Sino si Pope Francis?

January 11, 2015

Si Pope Francis, sa isang parada sa Vatican City matapos ang kanyang pagkakatalaga bilang Santo Papa noong 2013. <b>Wikimedia Commons</b>

Si Pope Francis, sa isang parada sa Vatican City matapos ang kanyang pagkakatalaga bilang Santo Papa noong 2013. Wikimedia Commons

PW-POPE-FRANCIS-SA-PINAS-icon

Pinanganak sa Buenos Aires, Argentina noong Disyembre 17, 1936 si Jorge Mario Bergoglio. Naging pari siya sa ilalim ng kongregasyong Society of Jesus (SJ, o mga Heswita) noong 1969. Bago nito, naging chemical technician at bouncer sa isang nightclub si Jorge.

Mula 1973 hanggang 1979, naging Provincial Superior si Jorge. Panahon ito ng matinding panunupil sa mga mamamayan sa Argentina. Lumakas ang kilusang makabayan at progresibo doon, at tinapatan ito ng pandarahas ng gobyerno.

Katulad ng Batas Militar o martial law sa Pilipinas ang tinaguriang “Dirty War” o maruming digmaan sa Argentina. Ito ang bahagi ng kasaysayan ng bansa mula 1974 hanggang 1983 kung kailan matindi ang atake ng mga sundalo at mga death squad ng gobyerno sa mga mamamayan. Sa harap ng lumalakas na legal at armadong mga paglaban ng mga mamamayan sa bulok na sistema, lumaganap ang pagdukot at pagpatay sa mga sibilyan at aktibista.

Tinatayang mahigit 7,000 hanggang 30,000 mamamayan ng Argentina ang pinaslang sa panahong ito, samantalang 13,000 naman ang dinukot (desaparecidos).

Madres de Plaza de Mayo: ina at lola ng desaparecidos ng Argentina noong panahon ng Dirty War. <b>madresdemayo.wordpress.com</b>

Madres de Plaza de Mayo: ina at lola ng desaparecidos ng Argentina noong panahon ng Dirty War. madresdemayo.wordpress.com

Ayon sa maraming kuwento, tahimik na sumuporta si Obispo Bergoglio sa mga Katolikong pari na lumaban sa diktadura. Maraming aktibistang Argentinian ang nagsabi na kinupkop sila ng obispo nang tinutugis sila ng militar noong panahon ng Dirty War. Gayunman, binatikos siya sa kaso ng dalawang pari, sina Orlando Yorio at Franz Jalics, na dinukot at tinortyur ng militar noong Mayo 1976.

Noong maging kardinal, namalagi si Bergoglio sa maralitang mga komunidad ng Buenos Aires. Naging tanyag siya sa Simbahang Katoliko bilang lider-simbahan na malapit sa mga maralita. Noong Abril 2005, nang mamatay si Pope John Paul II, itinuring siyang isa sa nangungunang papabiles o kandidato sa pagka-Santo Papa. Nang mahalal ang Aleman na si Joseph Ratzinger bilang Santo Papa (at naging Pope Benedict XVI), nagdesisyon si Bergoglio na magretiro.

Pero noong Pebrero 2013, biglang inanunsiyo ni Pope Benedict XVI na magbibitiw siya bilang Santo Papa (dahil umano sa kanyang mahinang kalusugan). Sa isang sorpresang botohan, nahalal si Bergoglio bilang susunod na lider ng Simbahang Katoliko. Pinili niya ang pangalang Francis, mula kay St. Francis of Asisi, ang patron saint ng mga Katoliko sa mahihirap.

Bilang Pope Francis, nakitaan ang Santo Papa ng pagpapakumbaba at simpleng pamumuhay. Tumanggi siyang tumira sa malaking mansiyon sa Vatican City. Tinanggihan din ni Francis ang mamahaling Popemobile, o ang bullet-proof na sasakyan ng mga santo papa, at nagmantine ng mumurahing sasakyan. Pana-panahong nakita rin siyang sumasakay sa mga bus at tren.

Maraming deklarasyon si Pope Francis na maituturing na progresibo. Kabilang dito ang pagsabing “sino ako para maghusga” sa mga bading at lesbiyana o mga miyembro ng komunidad ng LGBT. Binatikos din niya sa publiko ang mga opisyal ng simbahan na nagmamantine ng magagarbong mansiyon at enggrandeng lifestyle.

Bago naging Santo Papa, arsobispo sa Buenos Aires, Argentina si Cardinal Jorge Mario Bergoglio. Madalas umano umakay sa pampublikong tren ng lungsod si Bergoglio.

Bago naging Santo Papa, arsobispo sa Buenos Aires, Argentina si Cardinal Jorge Mario Bergoglio. Madalas umano umakay sa pampublikong tren ng lungsod si Bergoglio. CNS photo

Naging matinik na kritiko siya ng kapitalismo, ng pag-aari ng iilan sa mayorya ng kayamanan ng mundo.
Noong Setyembre 2013, pinulong niya ang isa sa mga tagapanguna ng liberation theology, si Fr. Gustavo Gutierrez ng Peru. Liberation theology ang isang tradisyon sa loob ng Simbahang Katoliko na nagyayakap sa “propetikong misyon ng simbahan”, kabilang ang aktibong paglahok ng mga nananampalataya sa pakikibaka ng sambayanan para sa kalayaan at demokrasya.

Matagal na kinokontra ng matataas na opisyal ng Simbahang Katoliko ang liberation theology.

Kabilang sa mga lumaban sa tradisyong ito si Pope John Paul II at Pope Benedict XVI, noong siya’y Bishop Ratzinger pa. Noong obispo, arsobispo o kardinal pa, hindi rin naman aktibong sinuportahan ni Bergoglio ang liberation theology. Pero ayon sa ilang mananaliksik, tahimik lang na sumang-ayon si Bergoglio sa pakikilahok ng mga pari at nananampalataya sa pakikibaka ng sambayanan.

Nagpahayag na rin siya ng pagpanig sa karapatan ng mga manggagawa, gayundin sa reporma sa lupa sa mga magsasaka. Tinataguyod din umano ni Pope Francis ang karapatan ng mga migrante, pangangalaga sa kalikasan mula sa pandarambong ng malalaking korporasyon, at iba pang demokratikong karapatan ng mga mamamayan.

Noong Oktubre 2014, pinangunahan ni Pope Francis ang World Meeting of Popular Movements, isang pagtitipon ng mga social movement o mga kilusang masa sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Sa pagtitipong ito, hinikayat ng Santo Papa ang mga kilusang masa na ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa mga istruktura sa lipunan na nagpapanatili ng kahirapan at pagsasamantala sa mayorya ng mga mamamayan.

“Hindi na makakapaghintay ang mahihirap, nais na nilang lumahok; nag-oorganisa sila, nag-aaral, nagtatrabaho, gumigiit, at higit sa lahat, nagbubuo ng espesyal na pagkakaisa sa pagitan nilang naghihikahos at naghihirap,” sabi niya.