Araw ng pagluluksa, araw ng galit ginunita para sa mga biktima ng sunog sa Kentex

May 19, 2015

Ang nasunog na pabrika ng Kentex Manufacturing sa Valenzuela City. Darius Galang
Nakiisa ang Gabriela at Gabriela Women's Party sa Cubao, Quezon City sa National Day of Mourning para sa 72 mangagawang nasawi sa sunog sa Kentex factory. Pher Pasion
Bahagyang binuksan ang tarangkahan ng pabrika upang palabasin ang isang trak ng bumbero, kaunting puwang upang masilip ang loob ng pabrika. Darius Galang
Hawak ni Marivic Moca (kaliwa) ang litrato ng kapatid niyang si Lileth, habang ang hawak naman ng kakambal ni Lileth na si Lilibeth ang litrato ng kanyang asawang si Marco Estevez. alawa lamang sila sa naitalang 72 na nasawi sa sunog. Darius Galang
Kuha ni Darius Galang
Kuha ni Darius Galang
Samantala, nagpahayag ng pakikisimpatya sa mga biktima ng sunog sa pabrika ng Kentex ang mga manggagawa sa ilalim ng Pamantik-KMU at Olalia-KMU sa Timog Katagalugan. Contributed Photo
Nakiisa sa panawagan para sa hustisya sa mga manggagawa ng Kentex ang mga manggagawa ng Timog Katagalugan. Kontribusyon
(Kanan) Gabriela Rep. Emmi de Jesus, sa misa na isinagawa sa harap ng pabrika noong Sabado, Mayo 16. Joseph Angelo Cariaso
Joseph Angelo Cariaso

Pagluluksa. At pagkondena.

Ito ang mensahe ng iba’t ibang grupo at sektor na lumahok sa National Day of Mourning para sa 72 katao, karamiha’y manggagawa, na nasawi sa sunog ng isang pabrika ng Kentex Manufacturing  sa Valenzuela City kamakailan.

Sa harap ng nasunog na pabrika, isang interfaith service ang isinagawa ng mga grupong relihiyoso, kasama ang mga organisasyon ng mga manggagawa at iba pang sektor. Kasama rin sa pagtitipon ang ilang kaanak ng mga nasawi, dala ang larawang ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa kanyang homily, hindi pinalampas ni Fr. Ben Alforque ang pagkakataon upang ibaling sa “kapabayaan at pagkaganid” ng mga kapitlaista ang trahedya. Aniya’y maraming karapatang nilabag ang may-ari ng pabrika, tulad ng kawalan ng unyon ng mga manggagawa bagaman idineklara ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mayroong unyon ang pagawaan, bukod sa mga paglabag sa disenyo ng gusali.
Pagkatapos ng misa, inalok ng National Union of Peoples’ Lawyers ang legal nilang tulong sa kaanak ng mga biktima para sa posibleng pagsasampa ng karampatang mga kaso sa mga responsable sa sunog.
Nag-alay ng kandila ang kaanak ng mga nasawi. Sigaw nila, hindi lang ang kapalit na halagang salapi kundi ang hustisya na rin ang kanilang sinisigaw para sa kanilang mga mahal-sa-buhay.

Nagpiket din ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harap ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) – National Capital Region habang nagaganap ang pulong nito sa mga kaanak ng mga nasawi.

Sinabi ng KMU na “walang karapatan” ang DOLE na “mag-astang niyutral ito” sa kaso ng Kentex dahil direktang nagpatupad ito ng mga polisiya na nagdulot sa kondisyon ng pabrika noong sunog.

“Hindi lang nilabag ng Kentex ang pangkalahatang mga istandard sa paggawa, pero mas mahalaga, mga istandard sa kaligtasan at kalusugan sa lugar ng paggawa. Halimbawa, hindi lang sa inalis sa istruktura ng pabrika ang mga fire exit matapos ang sinasabing inspeksiyon daw ng DOLE. Wala talaga ang mga ito,” sabi ni Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo ng KMU.

Samantala, sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at maging sa ibang bansa, ginunita ang pagluluksa at pagkondena sa sinapit ng mga manggagawa ng Kentex.

Sa Cubao, Quezon City, nagtirik ng kandila sa kalsada ang kababaihan ng Gabriela at Gabriela Women’s Party. Mensahe ng mga grupo ng kababaihan, matapos ang pagluluksa’y kailangan magkaisa para kondenahin ang mga polisiya ng pamahalaan na direktang dahilan ng abang kalagayan ng mga manggagawa sa mga pabrikang tulad ng sa Kentex.

“Kongkretong kalagayan ng maraming manggagawa sa mga pabrika ang nangyari sa Kentex. Mababa ang pasahod, kontraktuwal, at hindi ligtas na lugar na paggawa na nagagawang pahintulutan o mabayaan  ng gobyerno na mag-operate,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ayon sa Gabriela, tulak ng kapitalismo para sa mas malalaking tubo ang pagkakaroon ng hindi maka-manggagawang kalagayan sa mga pabrika gaya ng mababang pasahod, walang benepisyo, kontraktuwal, pakyawan, at iba pa.

“Mistulang ikinukulong ang ating mga manggagawa sa mga pagawaan na tila mga aliping sahuran. Nagtiyatiyaga sa mababang sahod dahil walang malikhang sapat at nakabubuhay na trabaho ang gobyerno. At ang gobyerno ding ito ang siya nagtutulak ng kontraktuwalisasyon at nagbibigay daan para pababain ang sahod ng mga manggawa,” ayon kay Salvador.

Pinuna naman ni Gabriela Rep. Emmi De Jesus mga kontra-manggagawang polisiya gaya ng “voluntary compliance” at “tripartism” na nagreresulta ng malawakang pagbaba sa kaligtasan ng mga manggagawa, serguridad sa trabaho, at mababang pasahod.

“Sa bisa ng Department Order 131-13 (DO 131-13) umiral ang voluntary compliance ng may-ari ng mga pabrika sa walang ngipin na Labor Laws Compliance System. Tinatalikuran nito ang pananagutan ng gobyerno at ipinauubaya sa mga kapitalista ang pagpapatupad ng labor standards. Sa sistema ng self-assessment ng D0 131-13, dinadaan na lang sa checklist na minamarkahan na lang ng kapitalista. Kaya hindi nakakapagtakang compliant itong Kentex at halos lahat ng empresa sa buong bansa,” sinabi ni De Jesus,  sa privilege speech sa Kamara.

Kabilang sa mga nasawi sa nasabing trahedya ang apat na buntis na manggagawa.