Hustisya para kay Marilyn Restor, hiling ng kaanak

July 21, 2015

Hustisya ang sigaw ng pamilya ni Marilyn Restor. Ngunit hindi lang basta hustisya ang ipataw sa gumawa ng krimen, ngunit pati na rin sa nagpabaya hindi lang kay Marilyn kundi sa iba pang mga nakaranas ng abuso o namatay na sa ibang bansa.

Ikinuwento ng kapatid ni Marilyn Restor (kanan) ang sinapit ni Marilyn sa Saudi. <b>Darius Galang</b>

Ikinuwento ng kapatid ni Marilyn Restor na si Lani (kanan) ang sinapit ni Marilyn sa Saudi. Darius Galang

Naghahatid ng kamatayan sa mga manggagawang nangibang-bansa ang kapabayaan ng gobyerno. Ito na marahil ang nabubuong padron sa ilang dekadang pagpapatupad ng di-deklaradong Labor Export Policy.

Maaalala na noong Hunyo 30, 2010, sa kanyang kauna-unahang talumpati bilang pangulo ng Pilipinas, iniatas ni Aquino sa DFA, sa Philippine Overseas Employment Administration at “other relevant agencies” na maging “more responsive” sa pangangailangan at interes ng mga OFW.

Ngunit tila pinasisinungalingan ito ng mga kuwentong tulad ng nangyari kay Marilyn Restor, isa lamang sa mahabang listahan ng kamatayan dulot ng kapabayaan ng pamahalaan.

Ilang buwan na ang nakalipas nang nailathala ng Pinoy Weekly ang kuwento ni Lani Isip ukol sa kanyang kapatid na si Marilyn Restor, na dinukot ng anak ng kanyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia. Malalim ang kanyang pag-aalala dahil isang makapangyarihang angkan, isang Royal Couple, ang nagrekluta kay Marilyn.

Nito lamang Hulyo 19, napag-alaman ng kanilang pamilya na higit isang buwan — 42 araw — na palang nasa morge ng isang ospital sa Saudi ang katawan ni Marilyn. Kinumpirma ito ng embahada ng Pilipinas.

Larawan ni Marilyn Restor, mula sa kanyang pamilya.

Larawan ni Marilyn Restor, mula sa kanyang pamilya.

Trahedya

Naging masalimuot ang kuwento ni Marilyn. Tumungo siya sa Saudi Arabia upang manilbihan sa isang Royal Family. Direkta siyang nanilbihan kay Princess Jada (pangalang ibinigay ng Migrante International, upang ipangtago sa pangalan ng Royal Couple, para sa mga pangangailangang seguridad).

Isa umanong kaso ng pagdukot ang nangyari kay Marilyn. Gabi ng Hunyo 13, 2014, habang naatasang magtapon ng basura, nang dukutin siya. Problema sa pamilya ang sinasabing dahilan kung bakit umano dinukot si Restor ng anak ng kanyang amo — umano’y walang makuhang kasambahay ang asawa ng Prinsesa.

Lumabas pa sa salaysay ni Lani ang pagmamaltrato ng lalaki kay Princess Jada.

Sa mahabang kuwento na naisalaysay na ni Lani sa Pinoy Weekly, sinabi niyang maraming masasakit na karanasan ang kapatid. Hindi na nalaman ni Marilyn na namatay na ang kanyang ama. Hindi na rin siya nakakapagpadala ng pera para sa pag-aaral ng kanyang mga anak –signos na hindi na ito pinapasahod ng kanyang amo.

Patotoo pa ni Lani na gusto nang umuwi ng kanyang kapatid, ngunit tila naka-kadena siya sa mga amo. “Sinabihan siya na ‘you want to go home, pay us first‘ ng amo niya.”

Setyembre noong nakaraang taon ang huling pakikipag-usap ni Marilyn sa kanyang mga anak. Noon, sinabi pa niyang huwag mag-alala sa kanya ang anak.

Sol Pillas (kaliwa) ng Migrante: Hindi nag-iisa si Marilyn sa mga OFW na misteryosong namatay, at sa kanilang pinabayaan ng mga opisyal ng gobyerno. <b>Darius Galang</b>

Sol Pillas (kaliwa) ng Migrante: Hindi nag-iisa si Marilyn sa mga OFW na misteryosong namatay, at sa kanilang pinabayaan ng mga opisyal ng gobyerno. Darius Galang

Duda sa pagkamatay

Hindi malubos-maisip ni Lani ang naging sanhi ng pagkamatay ni Marilyn: umano’y nahulog daw siya mula sa bintana. “Tinanong ko kung gaano kataas ang bintana na iyon. Nasa ikatlong palapag daw,” ani Lani.

Sa salaysay ng embahada ng Pilipinas, “itinulak at nahulog” si Marilyn mula sa bubong ng bahay. Anuman, nahulog mula sa mataas na lugar si Marilyn.

Sabi umano ng kinatawan ng Department of Foreign Affairs, ginawa nila ang lahat, pero anila’y “makapangyarihan ang pamilya, kaya walang magagawa sa kaso.”

Sa ngayon, tumutulong ang Migrante International sa pagsiyasat ng posibleng pulitikal o legal na mga hakbang para mapanagot ang maysala sa pagkamatay ni Marilyn. Pero salat sa anumang dokumento ang pamilya; mahirap ding makakakuha ng hustisya kung mismong gobyerno ay atubili sa pagtulong para makamit ito. Gayunman, pinag-iisipan ito ng paraan ng pamilya at ng Migrante.

Ayon kay Sol Pillas, tagapagasalita ng Migrante, hindi nag-iisa ang kaanak ni Marilyn sa trahedyang sinapit ng kanilang mahal-sa-buhay habang nagtatrabaho sa napakalaking Royal Family sa Saudi.

Namonitor din ng Migrante na may ilan pang pangalan ang lumutang na may ulat din ng pag-aabuso ng Royal Family. Itinala ng grupo sina Marilyn Capote Cansido, Oliva Paned Ramos, Emelyn Camat, ang mag-inang Aida at Dorothy Blancaflor, Elena Borja Jusay, Alona de Lara Lucito, Rema Bacea Bargo, at Levine Banayo Batague.

Diin ni Pillas, may padron ng pagpapabaya ang mga embahada ng Pilipinas sa mga kasong ito. Matatandaan ang mga pangalan ng mga misteryosong namatay sa ibang bansa: sina Terril Atienza, Romilyn Ibanez, Rochelle Masubay. Hanggang ngayon, isinusulong pa rin ng Migrante ang paghahanap ng hustisya para sa kanila.

Hustisya ang sigaw ng pamilya ni Marilyn Restor. Ngunit hindi lang basta hustisya ang ipataw sa gumawa ng krimen, ngunit pati na rin sa nagpabaya hindi lang kay Marilyn kundi sa iba pang mga nakaranas ng abuso o namatay na sa ibang bansa. “Kung mapapatunayan na nagpabaya ang mga opisyal ng embahada ng Pilipnas, ‘heads must roll,’ ika nga,” sabi ni Pillas.

Sa ngayon, may kagyat na hiling ang pamilya ni Marilyn. “Ang gusto rin namin, maiuwi ang bangkay ng kapatid ko,” pagtatapos ni Lani.

Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He is one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.