Ilegal na rekruter ng ‘DC Teachers’, pinagpapanagot ng DOJ

May 11, 2015

wanted-isidro

Poster ng Migrante International para sa paghahanap kay Isidro Rodriguez

Isa na namang inisyal na tagumpay laban sa illegal recruitment ang natamasa ng mga biktima nito.

Inilabas ng Department of Justice (DOJ) noong Abril 30 ang resolusyon na nagsasaad na hatol na guilty kay Isidro Rodriguez sa mga kasong large-scale illegal recruitment at syndicated estafa. Tugon ito sa reklamong isinampa ng ilan sa may 300 guro na nabiktima ni Rodriguez.

Masayang tinanggap ng Migrante International ang resolusyon, na mahigit isang taon matapos tinugunan ng ayuda ng mga guro, na narekruta ni Rodriguez para magturo sa Washington DC, US pero kung saan-saang trabaho ipinasok.

Ayon sa Migrante, inisyal na tagumpay ito para sa nabiktimang mga guro.

Noong Disyembre 18, 2013 pa nang nakipag-usap ang ilang miyembro ng tinaguriang “DC Teachers”, kasama ang Migrante International at Gabriela, sa National Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Department of Justice (DOJ).

“Tuluy-tuloy ang tagumpay ng sama-samang pagkilos at paglaban. Maghihitay kami ng paborableng resolusyon para naman sa motion for reconsideration na isnampa namin ukol sa trafficking cases,” ani Sol Pillas, pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

Umaasa sana ang mga biktima, maging ang Migrante at Gabriela, na makasuhan din si Rodriguez sa ilalim ng Republic Act No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 bilang unang kaso ng human trafficking na mapaparusahan sa ilalim ng naturang batas.

Pero ayon sa Migrante, tila, minaliit ito noon ng DOJ. Saad noon ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, “‘Yung mga napapalis na nasa US na may 50 teachers ay dinidinig na yung kaso nila sa human trafficking. (Pero) kapag dito (sa Pilipinas), hindi nila kinonsider na trafficking ito, kahit may mahigit 100 complainant.”

Nakatala si Rodriguez bilang isa sa notoryus na mga illegal recruiter at human trafficker, ayon sa konsulada ng Pilipinas sa Estados Unidos. Mayroon pa rin siyang nakabinbin na mga kaso sa US na isinampa ng mga nabiktima niya at ngayo’y nakabase sa US.

Pawang lisensiyado at propesyunal na mga guro ang nabiktima ni Rodriguez. Hindi bababa sa 500 katao ang mga biktimang ito, sa ilalim ng mga ahensiyang Renaissance Staffing and Support, Inc., (kilala dati na Great Provider Service Exporters, Inc.), at ang katuwang nito sa US na Green Life Care International, LLC.

Umaabot sa hanggang kalahating milyong piso ang nasingil ni Rodriguez sa bawat isa para umano sa “processing, service, pick-up, housing and interview fees”. Pangakong trabaho sa iba’t ibang paralan sa US ang alok sa mga nabiktima, ngunit wala naman palang ganoon na maaabutan ang mga nakaalis ng bansa.

Nasentensiyahan na rin si Rodriguez ng 11-taong pagkakabilanggo noong Nobyembre ng nakaraang taon, sa kasong pambibiktima ng isang guro. Ngunit malayo pa ito sa hinihiling ng iba pang mga biktima dahil iisa lamang ito habang nakaantabay pa ang iba pang patong na patong na kaso kay Rodriguez.

Patuloy rin umano ang pagmamatyag sa mga kinaroroonan ni Rodriguez. Napabalitaang nakita siya sa Madrid, Spain.

Sinabi ni Pillas na patuloy ang kanilang pangangalampag sa DOJ upang aksiyunan ang iba pang mga kaso kay Rodriguez.

“Patuloy ang aming pagmamatyag at pangangalampag hangga’t matamasa ng mga biktima ang hustisya, at panawagan din namin, na arestuhin na sa lalo’t madaling panhon si Rodriguez,” dugtong pa ni Pillas.