Pag-apruba ng CHED sa taas-matrikula, binatikos ng kabataan

May 20, 2015

Sumugod sa tarangkahan ng CHED ang mga grupo ng kabataan para irehistro ang pagkadismaya sa panibagong taas-singil sa matrikula ng mga paaralan, na inaprubahan kahapon. (Darius Galang)

Sumugod sa tarangkahan ng CHED ang mga grupo ng kabataan upang irehistro ang pagkadismaya sa panibagong taas-singil sa matrikula ng mga paaralan, na inaprubahan kahapon. Darius Galang

Hindi makatarungan ang pag-aapruba ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga aplikasyon ng taas-singil sa matrikula at iba pang mga bayarin sa mga pampribadong paaralan sa bansa, ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Tinungo ng mga estudyante sa pangunguna ng NUSP at kinalampag ang tarangkahan ng CHED upang irehistro ang kanilang pagkadismaya sa ginawang pag-apruba ng 313 aplikasyon ng mga Private Higher Education Institution kahapon, at pinirmahan ni CHED Chairperson Patricia Licuanan.

Tala ng CHED
Sa bilang ng CHED, 1,683 ang nagsumite para sa pagtaas ng tuition o para sa other fees, o parehas. Umabot sa 283 lamang o 16 porsiyento ang pinayagang itas ang kanilang marikula, habang 212 institusyon naman, o 12.60 porsiyento ng mga aplikante, ang itataas ang kanilang other school fees.

Para sa matrikula, umabot sa average ng 6.17 porsiyento o P29.86 kada yunit ang pagtaas. Para naman sa other school fees, ang average na pagtaas ay 6.55% o P135.60.

Saad ng CHED na mas mababa ang mga bilang na ito kumpara sa P35.66 per unit, o 8.13 porsiyento para sa matrikula, at P141.55, o 7.97 porsiyento, para sa other school fees, noong isang taon.

Nakabatay umano ang desisiyon ng CHED ayon sa mga sumusunod: regional inflation rate, financial standing ng nagsumiteng institusyon, kakayanang magbayad ng mga mag-aaral, impact of calamities, kalidad ng track record ng paaralan, at ang mission and vision ng nagsumiteng institusyon.

Alinsunod anila ang mga criteria na ito sa CHED Memorandum Order No. 3, o ang Enhanced Policies, Guidelines and Procedures Governing Increases in Tuition and Other School Fees, Introduction of New Fees, and for Other Purposes.

Pagtasa ng mga estudyante

Ngunit umani ito ng batikos sa NUSP.

Ayon sa grupo, ang pag-apruba ng CHED sa naturang bilang ng aplikasyon ay nagpapakita ng pagpapabaya sa tungkulin ng gobyerno para siguruhing abot-kaya ng kabataan ang edukasyon, kabilang ang tertiary education.

Stamp pad” pa rin ng mga “kapitalista-edukador” ang turing nila sa CHED, na anila’y inilagay sa alangan ang mga mag-aaral sa mukha ng average na P18,108.60 para sa 30 yunit kada semestre.

Kasama si Sarah Elago, tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines. (Darius Galang)

Sarah Elago (kanan), tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines. Darius Galang

“Nagkakamali sila na linlangin ang mga estudyante,” sabi ni Sarah Elago, tagapangulo ng NUSP. Sinabi niya na idadagdag ang naturang pagtaaas para sa taon na ito sa nauna nang pagtaas noong isang taon.

Ayon sa pagtatasa nila, ang average na taas ng matrikula ngayong taon na P29.86 kada yunit ay dadagdag sa average na matrikula noong isang taon na P573.76.

Lalabas na ang bagong average ng matrikula ay P603.62 kada yunit, o P10,865.16 para sa 18 yunit, at P18,108.60 para sa 30 yunit kada semestre. Katumbas iyon sa P36,217.20 para sa dalawang semestre sa 2015-2016.

Dagdag pa ni Elago, “panlilinlang” ng CHED ang tala ukol sa iba pang bayarin sa paaralan. Sa datos na nakuha na mula sa kanilang mga miyembrong konseho, lumalabas na may average na P13,000 para sa ibang bayarin, o mula sa pagitan ng P1,000 hanggang P25,000 kada semestre, sa mga eskuwela.

Konserbatibong tala nila ang average na P30,000 kada semestre, magkasama ang matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.

“Hindi pa nga rin nila inilabas ang listahan ng mga paaralan na inaprubahan nila ng pagtaas,” ani Elago.

“Panlilinlang ang ginawa na ito ng CHED at ni Licuanan,” dugtong ni Elago, “at hindi nila pinapakitang parehas na pagtaas ito, at pinapakita lamang nito ang pagpapaigting ng mataas nang halaga ng edukasyon sa bansa.”

Dagdag pa ni Elago na kung talagang nakasaad ang “financial capacity of most students” ayon sa CMO3, pagpapakita lamang aniya ito ng aniya’y “tahasang kapabayaan ng CHED.”

“Nakalimutan na ata ng CHED na may 15 milyon na out-of-school youth at 2.3 milyon dropouts sa kolehiyo. Pinapakita ng bilang na ito ang kawalan ng kakayanan ng karamihan ng mga Pilipino para sa edukasyon,” sabi pa niya.

Sa pagtatapos ng kanilang programa kanina, inilahad ni Elago na mayroon na namang nagbigti na mag-aaral. Hindi pa niya inilahad ang buong detalye ng balita, ngunit aniya’y isa na naman itong pagpapakita ng kalagayan ng edukasyon sa bansa.