‘P15 dagdag-sahod, ni hindi papasa bilang limos’

March 19, 2015

Pinababasura ng mga manggagawa ang Wage Rationalization Law na ginagamit umano ng malalaking kapitalista at gobyerno para manatiling mababa ang sahod nila. Kontribusyon

Pinababasura ng mga manggagawa ang Wage Rationalization Law na ginagamit umano ng malalaking kapitalista at gobyerno para manatiling mababa ang sahod nila. Kontribusyon

Binatikos ng alyansa ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor na All Workers’ Unity ang regional wage board ng National Capital Region (NCR) na nag-apruba ng P15 dagdag-sahod. Anila, ni hindi papasa bilang “abuloy” ang naturang halaga.

Matagal nang hirap ang mga manggagawa na pagkasyahin ang mababang sahod sa tumataas na gastusin, kabilang ang tumataas na bayarin sa kuryente at tubig, pamasahe, matrikula sa eskuwela, at presyo ng batayang mga bilihin.

“Hindi tinutugunan ng kakarampot na P15 taas-sahod sa Metro Manila ang pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino,” sabi ni Rea Alegre, tagapagsalita ng All Workers’ Unity. “Nakakainsulto ito kasi nauna pang nag-anunsiyo ng P238 hanggang P268 na wage rate increase sa Caraga Region na nagpapayag sa mga kompanya at industriya na bigyan ang mga manggagawa ng mga coupon sa halip na aktuwal na dagdag-sahod.”

Iginiit niya na ang kailangan talaga ng mga manggagawa ay agarang ayuda at isang pambansang minimum wage, na di dapat umano bumaba sa P16,000 kada buwan.

Sa tantiya ng Ibon Foundation, isang research think-tank, aabot lang sa 44 porsiyento ng halagang kailangan ng mga manggagawa ang natutugunan ng kasalukuyang minimum wage, kahit pa may P15 dagdag-sahod na sa Abril pa ipapatupad.

Masyadong mababa ang dagdag-sahod na napakalayo nito sa P1,088 na estimated family living wage sa isang araw o P32,580 sa isang buwan, ayon pa sa Ibon.

Sinabi pa ng naturang grupo na pinipigilan ng maliit na dagdag-sahod na ito ang lakas-paggawa na makaambag nang malaki sa ekonomiya ng bansa.

Samantala, sinabi naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na kung mababa na nga ang sahod sa NCR, lalong mas mababa pa ang sahod sa ibang rehiyon.

“Sa ilalim ni (Pangulong) Aquino, nanatiling mababa ang minimum wage sa Metro Manila, pero lalo pang mas mababa ang minimum wage levels sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila. Ang masama pa, sa ilalim ni Aquino, tumaas at di bumaba ang pagitan ng regional minimum wage levels,” paliwanag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Ayon kay Labog, sa limang taon ng panunungkulan ni Aquino, tumaas ang sahod sa Metro Manila ng P77 lang. Pero sa Cordillera Autonomous Region, tumaas lang ito ng P20. Ang iba pang taas-sahod sa mga rehiyon: sa Ilocos, 13; Cagayan Valley, P20; Calabarzon, P42.50; Bicol, P13; Central Visayas, P55; at Autonomous Region in Muslim Mindanao, P28.

Ipinapakita umano nito na pinalalala ng polisiya ng wage regionalization, sa ilalim ng Wage Rationalization Law of 1989, ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino. Patuloy na ginagamit umano ang naturang batas ng malalaking kapitalista at gobyerno para panatilihing mababa ang sahod ng mga manggagawa.

Dahil sa rehiyunalisasyon ng sahod, tumindi ang paglabag sa minimum-wage levels, ayon kay Labog. Inamin umano mismo ng National Statistice office Labor Force Survey na noong Oktubre 2011, umabot sa 46 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa ang nakakatanggap nang mas mababa pa sa minimum na sahod.

“Ang kinalalabasan, walang minimum wage sa bansa ngayon. Mula 1989, ibinalik ang mga manggagawang Pilipino sa panahon ng matindi at garapalang pagsasamantala, sa panahon bago natin napagwagian ang implementasyon ng minimum wage sa pamamagitan ng ating mga protesta,” sabi pa ni Labog.

Para naman kay Alegre, nakapagdududa ang intensiyon ng administrasyong Aquino sa pagtulak ng kakarampot at tila pampalubag-loob na dagdag sahod.

“Posibleng dahilan lang ng dagdag-sahod ay pahupain ang galit ng mga mangaggawa, pero lalo lang niyang ginalit tayo,” sabi pa ni Alegre. Nagkataon din umanong inanunsiyo ang dagdag-sahod sa panahon ng pagbagsak ng popularity ratings ni Aquino.