Komentaryo

Bakit Tuloy Ang Mga Rebelyon At Karahasan?


Nang dumalaw sa Pilipinas sa ilalim noon ng rehimen ni dating Pres. Ferdinand E. Marcos ang ekonomistang taga-Sweden na si Gunnar Myrdal, at nakita niya’t nasuri ang napakasamang kalagayang panlipunan dito, hindi namin maiwasang umukilkil sa alaala ang sinabi niya: “Isang paliligo na lamang ng dugo ang makalulunas sa mga sakit na panlipunan ng bansang […]

Imahe mula sa philippinerevolution.net
Imahe mula sa philippinerevolution.net

Nang dumalaw sa Pilipinas sa ilalim noon ng rehimen ni dating Pres. Ferdinand E. Marcos ang ekonomistang taga-Sweden na si Gunnar Myrdal, at nakita niya’t nasuri ang napakasamang kalagayang panlipunan dito, hindi namin maiwasang umukilkil sa alaala ang sinabi niya: “Isang paliligo na lamang ng dugo ang makalulunas sa mga sakit na panlipunan ng bansang ito.”

Bakit nga ba tuloy pa rin ang mga rebelyon at karahasan?

komentaryoBakit matapos ang maigting, madugo’t marahas na rebelyon ng mga Huk sa ilalim ng liderato ni Supremo Luis Taruc noong dekada ’50, at maituturing na nawakasan sa rehimen ng yumaong Pres. Ramon Magsaysay, agad namang sumiklab at tuluy-tuloy pa rin ang mahigit nang apat na dekadang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA?

Bakit tuluy-tuloy pa rin ang mga rebelyon at karahasan ng Muslim nating mga kapatid sa Mindanaw? Kuwestiyon ba lamang ito ng kultura’t relihiyon at usapin sa teritoryo? Maaalaala, matapos magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan ang gobyerno at ang MNLF (Moro National Liberation Front) ni Nur Misuari, nagrebelde naman ang MILF (Moro Islamic Liberation Front) ni Al-Haj Murad Ebrahim,. gayundin ang bagong tatag na BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters) na humantong nga kamakailan sa madugong sagupaang ipinagbuwis ng buhay ng 44 na tauhan ng PNP-SAF, 18 miyembro ng MILF, at nadamay na 7 pang sibilyan.

Kaugnay ng mga rebelyon at karahasang ito, hindi rin namin maiwasang dumaluhong sa gunita ang binigyan-diing mga punto noon ni Padre Camilo Torres, isang paring taga-Colombia na sumapi sa kilusang rebolusyonaryo sa kanilang bansa dahil na rin sa napakasama’t tiwaling kalagayang panlipunan doon.

Sabi nga, magpapatuloy ang mga rebelyon at karahasan hanggang malaganap ang inhustisya’t karalitaan sa ilalim ng anumang rehimen, hanggang abusado sa kapangyarihan at naglulublob sa pribilehiyo at kontrolado ng iilang hari-harian sa lipunan ang pambansang pulitika’t ekonomiya at, dahil sa gahaman at makasariling mga interes, higit pang pinaglilingkuran ng pambansang liderato ang mapanghuthot na dayuhang mga interes, ibenta man ang soberanya o kasarinlan ng bansa, sa kapinsalaan ng masang sambayanan.

Magpapatuloy ang mga rebelyon at karahasan hanggang inaalipin at itinatanikala sa lupa ng mga propiyetaryo’t asendero ang mga magsasaka at hindi naman ipinatutupad ng gobyerno ang tunay na reporma sa lupa. Hindi masusugpo ang mga rebelyon at karahasan hanggang binubusabos nang husto ng mga kapitalista ang mga manggagawa sa iba’t iba nilang mga korporasyon, pabrika’t empresa.

Hindi masusugpo ang mga rebelyon at karahasan hanggang inutil ang Estado na matugunan ang pangunahing mga pangangailangan ng mga mamamayan: pagkain, lupa’t pabahay, pangmadlang mga ospital at paaralan, trabaho at makatarungang suweldo.

Hindi masusugpo ang mga rebelyon at karahasan hanggang patuloy lamang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng di makatarungan at sobra-sobrang mga buwis para mapalamon at mabundat ang mayayaman at may madambong ang tiwaling mga opisyal ng pamahalaan.

Magpapatuloy ang mga rebelyon at karahasan hanggang doble-kara at nagbibingi-bingihan at usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, kalimitang pumapabor lamang sa mga maimpluwensiya’t makapangyarihan at, sa kabilang banda, mapanikil sa mga kakaning-itik o karaniwang mga mamamayan.

Hindi masusugpo ang mga rebelyon at karahasan hanggang ang tinatawag na demokrasya ay para lamang sa iilang pinagpala at ginagamit pang instrumento ng mga diyus-diyosan sa lipunan para patuloy na mapagsamantalahan ang masang sambayanan. Magpapatuloy ang mga rebelyon at karahasan hanggang hindi pambansa ang tunay na demokrasya at, sa aba naming palagay, hanggang hindi lubusang umiiral sa kahabag-habag na lupaing ito ng mga Indio ang lantay na hustisya sosyal!