Komentaryo

Ang bagong mundong umuusbong sa Han-ayan

September 6, 2015

Ano nga ba ang lohika sa likod ng karumaldumal na pagpaslang sa komunidad-paaralan sa Lianga, Surigao del Sur? Nagbabalik-tanaw si Jayson Fajarda sa kanyang naging kasamahan sa Alcadev.

Mga estudyanteng hayskul sa Alcadev. Larawan mula kay <b>Jayson Fajarda</b>

Mga estudyanteng hayskul sa Alcadev. Larawan mula sa Alcadev

Ilang araw na rin akong balisa at agitated mula nang mabalitaan ko ang pagpaslang kina ‘Tay Emok at Kuya Dionel, at sa pinsan niyang si Bello Sinzo. Minsan ko lang silang nakadaupang-palad nang bumisita ako noong 2009 at 2010 sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev), isang alternative agricultural school ng mga Lumad sa pusod ng kagubatan ng Andap Valley sa Surigao del Sur.

Hindi naman kaila sa akin na nagpapatuloy ang ganitong karahasan at pamamaslang dahil ilang kaibigan at kakilala na rin ang naging biktima na ng pandarahas ng Estado sa nagdaang mga taon. Kahit na batid kong halos taun-taong nagbabakwit ang mga mag-aaral ng Alcadev at ang mga pamayanan sa paligid nito dahil sa operasyon ng mga elemento ng militar sa Andap Valley, may bahagi pa rin sa akin na hindi lubos na magagap ang karumaldumal na karahasang sinapit ng mga nakasama sa Alcadev.

Sa spin ng militar, ipinapalabas na tribal war ang ugat ng mga pamamaslang. Pero kung isasakonteksto ang masaker sa serye ng pandarahas sa mga Lumad sa Mindanao—bakwit sa Haran, masaker ng mga Lumad sa Bukidnon, kampuhan ng militar sa mga paaralan at komunidad sa Talaingod—hindi maikakaila na bahagi ito ng sistematikong panunupil sa mga organisador na Lumad at sa kanilang mga pamayanan. Ang pagpaslang kina ‘Tay Emok, Kuya Dionel at Bello Sinzo ay may kinalaman sa mga gawain nila sa Alcadev at sa pagpapaunlad ng pamayanan ng Han-ayan.

Kabataang Lumad, tinuturuan ng abanteng agrikultura sa Alcadev. <b>Jayson Fajarda</b>

Kabataang Lumad, tinuturuan ng abanteng agrikultura sa Alcadev. Jayson Fajarda

Nito lang Hulyo, ipinagdiwang ng Alcadev ang ika-10 taon ng pagkakatatag nito. At bahagi na ng 10 taong pag-iral ng Alcadev ang pana-panahong pangha-harass ng mga elemento ng AFP, katuwang ang mga grupong paramilitar na sila rin naman ang nagbuo. Pero bakit nga ba mainit sa mata ng militar ang mga paaralan ng mga Lumad gaya ng Alcadev?

Nasaksihan ko, sa sandaling pagbisita sa Alcadev, kung paanong hinuhubog ng paaralan ang mga batang Lumad sa hayskul para maging agriculturist, health worker at para-teacher ng kani-kanilang komunidad. Pinakatampok na programa sa alternatibong curriculum ng Alcadev ang agrikultura at literacy para maging katuwang ang mga mag-aaral sa pagpapaunlad ng mga sakahan at kabuhayan sa kani-kanilang pamayanan. Pinalilibutan ang mga klasrum ng experimental farms na nagsisilbing laboratoryo ng mga mag-aaral. Ang mga ani mula sa experimental farms ang siya ring pinagkukunan ng pagkain ng mga mag-aaral sa araw-araw.

Itinuturing na mga agriculturist ng kani-kanilang pamayanan ang mga alumni ng Alcadev. Ibinibahagi ng mga mag-aaral ng Alcadev sa kanilang mga magulang ang natutunan nilang pamamaraan ng pagsasaka. Dahil dito, unti-unting nag-convert ang mga magsasakang Lumad mula sa nakasanayang sistemang kaingin, patungo sa mas sustenable na organic na pamamaraan ng pagsasaka.

Sa ulat noon nina ‘Tay Emok at Kuya Dionel nang makapanayam ko sila para sa gawain sa nongovernment organization (NGO) na kinabibilangan ko noon, naging mas masagana ang mga ani at mas naging produktibo ang sakahan ng mga komunidad na tinutulungan ng Alcadev. Naging mas resilient ang mga sakahan sa mga kalamidad at nabawasan ang panahong taggutom kahit naiiwan ang mga sakahan sa pana-panahong pagbabakwit.

Sa pagpapayaman ng mga sakahan at pagpapaunlad ng mga pamayanan, mas niyayakap at pinapahalagahan ng mga lumad ang kanilang “yutang kabilin” (ancestral land). Batid nila na nakatali sa yutang kabilin ang kanilang kabuhayan at kultura bilang mga Lumad, at dahil dito, mas ipaglalaban nila ito sa anumang tangka ng pananakop at pananamantala.

Ang karanasan ko sa Alcadev ang agad na naisip ko nang una kong mabasa ang sikat na quote ni Arundhati Roy na: “Another world is not only possible, she is on her way. On a quiet day, I can hear her breathing.” Ang mga abstraksiyon, slogan at konseptong natutunan natin sa unibersidad at lansangan—gaya ng empowerment, self-determination at sustainable development—sa Alcadev, sila’y solido at kongkretong konseptong naisasabuhay, nahahawakan at naaamoy na tila alimuom sa pagdating ng tag-ulan matapos ang mahabang tagtuyot.

At sa pagpaslang sa mga Tatay Emok, Dionel at Bello sa iba’t ibang pamayanang Lumad sa Mindanao, ang nais talagang kitilin ng Estado ay ang posibilidad ng panibagong mundo na inilalatag ng Alcadev at iba pang paaralang Lumad. Ngunit batid natin sa kasaysayan ng mga inaapi na hindi masusupil ang kolektibong aspirasyon, ng mga Lumad man o ng iba pang sektor sa laylayan ng lipunan, para sa isang mas maunlad, matiwasay at maaliwalas na kinabukasan.

Larawan mula kay <b>Jayson Fajarda</b>

Jayson Fajarda

Jayson Fajarda

Si Jayson Fajarda ay manunulat na nakabase sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Dati siyang punong patnugot ng Philippine Collegian, pahayagan ng mga mag-aaral ng naturang pamantasan, at naging program staff ng New World Philippine office mula 2008 hanggang 2010.