Espesyal na Ulat Main Story

Paano na silang maralitang ina?


Sa taong ito, dapat nang makamit ng gobyerno ang target nito sa Millenium Development Goals (MDG) hinggil sa maternal mortality rate (55 kada 100,000 babaeng buntis o nanganganak). Pero malayo pa ang Pilipinas sa target na ito. Malayo pa ito sa hangaring mapabuti ang akses sa serbisyong medikal ng mayorya ng maralitang kababaihang Pilipino. Mataas pa […]

Maralitang ina na nag-aalaga ng bagong silang na sanggol. <b>Macky Macaspac</b>
Maralitang ina na nag-aalaga ng bagong silang na sanggol. Macky Macaspac

Sa taong ito, dapat nang makamit ng gobyerno ang target nito sa Millenium Development Goals (MDG) hinggil sa maternal mortality rate (55 kada 100,000 babaeng buntis o nanganganak).

Pero malayo pa ang Pilipinas sa target na ito. Malayo pa ito sa hangaring mapabuti ang akses sa serbisyong medikal ng mayorya ng maralitang kababaihang Pilipino. Mataas pa rin ang maternal mortality rate ng Pilipinas sa 221 kada 100,000. Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), kulang ang serbisyo ng gobyerno para sa kalusugan ng kababaihan.

Lalo pang sumasahol ang lagay nila dahil sa mga patakaran tulad ng pagsasapribado ng pampublikong mga ospital at mga polisiyang tulad ng “no home birthing policy” na pagbabawal ng gobyerno sa panganganak ng mga buntis sa sarili nilang mga tahanan.

Paanakang isasapribado

Fabella Hospital sa Maynila ang isa sa natitirang pampublikong mga ospital na nag-eespesyalisa sa pangangailangang medikal ng nagdadalantaong kababaihan. Pero unti-unti, natutulak itong isapribado.

No choice kami (kundi magpagamot sa Fabella). Wala naman kaming pera na gagastusin sa mamahaling ospital,” ani Agnes Olivar, 41. Nanganak siya sa Fabella Hospital, anim na taon na ang nakakalipas at hindi maganda ang kanyang karanasan noon.

“Maselan ang panganganak ko, kasi 35 na ako noon,” kuwento niya. Matagal na naghihilab at sumasakit ang kanyang tiyan at nangailangan pa siyang salinan ng dugo. Dahil sa maselan, tumagal daw siya sa ospital at lumaki din ang gastusin.

“(Nakita kong) pinapagalitan ng mga dokor at nars ang mga pasyente. Bawal din ang mga bantay sa ward. (Pero) paano naman ’yung mga tulad ko na maselan ang panganganak?” aniya. Halos umabot sa P10,000 ang kanyang gastos sa loob ng dalawang linggong pananatili sa ospital.

Apat silang pasyente sa iisang kama.

Hindi itinatanggi ng ilang nars na nakapanayam ng Pinoy Weekly na may katotohanan ang kuwento ng mga inang nanganak sa Fabella. Dahil daw ito sa kakulangan ng badyet ng naturang ospital, kasama na ang pagdagsa ng mga buntis lalo na sa panahon ng “-ber months” (Setyembre hanggang Disyembre).

“Sa average, umaabot ng 120 ang nanganganak kada araw, kapag peak season (-ber months),” sabi ng isang nurse supervisor, na ayaw pabanggit ang pangalan.

Ayon sa mga nars, halos isang milyon ang naserbisyuhan ng ospital kasama na ang Pediatric Ward nito noong 2014. Ito’y kahit na may 700 bed capacity lang ang ospital. “Di naman namin tinatanggihan ang mga pasyenteng pumupunta rito,” sabi ng nurse supervisor. Ang problema raw, kulang ang pasilidad ng ospital.

“Sa ward, talagang siksikan. Dalawang kama ang pinagdidikit namin (bed tandem) para magkasya ang apat na pasyente, kasama na ang mga baby,” aniya. Dahil sa katangian ng Fabella bilang prime maternity hospital ng bansa, dumadagsa rito ang kababaihan lalo na ang mahihirap.

PW march 8 memeMaliit sa manggagawa

Sa kabila nito, napakaliit ang badyet na inilalaan ng gobyerno para sa nasabing ospital. Ang aprubadong badyet para sa taong ito ay P475,614,000 (kasama na dito ang personnel services – P389,178,000 at maintenance and other operating expenditures – P86,436,000).

Kaya’t sa pag-aaral ng CWR, pasyente pa rin ang bumabalikat sa 63 porsiyentong gastusin sa pagpapaospital. Ang isang pasyenteng manganganak sa Fabella ay pinagbabayad ng P2,000, kung normal delivery at P6,700 kung ceasarian ang panganganak.

Charity ward na ’yan. Pero kung walang-wala ang pasyente, nire-refer namin sa social worker. Indigent na ’yun,” sabi ng taga-Fabella. Dagdag pa nila, mayroon na rin daw na 15-bed capacity na pampribado sa ospital na P600 kada araw ang bayad.

Ang sabi ng gobyerno, para maisaayos at mapabuti ang serbisyo nito’y kailangan ang modernisasyon ng ospital. Ayon sa Department of Health (DOH), may modernization program ang Fabella kasama ang iba pang pampublikong ospital. Planong ilipat ito sa DOH Compound, katabi ng San Lazaro at Jose Reyes Memorial Hospital, sa badyet na P2-B. Pero sa ilalim ito ng iskemang Public-Private Partnership ni Pangulong Aquino.

“Saan pupunta ang mahihirap na manganganak, kung maisasapribado ito?” tanong ng isang nars ng

Fabella. Inaamin ng taga-Fabella na hati ang opinyon ng mga personnel at medical staff ng ospital sa planong pagsasapribado. “’Yung iba gusto, lalo na ’yung mga doktor. Kasi may pakinabang siguro sila. Pero hindi ako pabor,” aniya.

Isa sa kinatatakutan ng mga empleyado sa Fabella na baka di na raw sila kuning empleyado sa oras na maisasapribado ang ospital. Bukod pa ito sa mga pasyenteng walang ibang mapuntahan kung mahal na ang bayad sa nasabing ospital.

Panganganak sa bahay, bawal

Bukod sa planong pagsasapribado sa pampublikong mga ospital, isa sa tinutulan ng kababaihan ang “No Home Birthing Policy” na nagbabawal sa pagpapaanak sa loob ng mga bahay.

Kahit ang mga nars ng Fabella, tutol sa polisiyang ito. “Kaya dumami ang mga lying-in clinic. Tapos, kapag hindi nila kaya nire-refer sa amin,” sabi ng head nurse ng Fabella.

Tutol din sa naturang polisiya ang isang midwife na nakausap ng Pinoy Weekly. Aniya, di dapat ipatupad ang “no home birthing policy.” Mawawalan umano ng hanapbuhay ang mga katulad niya, at mas lalong walang matatakbuhan ang mahihirap na kababaihan.

“Marami sa mga pamilya ngayon ang walang hanapbuhay…Tapos tatakbo sila sa ospital, akala nila makakalibre sila. Eh, lahat ng ospital, ginagawang private o semi-private na (naniningil). Lalong lumalaki ang gastos nila. Kaya marami sa kababaihan ang mas pinipili ang home birthing,” ani Beth, komadrona na nakapagpanganak na ng 12 kababaihan sa isang maralitang komunidad sa Quezon City.

Sabi pa niya, mas naasikaso raw ng mga pamilya at komadrona ang mga pasyente kumpara sa ospital na siksikan.

“Tulad niyan, kung sa ospital, kapag nanganak, dapat ang pasyente ang nilalapitan ng doktor. Pero kadalasan, pinatatayo nila ang bagong panganak at palalapitin sa doktor para ma-check-up,” aniya. Aniya, dahil sa dami ng pasyenteng inaasikaso ng mga doktor, di naiiwasan ang iringan o pagsusungit sa pila.

Di rin naman daw malaki ang kinikita ng mga katulad niyang midwife sa mga maralitang komunidad.

“Minsan nga nag-aabono pa ako. Ngayon nga, may dinalaw akong pinaanak ko para sana singilin. Inabutan kong may sakit ang bata, wala silang pera. Ako pa ang nagbigay ng pambili ng gamot,” sabi ng nars.

Kaya naman, panawagan ng kababaihan, kasama ang mga nars at midwife, na ayusin ang serbisyo ng gobyerno para sa kababaihang buntis at huwag isapribado ang mga ospital nito.

Sabi nga ni Helen na isa sa pinaanak ni Beth sa bahay: “Tao kami na kailangan ang maayos at murang serbisyo.”