Dear Migrante Migrante

Dear Migrante


Day-off mo ba ngayon o tambak ang trabaho? Dahil tayo ay magkalayo, magsulatan tayo kahit nasa magkabilang panig ng mundo. Paglapitin natin at ituring na nakatagpo kayo ng kaibigan, kahuntahan sa nakakatawang eksena ng mga biyahe, karamay sa homesick at kakampi mula sa malulupit na amo o pagtawag ng pansin sa gobyerno. Malugod na ibinubukas […]

Day-off mo ba ngayon o tambak ang trabaho? Dahil tayo ay magkalayo, magsulatan tayo kahit nasa magkabilang panig ng mundo. Paglapitin natin at ituring na nakatagpo kayo ng kaibigan, kahuntahan sa nakakatawang eksena ng mga biyahe, karamay sa homesick at kakampi mula sa malulupit na amo o pagtawag ng pansin sa gobyerno.

Malugod na ibinubukas ang pitak na ito sa lahat ng migranteng Pilipino sa bawat sulok ng mundo at kanilang mga pamilya. Linggu-linggo simula ngayon, ilalathala ang inyong mga katanungan na mainit naming sasagutin. Ang mga kuwento ninyo ay istorya ng milyong migranteng Pilipino.

Ngayong Marso 17 ang ika-20 taon ng paggunita sa pagkamatay ni Flor Contemplacion, kababayan nating pinatay sa Singapore noong 1995. Sa kanyang pagkamatay, nalantad ang pait ng puwersahang migrasyon sa ilalim ng programa ng gobyerno.

Dalawampung taon makalipas, mas maraming Flor. Mas dumami araw-araw ang lumalabas ng bansa at nawawasak ang pamilya. Napupuno ang mga balikbayan box ng pangungulila, kahirapan at panganib.

Inaanyayahan namin kayong lumiham. May maaasahan kayong sagot di tulad ng mga ahensiya at opisina na “sorry we’re closed o the number you dialed is busy right now.” Pag-usapan natin. Kayo ba ay nabiktima ng ilegal na rekruter, minaltrato, hindi pinasahod o may iuuwing bangkay? May hindi ba nasunod sa nakasaad sa kontrata, hindi nabibigyan ng off, may hinahanap na kamag-anak sa abroad o may sumisigaw ng “ibalik ninyo ako sa Pilipinas”? Hangga’t may nabibiktima at napagsasamantalahang OFW, may Migrante.

Sa paggunita kay Flor at pagpupugay sa mga bagong bayani, gamitin natin ang espasyong ito. Ang inyong kuwento ay aming adbokasiya at krusada. Dalawampung taon na rin nang inianak ang Migrante International na patuloy na nagtataguyod ng interes at kapakanan ng migranteng Pilipino at nagluwal ng makukulay na pakikibaka at tagumpay sa ngalan ng migrante at sambayanang Pilipino.

Makakaasa po kayo sa aming tugon. Siyempre pa, ang pinakamasarap pa ring matanggap na liham ay “Dear migrante, hindi ko day-off, pauwi na ako ng Pinas sa tahanan ko, for good.” Higit sa lahat, hinihintay po namin ang inyong pagbabalik.

Lumiham sa dearmigrante@gmail.com. Tumungo sa #45 Cambridge St. Cubao, Quezon City at pinakamalapit na tanggapan ng Migrante sa ibat-ibang bahagi ng mundo. Bumisita sa www.migranteinternational.org at Fb.com/migranteinternational.