Hustisya, hangad sa mga biktima sa Mamasapano (di lang SAF 44)

February 18, 2015

Sarah Lawani, 18, asawa ni Badrudin Langalan na ginapos sa kamay at binti at natagpuang patay kasama ng nasawing mga miyembro ng SAF. <b>KR Guda</b>

Sarah Lawani, 18, asawa ni Badrudin Langalan na ginapos sa kamay at binti at natagpuang patay kasama ng nasawing mga miyembro ng SAF. KR Guda

Halata ang kalungkutan sa mukha ni Sarah Lawani, 18. Tila parati siyang natutulala. Marami ang sumusuportang kaanak niya, at siyempre suportado rin siya ng buong komunidad sa Brgy. Tukanalipao, sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao. Pero hindi nito mapapawi ang agad na pagkawalay ng asawang si Badrudin.

Lalong nakalulungkot dahil misteryoso ang pagkamatay ng asawa. Madaling araw noong Enero 25, tumungo si Badrudin sa kanyang taniman at di na muling nakitang buhay.

Lampas ng tulay na kahoy na tumatawid sa makipot at maputik na ilog sa gitna ng taniman ng mais, nakita ang katawan ni Badrudin, hapon na ng Enero 25. Nakagapos ang kamay at binti niya. Kasama niyang natagpuang patay ang mga miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police (SAF-PNP).

Sa panayam ng Pinoy Weekly sa mga residente ng barangay, walang nakakita o nakakalam kung ano ang nangyari kay Badrudin. Gayunman, ang hinala nila’y binihag siya ng SAF commandos na nasa blocking force ng operasyon. Posibleng direktang pinatay siya ng mga commando para di na makapag-ingay. O kaya naipit sa palitan-ng-putok sa pagitan ng SAF at mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) hanggang alas-dos ng hapon noong araw na iyon.

Anu’t anuman, naiwan na si Sarah para itaguyod ang mag-isang anak nila. “Sayang, bata pa si Badrudin, pero marami siyang alam. Maabilidad siya. Magaling siya gumawa ng bahay. Magaling siya magkarpintero,” sabi ni Omar (di tunay na ngalan), kagawad ng barangay at kapitbahay nina Sarah.

Isa lang si Badrudin sa mga mukha ng trahedya ng Mamasapano noong Enero 25 na di masyadong naikukuwento sa publiko dahil sa pokus ng midya sa 44 na napaslang na SAF commandos.

Samrah Sampulna, 38, ina ng 8-anyos na si Sarah Pananggulon na nasawi sa pag-atake ng SAF sa Sityo Inugog, Mamasapano. <b>KR Guda</b>

Samrah Sampulna Mamasalaga, 42, ina ng 8-anyos na si Sarah Pananggulon na nasawi sa pag-atake ng SAF sa Sityo Inugog, Mamasapano. KR Guda

Special child

Katulad ni Sarah, tila tulala rin si Samra Sampulna Mamasalaga, 42, nang makapanayam ng Pinoy Weekly sa isang pampublikong health center sa Tukanalipao proper noong Pebrero 9. May benda si Samra sa kanang pisngi.

Noong Enero 25, natutulog sila sa kanilang tahanan sa Sityo Inugog (na nasa hangganan ng tatlong barangay ng Mamasapano: Tukanalipao, Pidsandawan at Pimbalkan), bandang alas-kuwatro ng umaga nang magising sila ng isang putok.

“Parang granada,” sabi ni Samra. Hindi niya tiyak kung anong klaseng putok. Matagal na rin kasi mula nang huling magkaroon ng armadong labanan sa lugar nila. Basta ang tiyak, napakalakas nito at nagising sila. Saka nagliparan ang mga bala.

Inakay niya at ng asawa niyang si Toot Pananggulon Mamasalaga, 43, palabas ng bahay ang dalawa nilang anak. Di pa man nakakalabas, makaramdam na siya ng daplis ng bala sa kanang pisngi. Nakita rin niyang bumagsak ang kanyang asawa. Pero di nila agad na napansin ang 8-anyos na anak na babae, si Sarah Pananggulon, na tinamaan na pala sa tagiliran.

Kahit tinamaan, nakatakbo pa silang mag-asawa, kasama ang isa pang mas maliit na anak. Pero hindi na nila nasaklolo ang 8-anyos na si Sarah. Special child si Sarah, ani Samra; hindi ito nagsasalita.

Tumakbo sila sa bahay ng kapatid ni Toot sa Brgy. Pidsandawan, kung saan sila tumagal nang mahigit isang linggo. Tuwing umaga, bumabalik si Toot sa taniman sa Sityo Inugog, pero di siya nagpapagabi rito—sa takot pa ring madamay sa putukan o makatapak sa mga “granada” na maaaring naiwan daw sa lugar.

Kapitbahay din nila si Pinang Abdurradjak, 38. Mga alas-kuwatro ng umaga, habang nananalangin, nakarinig din si Pinang ng mga putok. Buntis siya sa unang anak nila ng asawa niya. Sa takot na madamay sa putukan, agad silang lumikas sa bahay. Tumakbo sila sa direksiyon ng pinakamalapit na evacuation center na eskuwelahan ng mga bata. Pero nadapa si Pinang at dinugo. Dinala siya ng asawa sa medical center kung saan nila napag-alamang namatay na ang sanggol sa sinapupunan niya.

Kabilang sila sa tinatayang 1,500 residente ng iba’t ibang barangay ng Mamasapano na nagsilikas sa kanilang mga tahanan sa gitna ng putukan. Marami sa kanila, hindi pa ganap na nakakabalik nang maganap ang fact-finding mission noong Pebrero 9 hanggang 11.

Sa Linantangan Elementary School, ang nabanggit na ginawang evacuation center ilang kilometro ang layo mula sa Tukanalipao proper, nag-aaral ang aabot sa 500 estudyante. Pero ayon kay Pacita Abdul, 57, principal ng eskuwela, noong binisita ng misyon ay humigit-kumulang 200 pa lang ang pumapasok. Ang marami sa kanila, ayon kay Eule Bonganay ng Children’s Rehabilitation Center, may trauma pa rin sa matinding putukan sa kanilang lugar.

May ilang bata, nang tanungin kung ano ang gusto nila maging paglaki nila, sinabing “sasali kami sa Freedom”. “Freedom” ang maikling katawagan sa BIFF.

Pinakita ng isang residente ang malaking bala na tumagos sa kanilang bahay na mula sa direksiyon ng posisyon ng mga naka-istambay na SAF commandos at tangke nila sa haywey ng Brgy. Tukanalipao at Brgy. Tuka. <b>KR Guda</b>

Pinakita ng isang residente ang malaking bala na tumagos sa kanilang bahay na mula sa direksiyon ng posisyon ng mga naka-istambay na SAF commandos at tangke nila sa haywey ng Brgy. Tukanalipao at Brgy. Tuka. KR Guda

Nagsilikas

Walang kuryente sa Tukanalipao o sa Sityo Inugog maghapon ng Enero 24, kuwento ni Omar. Kung sinadya ito o hindi, hindi na nila alam. Pero hindi naman madalas ang brownout nitong huling mga linggo bago ang petsang nabanggit.

Kaya noong gabing iyon, walang kamalay-malay ang buong barangay na mga alas-10 ng gabi pa lang ay pinapasok na pala sila ng dose-dosenang SAF commandos, habang nakapuwesto naman ang 300 SAF sa haywey ng Tukanalipao at Brgy. Tuka.

Tantiya ng mga residente na nagsimula ang unang putukan nang mga alas-dos ng madaling araw at tumagal ng mga alas-kuwatro ng umaga, bago ang pananalangin nila (4:30 ng umaga). “Nagsitakbuhan silang taga-Inugog papunta rito sa Tukanalipao proper,” sabi ni Omar. Kahit ang ibang residente ng proper, umalis na rin sa takot. Mga alas-kuwatro rin ng umaga, nagsimula muli ang putukan, pero, ayon kay Omar, mas malapit na ang mga putok sa proper. Yumpala, sa may tulay na kahoy na ang putukan, mga isa’t kalahating kilometro ang layo sa sentro ng Tukanalipao. Rinig na rinig umano nila ang putukan.

Kinuwento ng mga residente ng Tukanalipao na nakatira sa tabi ng haywey, maging sila’y lumikas na rin. Ito’y dahil nagsimula na ring magpaputok ng machine gun ang mga tangkeng nakapuwesto sa haywey, sa bahagi ng 300 SAF. Butas-butas ang kanilang mga bahay.

Kasama sa mga nagsilikas si Guinaid Boto, 54. Kuwento niya, mga alas-otso ng umaga pumunta si Guinaid sa damuhan kung nasaan ang kanyang alagang mga baka. Papunta roon, dumaan siya sa proper at nakita ang mga taong nag-uusap-usap. “May mga taong nagtatakbuhan papunta roon,” sabi niya. Dahil dito, di na siya bumalik sa bahay niya.

Kinabukasan, Enero 26, na siya bumalik sa damuhan. “Pero wala na ang isang baka ko,” aniya. Bumalik si Guinaid sa evacuation center. Pebrero 4 na siya bumalik sa bahay niya. Doon niya nakita ang malaking butas sa kanyang dingding. Ganito rin ang kalagayan ng mga katabing bahay: may malalaking butas, “kasya ang kamao”, aniya. Kuwento ng isang kapitbahay, nagpaputok nga ang tangke ng SAF mula sa haywey.

Pagkakasangkot ng Kano

Isiniwalat ng ilang residente na sangkot ang mga sundalong dayuhan (“maputi, matangkad, asul ang mata”) sa madugong operasyon ng SAF na diumano’y target ang dalawang “teroristang” sina Marwan at Abdul Basit Usman.

Samantala, naibalita naman sa ilang pahayagan ang pagkakasangkot ng militar ng US sa iba’t ibang aspekto ng “Operation Exodus” – ang katawagan ng SAF sa naturang operasyon. Lumalabas din sa pagsiwalat ng iba’t ibang mamamahayag—batay sa anonymous sources sa loob ng administrasyong Aquino at militar at pulisya—na alam at direktang sangkot si Pangulong Aquino, suspendidong PNP Chief Alan Purisima at Executive Secretary Paquito Ochoa sa naturang operasyon, habang di naman alam, o huli na nang mapagsabihan, si Interior Sec. Manuel Roxas III, PNP OIC Leonardo Espina at ang mga yunit ng militar na malapit sa lugar.

Dahil dito, itinuturo ng marami, kabilang ang mga oposisyunistang kongresista sa Kamara na mula sa Makabayan Bloc, na may direktang pananagutan si Aquino at ang gobyernong US sa pagkamatay ng 44 SAF commandos, 18 rebeldeng Moro at di-bababa sa dalawang sibilyan.

Para sa mga tagapanguna ng People’s Fact-Finding Mission (PFFM)–ang misyon na nilahukan ng Pinoy Weekly para imbestigahan ang mga paglabag ng mga karapatang pantao sa Mamasapano—may dahilan para sabihing nilabag ng administrasyong Aquino (na siyang may command responsibility sa SAF) ang General Agreement on the Cessation of Hostilities o ceasefire agreement sa pagitan nito at ng MILF.

Sa kabilang panig, idinidiin naman ng ilang pulitiko, kabilang si Sen. Alan Peter Cayetano, ang MILF na maaaring gumamit umano ng sobrang puwersa para puksain ang 44 nasawing SAF. Lalong napalakas ito ng bidyo ng diumano’y pagpatay sa sugatang miyembro ng SAF na kumakalat ngayon sa social media.

Sa inisyal na mission report nito, inirekomenda ng mga tagapanguna ng PFFM na magbuo ng isang independiyenteng koponan na mag-iimbestiga sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano noong Enero 25. Anila, kailangang palalimin pa nito ang pag-imbestiga sa aktuwal na pagkakasangkot ni Aquino at aktuwal na pagkakasangkot ng isang dayuhang bansa tulad ng Estados Unidos.

Sa paraang ito lang mabibigyang-hustisya, hindi lang ang nasawing 44 SAF commandos, kundi ang mga mandirigmang Moro at walang kalaban-labang mga sibilyan ng Mamasapano.