Main Story

Mga inetsa-puwera sa pagbisita ni Papa Kiko sa Pilipinas


Mga Pilipino, mainit na tinanggap si Pope Francis, suporta niya hiniling sa iba’t ibang isyung pambayan.

[cycloneslider id=”day-1-papal-visit”]

PW-POPE-FRANCIS-SA-PINAS-iconSa bawat kalsadang dinaanan niya, naroon sila—libu-libong mamamayang Pilipino sa Kamaynilaan na mainit na tumanggap sa pagdating sa Pilipinas ng Santo Papa.

Mula paliparan sa Villamor sa Paranaque City hanggang tirahang Apostolic Nunciature sa kanto ng Quirino at Taft Avenue, Maynila ang siksikang tao na luminya sa tabi ng daang binaybay ng motorcade ni Pope Francis.

Samantala, sa Liwasang Bonifacio, Maynila umaga ng Enero 15, sinimulan ng progresibong mga grupo ang “People’s Welcome” kay Pope Francis sa pamamagitan ng isang ecumenical service na nilahukan ng daan-daang magsasaka, manggagawa at bahagi ng iba’t ibang mardyinalisadong sektor sa lipunang Pilipino.

Bitbit nila ang iba’t ibang isyung pambayan—mula korupsiyon sa administrasyong Aquino, paglabag sa mga karapatang pantao at di-umuusad na usapang pangkapayapaan, hanggang kawalan ng tunay na repormang agraryo sa bansa—na nais nilang idulog sa Santo Papa para suportahan.

Kapanalig sa laban

“Malay kami sa progresibo at maka-mahihirap na tindig ng Papa na laman ng ‘Joy of the Gospel’ (Evangeli Gaudium) at iba pang pampublikong mga pahayag. Sang-ayon kami sa kritika niya sa mapang-api at mapagsamantalang pandaigdigang sistema ng ekonomiya na inuuna ang pagkamal ng kita higit sa kapakanan ng tao,” pahayag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ani Reyes, umaasa ang Bayan na makikita ni Pope Francis ang tunay na sitwasyon ng mahihirap sa Pilipinas sa kanyang pagbisita sa bansa. Nananatili umanong atrasado at di-maunlad ito, at tumitindi ang kahirapan, kawalan ng empleyo, kagutuman at sapilitang migrasyon.

“Itinutulak ng hangarin natin para sa makabuluhang pagbabago sa bansa at palayain ang mahihirap at pinagsasamantalahan na tanggapin ang lahat ng tao na tumitindig at nakikibaka para sa hustisya at kapayapaan,” sabi ni Fr. Ben Alforque, isa sa relihiyong mga lider na lumahok sa ecumenical service at lider ng Promotion for Church People’s Response (PCPR).

Mula Timog Katagalugan, Hacienda Luisita sa Tarlac, at iba pang lugar at probinsiya naman ang mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na lumahok sa “People’s Welcome” at nagtayo ng kampuhan sa Liwasang Bonifacio.

Sabi ni Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP, pagkakataon ang pagbisita ng Santo Papa na himukin ang mga nananampalataya sa simbahang Katoliko, at kahit ibang relihiyon, na lumahok sa pakikibaka nila para sa tunay na reporma sa lupa.

“Hinihiling namin kay Pope Francis na itakwil ang mga monopolyo sa lupa at malawakang pangangamkam ng lupa na nagtataboy sa mga magsasaka mula sa kanilang mga lupa. Pinahahalagahan ng maraming turo ng Simbahang Katoliko ang dignidad ng gawain sa agrikultura at proteksiyon ng mga mamamayan sa kanayunan mula sa monopolyo at napakasamang pagsasamantala sa ating mga lupa dahil sa kasakiman ang paghangad ng kita,” ani Flores.

Kasama sa mga nagkampo ang mga magsasaka mula sa San Jose del Monte sa Bulacan, Hacienda Dolores sa Porac, Pampanga, Yulo King Ranch sa Coro at Busuanga sa Palawan, at lupaing inaangkin ng pamilya ni Pangulong Aquino na Hacienda Luisita sa Tarlac. Sa mga lugar na ito, nahaharap ang mga magsasaka sa paglaban sa pangangamkam ng lupa at kawalan ng sariling lupang sinasaka.

Kalahok din sa “People’s Welcome” ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Sinabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU, na kinikilala nila ang maka-manggagawang mga tindig ng Santo Papa sa maraming isyu ng paggawa kabilang ang kontraktuwalisasyon.

“Malugod na tinatanggap ng All Workers’ Unity si Pope Francis sa Pilipinas. Umaasa kami na magsasalita muli siya para sa karapatan ng mga manggagawa sa bansa,” sabi ni Soluta.

All Workers’ Unity ang kalipunan ng mga grupo ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor na nananawagan ng pagbalik ng National Minimum Wage sa kanilang hanay at pagtakda nito sa halagang di-bababa sa P16,000 kada buwan.

Sa isang footbridge malapit sa Liwasang Bonifacio, nagladlad ang Kabataang Artista Para sa Tunay na Kalayaan (Karatula) ng isang 30-feet na tapestry painting na nagpapakita ng imahen ni Pope Francis, kasama ang mga miyembro ng iba’t ibang mardyinalisadong sektor sa lipunang Pilipino.

“Gusto naming tanggapin ang pagdating ng Papa ng isang imahe na di nagtatago ng kahirapan at problema ng mga mamamayang Pilipino,” sabi ni Einstein Recedes, tagapagsalita ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) at isa sa mga organisador ng Youth Camp kasama ang Karatula.

Kasama rin sa mga tumanggap kay Pope Francis ang mga manggagawang pangkalusugan, mga kawani sa gobyerno, at iba pa na kalahok sa Network Opposed to Privatization (NOP), na network na nangangampanya laban sa pagsasapribado ng pampublikong mga ospital, serbisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong panlipunan.

“Ang piniling motto ni Pope Francis ay ‘miserando ataque eligendo‘, o mapagkumbaba pero pinagpala.

Kailangang malaman niya ang katotohanan na kabaliktaran na ang pinili ng gobyerno: (pinili nito) ang pribadong mga interes at kasakiman sa negosyo kaysa kapakanan ng masa. Pinamumunan (ang Pilipinas) ng mga tao na lumilihis mula sa ehemplo ni Kristo,” sabi ni Dr. Darby Santiago, tagatipon ng NOP.

Kalahok din sa malugod na mga tumanggap sa Papa ang mga grupong pangkarapatang pantao. Ayon sa Karapatan, umaasa rin silang mabibigyan-pansin ng lider ng Simbahang Katoliko ang sitwasyon ng Pilipinas at malawakang paglabag diumano ng administrasyong Aquino sa karapatan ng mga mamamayan.

Naglunsad din ng fasting ang halos 500 bilanggong pulitikal sa 43 kulungan sa bansa para makuha ang atensiyon ni Pope Francis at suportahan ang panawagan para sa kanilang pagpapalaya at pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa NAIA Road sa Paranaque City, nagladlad ng malaking istrimer ang Migrante International na nananawagan sa Santo Papa na suportahan ang paglaban sa korupsiyon at kasakiman sa gobyerno. Sinabay nila ito sa pagdaan ng motorcade ni Pope Francis mula sa Villamor Airbase.

Overkill

Binatikos din ng progresibong mga grupo ang anila’y labis na presensiya ng mga militar at pulis para sa kaligtasan diumano ni Pope Francis.

Gaano man kaenggrande ang welcome rites o sobrang pag-areglo sa seguridad ng kasalukuyang administrasyon ang makakapagtago sa halatang kahirapan at kawalan ng hustisya sa lipunang Pilipino, lalo na sa harap ng mga eskandalo sa korupsiyon na yumanig sa bansa nitong huling mga taon,” sabi ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Inireklamo, hindi lang ng progresibong mga grupo, kundi ng ordinaryong mga mamamayan na nagbantay sa mga kalsadang daanan ng Papa, ang pagbuhos ng mga pulis, miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA), mga volunteer, na humarang sa tabi ng daanan para raw seguruhin ang kaligtasan ni Pope Francis. Matindi rin ang paghihigpit ng Philippine National Police sa mga mamamayang nagpapahayag ng suporta sa Santo Papa sa pamamagitan ng mga plakard na naglalaman ng mga isyu ng mga mamamyan.

Bibisitahin tayo ng mahal ng Santo Papa upang ituro ang Gospel sa pinakamahihirap na mga Pilipino. Pero paano tayo makakapagdasal kasama ang Santo Papa kung mga baril ng kasundaluhan, shields at batuta ng mga kapulisan ang ihaharap sa atin?” sabi ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap.

Binatikos din ng KMU ang matinding pagdeploy ng mga pulis at militar sa mga lugar na bibisitahin ng Santo Papa, gayundin ang matinding paghihigpit nito sa mga mamamayang dadalo sa mga aktibidad ng Papa.

Lumalabas na gusto ni Aquino na tanggapin ang pagdating ni Pope Francis nang may takot, hindi pag-asa, sa ating mga puso. Hindi niya (Aquino) gustong magtipon ang mga Pilipino para pakinggan ang Papa na kilala sa pagsalita para sa mga manggagawa, mahihirap at pinagsasamantalahan, at laban sa korupsiyon at kontra-mahihirap na mga lider,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Pinuna naman ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang mga polisiyang panseguridad na pinapatupad ng administrasyong Aquino sa ngalan ng pagbisita ng Papa. Kasama rito ang “No Sail Policy” para sa mga mangingisda sa Manila Bay at “No Vending Policy” para sa mga tindera at sidewalk vendors sa Rizal Park at sa mga rutang dadaanan ni Pope Francis.

Kung masusunod ang Papa, tiyak na hindi papayagan nitong masira ng pagbisita niya (sa Pilipinas) ang kabuhayan ng mahihirap na mga Pilipino kahit isang araw, sa kabila ng sinasabing banta raw sa kanyang seguridad,” sabi ni Gloria Arellano, tagapangulo ng Kadamay.


<b>Malacanang Photo Bureau</b>
Malacanang Photo Bureau

 SIDELIGHTS SA UNANG ARAW NI POPE FRANCIS SA ‘PINAS

ni Yanni Fernan

1. Nagbuo ang administrasyong Aquino ng Task Force Security and Public Order na binubuo ng 18 ahensiya ng gobyerno at simbahan. Nasa pamumuno ito ni Interior Sec. Mar Roxas. Sa bawat aktibidad ay may assigned authority. Presidential Security Group ang direktang close-in ng Santo Papa.

2. Alas-tres pa lang ng umaga ng Jan 15 ay may vigil na ang volunteers lalo na sa Apostolic Nunciature. Ang volunteers na ito ang tinatawag na “human barricade volunteers.’” Nagmumula sila sa parishes at bumubuo ng three-layered barricade sa mga ruta ng Papa. Ang unang layer ay binubuo ng “human barricade volunteers,” ang pangalawang layer ng barangay at pulis, ng pangatlo ay concrete cement. Dismayado ang mga tao dahil hindi sila makalapit sa Papa.

3. Magkakaroon ng interfaith dialogue ang Papa sa ilang piling ecumenical leaders para pag-usapan ang common issues tulad ng corruption, climate change, peace talks, elections. Sabi ni Bishop Ephraim Tindero, pinuno ng Philippine Council of Ecumenical Leaders, “the Pope is not just a religious but a political leader.”

4. Sabi ni Cardinal Tagle, alam ng Papa ang nangyayari sa Pilipinas dahil parati silang nagpapadala ng mga litrato at mensahe sa Papa.

5. Maglalabas ang Papa ng encyclical on climate change matapos ang bisita sa Tacloban.

6. Hinarangan ng trak ng pulis ang mga plakard ng mga nagsimpatya kay Pope sa Baclaran.

7. Sa kabila ng hakbang ng gobyerno na itago ang tunay na mga isyu sa bansa, nakober kahapon at ngayon ang mga protesta ng progresibong mga grupo: Liwasang Bonifacio, Kabataan, mud walk sa Nuncio, People Surge sa Tacloban City, mga isyung pangkarapatang pantao, aksiyon ng mga guro. Nakita rin sa TV at nakuhanan ang mga istrimer at islogan. Malaganap ang pagtanggap ng pahayag ng Student Christian Movement at iba pang grupong pangkabataan sa national at international press.

8. Disappointed at may ilang bata na hayagang napaiyak sa Villamor Airbase nang wala na halos ang Papa nang nagsayaw sila at hindi nila ito nakita. Halos dalawang buwan silang nagpraktis ng sayaw. Naharangan din sila ng hilera ng mga pulitiko, miyembro ng gabinete at obispo ng Simbahan.

9. Sa kabila ng pagbawal ng mga payong at sumbrero, parang kabuteng sumulpot ang mga gaheto ng mga tao nang dumaan na ang convoy. Kahit mga pulis, tumitingin at/o kumukuha ng litrato nang dumaan ang Popemobile.