Kabataan Main Story

Bakit di mapapaunlad ng K-to-12 ang edukasyon sa Pilipinas


Kaakibat ng tungkulin ng gobyerno na magbigay ng edukasyon sa mga mamamayan nito ang masigurong napapaunlad ang kalidad ng edukasyong ito batay sa pangangailangan at mithiin ng bansa. Bilang hakbang sa pagpapaunlad ng edukasyon sa Pilipinas, pilit na itinulak ng administrasyong Aquino ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang programang K-to-12 na nagpabago […]

Isang siksikang klasrum sa Batasan National High School sa Quezon City sa pagbubukas ng klase. <strong>Pher Pasion</strong>
Isang siksikang klasrum sa Batasan National High School sa Quezon City sa pagbubukas ng klase. Pher Pasion

ANALYSIS ICONKaakibat ng tungkulin ng gobyerno na magbigay ng edukasyon sa mga mamamayan nito ang masigurong napapaunlad ang kalidad ng edukasyong ito batay sa pangangailangan at mithiin ng bansa.

Bilang hakbang sa pagpapaunlad ng edukasyon sa Pilipinas, pilit na itinulak ng administrasyong Aquino ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang programang K-to-12 na nagpabago sa sistema ng edukasyon sa bansa. Mula dating sampung taon sa basic education curriculum, dinagdagan ito ng dalawang taon.

Sa K-to-12 program, magiging mandatory ang kindergarten, anim na taon sa elementarya (Grade 1 hanggang 6), apat na taon sa junior high school (Grade 7 hanggang 10), at dalawang taon sa senior high school (Grade 11 hanggang 12).

Pero para sa mga kritiko ng K-to-12, hindi ang nasabing programa ang magpapaunlad sa pangkalahatang kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas.

Kolonyal na disenyo

Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa daigdig ang hindi pa noon nagpapatupad ng K-to-12 na kurikulum. Isa itong dahilan umano kung bakit mababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Hindi daw ito “nakaangkop” sa internasyunal na mga pamantayan kaya kailangang ipatupad ang reporma sa porma ng K-to-12, ayon sa gobyerno.

Malaking hakbang umano ang K-to-12 para maging globally competitive ang edukasyon sa Pilipinas.

Naniniwala ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), pambansang alyansa ng mga asosasyon ng mga guro sa bansa, na itinutuon ang programang K-to-12 para sa internasyunal na pamantayan at pangangailangan. Pero hindi ito ang siyang makakatulong sa edukasyon sa partikular at sa bayan sa pangkalahatan sa kasalukuyan.

Kalidad ng edukasyon ay hindi nangangahulugan nang pagsunod sa pangangailangan ng dayuhan <strong>Pher Pasion</strong>
Kalidad ng edukasyon ay hindi nangangahulugan nang pagsunod sa pangangailangan ng dayuhan Pher Pasion

Batay umano sa kurikulum na mayroon ang programa, makikita ang mga kurso o subjects na nakatuon sa teknikal na mga kasanayan tulad ng kasanayan sa welding, housekeeping, care giving, pagmamasahe, pananahi, at iba pa na pagsasanay na nakatuon sa pagluwal ng semi-skilled na mga manggagawa.

“Pag tinignan mo talaga ang nilalaman ng K-to-12, makikita mo ang katangian ng colonial education para sa mga estudyante na nakapokus sa pagluwal ng skilled labor lang,” ani Mabel Caboboy, guro sa Manuel Roxas High School sa Quezon City.

Sa panahon na makakapagtapos ang isang mag-aaral sa senior high school, inaasahan na nasa 18-taong gulang na ito – ang legal na edad para makapagtrabaho.

Ibig sabihin, nakahanda na para magtrabaho ang lahat ng makakapagtapos ng senior high school sa loob at labas ng bansa. Maagang mapakinabangan ng estado ang kabataan para magtrabaho sa halip na gastusan ng gobyerno sa kolehiyo.

Ito ang isa sa malinaw na inamin mismo ng Department of Education (DepEd) na “makatutulong” di umano na makapagtrabaho agad ang mga kabataan pagkatapos nila ng senior high school.

Pero inaasahan na mas magpapalaki ito ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa dahil sa hindi sapat ang nalilikhang trabaho ng gobyerno taun-taon.

Sa datos ng Ibon Foundation, isang grupo ng mga mananaliksik, nasa 4.3 milyong Pilipino ang bilang ng unemployed at nasa 6.9 milyon ang underemployed noong 2014.

Sa ganitong balangkas na inaasahang tataas ang bilang ng walang trabaho, mas higit na makakapagdikta ang mga kapitalista o negosyante nang mas mababang sahod, wala o kulang na benepisyo, at sistemang kontraktuwal.

Dahil sa pag-aagawan sa limitadong trabaho, pikit-matang tatanggapin ng isang manggagawang may binubuhay na pamilya — kahit ang mga pinakamasahol na kondisyon sa paggawa.

Ito rin ang nagtutulak sa mga Pilipino na mangibang bayan para roon makipagsapalaran. Mas gugustuhin ito ng isang gobyernong walang malikhang trabaho sa kanyang mga mamamayan dahil mas malaki ang kikitain nito sa porma ng mga remittances mula sa overseas Filipino workers (OFW) alinsunod sa labor export policy nito.

Ayon sa Ibon, mas marami ang inilabas na manggagawa (4,500) ang gobyerno kada araw kaysa sa naidaragdag nitong bilang na nagkatrabaho (2,800) kada araw sa bansa noong 2014.

Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2014, umabot sa $26.924 Bilyon ang cash at non-cash remittances sa bansa mula sa $25.351 noong 2013.

Dahil din dito, lubhang mababawasan ang mga papasok ng kolehiyo na magbibigay ng dahilan sa gobyerno na bawasan ang pagpondo sa mga state universities and colleges (SUCs). Magdudulot ito ng mas mataas na matrikula sa kolehiyo sa parehong pribado at publikong unibersidad.

Ganito ang balangkas na layunin ng Roadmap for Public Higher Education o RPHER ng administrasyong Aquino. Isa sa mga layunin nito ang pagbabawas ng badyet sa edukasyon para itulak ang mga ito na maging self-sufficient o umasa sa sarili. Layunin din nitong itransporma ang SUCs para pagkunan ng murang laka- paggawa ng pandaigdigang merkado.

“Sa panahong nagtataas ng matrikula ang SUCs, nagbibigay ito ng higit na dahilan para sa mga private higher education institutions na magtaas ng matrikula,” ani Sarah Jane Elago, tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Ngayong taon, nasa 313 ang mga pribadong pamantasan ang pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) na magtaas ng matrikula. Halos taun-taon kung payagan ng CHED ang pagtataas ng matrikula. Hindi ito ma-regulate mismo ng gobyerno dahil sa Education Act of 1982 na nagbibigay pahintulot dito.

Nasa P60,000 hanggang P80,000 ang tinatayang halaga kada semestre sa kolehiyo sa kasalukuyan.

Maging ang calendar shift sa academic year ay bahagi din ng pagpili na lamang ng mga kursong “marketable” o madaling mabenta sa mga mag-aaral. Sinimulan ito ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nagtulak sa UP Los Banos na magkaroon ng “marketability assessment” sa kanilang subjects. Sa UP Manila ang pagkakaroon naman ng program review na magbibigay daan sa pagra-rationalize at pagre-realign ng kanila umanong limitadong badyet para sa “competitive subjects”.

Nangangahulugan ito na ang edukasyong nilikha, ang kasanayang natutunan ng mga Pilipino na dapat sana ay pakikinabangan ng bansa, ay mapupunta sa pakinabang ng mga dayuhang bansa base sa pangangailangan ng dayuhan.

“Ang isang curriculum na walang history subjects, walang Filipino subjects, walang panitikan, walang Philippine Government and Constitution, ay magluluwal ng mga estudyanteng may colonial mentality. Sila ay masunurin sa mga amo, sa dayuhan, walang identidad, walang pagpapahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas, kung gayon hindi sila mapapakinabangan ng Pilipinas,” ayon kay David Michael San Juan, doktor mula sa De La Salle University-Manila at tagapagsalita ng Tanggol Wika (isang alyansa na nais panatilihin ang Wikang Filipino sa kolehiyo).

<strong>Pher Pasion</strong>
Pher Pasion

Kaya maapektuhan nito ang potensiyal ng bansa para umunlad dahil hindi ito nakaangkla o nakabatay sa pangangailangan ng bansa kundi sa dayuhan. Nakabase ito sa pandaigdigang disenyo ng kapitalismo para pagkunan ng murang lakas-paggawa para sa mas malalaking tubo at manatiling pagkukunan ng hilaw na materyales ang Pilipinas, dagdag niya.

Sa ganitong balangkas, walang signipikanteng babaguhin ang K-to-12 sa sitwasyon ng bansa. Bagkus, paiigtingin nito na bansot ang kaisipan ng mga Pilipino at maging ang ekonomiya ng bansa; manatiling nakaasa sa dayuhan imbes na linangin ang sariling potensyal ng Pilipinas.

Binuburang identidad

Katangian ng pagiging makadayuhan ng K-to-12 ang pagbura sa pagiging makabayan ng mga Pilipino. Tulad ito ng ginawa ng mga Amerikano nang sakupin nila ang bansa at atakihin ang pagiging makabayan ng mga Pilipino sa pagbabawal ng mga makabayang simbolo tulad ng watawat mismo ng Pilipinas.

Ginamit ng mga Amerikano ang edukasyon para likhain ang katangiang pagiging sunud-sunuran at tanggapin ang mga mananakop.

Sa kurikulum ng K-to-12, ganito ang katulad na layunin – ang higit pang bawasan ang mga asignaturang nakatuon sa pagbibigay ng makabayang identidad sa mga Pilipino para tanggapin ang mga dayuhang interes at programa.

Inatake ng K-to-12 ang general education curriculum sa bansa para sa layuning ito, ayon kay Jonathan Geronimo, guro mula sa University of Santo Tomas at secretary-general ng ACT-private schools.

“Sa disenyo ng ating Batas Pambansa para sa tertiary education inililinaw ang papel ng general education curriculum sa paghubog ng kasanayan ng ating mga mag-aaral. Inililinaw din nito ang paghubog sa kanila bilang makataong mga mamamayan ng Pilipinas na mag-aambag sa pambansang kaunlaran,” ayon kay Geronimo.

Dagdag pa niya, unang inatake sa bagong general education curriculum ang social sciences at humanities dahil dito nahuhubog ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral.

Ayon kay Louie Zabala, guro ng social studies sa FG Calderon High School sa Tondo, Manila, kulang na kulang ang kaalaman ng mga mag-aaral pagdating sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Lubha itong nakakabahala dahil mahalaga ito sa isang tao na magkaroon ng identidad.

“Nakakalungkot kapag tinanong mo sa mga mag-aaral kung sino si (Andres) Bonifacio. Ang sagot nila’y siya daw ang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa Cavite. Sadyang kulang na kulang ang panahon para sa pagtuturo ng napakahalagang yugto ng kanilang pagka-Pilipino. (Tapos) babawasan o tatanggalin pa sa K-to-12,” paliwanag ni Zabala.

Tinatanggal din ng gobyerno maging ang mga asignaturang Wikang Filipino, Philippine Constitution and Government, at Philippine Literature sa kolehiyo. Kasalukuyan namang naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) sa pagtatanggal ng Wikang Filipino sa kolehiyo.

Para kay San Juan, malinaw ang layunin ng pagtatanggal na ito: Palabnawin ang pagiging makabayan ng mga Pilipino.

“Kung walang pagpapahalaga ang isang mamamayan sa kanyang pagiging Pilipino, hindi mo siya aasahang makakatulong para mapaunlad hindi lamang sa ekonomiya ng bansa kundi maging sa kultural at politikal na aspeto nito,” paliwanag ni San Juan.

Dalawang klasrum sa Batasan National High School. Ang isa ay may bentilasyon, ang isa ay wala. <strong>Pher Pasion</strong>
Dalawang klasrum sa Batasan National High School. Ang isa ay may bentilasyon, ang isa ay wala. Pher Pasion

Layunin nito na tanggalin ang kritikal na pag-iisip at magkaroon lang ng sapat na kaalaman para sa pangangailangan ng mga negosyante. Magkakaroon ng mga manggagawang hindi tututol sa kontra-manggagawang polisiya ng mababang pasahod, wala o kulang na benepisyo, kontraktuwal, at walang unyon.

Pagbansot ito sa kaalaman at paliitin ang pagtingin sa kakayahan ng Pilipino para manatiling nakaasa sa dayuhan. Sa ganitong balangkas, hindi iisipin ng mga Pilipino na paunlarin ang sariling ekonomiya at linangin ang sarili nitong likas na yaman.

Kumikitang sistema

Nangangahulugan na dagdag-gastusin ang dagdag na dalawang taon sa K-to-12 para sa mga magulang. Pero para sa pribadong mga paaralan, dagdag na kita o tubo ito para sa kanila.

Dahil sa kakulangan ng badyet para sa sektor ng edukasyon, hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang mga kakulangan sa batayang mga pangangailangan sa edukasyon.

Tinatayang nasa 23,928,335 ang kulang na mga libro at modules, nasa 57,167 guro, nasa 112,942 klasrum, at maging ng mga paaralan.

Sa ulat mismo ng DepEd sa Kamara, nasa 800,000 hanggang 1.1 milyong mag-aaral sa senior high school ang kayang tanggapin ng mga publikong paaralan sa susunod na taon kahit na iaasahan pang lumaki ang bilang ng papasok sa senior high school sa 1.6 milyon sa taong iyon.

Dahil sa walang pasilidad ang gobyerno para sa mga papasok sa senior high school, sa pribadong mga paaralan sila itutulak ng K-to-12 at hindi ito magiging libre.

Katunayan, nasa 60 porsiyento lang sa mga mag-aaral ang kayang tanggapin ng pamublikong mga paaralan ngayong taon. Sa pribadong paaralan inaasahang mapupunta ang 40 porsiyento sa kanila. Ang iba, tiyak na dimakakapag-aral o o magiging magdrop-out.

“Kaya nga sa pampublikong mga paaralan dinadala ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil hindi nila kaya ang pribadong paaralan. Bakit ipagpipilitan ng gobyerno na ipasok sila sa pribadong mga paaralan? Iba ang antas ng gastusin doon, halimbawa sa uniporme, mga libro, projects, at iba pa ay sadyang malayung-malayo sa gastusin sa publikong paaralan,” ayon kay Aries Gupit, tagapagsalita ng League of Filipino Students.

Ayon sa Anakbayan, aabot sa 800,000 hanggang 1.4 milyong kabataan ang magiging drop-out dahil sa K-to-12.

Sa National Capital Region pa lang, siyam sa sampung (o 287 sa 330) paaralan na inaprubahan na magbigay ng senior high school ay pribadong mga paaralan. Nasa dalawa lamang sa sampung (o 43 sa 247) pampublikong hayskul sa rehiyon ang makakapagbigay ng senior high school. Sa Caloocan, Makati, Parañaque, at San Juan, walang pampublikong hayskul ang magbibigay ng senior high school, ayon sa League of Filipino Students.

Kumilos ang mga mamamayan sa harap ng Korte Suprema para labanan ang K-to-12. <strong>Pher Pasion</strong>
Kumilos ang mga mga grupo ng mga magulang na tinaguriang Parents’Movement Against K-12sa harap ng Korte Suprema para labanan ang K-to-12. Pher Pasion

Kasabay ito ng pagpayag ng DepEd sa 1,245 na pribadong paaralan na magtaas ng matrikula mula 1.25 porsiyento hanggang 29 porsiyento ngayong pasukan.

“Hindi papayag ang pribadong mga paaralan na ipagamit ang kanilang mga pasilidad nang libre. Malinaw na may bayad ito. Ibig sabihin, hindi ka makakapag-aral na wala kang pera,” ani Benjie Valbuena, tagapangulo ng ACT.

Bilang “solusyon,” voucher system ang pinatutupad ng gobyerno. Tutugunan umano ng gobyerno ang bayarin sa pribadong mga paaralan. Pero hindi nito matutugunan ang buong bayarin.

Sa ilalim ng voucher system nasa P16,500 hanggang P22,500 lang ang sasagutin ng gobyerno. Nasa P25,000 hanggang P70,000 ang nasa average na matrikula sa pribadong mga paaralan.

Taliwas ito kung sa nakasaad sa Artikulo XIV ng Konstitusyon ng Pilipinas na dapat libre ang batayang edukasyon at nasisiguro ito ng gobyerno sa kanyang mamamayan.

“At kung saka-sakaling matugunan man ng gobyerno ang buong matrikula ng isang bata, kung sakali lang, sa pribado pa rin ito mapupunta. Ang private schools pa rin ang tiyak na panalo rito. Sa halip na naglalaan ng sapat na pondo para sa pampublikong mga paaralan dinadala ito ng gobyerno sa pribadong mga paaralan,” ayon kay Valbuena.

Maliban pa rito, aabot sa P100,000 hanggang P200,000 ang magiging dagdag-na-gastos ng isang mag-aaral sa dagdag na dalawang taon, ayon sa Anakbayan.

Kung gayon, hindi pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa ilalim ng K-to-12, kundi kung paano mapapaigting ang negosyo sa edukasyon mula sa gastusin sa mga paaralan hanggang sa kikitain ng mga nagmamay-ari ng paaralan, ayon sa ACT.

“Mas pinalala pa ito ng katotohanang mismong gobyerno ang siyang nagtutulak sa ganitong sistema sa halip na hatakin ng gobyerno ang mga kabataan sa paaralan,” ayon kay Valbuena.

Tanggalan, kontraktuwalisasyon

Paglikha ng trabaho ang isa sa layunin umano ng programang K-to-12 ayon sa gobyerno. Pero sa pagtahak sa daan ng K-to-12, nasa 100,000 guro at kawani ang inaasahang mawawalan ng trabaho dito lalo’t higit ang mga kontraktuwal.

Wala umanong konsultasyon, partikular sa mga guro, ang naganap bago ipinatupad ang programa, ayon kay Geronimo.

“Binalewala ng gobyerno ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagbuo ng ganito kalalaki na batas, na makakaapekto din sa sektor-paggawa at siyempre sa mga guro. Sa kalakhan ay kalakaran ng edukasyon ng Pilipinas,” ayon kay Geronimo.

Inaasahan kasi na maaapektuhan ang mga guro sa kolehiyo dahil magkakaroon ng tigil na enrolment sa unang taon sa kolehiyo. At dahil nakadisenyo din ang K-to-12 para itulak na lang magtrabaho ang magtatapos ng senior high school, inaasahang bababa ang mga papasok sa kolehiyo.

Gayundin, inaasahang tatanggalin nito ang iba pang asignatura sa kolehiyo. Bagama’t may TRO ang Korte Suprema sa Wikang Filipino, nagpapatuloy pa rin ang laban para dito.

“Wala ring malinaw o kongkretong plano ang gobyerno sa mga mawawalan ng trabaho sa dahil sa K-to-12,” ayon Geronimo.

Pinapangambahan din na gawing porma ng union-busting ang hakbang na pagbabawas ng mga guro sa kolehiyo lalo na ang mga organisado at mga miyembro ng unyon.

“Marami sa mga unyon natin ang inaatake dahil sa pagsasagawa nila ng mga forum at mga pagkilos laban sa K to 12. Dahil alam nilang gaganansya sila, tutubo sila ng malaki sa K to 12 na ito,” dagdag ni Geronimo.

Halimbawa umano nito ang nangyari sa presidente ng unyon ng Adamson University. Tinanggal diumano siya dahil sa nalamang nakikiisa siya sa laban sa K to 12 at aktibong lumalahok sa ACT.

Para naman sa pribadong mga paaralan, hindi ito nangangahulugan ng kasiguraduhan sa trabaho. Tiyak na inaasahang mas iigting ang kontraktuwalisasyon dahil sa negosyong katangian ng mga ito para kumita nang mas malaki.

Dahil sa inaaasahang mamawalan ng trabaho ang mga nasa kolehiyo, itutulak sila ng K to 12 sa senior high school o basic education. Pero hindi ito magiging madaling transisyon.

“Kapag nag-apply ka sa senior high school, kinakailangan na mag-re-apply ka. So may reapplication na magaganap. At kung ano ang mga kondisyon ang ipapataw ng senior high school na ito ay walang magagawa ang ating mga kaguruan kundi tanggapin dahil may mga taong walang estudyante ang kolehiyo,” ayon kay Geronimo, kabilang na dito ang sistema ng kontraktuwalisasyon.

Kakaharapin din ng mga guro sa teriary education ang freeze promotion dahil sa paparating na transisyon ng K-to -12 sa 2016.

“Dahil nga sa programang ito na walang kahandaan at basta na lang sasagasaan ang mga karapatan at prebilehiyo ng isang karaniwang guro, sa pribado man o publikong sektor ng edukasyon,” ayon kay Gernonimo.

Nangalap ng pirma ang Alliance of Concerned Teachers para itigil ang implementasyon ng K-to-12. Pher Pasion

Hindi totoong handa

Isa sa mga katangian ng K-to-12 ang multi-media approach nito. Ibig sabihin, kakailanganin ang mga kagamitan o gadgets gaya ng projector, computer, at iba pang teknolohiya.

Pero sa kalagayan na nananatiling kulang-kulang maging ang batayang mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon taun-taon, tila magiging dagdag na problema ang K-to-12.

Ang mga naitalang kakulangan ng ACT ngayong pasukan; nasa 112,942 na klasrum (59,671 ma klasrum ang nakabadyet ang hindi naipatayo ng DepEd noong 2014), hindi bababa sa 23,928,335 na textbooks (12,775,823 ang dapat naitapos na noong nakaraang taon), at 57, 167 guro.

Gayundin, nasa 4,281 paaralan ang walang suplay ng tubig (16,920 water supply project ang hindi nagawa ng DepEd noong 2014) at nasa 10,514 ang walang serbisyon ng kuryente, ayon sa ACT.

Hindi rin umano natupad ang 34,935 na mga equipment sa siyensiya at matematika at 10,383 ICT (information and communications technology) packages noong 2014. Nasa 395 internet connectivity projects ang hindi rin naipatupad.

Ayon sa ACT, ilan lamang ang mga ito sa bigong matugunan ng DepEd para sa implementasyon ng badyet na ibinigay noong 2014. Hindi lamang ito isyu ng mismanagement, isa umano itong tahasang pagpapabaya sa responsabilidad ng DepEd.

“Kung ang batayang mga pangangailangan na ito ay hindi pa rin matugunan ng gobyerno, paano pa ang
pangangailangan para sa K-to-12? Paano ang mga nasa malalayong lugar na walang kuryente o, sa malala, walang klasrum? Hindi alamat ang mga nagkaklase sa ilalim ng puno sa Pilipinas. Reyalidad ito hanggang ngayon,” ayon kay Joy Martinez, bise-presidente ng ACT.

Upang maisakatuparan ang layunin ng K-to-12, kakailangang ilaan ang 6-8 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa. Pero nasa dalawang porsiyento lang ng GDP ang kasalukuyang inilalaan ng gobyerno.

Problema pa rin mula noong unang taon (2012) na ipinatupad ang K-to-12 ang modules na gagamitin dapat ng mga guro sa pagtuturo ng bagong kurikulum.

“Magmula pa lang sa Grade 7 ng K-to-12, kulang na kulang na ang materyales. Darating ang materyales fourth grading na, ano ang mangyayari sa unang lessons nila?” ani Solita Daz, guro mula sa Raja Soliman Science and Technology High School.

Hinati ang isang klasrum para pagkasyahin ang mga mag-aaral sa Batasan National High School. <strong>Pher Pasion</strong>Hinati ang isang klasrum para pagkasyahin ang mga mag-aaral sa Batasan National High School. <strong>Pher Pasion</strong>
Hinati ang isang klasrum para pagkasyahin ang mga mag-aaral sa Batasan National High School. Pher Pasion

Dagdag pa ni Daz, dahil sa kulang ang mga modules at libro, ang mga guro ang natutulak na magpa-xerox. Kaya naman maging ang mga mag-aaral, dumudukot sa kanilang sariling mga bulsa.

Maliban pa rito, minadali ang pagsasanay ng mga guro na isasabak sa K-to-12. Ang iba nga, ikinamatay ang trainings na ito, ayon sa ACT.

“Paanong naging handa kung minamadali? Paanong handa kung kulang-kulang pa rin? Wala pa rin tayong sapat na badyet? Isinasakripisyo ang kalidad at karapatan sa edukasyon ng henerasyong ito dahil sa pilit na pagpapatupad ng K to 12,” ayon kay Valbuena.

Layunin at tungkulin

Tila maganda ang layunin ng K-to-12 para paunlarin ang edukasyon sa Pilipinas. Pero laging maiiwan na tanong sa programa nito, para kanino papaunlarin ng K-to-12 ang edukasyon sa Pilipinas?

Ang pagkakaroon ng edukasyon ang inaasahan ng maraming pamilyang Pilipino para makaahon sa kahirapan. Kaya naman isa ito sa pangunahing pinaglalaanang gastusin ng pamilyang Pilipino. Ang makapagtapos ang kanilang mga anak at magkaroon ng magandang buhay.

Laging tungkulin ng mga mamamayan na hingin mula sa kanilang gobyerno, hindi lamang ang pagkakaroon ng edukasyon, kundi ang edukasyong tunay na para sa kanila at tunay na para sa bayan.

Batay sa nakikita natin ngayon, hindi ganito ang edukasyong mayroon ang Pilipino sa kasalukuyan.