patay na ang asawa ko / at halos walang nakiramay / Isang gabi lang siyang binurol, / agad-agad kaming lumisan. / Kasama ang mga anak ko, / baon ang takot sa aming kinahinatnan / Nais naming bumalik, /kahit mapait ang huling mga ala-ala / Sa lupa namin nakatanim / ang pag-asa at biyaya.”

*    *    *

Mataba ang lupa ng Mindanao. May troso, mina (tulad ng ginto at nikel), lupang agrikultural atbp. Itong lupang sinisira ng gobyerno at ng mga ka-partner nitong lokal at dayuhang kapitalista. Ginagamit nito ang AFP, CAFGU, at paramilitary groups para itaboy ang mga katutubo, lumad, sambayanan. Nangyayari ito sa lahat ng panig ng bansa. Quezon, Palawan, Cagayan Valley atbp.

Kapag hindi maloko, tinatakot at pinapatay ang mga lumad. Wala silang armas, bata at matanda karamihan, kaya’t napipilitang magbakwet. Ito ang tamang panahon para may magtanggol sa kanila. May mga lumad na nananatili at di umuurong sa laban. Ito ang tamang panahon para sila tulungan.

*   *   *

“iyang silotan ang mga kawatan,
kabsag kinabuhi ang nanguhag kinabuhi,
ug ikulit sa tibuok lawas
ang kaisog sa usaka bagani.”
(pinarurusahan ang mga kawatan,
pinagbabayad ng buhay ang kumuha ng buhay,
at ipinipinta sa katawan
ang tapang ng isang bagani.)

Pinuti (Itak), Errol Merquita

*    *    *

Bawal na palang kantahin ngayon ang Lupang Sinira. Pagbibintangan kang NPA; kung hindi ka babarilin ay gigilitan ka ng leeg. Kay Noynoy at sa AFP, hindi araw-araw ay birthday ninyo. May araw rin kayo!