Mary Jane

May 4, 2015

“Literature can train, and exercise, our ability to weep for those who are not us or ours.

“Who would we be if we could not sympathize with those who are not us or ours? Who would we be if we could not forget ourselves, at least some of the time? Who would we be if we could not learn? Forgive? Become something other than we are?”
– Susan Sontag

*    *    *

May kakaiba – sabihin na nating kagila-gilalas o kamangha-mangha—na nangyari noong isang linggo sa gitna ng kampanya para matigil ang pagpa-firing squad, kung hindi man tuluyang mapalaya si Mary Jane Veloso.

Unang beses kong makabasa ng tula bilang komento sa balitang ni-post sa FB account ng GMA News. Isang OFW na nasa Riyadh, Saudi Arabia ang gumawa ng rap song para kay Mary Jane.

*    *    *

“Ano ang isang ina?
Mayamang hapag ng
gutom na sanggol
Kumot sa gabing maginaw
Matamis na uyayi
Tubig
sa naghahapding sugat.”
Ina, Ma. Lorena Barros

*    *    *

Bumaha ng tula. May iba’t ibang persona at lunan. Nahipo ng sitwasyon ni Mary Jane ang puso ng maraming Pinoy. Ilang pamilya ba ang may kadugong OFW?

*    *    *

Sa tulang Inay, hanggang sa kabilang buhay ni Lee Harvey David, anak ni Mary Jane ang ipinalagay na nagsasalita. Pansinin ang paglalarawang ito na totoong-totoo sa milyon-milyong anak ng mga OFW:

“Inay, gumising ako sa malamig na banig,
Dumilat, sumilip, ngunit walang natatap ni katiting mong tinig.
Tumungo sa kusina pero ni anino mo’y hindi ko nakita.
Inay, nasaan ka ba? Tayo’y kumain na.”

*    *    *

Hindi ko alam kung anak ng isang OFW si David. Gayunman, naikuwento niya ang inosenteng pait ng karanasan ng isang batang ni hindi matagpuan ni anino ng kanyang inang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Higit pa rito, naibulalas sa tula ni David ang lalong mapait na kalagayan ng isang anak ng OFW na nakulong sa ibang bansa. Mababasa ito sa ikatlong saknong:

“Inay, mula sa bintana tinatanaw ko ang ‘yong pagdating.
Upang maibulalas sa ‘yo lahat ng aking kinikimkim.
Tinutukso, ako raw ay anak ng isang salarin.
Masakit. Mahirap. Hindi ko matanggap kanilang mga pasaring.”

*    *    *

Inilarawan naman sa tulang Ulat Ulap ni Luchie Maranan ang lungkot na lumambong sa papawirin—nagbabadya ng kamatayan ng isang inosente.

“Kahit di man umulan ngayon, / Kulimlim ang lumatag / Na mga balita,” paglalarawan niya. At, “Di man umulan ngayong araw, / Kay bigat ng ulap, / Na nais bumagsak / Sa mundong inagawan ng mga pangarap.”

*    *    *

Muli, anak ni Mary Jane ang ipinalagay na nagsasalita sa tulang Ermat ni Erwin Escalante. Tumatak sa isip ng bata ang insidenteng tinutukso siyang mangmang at forever nang magiging mas mahirap pa sa daga.

Tulad ng Ina ni Barros, ipinakita ng tula ni Escalante na ang ating mga ina ang siya nating kanlungan. Umiyak ang bata at tumakbo sa kanyang inang nagpatahan sa kanya; niyakap siya nang mahigpit at pinunasan ang kanyang mga luha at uhog. Ibinili pa siya ng lobo.

Pero ang tuwa at pag-asang simbolikong nailipat sa natanggap na lobo ay nawalang parang bula. Sabi sa tula:

“nabura rin at nadamay
ang kinabit mong lobo
sa aking hintuturo,
nang umalis ka
at pumunta sa malayo.”

Ang tali ng lobong nagsilbing paalala na nasa tabi lang ng bata ang ina ay nakalas. “Hinubad ito ng ka’sungit na hangin. / Nabura ito sa himpapawid.”

*    *    *

Ang inaasahang kapanatagan ng singsing na nabuo sa tali ng lobo ay naging singsing na pangkasal naman sa tulang Kasal ni Valentine Dula. Paghahambing niya:

“Tulad ng ibang babae
sa ‘sang wedding proposal,
nagulat si Mary Jane
nang sa airport ‘to gawin
nang sa airport isinuot
sa kanyang daliri
singsing na heroin
halaga’y $500,000
may bigat na 2.6 kilos.”

*    *    *

Nahirapan akong magsulat ng tula tungkol kay Mary Jane. Noong nakaraang Lunes, magbabasa ako dapat ng tula sa vigil sa tapat ng St. Peter Parish sa Commonwealth.

Ang isusulat ko sanang tula ay cataloguing ng mga datos tungkol sa mekanismo ng firing squad—pwedeng tumayo, lumuhod, o umupo ang babariling bilanggo; iisa lang sa kabataang babaril (naglalaro sa 20 ang mga edad nila para raw hindi dumaplis ang bala) ang may bala; itututok sa puso ang mga baril; kapag buhay pa ang binaril, lalapitan ito at saka babarilin sa ulo.

Ayaw tanggapin ng utak ko ang brutal na mekanismong ito ng death penalty sa Indonesia.

*    *    *

May katulad ko ring nahirapang magsulat ng tula para kay Mary Jane. Sa kanyang tulang Kagabi Habang Sinusulat Ko Ang Tulang Ito, inamin ni Bayani Banzuela ang kanyang kahinaan. Aniya:

“Pero di ko maumpisahan di mabuo sa isip ko ang mga tulang
Aangkop sa ganitong pagkakataon.

Ang resulta’y isang mababaw na tula.
Uulit akong muli huhugot ng mga linya.
Magbubuo ng mga berso.
Tila huling sandali ang bawat pitik ng oras.”

Nakakagulat ang naabot na pagpihit ng tula ni Banzuela. Naisalarawan niya ang ligalig ng isang malapit nang bitayin.

*    *    *

Ang ligalig na ito ay hindi nagdadala ng takot. Kundi ng pagpitlag kahit hanggang sa huling sandali.

Ang larawan ng isang ina – si Mary Jane – sa mga tula ay naitawid na rin sa kanyang inang si Nanay Celia.

Hindi na nakuntento ang mga bayarang media sa panloloko sa mga tao tulad ng headline na “Aquino Saves The Day” ng Manila Bulletin (sa katotohanan ay sumuko na ang gobyerno sa paglaban para kay Mary Jane gabi pa lang bago ang iskedyul ng execution). Inilabas pa ng Philippine Daily Inquirer ang “Netizens: #Firing squad for Celia Veloso” bilang bahagi ng pagyurak sa pagkatao ni Nanay Celia.

*    *    *

Inulat ni Rommel Rodriguez sa kanyang tulang Kay Nanay Celia ang pakiramdam ng masang api na nagmartsa sa Mendiola:

“Hindi na kami magtataka sakaling
sa iyo ipukol ang sisi at bala
na marapat sanang dumuro
sa mga pabayang opisyal

ng bayan nating sawi.

Hindi pa man gumagaling tuluyan
ang sugat na likha ng hirap at dusa.
Sa iyo naman ngayon nakatutok
ang mga pang-aalisputa.”

Kalakip nito ang panata. “Nandito kami nakikiisa, / kahit hindi mo pa kami kilala. // Sapagkat ang tulad mong / may layon na isiwalat ang katotohanan / ang siya naming pinaghahawakan.”