#JusticeForKentexWorkers | PANAYAM: ‘Kaligtasan ng obrero, palaging binabalewala’

May 15, 2015

Mga labi ng biktima ng sunog sa pabrika ng Kentex Manufacturing sa Valenzuela City. Larawan mula sa <b>Tudla Productions</b>

Mga labi ng biktima ng sunog sa pabrika ng Kentex Manufacturing sa Valenzuela City. Larawan mula sa Tudla Productions

Muling nagulantang ang bansa sa balita ng pagkasawi ng 72 katao matapos masunog ang isang pabrika ng Kentex Manufacturing sa Valenzuela City noong Miyerkules, Mayo 13. Umaabot sa 200 manggagawa, na may dalawang >shifts, ang nagtatrabaho diumano sa naturang pabrika. Sa ikalawang palapag nasawi ang 69 sa 72, at marami sa kanila’y kababaihan. Hindi ito ang unang pagkakataon ng pagkasawi ng malaking bilang ng mga manggagawa sa lugar ng kanilang trabaho. Itinuturo ngayon na may pananagutan ang tila’y mahinang pagpapatupad ng administrasyong Aquino ng mga istandard sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa. Siyempre, patuloy ring kinakampanya ng progresibong mga grupo ng manggagawa ang pagpapatupad ng isang pambansang minimum wage na makakaagapay sa tumataas na mga bilihin at serbisyo. Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Nadia de Leon, advocacy officer ng Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) na naglunsad ng agarang fact-finding mission sa pabrika ng Kentex at may mahabang karanasan ng adobkasiya para sa kaligtasan at kalusugan ng mga mangagawang Pilipino.

PW: Naglunsad daw kayo ng agarang fact-finding mission sa pabrika ng Kentex Manufacturing, Inc. kahapon? Ano ang kalagayan doon, ng pabrika at ng mga manggagawa doon?

Iohsad Philippines

Iohsad Philippines

Nadia de Leon (Iohsad): Dalawa ang pinagbatayan namin para sabihing mayroon talagang occupational safety standards violations. Una, yung mga testimonya ng nag-survive na mga manggagawa na nandoon o nakatira mismo doon na nakausap namin nang mag-fact-finding (mission) kami. Pangalawa, yung pagbisita at pagkuha ng litrato dun mismo sa loob ng building.

Sa mga testimonya, sinabi talaga ng mga manggagawa na walang fire exits, lalo na doon sa second floor. Sa 72 na labi ng mga nasawi, 69 ‘yung na-retrieve sa second floor. Kaya ang majority talaga ng patay na mga manggagawa ay iyung hindi nakalabas sa second floor. Walang fire exits, at sobrang dami talagang bakal na grills.

Sabi ng mga manggagawa at iyung mga taong nakapalibot sa pabrika kahapon na nakausap pa natin, nakita pa talaga nilang sumisigaw ‘yung mga manggagawa sa second floor, pero hindi mabuksan, hindi makalabas sa bintana kasi may grills. Ganun din ang sinabi nung isang kamag-anak na nakausap ni (Interior Sec.) Mar Roxas, kasi nakapunta kami roon sa talk ni Mar sa pamilya. Ang tanong ng kamag-anak, bakit hindi na lang binaklas ‘yung mismong bilding nung sumisigaw yung mga manggagawa, dahil sobra talaga yung pagkaka-grill ng mga bintana. Kaya nakita mula sa mga testimonya na wala talagang malabasang fire exits yung mga manggagawa.

Sa ocular ninyo, napatotohanan ba yung ganung mga testimonya?

May kumuha sa amin ng larawan ng mga bintana. Pangalawa, may naglakas-loob din sa amin na pumasok kahit medyo delikado para kunan ang second floor. Nakita niyang wala talagang fire exit.

Ano’ng ibig sabihing walang fire exit? Parang may entrance-exit lang tapos walang ibang labasan sa pabrika?

Sa imbestigasyon namin, mayroong dalawang gate: isa sa entrance-exit, daanan ng mga manggagawa, at isa para sa deliveries. Kumbaga, kung gusto mo lumabas mula sa building, ‘yun lang ang puwede mong daanan. Kasi sa taas, talagang bintana, ‘yun lang ang mayroon. Tapos stairways na pababa.

May expertise kayo sa occupational health and safety standards sa Pilipinas at siyempre international standards. Ano ba ang safety standards na nilabag sa kasong ito, batay sa pag-aaral ninyo?

Doon sa pinagbatayan namin ngayon, ‘yung safety standards ng Pilipinas. Meron naman kasi tayong Occupational Safety and Health Standards na (amended noong) 1989. Basically, ‘yung main provisions ng Rule 1940, sa Fire Protection and Control, halos lahat doon. At partikular doon sa probisyon tungkol sa fire exits, Rule 1943.03 (1) na nagsasabing “At least two exits shall be provided in every floor and basement of every workplace capable of clearing the work area in five (5) minutes.” Sinabi din dun na “On every floor, except the ground floor, one of the exits shall lead to an inside stairway or a smokeproof tower, while the other exits shall lead to inside stairways, smoke-proof towers or horizontal exits.” Hindi ganun ang sitwasyon sa second floor.

Isa pa, ang nalaman namin noong fact-finding mission, may mga bagong delivery ng saku-sakong kemikal na flammable. ‘Yun kasi ang tinamaan ng welding, at ‘yun ang major cause (ng pagsimula ng apoy).Tapos, isa ngang nilabag doon, sa Fire Protection and Control Standards, ‘yung hindi dapat nakatiwangwang lang ang flammable chemicals. Dapat naka-store siya properly. Kasi ayon sa testimonya, ‘yung spark ng welder na nire-repair yung pinto, tapos may nakakalat na kemikal (dun nagsimula ang apoy).

Ang tawag nila dun sa kemikal, superseal o rubber emulsion. Ginagamit ito sa rubber slippers para maging hindi masyado madulas. Nakita rin namin na flammable ‘yun, na kahit spark lang, magdudulot ng sunog. So napakalaking violation noon sa standards.

Tapos ikatlo, sa testimonya ng mga survivor, walang naganap na fire drill sa kanila. Standard iyun, na kailangan at least twice a year, to maintain an orderly evacuation of the building. Actually, dapat nga mas madalas pa (sa twice a year) kung madalas magpapalit-palit ng manggagawa. Ibig sabihin, kung hindi regular workers. Kasi andaming trabahong pakyawan din dito sa Kentex.

Kung sa pananagutan, batay sa sinasabi mo, malinaw na mayroon ang manedsment sa pagmamantine ng ganung workplace. May pananagutan din ba ang safety inspectors, tapos ‘yung government agencies sa ganitong kaso?

Malaking malaki ang pananagutan dito ng Deparment of Labor and Employment (DOLE). Lalong lalo na dahil inamin ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na eight months ago, may resulta ‘yung inspection nila rito sa Kentex, at lumalabas na ito ay compliant daw sa safety standards. Kaya kumbaga, ‘yun ‘yung nagpapakita kung gaano ka-unreliable at questionable ang sistema ng kanilang pagi-inspect sa mga pabrika.

Bakit ba ganun na lang kadali na malusutan ang inspections at standards?

Dahil ito sa bagong department order ng DOLE na tinutuntungan ngayon para sa pagi-inspect, ‘yung Department Order No. 131-13. Nang ilabas nila ito noong 2013, sabi nila, sagot daw nila ito sa pagbagsak (aksidente) ng mga manggagawa sa Eton. Hindi na nila binanggit ‘yung “self-assessment” (i.e. manedsment ang susuri kung tumutupad ang kompanya nila sa health and safety standards) dito.

Pero ang ginagawa nila ngayon, kaya madali pa ring nakakalusot ang mga kompanyang ito, mayroong joint assessment. Ang joint assessment, ‘yun ay sa esensiya, tripartite mechanism. ‘Yung manggagawa may workers’ representative (kung walang unyon), tapos may employers’ representative at LLCO o Labor Laws Compliance Officer, ‘yun ‘yung pinalit sa dating Labor Inspector. ‘Yung tatlong yun, sila ang magtse-check ng apat-na-pahinang checklist. Kasi sa labor laws compliance, hindi lang occupational health and safety, pati kung ‘yung kompanya ba ay nagbibigay ng tamang sahod, ‘yung mga usapin sa subcontracting, atbp. Lahat ‘yun ay binabantayan nila. Silang tatlo, sila ang tumitingin kung nagko-comply ang mga kompanya.

Sa pananaw namin, madali ‘yung nalulusutan. Alam naman natin na sa mga tripartite mechanism, madalas na kapitalista (o employer) ang nasusunod. Lagi rin naming sinasabi na hindi pupuwede ‘yung scheduled inspection. ‘Yung alam ng manedsment na pupunta ang DOLE para mag-inspection sa kanyang premise o factory. Kasi kung scheduled visit ang isinasagawa, madaling naitatago o kaya nakakapaghanda yung manedsment.

Isa pa, lagi’t laging sinasabi ng DOLE, na kaya nila iyan ginagawa ay para mag-inculcate daw ng culture of voluntary compliance. Na sa amin, sa esensiya, ay self-assessment pa rin. Imposible na yung mga manedsment ay bolunaryong maghapag ng kanilang mga paglabag sa standards. Kaya sa amin, ang tingin pa rin namin, kailangang pa rin ng mandatory at strict na law enforcement ng DOLE. Huwag umasa sa voluntary compliance ng manedsment.

Ano ang nagtutulak sa mga manedsment na hindi na lang mag-comply sa standards?

Siyempre, ang una diyan ay para magtipid (ng gastos, at dagdag-kita). Kumbaga, malaki ‘yung igagasta niya para siguruhin ‘yung kaligtasan ng mga manggagawa. Ikalawa, napakadaling lusutan ang ganyang mga paglabag dahil wala namang ngipin ‘yung labor laws natin pagdating sa safety standards. Mas madali na ng manedsment na magtipid at huwag nang pangalagaan ang mga manggagawa. Ano ba naman yung P1,000 hanggang P10,000 na multa sa paglabag niya sa anumang nakasaad sa Labor Law natin kumpara sa milyun-milyong gagastusin niya para tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa? Kaya yung pagiging toothless at hindi istriktong pag-penalize ang nagtutulak sa mga kapitalista na pabayaan ang kaligtasan ng mga manggagawa.

Ano ang alam natin dito sa Kentex bilang kompanya?

‘Yung Kentex ang kanyang produkto ay Havanas, yung rip-off ng (mas sikat na brand na) Havaianas. Pero alam naman natin na malaki rin ang local market nito. Ang isa pa na nalaman namin, marami ang tipo ng manggagawa sa loob. Merong regular workers—yan yung sinasabi nilang 20-25 taon nagtatrabaho. Tapos merong casual workers—yun yung mga 10 taon na nagtatrabaho. At meron ding yung mahigit 100—kabilang ang marami sa mga namatay—na tinatawag na agency workers, na ang daily wage ay P202 at saka paiba-iba na daily allowance—P187-P220, depende sa haba ng serbisyo sa trabaho.

Ang isa pa na nadiskubre namin, meron pang nag-summer jobs na mga kabataan sa Kentex nito lang Mayo, bago lang ang sunog. Hindi lang namin nakuha ang mga pangalan. Mga high school students. Wala pang balita kung kasama sila sa mga namatay. Pero ang balita lang namin, tumatanggap itong Kentex ng mga nagsa-summer job na high school students.

Si Beato Ang ‘yung may-ari. Kasama sa namatay ‘yung anak niyang si Tristan. May mga kuwentu-kuwento na nung nagkakasunog na, bumalik raw kasi itong si Tristan sa second floor para kunin ang pera. Pero hindi na namin na-confirm ‘yun.

Matagal na pala itong Kentex. Ansabi nila, may company union ito na mga 30 miyembro, so mga regular ito, ang iba puro casual o agency workers, o ‘yung mga pakyawan na sinasabi nila.

Ano ba ang pinaka-kagyat na panawagan ng Iohsad at iba pang labor groups kaugnay nitong trahedya sa Kentex Manufacturing?

Sa amin, ang pinaka-kagyat talaga ay i-prosecute itong si Beato Ang. Ang alam namin, tatlong pamilya ang may-ari, pero ang kilala lang namin itong si Ang. Kasi yung sinasabi ni Baldoz na ise-serve sa mga biktima yung social and labor justice ay sa balangkas lang ng kompensasyon. Na ang banggit niya dun ay nasa P20,000. Walang nabanggit ni katiting na pagpapanagot.

Pangalawa, may nakabinbin ngayon sa Kongreso na House Bill 4635 o Workers’ Shield ng Gabriela Women’s Party, na ang laman ay pagki-criminalize sa mga paglabag sa safety and health standards. Ia-amend ang Labor Code at maglalagay ng mga probisyon hinggil sa penalties, na mula sa monetary fines hanggang pagkakakulong sa mga kompanyang mapapatunayang lumabag.

Siyempre, yung istriktong pagpapatupad ng mga istandard, at hindi sa pamamagitan ng joint assessment na tinatawag ng DOLE.