Tumbang Preso

May 30, 2015

“The worst illiterate is the political illiterate. He doesn’t hear, doesn’t speak, nor participate in the political events. He doesn’t know the cost of life, the price of the bean, of the fish, of the flour, of the rent, of the shoes and of the medicine. All depend on political decisions.”
– Bertolt Brecht

*    *    *

“Mama, ale, kayo may sapatos,
Ako walang tsinelas; may paltos”
– Papunta sa Cubao para Magpa-mimeo, Para Magpa-xerox ng Libê at Rebo, Ting Remontado

*    *    *

Nakasaad sa kontrata ng insurance company na pipirmahan mo kung magkano ang ibibigay sa iyo sakaling aksidente kang maputulan ng daliri (may presyo bawat daliri). May katapat na pera kung maputulan ka ng kamay, o braso, o paa, o hita. Mas mataas kung magkabilang bahagi ang maputol sa iyo. Sa kontrata, nakasaad din kung magkano ang makukuha ng pamilya mo kung mamamatay ka habang nagtatrabaho o nasa lugar kung saan ka nagtatrabaho.

Ang problema walang ganoon ang karamihan sa mga manggagawa dahil sa programang kontraktwalisasyon na itinutulak ng gobyerno.

*    *    *

Magkano nga ba ang buhay ng isang tao? Minaniobra ng mga mambabatas ang Freedom of Information (FOI) bill – binutas-butas, binawasan ng pangil. Maoobliga na kasi ang mga nasa public office na ibuyangyang ang kanilang net worth.

Sa halip na maging tuntungan ng transparency, nagiging kapritso na lang kasi ng karamihan sa mga nasa puwesto ang paglalabas ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN). Hindi sila obligadong maglabas ng SALN.

*    *    *

“Sa lupaing ito’y nakapagtataka
na habang sa kurus baya’y nakaripa,
ang nasa pedestal
ay mga patnugot na putik ang paa,
nangaguunahang sa glorya mapunta.

Nagtayo ng mansion at may ilang auto,
sa bangko’y nag-asin ng angaw na piso,
at inaraw-gabi
ang labis sa rangyang buhay-milyonaryo;
may balong ng ginto yata ang gobyerno.”
Oy, Ang Yaman Mo’y Saan Galing?, Amado Hernandez

*    *    *

Magandang batayan ang SALN sakaling humingi ng ransom ang mga mangingidnap ng abusadong nasa puwesto. Gayunman, napatunayan na sa kasaysayan na marami sa kanilang mga nakurakot ay naka-distribute na sa iba’t ibang bangko, sa iba’t ibang pangalan; ang mga ari-arian na’y nagkalat sa iba’t ibang lupain, ang mga titulo ay nasa iba’t ibang tao rin.

*    *    *

Samantala, ano naman ang katumbas ng buhay ng isang anak-dalita?

*    *    *

Nang masunog ang pabrika ng Kentex Manufacturing Incorporated sa Barangay Ugong, Valenzuela noong Mayo 13, may nalaman tayong bagong salita: subcontractor.

Kinuha ng Kentex ang CJC Manpower Services bilang isang subcontractor.

*    *    *

“Sa imahinaryo at historikal na mundo ng kasalukuyang karanasan sa kapitalismo sa bansa, dahil may pagkakasala, kinakailangang maglakad ka na nakatungo. Na ang Havaianas ay fake na Havaianas ay pagdirekta ng ugnay sa orihinaryong tsinelas. Tanging ang Havaianas ang natatangi at nakakapagbigay-tangi. Na ang tsinelas ay mamahaling Havaianas pero nananatiling tsinelas pa rin sa Brazil na nagbibigay-diin kung bakit ang gitnang uri sa bansa ay nagnanais magkatsinelas ng ibang bansa at itakwil ang lokal na tsinelas. Sa huli, sino ang mga paang nagsusuot ng kung anong tsinelas, at kung ano ang kamay na humahawak ng tsinelas ng kapangyarihan?”
– Roland Tolentino

*    *    *

Matatandaang noong 2010, sinalakay ng National Bureau of Investigation ang mga pabrika at opisina ng Kentex at nasamsam ang P132M pekeng Havaianas ng nasabing kompanya.

Ang tatak ng pekeng tsinelas na Havaianas ay napalitan ng Havana. (Hindi na sila nahiya kay Fidel Castro!) Dinagdagan pa ng tagline na ‘Tsinelas ng Bayan.’

*    *    *

“Kung ang pagkabaon n’ya’t pagkabusabos
Sa lusak ng saya’t tunay na pag-ayop,
Supil ng panghampas, tanikalang gapos
At luha na lamang ang pinaaagos?”
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa, Andres Bonifacio

*    *    *

Maliwanag kung paano tratuhin ng Kentex ang bayan. Umaabot lang sa P202 ang arawang sahod ng kanilang mga manggagawa.

Maliwanag din kung gaano katanga ang Department of Labor and Employment. Anila, may 54 manggagawa ang Kentex – 33 ang mga miyembro ng unyon.

Malayo ang 54 sa 72 pa lang na mga manggagawang na-trap at nasunog sa loob ng pabrika. Hindi sila nakatakas dahil may rehas ang mga bintana ng pabrika (kontra-magnanakaw raw). Ni pusa ay hindi makakalusot!

Magkano ang ibinayad ng Kentex sa bawat pamilyang namatayan? P13,000 bawat biktima. Halos kasinghalaga lang ng 30 kilong litson. Ganoon ang halaga ng buhay ng anak-dalita.

*    *    *

Hindi ito ang unang kaso ng mga manggagawang namatay sa lugar kung saan sila nagtatrabaho. Ayon sa Kilusang Mayo Uno, noong Mayo 9, 2012, 17 manggagawa ng Novo Jeans and Shorts sa Butuan ang natusta rin nang buhay. Ganoon din ang nangyari sa 8 manggagawa ng Asia Micro Tech sa Pasay noong Abril 30, 2014.

*    *    *

Two weeks ago, nagtanong ako sa tindera ng tsinelas sa talipapa namin (nakatira ako malapit sa Balintawak) kung may binebenta siyang Havana. Nang ituro niya sa akin ang paninda niya, sinabi kong gawa iyon ng mga namatay sa nasunog na pabrika sa Valenzuela.

Tumango ang tindera. Nabubuwisit nga siya dahil mula P50 naging P65 daw ang bili niya sa Havana.

Sa halip na magbagsak-presyo ang Kentex dahil sa nangyari, itinaas pa talaga nila ang presyo. Malamang para bawiin sa mga mamimili ang gastos nila sa sunog.

*    *    *

Sino nga ba iyong mga mamimili ng mumurahing tsinelas ng Kentex, kundi mga anak-dalita rin. Itong mga kapitalista ay may bisyong mang-ismol sa mga manggagawa. Isang paalala ang tulang Ang Panday ni Amado Hernandez kung sino/ano ang mga anak-dalita:

“Kaputol na bakal na kislap ma’y wala,
nguni’t ang halaga’ hindi matingkala—
ginawang araro: pangbuhay ng madla
ginawang sandata: pananggol ng bansa!

Pagmasdan ang panday, bakal din anaki,
walang kayabanga’t nasa isang tabi;
subali’t sa kanyang kamay na marumi
ay naryan ang buhay at pagsasarili!”