Kababaihan, kumakawala sa gapos ng pagsasamantala’t kawalang kabuhayan

March 7, 2015

Pagtatanghal ng panunupil sa mga babaing manggagawa/ <b>PW File Photo</b>

Pagtatanghal ng panunupil sa mga babaing manggagawa. PW File Photo

Bahagi ng trabaho ni Jinky Glipa, 19, ang pagbuhat ng mabibigat na sapin-saping tabla na siyang ipinapasok sa malaking makina sa isang pabrika ng plywood sa Valenzuela City.

Panlalaki raw ang ganitong klase ng trabaho. Pero kapit na siya sa patalim, kumbaga. Sa trabahong ito, masuwerte na kung maka-P250 siya isang araw.

Pakwayan kung tawagin ang klase ng trabaho ni Jinky na nakadepende ang kita sa produksiyon sa pabrika. Kalauna’y hindi rin niya natagalan ang ganitong trabaho. Mapanganib kasi sa kalusugan.

Maliban sa pagiging feeder ng kahoy sa makina, pati pagpipintura’y pinagagawa sa kanya. Tuloy, lagi siya noong sinusumpong ng hika. Ang masama, walang anumang benepisyo sa trabahong ito. Mahirap ito dahil lalo siyang nagkakasakit.

Samantala, katulad ni Jinky, malupit din ang pagbabanat ng buto ni Shella Nuñez, 49, taga-Northville B sa Valenzuela. Street sweeper si Shella.

Hindi sapat ang kanyang kinikita para itaguyod nang mag-isa ang tatlong anak. Sa utang siya nakakatawid, kaya laging nakasangla ang ATM card. Maliban pa rito, nangangalakal din siya ng napupulot na mga basura sa pagwawalis para pandagdag kita. Kaya kapag di naglilinis ng kalsada, pagsa-sub-con (sub-contract) ng paggawa ng scotch tape galing pabrika si Shella. Karagdagang P1,200 kada linggo din ito. Pero madalas na kapos pa rin.

Ilan lamang sina Jinky at Shella sa maraming kababaihang hirap makakuha ng trabaho—trabahong may suweldong kahit papaano’y nakabubuhay. Dahil sa desperasyon, araw-araw na napagsasamantalahan ang kanilang lakas-paggawa. Araw-araw, inaapi sila, araw-araw na wala silang karapatan sa pagawaan.

Di rin sila napoprotektahan ng gobyernong dapat sana’y kumalinga sa kanilang pinakabulnerable sa lipunan.

Kawalang kabuhayan

Kita rin ang bulnerabilidad ng manggagawang kababaihan sa mga tulad ni Daisy Torres, 37, na nabubuhay din sa pakyawan, habang nakatira sa isang relocation site sa Valenzuela. Nananahi siya ng mga notebook mula pabrika. Dito, nasa P120 ang kanyang kita kada araw, depende sa gawa.

“Mahirap pa ring pagkasyahin, kaya nakikilabada rin ako para pandagdag. Wala namang trabaho na ibinigay ang gobyerno (nung ilipat sila rito). Nagturo lang ng livelihood, gagawa ng tocino, jewelry making, pero wala namang puhunan. Panandalian lang ’yun,” ani Daisy.

Batid niyang dapat gobyerno ang nagsisigurong may permanenteng trabaho ang mga mamamayan na maaaring bumuhay sa kanila. “Kaya ngayon, umaasa lang kami sa mga ganitong sideline. Tulad ngayon, kapag may tatlong notice (bayaran sa pabahay), tatakutin ka na papaalisin ka (sa tinitirhan mo),” aniya.

Napalalala ang kawalang kabuhayan niya ng mga polisiya sa mga relocation site na ginagawang negosyo ang mga pabahay sa halip na makatulong na maibsan ang paghihirap nila.

Isang masahol na klase ng pagsasamantala sa mga manggagawa, kabilang ang kababaihang manggagawa, ang pagpapatupad ng kontraktuwalisasyon at outsourcing sa paggawa. Sa mga kalagayang kontraktuwal ang mga manggagawa o tagagawa siya ng outsourced na trabaho, walang benepisyo o karapatan sila. Madali ring baratin ang kanilang sahod.

PW march 8 memeBilang babae, bilang obrero

Ganito ang kalagayan, halimbawa, ni Saila Delos Santos, 28, na nang makapanayam ng Pinoy Weekly ay katatapos lang sa kontrata bilang repacker sa isang pabrika ng diaper. Factory worker naman ang asawa niya at sabay na itinataguyod nila ang tatlong anak.

Pakyawan din ang kanyang trabaho. Nasa P1,200 kada linggo ang kinikita ni Saila. Kaya naman, nasa 12-oras ang kanyang inilalaan sa trabaho kada araw para kumita nang mas malaki. Siyempre, wala siyang overtime pay. Di niya sigurado na talagang napupunta ang mga kaltas sa sahod niya sa SSS at PhilHealth.

Ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, labis na tagibang ang sub-con pabor sa mga kapitalista. Di na kasi kailangan pang magpatayo ng pabrika ang kapitalista. Di na rin nila kailangang gumastos sa utilities gaya ng kuryente. Mababa ang pasahod nila sa mga empleyado at walang benepisyo ito—dahil madalas na sa bahay na nagtatrabaho ang mga manggagawang subcontracted.

“Ang punu’t dulo nito’y kung paano pa hahayaan (ng gobyerno) na makapiga pa ng mas malaking tubo ang mga kapitalista sa kapahamakan ng karapatan ng kababaihan. Hindi makatao at kontra-kababaihan ang mga patakaran sa paggawa kahit pa sabihin na may mga batas tayo na dapat pumuprotekta sa karapatan ng kababaihan,” ani Salvador.

Dahil sa tindi ng trabaho, halos wala nang oras sa pamilya bilang ina si Saila. “Pag-uwi, asahan ko, ang bahay ko’y magulo. Kailangan ko pang magluto, magpaligo ng bata. Lalo na kung panggabi ako, pagdating ng bahay, sobrang pagod ko na,” aniya. Ganito ang dobleng pagpapahirap sa kababaihang maralita: ang pagpapahirap sa kanila bilang manggagawa at pang-aapi sa kanila bilang babae dahil sa kanila naiimbudo ang mga trabahong pambahay.

Inaapi rin ang mga tulad ni Saila bilang babae sa kanilang mga pinagtatrabahuan.

“Yung ibang dumaan sa agency, kuwento sa akin, tinatanong sila (ng interviewees) kung virgin pa sila o kung kailan sila huling nakipag-sex. Kung tutuusin, wala namang kinalaman sa trabaho ito. May isa nga, dahil sa hindi kagandahan, hindi tinanggap sa trabaho,” ani Saila.

Ito ang polisiya ng virginity test sa ibang pabrika. “Matindi ang pagre-require ng virginity test sa kababaihan para mas kaiga-igaya sa kapitalista ang walang asawa at anak. Hindi na maoobliga na ibigay ang maternity leave at iba pa,” galit na sinabi ni Salvador.

Kahirapang pinalalala ng gobyerno

Ayon sa Gabriela, bahagi ng neoliberal na mga polisiya ng administrasyong Aquino—at iba pang administrasyon bago ito—ang gawing mura at “pleksible” ang lakas-paggawa para akitin daw ang dayuhang mga mamumuhunan. Pero sa pag-akit sa mga ito, nasasakripisyo ang karapatan ng mga manggagawa—kabilang ang kaseguruhan sa trabaho, sahod na nakabubuhay at karapatang mag-organisa, mag-unyon, at magwelga.

Dahil walang batayang mga industriya ang bansa at wala pa ring tunay na repormang agraryo sa kanayunan, laging limitado o kulang ang trabaho sa bansa. Dahil dito, ayon sa alyansang All Workers’ Unity, mahigpit na magkaugnay ang kakulangan sa trabaho sa bansa at mababang sahod: Dahil may matinding unemployment, nag-aagawan sa trabaho ang dumaraming manggagawa. Sa kalagayang ito, lalong naeengganyo ang mga kapitalista na baratin ang sahod ng mga manggagawa at ipagkait ang kanilang mga karapatan. Laging panakot ng kapitalista: Kung aangal ka sa mababa mong sahod, madali ka lang palitan ng iba pang manggagawa na desperadong magkatrabaho.

Tinatayang nasa 12.4 milyong Pilipino ang walang trabaho, ayon sa survey ng Social Weather Stations noong huling bahagi ng 2014. Tumaas naman ang bilang ng kababaihang walang trabaho sa 41.7 porsiyento noong Disyembre mula 33.2 porsiyento noong Setyembre 2014. Pinakamataas na ito mula noong Agosto 2012 na nasa 42.5 porsiyento.

“Sa Pilipinas, may malaking reserve labor force na gustong magtrabaho o ’yung nasa edad para magtrabaho pero walang mapasukang trabaho. Kahit hindi regular na trabaho, mababa sa minimum wage, tinatanggap ng manggagawa,” ani Salvador.

Sabi ng Gabriela, kahit pa may mga batas na nagsisiguro daw sa proteksiyon ng manggagawang kababaihan gaya ng batas sa maternity leave, dapat na pagkakaroon ng child care facilities sa mga pabrika, at iba pa, balewala ito dahil maraming manggagawang kababaihan ang kontraktuwal at hindi sinasakop ng mga batas na pawang para sa regular na mga manggagawa lang. Bukod pa rito, laganap din ang paglabag mismo ng mga kapitalista sa mga batas na ito.

Sa tantiya ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sentro ng militanteng unyonismo sa bansa, baka umabot na lang ngayon sa 10 porsiyento ng mga manggagawang Pilipino ang regular. Ibig sabihin, 90 porsiyento na siguro ang kontraktuwal. Pero walang aktuwal na datos ang gobyerno—o tinatago nito.

Samantala, nadiskubre ng Gabriela ang iba’t ibang pamamaraan ng administrasyong Aquino para “dayain” ang datos nito hinggil sa may-trabahong kababaihan.

Sa sektor ng agrikultura, halimbawa, marami sa kababaihang magsasaka ang nabibilang sa walang trabaho gaya sa panahon na wala o tigil ang pagtatanim. Lumuluwas sila sa karatig-bayan para mamasukan ng iba’t ibang trabaho o pagtitinda.

“Ginagawa itong taktika ng gobyerno na isama sila sa bilang ng may-trabaho. Para bang sinasabi na okey na na ganito ang klase ng trabaho nila na hindi permanente, hindi sigurado ang kita. May pagtatabon sa katotohanan na napakalala ng sitwasyon ng kawalang trabaho lalo na sa kanayunan,” paliwanag ni Salvador.

Dahil sa mga taktikang ganito, pinagmumukha diumano ng administrasyong Aquino na nilulutas nito ang kawalang trabaho sa bansa. Sa kabila nito, sinasabi ng maraming eksperto sa ekonomiya na wala pa ring batayang industriya ang ekonomiya ng bansa na maglilikha sana ng trabaho. Atrasado pa rin ang agrikultura ng Pilipinas dahil monopolisado ng iilang panginoong maylupa ang kalakhan ng mga lupaing agrikultural.

“Mahalaga ang mga bagay na ito dahil ito ang lilikha ng totoong trabaho (ang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo)…Ito ang kikilala sa papel ng kababaihan sa produksiyon na hindi ginagawa ng gobyerno dahil sa pagsunod sa mga diktada ng imperyalistang mga bansa gaya ng Estados Unidos,” sabi pa ni Salvador.

Lakas ng kababaihan

Para sa kababaihan gaya nina Jinky, Shella, Daisy, at Saila, napaliligiran nga sila ng mga pabrika sa kanilang lugar sa Valenzuela, pero hindi ito nangangahulugang may permanenteng trabaho para sa kanila.

Naging lugar pa ito ng pagsasamantala sa kanila dahil sa pagtutulak ng gobyerno sa mga patakarang nagpapayaman sa mga kapitalista at dayuhan.

Pero ito rin pagpagsasamantala at kahirapan ang nagtuturo umano sa kanila ng kababahan na ipaglaban ang ipinagkakait na mga karapatan nila.

Kalahok ngayon sila sa Gabriela at aktibong nag-oorganisa sa mga kapwa maralita at manggagawa. Nag-aaral sila ng kalagayan ng mga manggagawa at kababaihan sa lipunang Pilipino.

“Sa pagkilos ko nalaman na kaya palang lumaban ng babae. Lalo na ngayon na tumitindi ang kahirapan, talagang mas kailangang makilahok, makiisa sa iba pang inaapi. Kasi kapag walang kumilos, walang nag-ingay, walang mangyayari sa atin,” ani Saila.

Kalahok ang mga tulad nila ngayon sa lumalakas na kilusan para panagutin ang mismong nakaupong Pangulo—si Benigno Aquino III—na promotor ng mga polisiyang nagpapahirap sa kanila bilang manggagawa at bilang kababaihan.