Natatanging Progresibo ng 2014

January 1, 2015

PW-natatanging-progresibo-2014-01-featured


Nasa dulo
na naman tayo ng taon—at nasa unahan ng bago. Tulad ng nakaraan, pagkakataon ito para balikan ang huling 12 buwan, para sa mga tagumpay at kabiguan, para sa tumampok at lumubog. Sa Pinoy Weekly, taun-taon na naming inilalabas ang listahang ito para balikan ang tagumpay ng progresibong mga puwersa sa nakaraang taon. Pagkilala ito sa mga nag-ambag, kolektibo man o indibidwal. Pero, higit dito, nagsisilbing inspirasyon ito para sa susunod na taon, para higitan ang mga tagumpay at isulong ang progresibong pagbabago.

Natatanging progresibong kilos-protesta

PW-natatanging-progresibo-2014-manilakbayanMahigit 300 katutubo, magsasaka at indibidwal mula sa iba’t ibang sektor sa buong isla ng Mindanao ang naglakbay mula sa kanilang mga komunidad patungong kabisera ng bansa, Maynila, noong kalagitnaan ng Nobyembre hanggang Disyembre 10 para sa Manilakbayan ng Mindanao. Ang layunin ng lakbay: Ihayag ang isyung dapat naman talagang binibigyan-pansin ng midya at pinaglalaanan ng panahon ng gobyerno—ang malawakang paglabag ng karapatang pantao sa maraming komunidad ng mga katutubo at magsasaka sa Mindanao. Halos kadikit ng malulupit na operasyong militar ang malalaking komersiyal na pagmimina na sumasaklaw sa mga lupaing katutubo at agrikultural, kung kaya matindi ang paglaban ng mga mamamayan. Sa mga operasyong militar, malaganap ang paglabag ng karapatang pantao, mula sa pamamaslang sa mga lider-katutubo hanggang pag-okupa sa mga eskuwelahan at iba pang gusaling sibilyan.

Ipinakita ng mga Manilakbayani ang kolektibong determinasyon na labanan ang pang-aabuso. Sa pagdaan nila sa Bikol, sinalubong sila ng pakikiisa ng maraming Bikolano. Gayundin sa Timog Katagalugan. Marami sa mga miyembro ng mga organisasyong masa sa Timog Katagalugan ang sumama pa sa paglakbay ng mga Mindanaoan mula Quezon, Laguna at Cavite patungong Maynila. Sa mahigit isang buwan nila sa Kamaynilaan, inikot ng mga Manilakbayani ang mga unibersidad, komunidad at estasyon ng radyo at telebisyon (kahit na madalas na di-nailalabas ang kanilang mga isyu rito), at nakasama nila ang iba’t ibang sektor. Tunay na nakakabilib na pagpapamalas ng pagkakaisa at militansiya ang Manilakbayan.

Honorable Mentions: Muling dumagsa ang mga mamamayan sa protesta kontra sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino noong Hulyo; sa kabila ng pagbomba ng water cannons, nanindigan ang mahigit 30,000 katao para ilantad ang tunay na lagay ng bayan. Tatlong buwan matapos ang pagragasa ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas, nagmartsa silang mga biktima, humigit-kulumang 10,000 katao, mula Samar at Leyte, patungong Tacloban City para ipahayag ang kriminal na pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa kanilang mga biktima. Matapos ito, tumungo ang ang mga lider ng People Surge sa Kamaynilaan para ikampanya sa iba’t ibang ahensiya at midya ang kanilang kalagayan. Inulit—at hinigitan pa—nila ito sa protesta sa Tacloban noong isang taong anibersaryo ng Yolanda. Nitong Disyembre 26, kahanga-hanga ang matapang na pagdalo ng 10,000 katao mula sa iba’t ibang probinsiya ng rehiyong Caraga sa kabundukan ng Surigao del Sur sa Mindanao para dumalo sa malaking pagdiriwang para sa ika-46 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines. Sa naturang pagtitipon, nabigyan ng pokus ang hangad ng mga mamamayan na maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan at gobyerno ng Pilipinas.

Natatanging progresibong organisasyong masa

PW-natatanging-progresibo-2014-people-surgeIpinakita ng mga biktima ng bagyong Yolanda na nagbigkis sa ilalim ng People Surge ang kahanga-hangang pagkakaisa para singilin ang isang “pabayang” gobyerno na anila’y inuuna pa ang pagpapabor sa dayuhan at malalaking mamumuhunan sa Eastern Visayas sa halip na tugunan ang aktuwal na pangangailangan ng mga mamamayan doon. Isang taong nangampanya ang People Surge, mula sa tarangkahan ng Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, Department of Energy, tanggapan ng rehabilitation czar, hanggang sa Malakanyang mismo, para igiit ang agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima at panagutin ang gobyernong nagpabaya. At hindi pa tapos ang laban nila—di pa tapos ang pagpapanagot. Desidido ang People Surge na gawing pagkakataon ang pagbisita ni Pope Francis ngayong Enero 2015 para muling ipakita ang abang kalagayan ng milyun-milyong Pilipino sa Eastern Visayas mahigit isang taon matapos ang bagyo.

Natatanging progresibong lider-masa

PW-natatanging-progresibo-2014-neri-colmenares-01Mistulang naging tagapagsalita si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa paglaban sa pork barrel dahil sa kanyang walang-pagod na exposes at pagpapaliwanag sa publiko hinggil sa kadalasa’y kumplikadong proseso ng pagpapatuloy ng pork barrel sa nakaraan at kasalukuyang pambansang badyet. Sa loob ng Kamara, na siyang pugad ng mga tagadepensa sa pork barrel, naging matapang at artikulanteng lider-masa si Colmenares na nagmamatyag sa mga kilos ng mga alyado ng pangulo, mula sa budget hearings hanggang sa plenary sessions. Sa labas ng parlamento, mas maingay siya—nagsasalita sa mga kilos-protesta at midya para manatili sa atensiyon ng madla ang napakahalagang isyung tila nais ng administrasyong Aquino na kalimutan na natin.

Honorable Mentions: Tumampok din sa pag-expose ng nagpapatuloy na iba’t ibang porma ng pork barrel sa 2014 badyet si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, na nagsiwalat ng kanyang recordings ng ilang sesyon ng Ehekutibo at Lehislatibo kung saan mismong sinabi ng mga opisyal ng administrasyon na ipinagpapatuloy nila ang sistema ng lump-sum appropriations para sa mga kongresista. Mainam ding pagpugayan ang artikulanteng tagapagsalita ng People Surge, ang tagapangulo nitong si Dr. Efleda Bautista, na naging boses at mukha ng mga biktima ng Yolanda na naghahangad ng hustisya at agarang tulong.

Natatanging progresibong alyansa o koalisyon

peoples-initiative-pork-barrel-2Iba’t ibang grupo at sektor ang nagkaisa para ilunsad ang isang People’s Initiative To Abolish the Pork Barrel System (PIAP). Isa itong legal na inisyatiba para maisabatas ang pagbabawal sa lahat ng klase ng pork barrel sa gobyerno. Nagbigkis ang iba’t ibang grupo at personahe ng simbahang Katoliko, Kristiyano at Muslim, gayundin ang anti-pork barrel advocates tulad ng Scrap Pork Network, at, siyempre, progresibong mga organisasyon, para makakalap ng pirma ng di-bababa sa 10 porsiyento ng kabuuang bilang ng registered voters sa buong bansa, o 5.2 milyon—tatlong porsiyento nito’y dapat manggaling sa bawat distrito. Mula noong Agosto hanggang sa kasalukuyan, naglulunsad na ng iba’t ibang pirmahan. Sa susunod na taon, paiigtingin pa ang inisyatibang ito.

Honorable Mention: Nakakalap ng malawak na suporta sa iba’t ibang sektor hanggang sa ilang personahe ang Save Our Schools Network (SOS), isang network ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata, lalo na sa alternative schools, para makapag-aral nang malaya sa pananakop at pananakot ng militar.

Natatanging progresibong desisyon ng gobyerno

PW-natatanging-progresibo-2014-supreme-court-decision-DAPMagandang balita para sa mga mamamayang kontra sa pork barrel at katiwalian sa gobyerno ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang ilegal ang esensiyal na mga bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP), ang presidential pork barrel o bilyun-bilyong pork barrel ni Aquino na kathang-isip ni Budget Sec. Florencio Abad at buong ipinagmalaki mismo ng Pangulo sa kanyang mga talumpati sa telebisyon.

Natatanging progresibong opisyal ng gobyerno

PW-natatanging-progresibo-2014-duterteNaging konsistent si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagpanig sa mga mamamayan sa iba’t ibang isyu. Inihayag niya ang pagtutol sa presensiya ng tropang Amerikano sa Mindanao at sa buong bansa. Nakipag-usap siya sa mga opisyal ng militar sa Southern Mindanao para sa mga Manobo na sapilitang lumikas sa kanilang mga komunidad sa Talaingod, Davao del Sur dahil sa militarisasyon. Sumang-ayon siya sa makabayang mga plataporma ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon—kung sakaling magiging pangulo ng bansa. Pabor diumano si Prop. Jose Maria Sison sa kanyang posibleng pagtakbo. Pero patuloy ni Duterte na itinatanggi na may plano siyang tumakbo, sa kabila ng popularidad niya sa mga mamamayang tila nagsawa na mga pulitikong batat ng pakikipagkompromiso ang mga kilos. Marami pa ring bumabatikos kay Duterte, lalo na sa usapin ng paggamit ng kamay-na-bakal sa pagsugpo diumano sa kriminalidad sa Davao—ito ang isang isyu na dapat niyang harapang sagutin at tindigan nang tama.

Natatanging progresibong mambabatas

PW-natatanging-progresibo-2014-miriam-santiagoSa kabila ng pagkakasakit ng kanser, laman ng mga balita si Sen. Miriam Defensor Santiago, hindi lang dahil sa kanyang patok na mga hirit at pick-up lines, kundi dahil sa kanyang prinsipyado at matalas na pagtindig para sa pagbabasura ng Visiting Forces Agreement (VFA) at paglaban sa Ehanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na aniya’y malinaw na pumapabor sa Estados Unidos (US) at nagpapahamak sa Pilipinas.

Samantala, taun-taon naming kinikilala ang ambag ng Makabayan bloc (Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Anakpawis, Kabataan at ACT Teachers) na siyang boses ng mardyinalisadong mga mamamayan sa loob ng Kamara. Ngayon taon, muling pinamalas nila ang gilas at prinsipyadong pagtindig laban sa anila’y korap, papet at marahas na administrasyong Aquino, sa pamamagitan ng pag-endorso ng mga reklamong impeachment laban kay Pangulong Aquino. Sila lamang, at wala nang iba, ang tunay na oposisyon sa loob ng Kongreso.

Natatanging progresibong midya

PW-altermidya-01Sa lalong paglakas ng alternative media bilang source ng importanteng mga istorya, opinyon at pagsusuri hinggil sa mga isyung pambayan mula sa punto-de-bista ng mardyinalisadong mga mamamayan, tinatag kamakailan ang Altermidya – People’s Alternative Media Network. Ito’y network ng alternative media groups at alternative media practitioners na naglalayong isulong ang praktika ng pamamahayag at gawain sa midya na di nababahiran ng commercial values, at aktibong nagpapahayag at nagsusulong ng interes at kagalingan ng inaaping mga sektor sa lipunang Pilipino. Isang National Conference of Alternative Media ang isinagawa sa UP College of Mass Communication para pasimulan ang Altermidya. Kalahok ang Pinoy Weekly at PinoyMedia Center sa Altermidya.

Natatanging progresibong pagtatanghal

PW-natatanging-progresibo-2014-nanay-mamengMahalaga ang ambag ng Nanay Mameng: Isang Dula ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa pagsusulong ng teatro at pagtatanghal na maka-maralita at maka-mamamayan. Sa pamamagitan ng progresibong mga awit at pagsasadula ng ilang aspekto ng buhay ng tinitingalang lider-maralita na si Carmen “Nanay Mameng” Deunida, nasilayan sa entablado ang maningning na ehemplo ng pagyakap ng isang maralita sa pambansang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya. May ilang teknikal at naratibong kahinaan ang pagsasadula, pero pangunahin pa rin ang napaka-positibong ambag nito sa kilusan ng mga maralitang lungsod at kilusang masa.

Honorable Mentions: Dalawang pagtatanghal sa mainstream na teatro ang nasubaybayan ng Pinoy Weekly na hinangaan nito dahil sa nilalaman at porma ng mga dula: ang Rak of Aegis, isang musical ng Philippine Educational Theater Association (PETA) at Kleptomaniacs: A Rap Musical ng Tanghalang Pilipino. Tulad ng Nanay Mameng, setting ng dalawang musical na ito ang komunidad at kultura ng maralitang lungsod. Ginamit na porma ng musical ang dalawang musical strands na pamilyar at popular sa mga maralitang lungsod: ang popular na awiting pa-birit ng bandang Aegis, at ang Pinoy hiphop (sa gabay ng tanyag na rapper na si Gloc-9). Simpatetiko ang dalawang dula sa buhay at pakikibaka ng mga maralita, bagamat hindi dumulo ang mga kuwento sa lantarang paglahok sa pambansang kilusan o sa kolektibong pagkilos para sa pagbabago.

Natatanging progresibong pelikula

PW-natatanging-progresibo-2014-barbers-talesNatatangi ang Mga Kuwentong Barbero o Barber’s Tales (dinirehe ni Jun Lana) sa mainstream na mga pelikulang Pilipino nitong huling taon sa pagkukuwento ng kababaihang inaapi sa isang lipunang piyudal-patriyarkal at isang panahon ng lantarang pandarahas ng estado sa mga mamamayan. Naganap ang kuwento ni Marilou, biyuda ng isang barbero, at mga kaibigan niya sa isang baryo ng maralitang probinsiya noong panahon ng Batas Militar ni Marcos. Mahusay at nakakaaliw ang paraan ng pagtahi sa iba’t ibang klase ng pang-aapi sa maralitang babae, at swabe ang magiging kahinatnan ni Marilou sa dulo.

Honorable Mentions: Kahanga-hanga rin ang malinaw at nakakaaliw na pagsasadula ng pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo (dinirehe ni Enzo Williams) sa ilang mahalagang aspekto ng buhay ni Andres Bonifacio na di-gaanong natatalakay sa mainstream media at maging sa mga paaralan. Pangunahin dito ang pagiging unang pangulo ng Supremo, ang pangunguna niya sa pambansang rebolusyon kontra sa kolonyalismong Espanyol, at ang pagkakanulo sa kanya ng ilang burgis na lider ng Katipunan. Kinilala at tiningala sa buong mundo ang pinakahuling magnum opus ni Lav Diaz na Mula sa Kung Ano ang Noon na nagkukuwento—sa meditative at metikulosong paraan na tila si Diaz lang ang makakagawa—ng mga misteryo at histerya sa kanayunan noong panahon ng Batas Militar.

Natatanging progresibong libro

PW-natatanging-progresibo-2014-detention-defiance-vs-dictatorship-sisonInilabas nitong Disyembre ang ikaapat sa serye ng limang koleksiyon ng mga sulatin ni Prop. Jose Maria Sison. Pinamagatang Detention and Defiance against Dictatorship, sinakop ng libro ang mga sulatin ng dakilang lider-progresibo mula nang maaresto siya ng diktadurang Marcos noong Nobyembre 10, 1977 hanggang mapalaya siya—sa presyur ng kilusang masa—ng unang rehimeng Aquino noong Marso 5, 1986. Sa kanyang polemikal at pulitikal na mga sulatin, pinakita ni Sison ang tatag ng kanyang paninindigan para sa inaaping sambayanan sa kabila ng direktang panunupil sa kanya ng pasistang diktadura.

Honorable Mentions: Dalawa lang ito sa ilang libro ng progresibong mga manunulat na inilabas nitong 2014: ang Hay Naku! 2013 (ni Prop. Danilo Arao, inilathala ng PMC), at Sa Pamumulaklak ng mga Talahib (Rogelio Ordonez, inilathala ng PUP Center for Creative Writing). Ehemplo ang libro ni Prop. Arao ng matalas na pagmamasid at paglahok ng isang mamamahayag at propesor sa mga isyu ng mga mamamayan. Ehemplo naman ng matalas na panulaang naglilingkod sa sambayanan ang mga tula ni Ordonez. Kinikilala rin ang paglunsad ng State of Fear na libro ng alternative media outfit na Davao Today ng masaklaw at mahusay na koleksiyon ng mga ulat ng mga mamamahayag ng Davao Today hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng mga administrasyong Arroyo at Aquino.

Natatanging progresibong sining-biswal

handcuffed-aquinoNakakagimbal sa publiko ang malaking mural na naka-display sa protesta kontra sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino noong Hulyo 2014: imahen ni Aquino sa isang guillotine. Nangangahulugan ang imaheng ito, marahil, ng klase ng hustisya na hangad ng sambayanan sa isang itinuturing nilang despotikong pinuno at “hari-harian”. Ekspresyon ng takot ang nakapinta sa mukha ng imahen ng Pangulo—ang ekspresyong sukol na siya, dahil nagkakaisa na laban sa kanya ang nag-aalsang mga mamamayan.

Honorable Mention: Bagamat maraming progresibong likhang-sining na kahanga-hanga ang iniluwal ng mga artista ng bayan ngayong taon sa mga protesta, mga gallery at mga espasyong pampubliko, natatangi ang likha ng documentary photographer na si Jes Aznar na pinamagatang #HLMX. Serye ito ng mga larawan niya sa paglaban sa Hacienda Luisita, mula noong sumiklab ang welga at naganap ang masaker sampung taon na ang nakaraan, hanggang ngayon. Natatangi ang mga imahe, pero natatangi rin ang paraan ng display: ang pagpaskil ng pinagdikit-dikit na printouts ng mga larawan sa iba’t ibang pampublikong espasyo, mula sa mga pamantasan, hanggang sa dingding mismo na naghihiwalay sa mga nagpoprotestang magsasaka ng asyenda at despotikong manedsment ng Central Azucarera de Tarlac.

Natatanging progresibong pandaigdigang pagtitipon/protesta

PW-natatanging-progresibo-2014-peoples-climate-marchDaan-daang libong mamamayan ang lumahok sa People’s Climate March sa New York City, USA at iba pang bahagi ng Estados Unidos para ipresyur ang iba’t ibang gobyerno (lalo na ang mga gobyerno ng imperyalistang mga bansa pangunahin ng US) para gumawa ng radikal na mga hakbang para tugunan ang climate change. Kalahok sa martsang ito ang ilang Pilipinong progresibong grupo. Kasama sa Global Climate Ambassadors ng naturang martsa si Dr. Efleda Bautista ng People Surge.

Natatanging progresibong solidarity action

PW-natatanging-progresibo-2014-bayan-usa-solidarity-actionPagpapamalas ng pakikiisa sa pakikibaka ng mga mamamayang Aprikano-Amerikano (at iba pang people of color sa US) laban sa rasismo at diskriminasyon ang paglahok ng mga grupong progresibo tulad ng Bagong Alyansang Makabayan-USA sa mga protesta kontra sa desisyon ng mga korte ng US na di-litisin ang mga pulis na salarin sa pagpatay kay Eric Garner sa Staten Island, New York noong Hulyo at Michael Brown sa Ferguson, Missouri noong Agosto.

Honorable Mention: Natatangi rin ang pakikiisa ng mga migranteng Pilipino sa mga protestang maka-demokrasya ng mga estudyante sa Hong Kong.

Natatanging progresibong artista

PW-natatanging-progresibo-2014-nora-aunorMatagal nang ipinamalas ni Nora Aunor ang pagkiling niya sa progresibong mga prinsipyo. Pero ngayong taon, tumindig ang Superstar kontra sa administrasyong Aquino, sa pamamagitan ng pagsuot ng t-shirt na may nakasulat na “Proud to be Filipino, Ashamed of my government”. Sa gitna ito ng kontrobersiyal na desisyon ng Malakanyang na tanggalin ang pangalan ni Aunor sa listahan ng mga gagawaran ng National Artist Awards para sa 2014. Samantala, higit pa rito, tumanggap din si Aunor ng pagkilala mula sa grupong pangkababaihan na Gabriela para sa pagiging mukha at boses ng kilusan kontra base-militar ng Kano sa pelikulang Minsa’y Isang Gamugamo. Aktibong sumuporta rin siya sa laban ng mga guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers para sa dagdag-suweldo at benepisyo.

Honorable Mentions: Kahanga-hanga ang pagpapakita ni Robin Padilla ng suporta sa paglaban sa EDCA at VFA, gayundin ang tahimik na paglahok niya sa mga protestang kontra-pork barrel. Nilahukan din ni Binoe ang rali para sa paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio. Siyempre, kahanga-hanga rin ang pagprodyus at pag-arte ni Padilla sa mahalagang pelikula na Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Natatangi rin ang pagsuporta ni Maria Isabel Lopez sa maraming isyung pangkarapatang pantao, kabilang ang pangangampanya para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at paglaban din sa pork barrel. Siyempre, taun-taon ding kinikilala natin ang ambag ni Mae Paner, sa aktibong paglahok niya sa paglaban sa pork barrel, paghangad ng hustisya sa mga biktima ng Yolanda at pagtulong sa mga Manilakbayani. Dapat ding kilalanin ang aktibong pagsuporta ni Leo Martinez sa kampanya ng Save our Schools Network laban sa militarisasyon sa mga paaralan.

Natatanging progresibong agaw-eksena

butch-abad-protest-updNagulat ang mga tagasuporta ng rehimeng Aquino sa lightning rally ng mga kabataang estudyante nang bumisita si Budget Sec. Florencio Abad sa School of Economics sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City noong Setyembre. Ayon sa ilang saksi, muntik nang makuyog ng mga estudyante si Abad. Ibinalita sa lahat ng midya ang aksiyong ito at muling naging topic ng debate. Tinawag ng mga tagadepensa nina Aquino at Abad ang mga demonstrador bilang mga “hooligan”. Pero ang mahalaga, naipamalas sa awtor ng Disbursement Acceleration Program na nagmamatyag ang kabataan at pinagpapanagot silang mga may pakana ng maanomalyang mga programa na naghuhuthot sa pondo ng bayan.

Honorable Mentions: Sandaling natigagal si Pangulong Aquino habang nagtatalumpati sa isang unibersidad sa US nang magsagawa ng isa ring lightning rally ang progresibong mga Filipino-American. Layon nilang panagutin umano si Aquino sa mga kasong pangkarapatang pantao at kawalan ng hustisya sa bansa. Matapang na sumigaw naman ang estudyante ng Ateneo de Naga na si Em Mijares ng “walang pagbabago sa ilalim ni Aquino” habang nagtatalumpati si Aquino noong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, sa Naga City. Isang araw na napiit ang lider-estudyante at sinampahan pa ng kaso. Gumuhit din sa publiko ang biglaang pagsigaw ng political prisoner na si Wilma Tiamzon ng pagbati sa New People’s Army na aniya’y “(h)indi matalu-talo ng AFP”.

In Memoriam

PW-natatanging-progresibo-2014-francis-morales-marili-ilagan-2Malaking kawalan ang pagyao ni Francis Morales, tinitingalang progresibong lider, environmentalist at organisador ng mga biktima ng mga bagyong rumagasa sa Mindanao. Tubong Mindanao pero pambansa rin ang naging ambag ni Marili Fernandez-Ilagan sa pagyabong ng pambansa at katutubong teatro at kultura.