Iba’t ibang sektor nagkaisa vs pagsasapribado ng Orthopedic

March 14, 2015

Sit down strike laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center. <strong>Pher Pasion</strong>

Sit down strike laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center. Pher Pasion

Muling ipinakita ng mga empleyado, pasyente at tagasuporta ng Philippine Orthopedic Center (POC) ang kanilang pagtutol sa pagsasapribado ng nasabing ospital, sa isang sit down strike na kanilang ginawa.

Determinado silang mga pasyente, doktor, nars, kawani, at maging ang kanilang direktor, na biguin ang bantang pribatisasyon sa POC. Gayundin, nakiisa ang mga kawani sa iba’t ibang ospital at komunidad sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW), Health Alliance for Democracy, at iba pa, sa protesta.

“Iginuguhit natin sa kasaysayan ngayon, kauna-unahan sa Philippine Orthopedic Center nagkaisa po, tayo bilang isang pamilya,” ayon kay Sean Velchez, tagapangulo ng National Orthopedic Hospital Workers Union-AHW.

‘Kamatayan ang pagsasapribado’

Ang mensahe na gusto nilang iparating kay Health Sec. Janette Garin at sa Malakanyang: Kamatayan ang mangyayari sa publikong mga ospital kung patuloy na idadaan ito sa pagsasapribado.

Ayon naman kay Dr. Jose Britanio Pujalte Jr., direktor ng POC na nakiisa sa pagkilos, kung magiging pribado ang POC, walang pupuntahan ang mahihirap. Alay nila ang nasabing pagkilos para sa kanilang mga pasyente.

Nasa 500 pasyente araw-araw ang outpatients na matiyagang naghihintay sa POC magmula madaling araw pa lang. Nasa 80 hanggang 90 porsiyento sa mga pasyente ang mula sa pinakamahihirap na pamilya na umaasa sa kagamitan at pasilidad ng ospital para mabuhay.

<strong>Pher Pasion</strong>

Pher Pasion

Isinailalim ang POC sa iskemang build operate transfer (isang porma ng pagsasapribado) sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino.

Sa iskemang ito, patatayuan ng modernong ospital ang POC ng isang pribadong sektor sa loob ng 25-taon sa lupa ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.

Ang Megawide Construction Corp. at World Citi Consortium na pag-aari ni Henry Sy ang siyang nag-iisang bidder para sa proyektong ito.

Nasa 72 pampublikong ospital pa sa buong bansa ang nakatakdang isailalim sa pagsasapribado. POC ang kauna-unahang ospital na sumasailalim ngayon sa PPP.

Naghain ng petisyon ang AHW sa Korte Suprema para maglabas ng temporary restraining order para pigilan ang nasabing kasunduan noong Pebrero 3, 2014. Wala pa ring tugon dito ang Korte Suprema hanggang ngayon.

Pagsasamoderno

Ikinatuwa ni Soledad Villoria, na 30 taong nars sa Orthopedic, ang balitang imomodernisa umano ang POC. Kinakailangan umano ito ng pampublikong mga ospital para mas higit na makapagsilbi at mapahusay ang paglilingkod sa mga mamamayan lalo na sa mahihirap.

Pero hindi nila ikinatuwa na ang pribadong sektor ang siyang gagawa nito. Aniya, sa halip na serbisyo, magiging negosyo ang serbisyong panlipunan.

“Darating ang panahong ang mga manggagawang pangkalusugan ay magiging pasyente na rin. Pero ano ang mangyayari kung matuloy ang pribatisasyon? May panggastos ba tayong pambili man lang ng gamot? (Pambayad) ng doktor?” ani Villoria.

Maliban dito, banta rin sa seguridad nila sa trabaho ang nakaambang pagsasapribado. Marami sa mga manggagawa ang nangangambang matanggal sa trabaho kapag natuloy ito. Maliban pa rito, tiyak na mababang pasahod at kontraktuwalisasyon ang sasapitin ng mga kawani.

Nakiisa ang mga pasyente sa laban para huwag maisapribado ang Philippine Orthopedic Center. <strong>Pher Pasion</strong>

Nakiisa ang mga pasyente sa laban para huwag maisapribado ang Philippine Orthopedic Center. Pher Pasion

Panawagan nila ang pagtatayo ng isang modernong POC sa mismong kinatatayuan nito ngayon gamit ang pondo ng mga mamamayan.

Ani Velchez, di kapani-paniwala ang sinasabi ng administrasyong Aquino na walang pondo ito. Mayroon ngang bilyun-bilyong pisong pork barrel at  presidential social fund na kalahating trilyong piso si Aquino.

“Saan kayo nakakita ng isang bayan na abunado pa ang health workers at ipinapalimos pa ng ating mga kapatid na may sakit yung trato at ‘yung paggamot sa kanila sa isang pampublikong pagamutan?” ani Velchez.

Pasyente ng Orthopedic ang taga-Camarines Norte si JR Ladub na isang minerong nabagsakan ng gumuhong lupa at nabalian ng buto sa likod. Aniya, malaking kawalan para tulad niyang mahihirap kung isasapribado ang nasabing ospital.

“Tinayo ang ospital para tulungan kami hindi para bigyan ng taning ang buhay namin. Kailangan naming mabuhay,” sabi ni Ladub.

Pagbaba sa puwesto

Kung seryoso raw ang gobyerno para ituloy ang pagsasapribado sa mga ospital tulad ng POC, mas higit na seryoso ang mga kawani sa kalusugan at mga mamamayan para labanan ito. Tanging ang maigting na paglaban ng health workers at mga pasyente ang sagot sa pagsasapribado.

Malaking tagumpay ayon kay Velchez na nakasama maging ang pamunuan ng POC at direktor nito sa mahigit dalawang taong pagmumulat sa masamang epekto sa kanila ng pagsasapribado.

“Ang mensahe ni direktor, walang iwanan. Ito rin ang mensahe namin–na pagkaisahin ang health workers at management. Tama ang sinabi niyang iisang barko lang kami at lulubog kami nang sabay-sabay,” sabi pa ni Velchez.

Mangangalampag muli sila sa Korte Suprema para umaksiyon ito sa kanilang petisyon na mahigit isang taon na mula nang isumite.

<strong>Pher Pasion</strong>

Pher Pasion

“Naniniwala kasi kami (na) justice delayed is justice denied. At mas nakakatakot ‘yung justice delayed sa isyu ng pribatisasyon, kasi magbubunsod ito ng kamatayan. Justice delayed can kill our patients and health workers,” ani Velchez.

Maliban dito, hindi umano matatapos ang banta ng pagsasapribado hangga’t nasa puwesto si Aquino.

Sa panahong dumarami ang nananawagang magbitiw si Aquino sa puwesto, higit na kailangang iambag ng health workers at mga pasyente ang kanilang hinaing.

“Si Aquino (ang) ama ng taumbayan na dapat nangangalaga sa atin, pero tumalikod siya sa interes ng ating mahihirap na kababayan. Napatunayan na natin sa loob ng pakikipaglaban para sa ating mga pasyente at sa ating minamahal na Philippine Orthopedic Center, tumalikod si Aquino sa interes nating lahat,” paliwanag ni Velchez.

Para sa mga kawaning pangkalusugan, di na lang ito simpleng pagtatanggol sa kanilang ospital, kundi pagpapanagot sa mga nagkanulo sa Orthopedic at sambayanan.