Usapang pangkapayapaan ng GPH-MILF nanganganganib dahil sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao

January 27, 2015

Satellite map ng Mamasapano, Maguindanao. Mula sa <b>Google Earth</b>

Satellite map ng Mamasapano, Maguindanao. Mula sa Google Earth

Ikinababahala ng mga grupong pangkarapatang pantao ang posibleng muling pagsiklab ng digmaan sa Mindanao. Matapos ito ng engkuwentro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Force (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Pinangangambahan ng Suara Bangsamoro na maaaring sumiklab ang digmaan kung maghihiganti ang kapulisan at aayudahan pa ng militar dahil sa pagkamatay ng di-bababa sa 43 pulis at pagkasugat ng 12 iba pa. Sinabi ng naturang grupo na malaki ang magiging epekto ng insidente sa kasaukuyang negosasyon ng gobyerno at MILF.

Nananawagan din ang Suara Bangsamoro na imbestigahan ang diumano’y bigong anti-terror operations ng PNP-SAF na nauwi sa isang engkuwentro.

“Kailangang ipaliwanag ng PNP-SAF kung paano nauwi sa isang paglusob at reyd ang paghain nila ng warrant of arrest sa miyembro ng Jemaah Islamiyah na si Basit Usman at Zulkigli Bin Hir alyas Marwan,” sabi ni Jerome Aladdin Succor Aba, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro.

Kilala na erya ng MILF ang Brgy. Enog-og.

‘Walang koordinasyon’

Sabi pa ni Aba, hindi alam ng AFP – MILF Ceasefire Joint Committee at maging sa lokal na kapulisan ang operasyon ng SAF. “Maaaring napuwersa ang lokal na komand ng MILF na gumanti sa operasyon ng SAF,” aniya.

Dagdag niya, maaaring nakatanggap ang PNP ng maling impormasyon na sa lugar na ito nagtatago ang mga miyembro ng Jemaah Islamiyah.

Nagtamo ang magkabilang panig ng casualty at sugatan, bukod pa sa dislokasyon ng mga residente sa naturang lugar.

“Ilan sa mga bakwit (evacuees) ang nagsabing hinalughog at pinagbabaril ng mga miyembro ng SAF ang kanilang mga bahay at inaresto ang ilang Moro na pinaghihinalaang nagbibigay ng impormasyon sa mga rebelde,” sabi ni Aba.

Sa pahayag sa midya, sinabi ni PNP officer-in-charge, Deputy Director General Leonardo Espina na 392 SAF ang lumahok sa naturang operasyon, at malaki ang paniniwala nila na napatay si Zulkigli Bin Hir.

Di umano binabalewala ng Suara Bangsamoro ang ilang kuro-kuro na bahagi ang insidente ng isang malaking disenyo para guluhin ang kasaukuyang prosesong pangkapayapaan.

Samantala, sinuspinde na ng Senado at Kamara ang deliberasyon ng Bangsamoro Basic Law.

“Iyong desisyon na isuspinde ang pagtalakay sa BBL, at ang mga pahayag ni Rep. Rodolfo Biazon na kumukuwestiyon sa kakayanan ng isang gobyernong Bangsamoro na magtayo ng sariling kapulisan at puwersa militar ay pagpapakita ng diskriminasyon,” sabi naman ni Amira Lidasan, tagapagsalita ng Suara Bangmoro.

Dahil sa pangyayaring ito, may batayan umanong magduda sa katapatan ng gobyerno na ipatupad ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, aniya.

“Isa pang nakakabahala ang pag-alok ng milyong dolyar na pabuya para mahuli ng PNP-SAF ang isang terorista,” ani Lidasan. Dagdag ni Lidasan, matagal nang paulit-ulit na lumalabas ang intelligence report na may Jemaah Islamiyah sa mga lugar ng Bangsamoro, pero wala naman daw nahuhuli sa mga ito, bagkus mga sibilyan ang nagiging biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Moro women victims of human rights violations speak up in Maguindanao forum

Kababaihang Moro na biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng sigalot sa pagitan ng MILF at gobyerno, sa isang porum. PW File Photo

Lehitimong operasyon?

Iginiit naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Manuel Roxas III na legal ang operasyon at hindi ito pananabotahe sa usapang pangkapayapaan.

“Ito ay isang lehitimong law enforcement action sa paghahanap kay Marwan at Basit Usmad. We will not give you details kung paano nalaman itong dalawang target na ito. As for now, ‘yan ang basehan ng engkuwentro na nangyari,” sabi ni Roxas sa midya.

Sabi pa niya na misencounter daw ang nangyari at tapat daw ang gobyerno sa usapang pangkapayapaan. “Inaasahan namin na sa pag-uusap ng negotiating panel ng pamahalaan at pamunuan ng MILF. Naparating (ng gobyerno sa MILF) na hindi ito kabahagi ng pananabotahe sa usapin ng kapayapaan. Ito’y isang misecnounter lamang. Umiiwas ang SAF sa pag-atake sa kanila ng BIFF,” sabi ni Roxas.

Sinabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), alyansa ng makabayang mga organisasyon, na lalong nakakapagduda ang pag-amin ni Roxas na alam niya ang operasyon ng SAF-PNP sa teritoryo ng MILF.

“Kung simula’t sapul ay alam ng mga opisyal ng gabinete ang operasyong pulisya na ito, hindi ba nasa posisyon sila para ikoordina ito sa MILF Peace Panel? Hindi ba’t dapat maalam sila sa mga mekanismo ng tigil-putukan? Hindi ba dapat nakikipag-ugnayan sa MILF ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process?” tanong ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sinabi pa ni Reyes na sa pagbansag sa pangyayaring ito bilang “misencounter”, mistulang nakakapaghugas-kamay ang matataas na mga opisyal ng gobyerno tulad ni Roxas mula sa pananagutan.

“Tinitingnan ang problema sa tactical level lang at hindi mula sa punto-de-bista ng mismong mga gumagawa ng polisiya,” ani Reyes.

Pagkakasangkot ng US

Kasama rin sa pinaiimbestigahan ng Suara Bangsamoro ang presensiya ng mga sundalong Amerikano sa rescue and retrieval operations sa mga bangkay at sugatang pulis. Kinukuwestiyon ng grupo ang pagpapahintulot ng gobyerno na manghimasok ang mga tropa ng Amerikano.

“Ikinokondisyon ng gobyerno ang presensiya ng mga tropang Kano, na kailangang (naroon) sila sa conflict areas at para sa gawaing humanitarian. Pero ang totoo, dahil ito sa pagsunod ng gobyerno ng Pilipinas sa kampanyang anti-terror ng Estados Unidos at dito nakabalangkas ang mga operasyong pulis/militar kahit mali ang mga impormasyon,” ani Lidasan.

Kinuwestiyon din ng Bayan ang pagkakasangkot ng militar ng US sa operasyon ng SAF-PNP sa Mamasapano.

“Nagbibigay ba ng impormasyon ang US sa lokasyon at mga aktibidad ni Marwan?  Isa ba itong operasyong kontra-terorista na dinirehe ng US?” tanong pa ni Reyes.

Sinabi pa niya na matatandaang sangkot na dati ang US sa mga operasyong militar na dapat na pumatay kay Marwan sa isang airstrike noong 2012. US ang nagbigay ng intelligence reports at air supports sa operasyon ng Armed Forces of the Philippines na inisyal na nag-ulat na namatay si Marwan–pero hindi pala.