Kaso ni Mary Jane, kailangang bantayan ng taumbayan

May 10, 2015

Preliminary investigation ng Department of Justice sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Susan Azarcon sa kaso laban sa mga illegal recruiter di umano ni Mary Jane Veloso. <strong>Pher Pasion</strong>

Preliminary investigation ng Department of Justice sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Susan Azarcon sa kaso laban sa mga illegal recruiter di umano ni Mary Jane Veloso. Pher Pasion

Nagprotesta ang iba’t ibang mga grupo sa harapan ng Department of Justice (DOJ) sa pagbubukas ng preliminary investigation sa kaso nina Maria Kristina Sergio at Julius Lacanilao, ang itinuturong mga rekruter ni Mary Jane Veloso.

Ayon kay Renato Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kailangang patuloy na manawagan sa pagliligtas at pagpapalaya kay Mary Jane.

“Hindi dapat na hayaan na muling matulog ang kaso ni Mary Jane lalo na’t nasa gobyerno na ng Pilipinas nakasalalay ang kaso ni Mary Jane,” ayon kay Reyes.

Nagbigay ng hanggang Mayo 11 ang DOJ para sa pagsusumite ng lahat ng ebidensiya laban sa mga suspek. Matapos ang nasabing deadline, hindi na tatanggap ng ano pa mang ebidensiya ang DOJ.

Kinuwestiyon naman ni Edre Olalia, abogado ng pamilya Veloso, ang pagbibigay ng mga abogado mula sa Public Attorneys Office (PAO) kina Sergio at Lacanilla. Tanong ni Olalia, kung dapat bang bigyan ng serbisyo ng PAO sina Sergio kung may kakayahan naman itong magbayad ng pribadong abogado.

Hindi naman nakapagbigay agad ng legal na batayan ang mga abogado ng PAO. Binigyan sila ng DOJ hanggang Mayo 11 para isumite ang kaukulang legal na batayan para ipresenta sina Sergio at Lacanilao.

Nagprotesta ang iba't ibang grupo sa harapan ng Department of Justice sa pagbubukas ng imbestigasyon sa kaso ng umano'y mga rekurter ni Mary Jane Veloso. <strong>Pher Pasion</strong>Nagprotesta ang iba't ibang grupo sa harapan ng Department of Justice sa pagbubukas ng imbestigasyon sa kaso ng umano'y mga rekurter ni Mary Jane Veloso. <strong>Pher Pasion</strong>

Nagprotesta ang iba’t ibang grupo sa harapan ng Department of Justice sa pagbubukas ng imbestigasyon sa kaso ng umano’y mga rekurter ni Mary Jane Veloso. Pher Pasion

“Nililinawin namin, may karapatan ang respondents sa abogado. Hindi namin inaalis yan… Ang punto, bakit sa isang taong labas masok ng Pilipinas, in one month tatlo, apat, lima? Paano naging indigent yun? Pinagkakait mo yung nangangailangan,” ayon kay Olalia.

Pinabulaanan din ni Olalia na minamadali ang proceedings ng kaso. Kung talagang inosente sina Sergio nasa bentahe umano ng kabilang kampo na magmadali.

“Ayaw din namin na maparatangan na niratsada. Hindi kami papaya kasi dapat may integridad ang legal proceedings para kung maging tuntungan ito Indonesia ay walang kuwestiyon. Kailangan ang integridad ng proceeding, yung awtoridad ng abogado niya,” ayon kay Olalia.

Samantala, ayon kay Howard Areza, abogado nina Sergio at Lacanilao, mula sa PAO, wala umanong inamin sina Sergio patungkol sa lumabas na balita kamakailan na inamin di umano nila na sangkot sila sa isang international na sindikato ng droga sa imbestigasyong isinagawa ng National Bureau of Investigation.

“Yung confession na sinasabi hindi ko alam kung saan nila kinuha. In fact, hindi ko alam kung bakit isinama doon sa resolution. Hindi ko malaman yung mga facts doon kung saan nila kinuha,” ayon kay Areza.

Ayon naman kay Olalia, hindi pa sila nakakakuha ng kopya ng nasabing imbestigasyon na pag-amin umano nila Sergio.

Nakatakda naman sa Mayo 20, 25, at Hunyo 1 ang mga susunod na pagdinig para bigyan ng sapat na panahon ang mga inaakusahan sa kanilang counter affidavits.