Kuwento ng pang-aapi ng Saudi Royal Family sa migranteng Pilipino

April 10, 2015

Ang mga kwento ng mga overseas Filipino workers na nakararanas ng pang-aabuso sa kamay ng royal families sa Saudi Arabia. <strong>Pher Pasion</strong>

Ang mga kuwento ng overseas Filipino workers na nakararanas ng pang-aabuso sa kamay ng royal families sa Saudi Arabia. Pher Pasion

Para sa overseas Filipino workers (OFW), ipinapangako ng paninilbihan sa isang prinsipe at prinsesa sa Kaharian ng Saudi Arabia ang magandang buhay.

Pero hindi ito totoo sa karanasan nina Olivia Ramos, Ester Ocom, at Marilyn Ristor, na nanilbihan sa mga royal family sa Saudi Arabia pero nakaranas ng kahirapan, pang-aabuso, at pagyurak sa kanilang pagkatao.

Ilan lamang sila sa OFWs na nakararanas ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang amo at pagpapabaya ng mismong gobyernong nagtulak sa kanila para iwanan ang mga pamilya at makipagsapalaran sa ibang bayan.

Minaltrato

Taong 2012 nang mag-apply bilang domestic helper sa Kuwait si Ramos, 30, tubong-Ilocos Norte, kasama si Emily Camat, 26, mula naman sa Laguna, sa Management and Technical Services (Asean).

Pero Nobyembre 2012 nang sabihan sila ng isang Jesusa Aquino mula sa Asean na nakansela ang kanilang pag-alis dahil sa nailagay ang bansa sa ilalim ng deployment ban. Sa kabila nito, binigyan pa rin sila ng kasiguruhan na makakaalis sila sa pagkakataong ito sa Saudi Arabia.

Noong Hulyo 20, 2013 nang mag-report si Ramos sa kanyang amo na si Al Almera Maha Bint Bandar Al Saud, isang prinsesa sa Riyadh. Sumunod namang dumating si Camat kinabukasan (Hulyo 21). Sa isang hotel sila unang nanuluyan dahil sa ginagawa pa umano ang bahay ng kanyang amo.

Maayos ang unang buwan nila doon. Pero nang magtungo sila sa Jeddah kung nasaan ang amo nilang lalaki, nasaksihan nina Ramos ang pambubugbog sa amo nilang prinsesa.

“Pagkauwi pa lang namin doon, pumasok ang amo naming babae sa kuwarto, paglabas bugbog-sarado na ‘yung mukha n’ya. Duguan na ‘yung mukha niya,” ani Ramos. Nakumbinsi nila ang kanilang amo na umalis na lang sila at bumalik sa Riyadh. Sa ospital sila dumiretso at namalagi ng dalawang linggo.

Dumating din sa Riyadh ang kanilang among lalaki at umuuwi tuwing gabi sa bahay nila doon. Pagbalik ng amo niyang babae, binugbog na naman umano ito ng asawa niya. Umalis sina Ramos kasama ang prinsesa patungong hotel. Sa ikalawang gabi doon, pinakiusapan si Ramos ng prinsesa para umuwi at pagsilbihan ang amo niyang lalaki.

Bagama’t natakot noong una, umuwi pa rin si Ramos dahil siniguro sa kanya ng prinsesa na hindi siya sasaktan ng amo niyang lalaki. Ginawa niya ang kanyang trabaho na maglinis at pagsilbihan ang amo niyang lalaki.

Nang umuwi sa bahay ang prinsesa kasama si Camat, doon na sila sinaktan ng amo nilang lalaki.

“Ang bubugbugin lang po sana ‘yung asawa niya, kaya lang tinawag po kasi kami ng prinsesa. Ang una niyang tinawag, si Emily. Nasa may hagdan na ‘yung mga amo namin, hawak-hawak niya ang buhok ng prinsesa habang nakatutok ang baril. Humingi siya ng tulong kay Emily,” ani Ramos.

Hindi nakalapit noong una si Emily dahil sa banta na babarilin siya nito. Pero dahil sa pagtuloy na paghiyaw ng tulong ng prinsesa naglakas loob si Emily na saklolohan ito sa awa niya sa prinsesa. Hinablot silang pareho at dinala sa kuwarto ng amo nilang lalaki.

Sa takot, nagtago sa kusina si Ramos. Nang tawagin ang kaniyang pangalan, inakala niyang hindi baba ang kanyang amo, pero bumaba ito at nasalubong ni Ramos sa hagdan, hinablot ang kaniyang buhok at ibinalibag sa kuwarto kung nasaan sina Emily at ang prinsesa.

Si Oliva Ramos habang ibinabahagi ang kaniyang naging karanasan sa Saudi Arabia. <strong>Pher Pasion</strong>

Sa isang kilos-protesta, ikinuwento ni Olivia Ramos ang mapait na karanasan niya sa Saudi Arabia. Pher Pasion

“Ibinalibag ako, inihagis ako, tinadyak-tadyakan, pinalo ng baril ang ulo ko,” sabi ni Ramos. “Matagal kaming tinutukan ng baril. Sabi ng amo naming lalaki, kung papatayin kami doon, walang makakaalam.”

Kuwento ni Ramos, parang nakadroga ang kanyang among lalaki at isa pang kasama nito. Nakaisip si Ramos ng paraan para tumakas kasama ang prinsesa. Sa hotel sila nagpunta. Pero umuwi pa rin sila kinabukasan. Sa takot, nagpaalam sina Ramos sa prinsesa. Nagalit ito.

“Hinila kami sa kuwarto nila. Tinakot kami nung prinsesa. Ibalik daw namin ang pinasahod nila at magbabayad kami ng 100,000 Real, bayad daw namin sa pag-alis namin dahil hindi pa tapos ang kontrata,” ani Ramos.

Pero dahil sa wala silang pera at humingi ng patawad ang amo nilang lalaki, nanatili sina Ramos. Pero hindi natapos ang kalupitan sa kanila. Nobyembre, sa isang disyerto nauwi ang kanilang bakasyon imbes na sa Boracay na sinabi ng kanyang amo.

“Pinaghabol kami ng mga daga tapos pinagbabaril kami kapag hindi kami makahabol. Kahit umuulan ng yelo, hindi kami pinapapasok sa tent namin,” kuwento pa niya.

Dahil dito, tumakas na sina Ramos at dumiretso sa embahada ng Pilipinas. Matapos ikuwento ang mga pangyayari, tinanong sila ng embahada kung gusto pa nilang magtrabaho at lumipat na lamang ng employer. Pero hiniling nilang umuwi na lang sa Pilipinas.

Dahil hindi madaling umuwi ng Pilipinas, nanatili sila ng anim na araw sa Bahay Kalinga. Enero 26, 2014, mismong embahada ng Pilipinas ang kumuha sa kanila mula sa Bahay Kalinga at ipinasa sa mga pulis. Walang kaalam-alam sina Ramos na dadalhin pala sila sa kulungan.

“Pinapunta kami doon para daw linisin ang pangalan namin dahil pinagbintangan daw kami ng amo namin na nagnakaw ng 100,000 Real. Pagkagabihan, dinala na kami sa kulungan. Lingo po yun. Pagdating ng Martes dumating po yung amo namin na babae, January 28. Binugbog po kami doon sa kulungan,” ayon kay Ramos.

Pinahabubad sila, kinuha ang kanilang mga damit, cellphone, at lahat ng mga gamit. Si Camat ang unang binugbog at dinura-duraan sa kabila nang pag-awat ng mga pulis. Nawalan ng malay si Ramos nang suntukin siya sa mukha ng kaniyang amo.

Kinausap sila ng mga pulis matapos nito para magsampa ng reklamo sa amo para raw magtanda. Unang tumanggi sina Ramos dahil sa nais na talaga nilang umuwi. Pero nakumbinsi sila at sinampahan nila ng kaso ang kanilang amo.

Nanalo naman ang kanilang kaso. Pero ibinalik sila sa kulungan dahil may kulang pa daw sila na hindi natatapos ayon sa isang opisyal na nagpaliwanag ng papel na nakasulat sa Arabic na hindi maintindihan nila Ramos.

“Pagkabalik namin sa kulungan, umiyak talaga ako. Natatakot na naman ako na magtagal na naman kami doon. Seven months na kami sa kulungan,” ani Ramos. Walang opisyal o representante ng embahada ng Pilipinas na bumisita kina Ramos habang nasa kulungan.

Nakauwi sina Ramos sa Pilipinas nitong Enero 22. Wala silang nakuhang anumang sahod. Matagal pa ang kanilang inilagi sa kulungan kaysa sa trabaho.

Bartolina

Mayo 25, 2014 naman nang dumating sa Saudi Arabia si Ocom. Ito ang unang pagkakataon niya na makipagsapalaran sa ibang bayan bitbit. Tulad ng iba, pangarap niyang maiahod ang pamilya sa General Santos.

Agosto 20 nang magbakasyon ang kanyang amo at pamilya nito sa Estados Unidos (US). Matapos ang isang linggo, tumawag ang kanilang amo. Nagbanta ito sa kanila: may dalawang “hindi magandang mangyayari” umano sa kanila pag-uwi. Nalaman na lamang nina Ocom na tumakas pala ang dalawang nars nilang kasama sa US.

Pag-uwi ng kanilang mga amo noong Setyembre, tinutoo ito ng mga amo nila.

“Araw-araw na kaming minumura kahit konting pagkakamali lang. Lagi niyang sinasabi na tanga ko, pangit (ako). Lahat na sinasabi sa akin, (tulad ng) mentally ill (daw ako). Tinitiis ko ang lahat. May nerbyos na kami dahil araw-araw niyang sinasabi hindi namin siya kilala,” kuwento ni Ocom.

Nobyembre 26 habang naglilinis, pinatawag sina Ocom ng kanyang amo kasama ang kapatid. Ito na umano ang sinasabi ng amo na mangyayaring hindi maganda sa kanila. Pinahubad sila at hinalungkat ang mga gamit dahil ninakawan daw nila ang kanilang amo.

“Dumating ‘yung malaking tao na hindi namin kilala, kinalakad na kami palabas. Paglabas namin, nandun na ang mga pulis. Sa patrol car ng mga pulis, hindi nila alam ang gagawin sa amin. Naisip namin ito na ‘yung sinasabing ‘hindi magandang mangyayari’ sa amin. (Di namin alam) kung papatayin o anuman ang gagawin sa amin. ‘Yun pala, diniretso kami sa police station,” aniya.

Kinabukasan, dumating ang lalaking kumaladkad sa kanila. Tanging ang lalaking iyon ang kinausap ng mga pulis. Pina-thumb-mark sila pagkatapos mag-usap ang lalaki at mga pulis. Hindi nila alam ang nakasulat dahil Arabic ito. Sinabi sa kanila ng pulis na nagsasabi lang umano ang dokumento na walang nakuha ang mga pulis mula kina Ocom. Pagkatapos noon, dinala na sila sa bartolina at nanatili doon ng 20 araw.

“Hindi naman talaga ako nagnakaw. Doon ko na lang nalaman na nagnakaw daw kami. Kahit na maghirap kami ng mga anak ko, hindi ako magnanakaw. Ang hindi ko lang matanggap bakit yun ang parusa sa amin. Sabi nila kriminal lang daw ang binabartolina nila,” kuwento pa ni Ocom.

Nalaman na lamang nila na hiling ng prinsesa ang pagbartolina sa kanila sa loob ng dalawang buwan. Disyembre 16 nang tangkang dalawin siya ng isang kapatid na OFW din sa Saudi. Pero hindi niya nakita nito. Kinabukasan, nakabisita mula ang kapatid niya dahil nagpunta ito ng embahada ng Pilipinas. Iginiit nilang ilabas si Ocom sa sa bartolina. Nailabas siya kahit atubili ang mga pulis dahil wala pa raw go-signal ng prinsesa.

“Talagang masakit. Hindi ko matanggap. Kung ayaw nila sa amin, sana pinauwi na lang kami nang maayos. Doon sa bartolina ko naramdaman na (mistulang) binagsakan ako ng mundo. Ang hirap ng sitwasyon, dahil ang dilim at sarili ko lang kausap ko. Iniisip ko ang mga anak ko. Hindi ko alam kung sino tutulong sa amin,” alala ni Ocom.

Pinagbawalan din silang makipag-usap sa mga kapwa Pilipino. Binantaan din sila na puputulan daw ng kamay. Kung hindi siya matatag, baka nag-suicide na siya katulad ng maraming nakakulong doon, kuweto pa niya.

Iginiit nilang wala silang nakitang opisyal o representante man lang ng embahada noong panahong iyon. Nang tanungin nila ang mga pulis, sagot ng mga ito na ibinigay daw nila ang lahat ng records nila sa embahada.

Nag-alala siya sa kanyang kapatid na baka idamay ng prinsesa. Pero hindi siya iniwan ng kapatid. Lumapit ito sa Migrante International. Nakakuha sila ng abogado at nakapasok ng kulungan para maasikaso ang kaso. Kinalaunan, umatras ang amo ni Ocom sa kaso.

“Kung hindi pumunta ang kapatid ko, hindi ko alam kung maasikaso kami. Dahil marami doon na umabot na tatlong taon na walang nakikitang (representante ng Philippine) embassy doon. ‘Yung iba, tumanda na doon, ‘yung walang kamag-anak. Matagal na silang marami roon. Kaya iniisip namin na baka matagalan kami doon,” kuwento pa ni Ocom.

Saksi siya sa maraming OFW na nakakulong doon: Pawang walang kasalanan na mismong embahada pa ng Pilipinas umano ang nagdadala sa nasabing piitan.

Ngayon, wala nang balak umalis ng Pilipinas si Ocom.

Pagdukot 

Labis ang pag-aalala naman ni Lani Isip, 47, sa kanyang kapatid na si Marilyn Restor, 44, na dinukot ng anak ng kaniyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia.

Nangangamba si Isip para sa kapatid dahil ang dumukot sa kanyang kapatid ang siya ring amo na tinakasan at bumugbog kina Ramos. Kahit na sinasabi umano sa kanya ng kapatid maayos ang lagay niya pero sa mga kuwento ng karanasan nina Ramos lubos ang kaniyang pag-aalala.

“Sa naririnig ko lang sa kanila, naaalarma na ako sa kalagayan ng kapatid ko. Hindi lamang siya, marami sila, sampu sila. Yung kapatid ko hindi na namin alam ang kalagayan niya,” ayon kay Isip.

Problema sa pamilya ang sinasabing dahilan kung bakit umano dinukot si Restor ng anak ng kaniyang amo. Wala daw kasi itong makuhang kasambahay. Gabi nang dukutin siya matapos magtapon ng basura noong Hunyo 13, 2014. Siya umano ang natiyempuhan.

Hindi kaagad sinabi ng asawa ang nangyari sa kaniyang kapatid na kasama ng kaniyang kapatid na nagtatrabaho sa kaparehong amo. Hulyo na nang sabihin ang tunay na nangyari sa kapatid. Namatay ang ama nila Restor na hindi niya nalalaman.

Pinuntahan nang amo nila sa anak nito para bawiin si Restor kasama ang mga pulis. Nangako umano na ibabalik pero Hunyo pa nangyari pero hindi pa naibabalik ang kapatid niya hanggang ngayon. Nagtatrabaho kung gayon si Restor sa hindi niya employer na bawal sa bansang iyon na puwede niyang ikakulong.

Walang naipapadalang pera si Marilyn kaya suspetsa nila na hindi ito pinapasahod. Tanging ang asawa lamang nito ang nakakapagpadala ng pera sa dalawang anak nito na nag-aaral sa kolehiyo at isang nasa hiskul. Apektado na umano ang mga bata sa nangyari sa ina, ayon kay Isip.

Lumapit si Lani sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong Agosto 10, 2014 na nagsabing gagawa sila nang aaksyunan daw nila at iimbestigahan. Nakadalawang balik na siya sa DFA at hindi lamang sampung beses siyang tumawag para mag-follow up. Pero walang natanggap na update si Isip.

Lumapit na sa embahada ng Pilipinas ang asawa ni Restor, gayundin nagsampa na ng kaso ang amo nila laban sa anak nito mismo. Pero wala pa ring nagiging aksyon na dapat sana alam na ng embahada at DFA kung maayos ang trato kay Rigor.

Setyembre nang huling tumawag si Marilyn sa mga anak na nagsasabing maayos daw ito at huwag mag-alala sa kaniya.

“Nawalan na ako ng pag-asa dahil DFA na yung nilapitan ko pero hanggang ngayon walang aksyon. Kaya sabi ng bayaw ko lumapit ako sa Migrante, nagbabakasali na baka talaga matulungan nga nila ang kapatid ko,” ayon kay Isip.

Naniniwala ang Migrante na walang ginagawa ang mga ahensya ng gobyerno sa kalagayan ni Restor base sa mga naging pahayag ni Isip.

Kaya tanong ni Isip, bakit sa kabila na alam na ng embahada ng Pilipinas ang kumpletong address at kung sino ang dumukot, bakit walang kapangyarihan ito para bawiin ang kaniyang kapatid?

Kapabayaan at nakamamatay na polisiya

Hindi maintindihan nila Ramos, Ocom, at Isip kung anong klaseng gobyerno ang patuloy na nagpapabaya sa kanilang mga OFWs.

Kahit na ang mga royal family pa ng Saudi Arabia ang nagmamaltrato sa mga Pilipinong OFWs, hindi pwedeng idahilan ito ng gobyerno, ayon sa Migrante.

“Huwag sabihin ng gobyerno na ‘kasi royal family yun eh.’ Hindi totoo yun. Paano yung iba? Ang dami nating mga kababayan na hindi naman royal family yung pinagsisilbihan pero talagang wala silang ginagawang hakbang para maisalba sila sa pagkakakulong nila nang napakatagal at yung iba nagiging sanhi ng kanilang kamatayan,” ayon kay Sol Pillas, pangkalahatang-kalihim ng Migrante International.

Pero para sa Migrante, bagama’t kinikilala nila ang kapabayaan ng mga gobyernong nagdaan, mas matindi ang kapabayaan na ginagawa ng gobyerno ni Aquino sa kasalukuyan. Bahag ang bunot ng gobyerno sa pagtatanggol sa mga OFWs.

“Sa loob ng 20-taon na pagkamatay ni Flor Contemplacion at ang ginawang magna carta for OFWs, wala namang ngipin (ang batas na ito) sa labas ng bansa. Eh sa labas ng bansa nagaganap ang pang-aabuso at pangmamaltrato,” ayon kay Pillas.

Base sa datos ng Migrante sa unang dalawang buwan pa lamang ng taon, nakapagtala na sila ng 50 kaso nang pang-aabuso sa mga kababaihan at apat na kaso ng panggagahasa.

“Pinagkakakitaan na ang mga OFWs, minamaltrato pa, inaabuso, at pinababayaan ng gobyerno na nagtulak sa kanila para umalis ng bansa. Ito ang malalang kondisyon ng mga kababayan natin sa labas ng bansa,” ayon kay Pillas.

Bagama’t may pagpapabaya ang mga indibiduwal na opisyal at ahensya ng gobyerno sa kanilang mga tungkulin para sa mga OFW, dapat ring bigyang pansin ang mismong sistema at polisiya ng gobyerno na nagtutulak sa maraming mga Pilipino para makipagsapalaran sa ibang bansa.

Para Migrante, sa polisiyang labor-export-policy ng administrasyong Aquino, si Noynoy Aquino ang siyang numero unong human-trafficker. Palabas nang palabas ng mga mamamayan para magtrabaho sa ibang bansa pero hindi nito kayang pangalagaan.

Isa din sa malaking problema ng mga OFWs ang pribatisasyon ng mga ahensya (recruitment agencies) na naglalabas ng mga migranteng Pilipino.

“Dahil may reklamo ka, recruitment agency lang ang hahabulin mo. Heto yung resulta ng privatization. Pati ang buhay ng isang mamamayang Pilipino ay ia-address mo sa isang sistema na hindi naka-address sa gobyerno (kundi) sa isang private agency. Kaya nawawala ang obligasyon ng estado na sagad-sagaring ipinatutupad ni Aquino,” ayon kay Pillas.

Para kina Ramos, Ocom, at Isip, hindi na lamang ang kanilang mga karanasan ang dahilan ng kanilang pagtindig at paglaban sa kanilang mga sinapit. Dahil para sa kanila, sadyang napakaraming OFWs pa rin kagaya nila ang pinababayaan ng gobyerno.

Para sa Migrante, sa maraming kasalanan ng gobyerno sa mga OFWs, panahon na nang paniningil sa gobyernong nagtulak at nagpabaya sa kanila sa labas ng bansa.