Main Story

Taas-pasahe sa MRT/LRT, dinagsa ng protesta


[cycloneslider id=”mrt-lrt-fare-hike-protest-jan-5-2015″] Iba-ibang klase ng protesta ang sinalubong ng iba’t ibang sektor sa unang araw ng pasukan matapos ang pagtaas ng singil sa pamasahe sa Light Rail Transit (1 at 2) at Metro Rail Transit (MRT) 3. Nagdala ng “thumbs down” na mga plakard ang ibang grupo noong Linggo, Enero 4, unang araw ng implementasyon ng taas-pasahe. Ngayong Lunes, nagpiket […]

[cycloneslider id=”mrt-lrt-fare-hike-protest-jan-5-2015″]

Larawan mula sa <b>Tudla Productions</b>
Larawan mula sa Tudla Productions

Iba-ibang klase ng protesta ang sinalubong ng iba’t ibang sektor sa unang araw ng pasukan matapos ang pagtaas ng singil sa pamasahe sa Light Rail Transit (1 at 2) at Metro Rail Transit (MRT) 3.

Nagdala ng “thumbs down” na mga plakard ang ibang grupo noong Linggo, Enero 4, unang araw ng implementasyon ng taas-pasahe. Ngayong Lunes, nagpiket ang grupo ng mga komyuter na Riles Network, kasama ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at grupong pangkabataan na Anakbayan, sa harap ng ilang estasyon ng MRT at LRT. Naglunsad din sila ng protestang “palakpakan” sa loob ng mga estasyon at mismong mga tren ng MRT at LRT 1 at 2.

“Nagsalita na ang mga komyuter: Pinatitigil natin ang patraydor at pabigat na dagdag-pasahe. Pinatupad ng administrasyong Aquino ang mga taas-pasahe sa likod natin at sa kabila ng malawakang pagtutol at protesta,” sabi ni Sammy Malunes, tagapagsalita ng Riles.

Nagsumite naman ng petisyon ang Bayan, katuwang ang National Union of People’s Lawyers at iba pang grupo at kahit ang party-list na Buhay, sa Korte Suprema na naghihiling na maglabas ang nakatataas na korte ng temporary restraining order laban sa taas-pasahe na iniutos ng Department of Transportation and Communication (DOTC) noong panahon ng Kapaskuhan.

“Ang mga dagdag-pahirap na ito, na patraydor na inanunsiyo at ipinatupad, ay walang legal na batayan at lantarang kontra-komyuter. Pinagsisilbihan lang nito ang interes sa kita ng pribadong mga stakeholder sa sistema ng tren, samantalang binibigyang katwiran ang pag-abandona ng gobyerno sa responsabilidad nitong magbigay ng mura at episyenteng transportasyon para sa mga mamamayan,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahtang kalihim ng Bayan.

Sinabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na kalahok din sa mga protesta, na “patikim pa lang” ng gobyerno ang taas-pasaheng ito. Nasa kontrata ng gobyerno sa private concessionaires ng MRT at LRT na mga kompanyang Ayala at Metro Pacific ang pana-panahong taas-pasahe sa loob ng 25 taong sakop ng kontrata.

Dagdag pa ni Labog, katulad sa pagsasapribado sa industriya ng tubig at kuryente, nagdulot din ang pagsasapribado ng pagpapatayo at pagpapatakbo ng sistema ng tren sa Kamaynilaan ng mas mataas na singil na mabigat na pasanin sa mga komyuter–marami rito’y mga manggagawa.

Para sa kapitalista

Paliwanag ng DOTC, magiging hudyat daw ang taas-pasahe ng pagpapabuti ng serbisyo ng MRT at LRT. Sang-ayon naman ang Malakanyang sa taas-pasahe. Matagal na raw dapat itong tinaasan at napapanahon na umanong tapyasan ang subsidyo ng gobyerno dito.

Sa bagong fare matrix, nasa P2 Bilyon ang “matitipid” daw ng gobyerno mula sa P12-B kasalukuyang inilalaan nito para sa MRT at LRT. Mas magagamit daw ito para sa ibang proyekto dahil mga taga-Metro Manila lamang umano ang nakikinabang sa MRT at LRT.

Pero inamin din ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na mapupunta ang P2-B na kikitain sa taas-pasahe sa escrow account para sa pribadong consessionaires. May sovereign guarantees, o may ginagantiyang halaga ng kita, ang mga kontrata ng gobyerno sa malalaking pribadong kompanyang ito.

Ayon sa Ibon Foundation, isang progresibong research think-tank, hindi rasonable ang nasabing pagtaas dahil sapat ang kasalukuyang pasahe sa mga tren para mapunan ang gastos sa operation and maintenance (O&M) ng mga ito.

Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, nasa 1.10 ang farebox ratio matrix ng LRT 1 at 2. Sa pinakahuling datos naman ng farebox ratio ng MRT 3 ay nasa 1.17 noong 2012.

Ang farebox ratio na 1.0 ay nangangahulugan na ang fare revenue ay napupunan ang 100 porsiyentong gastusin sa O&M.

Ayon pa sa Ibon, bilang isang mass transportation system, hindi dapat sa mga pasahero sinisingil ang kapital para mapaunlad ang LRT at MRT sa pamamagitan ng taas-pasahe. Dapat gobyerno ang pumapasan dito tulad ibang imprastraktura para sa serbisyong panlipunan kagaya ng pampublikong mga ospital, paaralan, at daan.

Dagdag ng grupo, sa kaso ng MRT 3, ang pinalobo ang halaga ng makaisang-panig na kontrata sa build-lease-transfer (BLT) agreement ng gobyerno – isang PPP (public private partnership) na kasunduan na pinasok ng administrasyong Ramos kasama ang Metro Rail Corp. (MRTC) noong 1997. Kasama sa makaisang-panig na kontrata ang paggarantiya ng 15 porsiyentong return on investment (ROI) taun-taon at sovereign guarantees.

Pagsasapribado, lalong pagkamal ng kita

Dagdag ng Ibon, pinipilit ng administrasyong Aquino ang pagtaas ng pasahe para sa pribatisasyon sa pamamagitan ng PPP ng LRT (1 at 2) at MRT 3 para maging mas kaakit-akit ito sa investors. Nasa mahigit 80 porsiyento ng pasahero ng MRT at LRT ay ordinaryong mga manggagawa, empleyado, at estudyante.

Nitong Setyembre lang, na-award na ang LRT1 sa Light Rail Manila Consortium (LRMC) ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) ni Manny V. Pangilinan at Salim Group ng Indonesia (55 porsiyento); Ayala Corp. ng pamilya Ayala (35 porsiyento); at Macquaire isang dambuhalang mamumuhunan na nakabase sa Australia (10 porsiyento).

Nauna nang sinabi ng Ibon na ang P64.9 Bilyon na PPP deal kasama ang LRMC ay magreresulta ng garantisadong taas-pasahe sa buong 32-taong concession agreement. Babala ng grupo, ang taas-pasahe para sa LRT 1 ay simula pa lamang ng regular at mas mataas na pasahe sa ilalim ng PPP.

Samantala, nakaamba naman para sa bidding ang LRT 2 sa susunod na taon sa ilalim ng PPP ng administrasyong Aquino. Nakapaglabas na ang DOTC ng imbistasyon para sa pre-qualify to bid nitong Setyembre kasama ang LRMC, San Miguel Corp., at Japan’s Marubeni Philippines Corp.

Espesyal na sesyon, kailangan

Nanawagan naman ang Bayan Muna Party-list sa Kamara na pabilisin ang House Resolution 111 para imbestigahan ang pagtaas ng singil sa MRT at LRT.

“Hindi tayo tutol sa pag-unlad o pagpapalawig ng rail systems pero tutol tayo sa iresponsabilidad ng gobyerno at corporate greed, at lalo pa ang korap na mga gawain (na ipinapataw) sa walang-muwang na mga komyuter. Tutol din tayo sa sweetheart deals na, ika nga, “ginigisa tayo sa sarili nating mantika,” ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Sinabi pa ni Colmenares na hindi dapat ginagawang argumento ng gobyerno na hindi napapakinabangan ng mga taga-Visayas at taga-Mindanao ang MRT at LRT kaya nararapat lamang na bawasan ito ng pondo. Sa ganitong argumento, dapat na ring itigil ng gobyerno ang mga proyekto ng pagsasaayos o pagtatayo ng mga tulay sa Visayas dahil hindi ito napakikinabangan ng mga taga-Mindanao.

“Hindi masamang bigyan ng subsidyo ang mga proyekto na magbebenepisyo sa isang espisipikong rehiyon, kaya kung magkapagdebelop ang gobyerno ng isang mass transportation system para sa ibang rehiyon, mainam ito. Ang masama ay yung paglikha ng banggaan at hidwaan sa pagitan ng mga rehiyon at probinsiya at pagbanggain ang mga proyekto na pinakikinabangan ng isang rehiyon kontra sa isa pa,” sabi pa ni Colmenares.

Nangako naman si Malunes na ipagpapatuloy ng mga komyuter ang protesta para mabasura umano ang “great train robbery” tulad ng pagbasura sa nakaraang mga tangka na itaas ang pasahe sa MRT at LRT.

May ulat ni Pher Pasion