‘Mga nananawagang magbitiw si Aquino, dumarami’

March 21, 2015

Harap ng martsa
Ang mahabang martsa mula Welcome Rotunda patungong Mendiola. Macky Macaspac
Martsa
Mahabang martsa mula Espana patungong Mendiola. Darius Galang
'Mambobola'
Ang "mambobolang" si Aquino, sa bolang effigy. Macky Macaspac
Bagsak
Ang walang kamatayang thumbs down sign bilang simbolo ng pagbasura kay Aquino. Pher Pasion
Walis
Handa ang kababaihan ng Gabriela na "walisin" si Aquino mula sa Palasyo. Macky Macaspac
Galit
Galit na sinigaw ng isang demonstrador ng Gabriela ang panawagang magbitiw na si Aquino. Macky Macaspac
Maka-US na PNoycchio
Imahe ni Pangulong Aquino bilang Pinocchio, ang karakter sa kuwentong pambata na humahaba ang ilong tuwing nagsisinungaling. May sumbrero siyang nagpapatungkol sa US, na siya umanong utak ng operasyon sa Mamasapano. Pher Pasion
Puro bola
Sa harap ang mga bola na pumapatungkol sa "mambobolang" rehimen. Darius Galang
Sa harap ng barbed wires
Pagdating ng martsa sa Mendiola. Macky Macaspac
Kuha ni Darius Galang
Kuha ni Darius Galang
'Tayo'y Mga Pinoy'
Kumanta sa bandang dulo ng programa sa Mendiola ang beteranong folk singer na si Heber Bartolome. Pher Pasion
Puno ng tao ang kanto ng Recto at Legarda hanggang gabi para sa programa ng NOW! nitong Marso 20. <b>Pher Pasion</b>

Puno ng tao ang kanto ng Recto at Legarda hanggang gabi para sa programa ng NOW! nitong Marso 20. Pher Pasion

Libu-libong mamamayan ang nagmartsa mula Welcome Rotonda hanggang Mendiola para muling ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Aquino.

Nagtipon ang iba’t ibang sektor at organisasyon sa ilalim ng Noynoy Out Now (NOW). Para sa kanila, bukas ang kaisipan ng mas malaking bilang ng mga Pilipino na maaari nang ipanawagan ang pagbibitiw ni Aquino, at itulak ang tunay napagbabago ng sistema ng lipunang Pilipino.

“Ito ang unang pagkilos ng koalisyon,” sabi ni Teddy Casiño, na isa sa mga pamunuan ng NOW. “Reaksiyon na rin ito sa patuloy na pagsisinungaling ni Pangulong Aquino sa isyu ng Mamasapano.”

Ilang araw bago ang naturang aksiyong protesta, naglabas ng ulat ang Board of Inquiry, na pinangungunahan ng piling opisyal ng Philippine National Police. Sa ulat na ito, sinasabing may responsabilidad si Aquino sa palpak na operasyon sa naturang bayan sa Maguindanao na kumitil sa buhay ng 44 police commandos, 18 mandirigmang Moro at di-bababa sa apat na sibilyan noong Enero 25.

Lumabas din kamakailan ang ulat ng Senado, sa pamumuno ni Sen. Grace Poe, na nagsasabing may “ultimate responsibility” si Aquino sa trahedya sa Mamasapano. Tinukoy din nito ang di-tamang pagkakasangkot sa operasyon ng noo’y suspendidong hepe ng PNP na si Chief Supt. Alan Purisima.

Sa parehong ulat, binigyan-diin ang pagkakasangkot ng gobyernong US sa operasyon.

“Mas lumalawak ang galit ng taumbayan sa rehimeng Aquino at marami ang kumilos sa panawagan ng katotohanan,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan. “Sa pinapakita ng mga numero ng Pulse Asia, lumalaki ang diskuntento at kawalang-tiwala kay Aquino.”

Laro ng numero

Naging mainit na usap-usapan din sa protesta ang resulta ng pinakahuling sarbey ng Pulse Asia, na nagsabing 42 porsiyento ng respondents ang di-pabor sa pagbibitiw ni Aquino. Samantala, 29 porsiyento ang payag sa pagbibitiw niya. Hindi naman desidido ang natitirang 28 porsiyento ng respondents kung sang-ayon sila o hindi sa panawagang pagbibitiw.

Kahit mas marami pa ang sinasabing di pa pabor sa panawagang pagbibitiw ni Aquino, sinasabi ng NOW na makikita sa mismong sarbey na hinog na ang panahon para ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ng pangulo.

“Nagpapakita lamang ang mga numero na ito na 57 hanggang 58 porsiyento ang maaaring bukas sa pagbitiw ni Aquino sa kanyang puwesto, at nagpapakita ng padausdos na suporta sa kanya,” diin ni Casiño. “Mula sa ‘voice in the wilderness’, iyong mga nananawagan noon ng pagbibitiw niya sa puwesto ay talagang nakita natin na lumaganap.”

Si Aquino rin ang nakaranas ng pinakamalaking pagbaba ng trust rating sa kasaysayan ng mga pangulo sa bansa. Sa nakaraang mga linggo, buhol-buhol ang mga pahayag ng Malakanyang ukol sa kung may pananagutan ba o wala si Aquino sa insidente.

“Ang mga panawagan at pagmamatyag lang ng mga mamamayan ang nagbigay ng transparency sa nangyaring operasyon,” ani Rev. Sol Villalon ng Promotion of Church People’s Response. “Hindi na namin mapagkakatiwalaan ang pangulo. Dagdag pa, pagod na rin kami sa kasalukuyang sistema.”

Sinabi naman ni Crisostomo na mas marami ang inaasahang lalabas sa kalsada sa susunod na mga araw at napipinto ang mas malalaking pagkilos para ipresyur si Aquino na magbitiw.

Serye ng kapabayaan

Kasabay ng mga panawagan para sa kanyang pagbibitiw, maugong din ang panawagang gumawa ng pampublikong paumanhin ang pangulo—bagamat di pa rin sasapat ang paumanhin na ito upang manatili si Aquino sa puwesto.

“Naiintindihan namin na mahalaga ang paumanhin ni Aquino lalo na sa mga naulila ng pumalpak na operasyon…(P)atutunayan nito ang kapabayaan ng mga nasa posisyon na dudulo sa pangulo na siyang nagkumpas at namuno sa operasyon,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Dagdag niya, isang paraan lang ang paumanhin para makamit ang hustisya. Pero di pa rin umano iyon sasapat.

Higit pa pananagutan ni Aquino sa trahedya sa Mamasapano, sinabi rin ng iba’t ibang grupo na dumalo sa kilos-protesta na marami na ang kasalanan ni Aquino sa mga mamamayan, at sunud-sunod na rin ang “kapalpakan at kapabayaan” ni Aquino sa kanyang tungkulin sa bansa.

“Sinisisi ang ordinaryong mga mamamayan sa kapabayaan,” ani Estelita Bagasbas, tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Binigyang halimbawa niya ang nangyaring sunog kamakailan sa Malabon. “Kung may mahusay ang pagbigay ng serbisyong panlipunan tulad ng tubig at kuryente, walang nangyayaring sunog. Ang ibinibigay na serbisyo sa mga mamamayan, negosyo talaga.”

Inirehistro rin ng sektor ng transportasyon sa kanilang hinaing kay Aquino. “Ang gobyerno ni Aquino ang may pinakamalaking atraso sa mga drayber at operator (ng pampasaherong mga sasakyan),” ani George San Mateo, tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston.

“Sa unang araw pa lang na naupo siya sa puwesto, puro pahirap ang dinanas ng mga drayber at operator. Wala siyang ginawa kundi ipagtanggol ang overpricing ng malalaking kartel sa langis. Sa panahon din niya itinaas ng labis ang multa, at ginawang milking cows ang ating mga drayber, at ipinatupad ang money-making na mga raket sa mga ahensiya ng transportasyon gaya ng pagpapalit ng bagong plaka at pagsasapribado ng motor vehicle inspection system,” paliwanag pa ni San Mateo.

Nakiisa rin sa protesta ang mga migrante at kaanak nila, na naggunita pa lang ng ika-20 anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion noong Marso 17.

“Sa panahon ni Aquino, pito na ang binitay (na manggagawang Pilipino sa labas ng bansa) at marami pang ibang kaso,” ani Sol Pillas, tagapagsalita ng Migrante International. “Sa panahon ni Flor, abala si dating Pang. Corazon Aquino sa paghahanap ng mga pumatay sa kanyang asawa na si Ninoy. Sa panahon naman ngayon, na may kulang-kulang na 200 na nasa death row (sa ibayong bansa). Ano ang ginagawa ng gobyerno? Obviously, wala, dahil abala si Aquino sa pagsalba ng kanyang sarili sa nangyari sa Mamasapano.”

Kasama rin sa mga nagmartsa ang kaguruan at mga estudyante na kabi-kabila ang problemang kinakaharap. Kasama sa pinoproblema nila ang nalalapit na ang pagpapatupad ng Kindergarten to 12 (K-to-12) na sinasabi nilang magdudulot ng samu’t saring pahirap sa mga kaguruan, maging sa mga magulang.

Sino ang ipapalit

Sinikap ng iba’t ibang grupong lumahok sa kilos-protesta na sagutin ang katanungan hinggil sa kung sino ang papalit kay Aquino kung magbibitiw ito.

“Maaaring ang 42 porsiyento na iyon (na di payag sa pagbibitiw ni Aquino, ayon sa Pulse Asia) ay hindi papayag na si Bise Presidente Jejomar Binay ang papalit, o hinahayaan na lang ang pagpapanatili ni Aquino sa puwesto dahil na nalalapit naman na daw ang halalang 2016,” sabi ni Casiño.

Sa kanyang talumpati, binigyan-diin ni Casiño ang mungkahi ng progresibong mga grupo na magtatag ng isang “Peoples Council of Unity, Reform, and Peace” na bubuuin ng mga makabayan at di-korap na mga personahe bilang pansamantalang mamumuno sa gobyerno sa panahong magbitiw si Aquino sa puwesto.

Ang ipapalit natin kapag bumaba sa puwesto si Aquino ay hindi isang tao lang. Ang ipapalit natin ay isang konseho ng matitinong lider ng mga mamamayan na naninirahan dito sa Pilipinas. Iyong mga lider ng mga manggagawa, mga lider ng mga magsasaka. Iyong makabayang mga negosyante, puwedeng lagyan ng papel diyan. Iyong mga matatapat na opisyal ng gobyerno, puwede din dito. Basta hindi abusado, hindi magnanakaw, hindi dynasty. Ibig sabihin, isang konseho na magpapatupad ng mga tunay na demokratiko at makabayang adhikain at mga reporma para sa mga mamamayan,” sabi pa ni Casiño.

Isang hamon pa ang mas mahirap na trabaho ng pagbabago sa mga sistema. Isa rito ang sistema ng eleksiyon, aniya.

“Ang magiging trabaho ng susunod na gobyerno ang ayusin ang bulok nang sistema ng eleksiyon sa ating bansa. Sino ba ang nananalo sa eleksyion, (kundi) iyong may pera, iyong political dynasty, iyong mga mandaraya, iyong may guns, goons and gold, at may magic na ‘hokus-PCOS,” sabi pa ni Casiño, ang huli’y tumutukoy sa makina na gamit sa pagbibilang ng mga boto noong nakaraang dalawang pambansang eleksiyon.

Kasama umano sa iba pang magiging trabaho ng susunod na gobyerno ang paglaban sa korupsiyon sa pamamagitan ng pangangalaga ng whistleblowers at pagpapatupad ng tunay na Freedom of Information Law. Kasama rin ang pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at yutilidad tulad ng kuryente at tubig, maging ang mura at abot-kayang edukasyon.

Hindi rin aniya palagpasin ang pagbabasura ng Visitong Forces Agreement at Enhanced Defence Cooperation Agreement.

Umpisa pa lamang ito ng pangako ng mga grupo at organisasyon na lumahok na paiigtingin pa ang pagkilos upang pagbitiwin sa puwesto si Aquino. “Siguro sa susunod, wala nang uwian,” pagtatapos ni Casiño.

Teksto ni Darius Galang | Larawan nina Darius Galang, Pher Pasion at Macky Macaspac